Chapter 3

1609 Words
Minsan sa buhay natin ay may mga pagkakataon na akala natin ay kontento na tayo. Lalo na kapag tumatanda na tayo at mayroon ng magandang buhay, madalas wala na tayong hinihiling pa kundi ang maging masaya na lamang. Pero sabi nga nila… life starts at forty. Matapos ng tagpo ni Vangie at Bert ay hindi na ito nawaglit pa sa kanyang isipan. Napag-alaman niya kasi na anak pala ito nila Lucia kaya kahit na sabihin niyang hindi na niya gusto itong magdeliver sa kanya ay hindi ito mapigilan ng magulang nito. Laking Maynila raw ito at kauuwe lang dito sa Samar. Hindi na lamang niya ito pinapansin sa tuwing nagdedeliver sa kanya kahit na panay ang pangungulit nito. Pinakiusapan din kasi siya ng nanay nito na h’wag na lamang papansinin ang binata. Kaya pakiramdam niya ay kinulang talaga ito sa pag-iisip. Maaga pa lang ay nasa lungsod na siya para kumuha ng padala ng kanyang anak, dito lang kasi mayroong remittance center. Katapusan kasi ng buwan ay nagpapadala sila ng allowance sa kanya. Kahit na palagi niyang sinasabihan ang mga ito na h’wag na magbibigay sa kanya ng pera ay patuloy pa rin ang mga ito sa pagpapadala. Sapat na naman kasi sa kanya ang pera na nakukuha niya mula sa tindahan. Kung tutuusin ay sobra-sobra pa nga. Nang makuha niya na ang pera ay dumeretso siya sa bayad center para magbayad ng mga bills niya. Kahit papaano ay nagiging sibilisado na ang probinsya nila. Hindi na mahirap ang byahe papunta sa lungsod dahil mayroon ng mga trysikel. Hindi kagaya noon na motorsiklo lang ang transportasyon nila na halos buwis buhay pa sa tuwing sila ay sasakay. Dahil bukod sa matarik ang kalsada pa punta sa lungsod ay lubak-lubak din iyon. “Neng, tig-kalahating kilo nitong galunggong at tilapia,” aniya sa dalagitang tindera ng isda. “Paki linis na ha?” “Sige po, ma’am.” Tumango na lamang siya rito at saka tumalikod muna. Napangiti siya habang pinagmamasdan ang hilera ng mga tindera rito sa bangketa. Nasa pantalan kasi ang palengke ng lungsod. Katabi kasi n’yon ang ilog na konektado sa pasipiko kaya rito na rin ang bagsakan ng mga isda na nahuhuli ng mga mangingisda. Sa kabilang parte ng pantalan, malapit na sa kalsada ay andoon naman ang talipapa, mga nagtinda ng mga gulay, prutas, at kung ano-ano pa. Patanghali na rin at tirik na tirik na ang araw. Ramdam na rin niya ang pamamasa ng kanyang kili-kili. Kung bakit kasi nakalimutan ko ang payong ko, himutok niya sa kanyang isipan. “Ate, three hundred po lahat.” Napalingon siya sa tindera ng isda. “Okay.” Binuksan niya ang sling bag at kumuha sa kanyang wallet ng tatlong one hundred. Pagkatapos ay iniabot niya iyon sa tindera. “Salamat,” nakangiti niyang sabi. Inabot na niya ang supot ng isda at inilagay iyon sa kanyang bayong. “Vangie?” Natigil siya sa kanyang ginagawa noong mayroong tumawag sa pangalan niya. Paglingon niya sa kanyang gilid ay agad siyang napasimangot. Bumungad kasi sa kanya ang nakangiting mukha ni Bert. “Vangie! Andito ka pala,” anito. “Oh, ba’t biglang nangasim ‘yang mukha mo? Sige ka, papangit ka.” Lalo siyang napasimangot dahil sa sinabi nito. Walang gana na tinapunan niya ito ng tingin saka pumihit na patawid sa kabilang kalsada. Ngunit hindi pa man siya nakatatawid ay bigla na lang pakiramdam niya ay lumutang siya. Parang biglang bumagal ang paggalaw ng kanyang paligid. “Vangie!” gulat na sigaw ni Bert. “Hoy! Tumingin ka nga sa dinadaanan mo!” galit nang sabi nito. Pagkatapos ay sinapo nito ang magkabila niyang pisngi. “Ayos ka lang ba? May masakit ba sa ‘yo?” nag-aalala nitong tanong. “H-Ha?” Napaawang ang bibig niya. Masyadong naging mabilis ang pangyayari para sa kanya. Dahil sa pagmamadali niyang makalayo rito ay hindi niya napansin ang papalapit sa kanyang motor. Lilingon sana siya sa motor na papalayo sa kanila ngunit muling kinabig ni Bert ang kanyang mukha papaharap dito.  “Vangie?” Nanlaki ang mga mata niya noong makitang ilang pulgada na lang pala ang layo ng mukha nila. Ang kulay tsokolate nitong mga mata ay lalong umiitim. Halos magdikit na rin ang tungko ng kanilang mga ilong. At pagbaba ng tingin niya sa mga labi nito ay agad siyang napaatras. Bigla kasing bumilis ang t***k ng kanyang puso. “S-Salamat,” aniya at tumalikod dito. Sinapo niya ang kanyang dibdib at pilit na kinalma ang sarili. Ano’ng nangyari?! Bakit biglang bumilis ang t***k ng puso ko? nalilito niyang tanong sa kanyang isipan. “Ayos ka lang ba? May masakit ba sa ‘yo?” nag-aalala pa ring tanong nito sa kanya. Hinawakan siya nito sa braso ngunit mabilis niya iyong hinatak. Para kasi siyang na kuryente noong magdikit ang kanilang mga balat. “O-Okay lang ako,” aniya at kinuha ang nahulog niyang bayong sa kalsada. Muntik pang lumabas ang isda kaya naman ay inayos niya iyon. Tatawid na sana siya ulit papunta sa kabilang kalsada ngunit natigilan siya dahil biglang kinuha ni Bert ang hawak niyang bayong. “Ano ba?!” “Samahan na kita,” mariin na sabi nito. Hinawakan siya nito sa siko at inalalayan na makatawid. Hindi na siya nagreklamo pa at hinayaan na lamang na hikalin siya ng binata. Masyado pa siyang nagugulat dahil sa nangyari kanina. Sa katunayan, tumanda na siya lahat-lahat ay hindi pa rin siya marunong tumawid ng kalsada. Madalas mangyari sa kanya ito kaya naman ay hindi talaga siya natawid kapag mag-isa lang siya. Naghihintay pa muna siya ng mga kasabay bago tumawid. Pagkarating nila sa kabilang kalsada ay tumigil siya sa paglalakad. Hinili niya ang kanyang braso na hawak nito. “Akin na ‘yang bayong.” Inilahad niya ang kanyang kamay ngunit umiling lamang si Bert. “Sasamahan na kita.” “Akin na sabi!” Sinubukan niyang kuhain ang bayong sa kamay nito ngunit itinaas lamang nito ang kamay. Dahil hanggang dibdib lang siya nito ay bahagya pa siyang napatalon para lamang maabot ang bayong. “Ano ba?!” singhal niya rito. Ngumiti lamang si Bert at bahagya pang itinungo ang ulo para lumapit sa kanya. Nanlalaki naman ang mga mata niya habang inaatras ang ulo. “Ayaw. Samahan na kita.” Nahigit ni Vangie ang kanyang hininga noong maamoy niya ang mabagong hininga ni Bert. Amoy toothpaste iyon at mint. Pero agad din niyang iwinaksi iyon at tumayo ng maayos. Pakiramdam niya ano mang oras ay maha-high blood siya rito kahit wala naman siyang sakit na altapresyon. Hinawakan niya si Bert sa braso at hinila papunta sa dulong parte ng palengke kung saan kakaunti lamang ang mga nadaan na mamimili at mga nagtitinda. Pagkarating nila roon ay nakasimangot niya itong hinarap. “Aba? Dinala mo pa talaga ako rito para masolo mo ako, ha?” hindi makapaniwalang sabi nito. Para bang manghang-mangha ito. “Ikaw!” Dinuro niya ito. “Kung ano man ‘yang trip mo sa buhay. H’wag mo akong sinasali r’yan ha?! Jusko! Tataas dugo ko sa ‘yo eh!” “Trip? Ikaw naman trip ko eh.” Nasapo na ni Vangie ang kanyang noo dahil sa sagot nito. “’Pag ako hindi mo tinigilan ipapa-pulis talaga kita. Maghanap ka ng mga ka-edad mo at yun ang pagtripan mo ha?” “Vangie. Hindi naman kita pinagti-trip-an eh.” “Vangie? Wala ka talaga respeto ‘no?” “Ano ba gusto mong itawag ko sa ‘yo?” “Ate. Gumamit ka ng ate. Mas matanda ako sa ‘yo kaya tumigil ka na Bert. Wala na akong oras para sa mga ganyan ha? Papunta ka pa lang, pabalik na ako.” “Age doesn’t matter, Vangie.” Huminga siya ng malalim. Pakiramdam niya anytime tataas na talaga ang dugo niya. “Bert. Alam ko na ‘yang mga ganyan kaya tumigil-tigil ka na ha? Pakiusap lang? Kung ano man ‘yang intensyon mo sa akin.” Umiling-iling siya. “Wala kang mapapala.” Biglang sumeryoso ang mukha ni Bert. Inilagay nito ang dalawang kamay sa nilukaran at tiningnan siya ng mariin. “Bakit? Ano ba sa tingin mo ang intensyon ko sa ‘yo?” Natigilan si Vangie sa tanong nito. Hindi naman kasi talaga niya alam kung ano ba ang intensyon nito. Ayaw naman niyang maging tamang hinala. Tumikhim siya. “Basta! Tigilan mo na ako kaya akina ‘yang bayong ko.” “Ano nga?” “Masama! Masama ang intensyon mo!” bigla niyang sabi. “Bert. Sa tanda ko na ‘tong ‘to alam ko na ‘yang mga galawan mo. Kaya sorry ha? Akin na ‘yang bayong.” Sinubukan niyang kuhain mula sa likod nito ang bayong niya ngunit umiwas lang si Bert. “Masama? Ganoon ba talaga ang tingin mo sa akin?” “Malamang. Kaya kung balak mo akong manyakin, hindi ‘yan uubra.” “Manyak?” gulat na sabi nito. “Manyak? Sino? Ako?” “Ikaw. Sino pa ba? Hindi mo na ako madadala sa mga ganyan. Alam ko na ‘yan.” Ngumisi si Bert. “Manyak…” mahinang sabi nito. Hindi siya umimik. Bigla kasi siyang nakaramdam ng kaba sa ekspresyon nito. Nakangisi ito ngunit blangko ang ekspresyon ng mukha nito. “Nahalikan ka na naman ‘di ba?” Kumunot ang noo niya. “Ha?” “Kasi hahalikan kita ngayon.” “An-” Hindi na siya nakapagsalita pa dahil bigla siyang siniil ng halik nito.   © 04 – 10 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD