ISANG taon ang nakalipas.
Sa may bungad ng pintuan ng Collegio de San Francisco ay naroroon ang isang pamilyar na binata. Ngunit hindi kapares ng dati, imbes na lumang camisa at kupasing puruntong, nakasuot ito ng magarang kasuutan.
“Bienvinido, Senior Felimon Bustamante.” bati ng prayle sumalubong sa kanya. Malaki ang ibinigay ng donasyon ng kanyang isponsor sa kolehiyo kung kaya’t hindi nakapagtatakang abot-tenga ang ngiti sa kanya ng prayle.
Pagkatapos matagpuan ang bangkay ng kaibigan niyang si Kulas sa lawa ng Laguna, ipinasya ni Felisa na sumapi sa kinabibilangan nitong lihim na samahan, ang Sociedad Secreta
Isang misyon ang ibinigay sa kanya ng Sociedad Secreta – ang hanapin ang binatang nagngangalang Juan Felipe.
Tanging si G. Sergio lamang ang nakakasalamuha ni Felisa mula sa samahan. Ito ang nagturo sa kanya ng wikang Latin at Espanyol, at nagmulat sa kanya sa misyon ng grupo.
Ang kanilang pinuno ay nakikilala lamang niya sa inisyal na A.B. Nakikipag-ugnayan ito sa ibang miyembro sa pamamagitan ng liham na mababasa lamang sa tulong ng pagtapat nito sa usok ng lampara.
Ang Kolehiyo ng San Francisco ay may sariling dormitoryo kung saan tumutuloy ang mga estudyante nito.
Ang dormitoryo ay nasa pinakadulong bahagi ng kolehiyo. Malaki ito at katulad ng kolehiyo, napapalamutian ng madetalyeng lilok at may ilang rebulto ng mga santo.
Inihatid si Felisa ng prayle sa kanyang magiging silid. Pinaliwanag nito ang ilang regulasyon sa dormitoryo at sinabi rin nitong mayron siyang kasama sa silid.
Kinabahan si Felisa. Iyon ang pinakamalaking hamon sa kanyang misyon dahil maaaring madiskubre ng kanyang kasama sa kuwarto ang tunay niyang kasarian.
Ngunit iwinaksi niya ang takot.
Dahil maaga pa, natitiyak niyang walang estudyanteng magagawi sa dormitoryo dahil lahat sila ay nasa kolehiyo pa at nag-aaral.
Inilabas niya ang sobre na huli niyang natanggap mula kay A.B. Nagsindi siya ng kandila at itinapat dito ang liham. Unti-unting lumabas ang mga letra ng sulat.
Felimon,
Kumusta? Nawa’y naging matahimik ang unang araw mo sa iyong misyon. Isang paalala, ang silid na tinutuluyan ni Juan Felipe ay nasa lumang dormitoryo. Ikaw na ang gumawa ng paraan para mapasok mo iyon. Naniniwala ang samahan na naroroon ang mapa na iyong hinahanap.
Gabayan ka ng Diyos. Mag-iingat ka.
Nagmamahal,
A.B
Nang makarinig ng pag-ingit ng pintuan ay dali-dali ni Felisa pinatay ang kandila at agad na tinago ang liham.
Gulat na dumako ang mga mata niya sa bungad ng pinto, para makita ang isang binatilyo. Katamtaman ang tangkad, mestizo at may maamong mukha.
Ngunit ang higit na nakatawag ng pansin ng dalaga ay ang lalaking nasa likod ng binatilyo – isang pamilyar na mukha. May alon-along buhok, may misteryosong mga mata na kakikitaan ng bahagyang talim at may makipot na mga labi.
Awtomatikong tumambol ang kaba sa dibdib ni Felisa, lalo na nang mapansin ang pagsalubong ng mga kilay nito na animo’y kinikilala siya.
“Magandang araw,” bati ng binatilyong nagtataglay ng maamong mukha. “Ikaw ang bagong estudyante?”
“Oo,” sagot niya habang nakatingin pa rin sa lalaking nasa likod nito. Ang lalaking humalik sa kanyang pisngi. Kung hindi siya nagkakamali ay Alejandro ang pangalan nito.
“Ikinagagalak kitang makilala. Ako si Isagani. Kasama mo sa silid na ito. At ito naman si Alejandro.” Suminghot-singhot si Isagani. “Bakit amoy-kandila?”
“A-ako nga pala si Felimon. Ikinagagalak ko din kayong makilala.”
Mataman na nakatingin sa kanya si Alejandro.
Kinabahan si Felisa. Nakilala ba siya nito?
__
NASA MALALIM na pag-iisip si Alejandro nang tawagin siya ng kanilang professor.
Wala siyang maisagot dahil hindi niya narinig ang tanong. Pabalang siyang sinagot ng professor na hindi nito uulitin ang tanong at wala siyang ibang gagawin kundi sagutin nang tama ito.
“Pagmamahal po ang tamang sagot,” pabalang niya ring sagot. “Dahil kahit kailan, hindi mali ang magmahal.”
Nagtawanan ang buong klase na mas lalong ikinayamot ng professor. Nang hindi nito masaway ang mga estudyante at mapatahimik, nag-alsa balutan ang professor at nilisan ang kanilang klase. Na mas lalo namang ikinagalak ng mga kaklase ni Alejandro.
“Ibang klase ka talaga, kaibigan,” ani ni Isagani. “Ilang professor na ba ang napaalis mo sa klase.”
Nangiti na lamang si Alejanrdo. Pero hindi pa rin mawala sa isip niya si Felisa. Anong ginagawa nito sa kolehiyo?
Natutuwa siya nang makita itong buhay. Isang taon niya rin itong hinanap.
“Kaibigan, may hihingin sana akong pabor sa’yo,” wika niya kay Isagani.
__
NAGING mahirap kay Felisa ang makibagay sa mayayamang estudyante.
Ang tingin sa kanya ng mga kaklase ay isa siyang lampa. Wala siyang alam sa eskriba at iba pang mga larong pampalakasan. Ngunit magaling mag-memorya si Felisa. Ayon kay G. Sergio, ang kakayahan niyang iyon ang dahilan kung bakit sa kanya iniatang ang misyon na hanapin ang mapa ng bayang iyon.
Sa ikapitong araw niya sa kolehiyo, hindi na muling nakita ni Felisa si Alejandro.
Nakahinga siya nang maluwag dahil doon. Pinagpalagay niya na hindi siya nakilala ng binata. At dahil doon, magagawa niya na ang misyon nang walang inaalala.
Ang Kolehiyo ng San Francisco ay isa sa pinaka-prestihiyosong paaralan para sa mayayaman sa Pilipinas. Binubuo ito ng apat na malalaking gusali. Ang unahang gusali at ang gusaling nasa kanan nito ay para sa mga estudyanteng nag-aaral ng Bachillier en Artes. Ang dalawang natitirang gusali ay mga dormitoryo para sa mga estudyante at tahanan ng mga prayleng namamahala dito.
Nilibot na ni Felisa ang kabuuhan ng eskwelahan ngunit wala siyang nakitang lumang dormitoryo.
Nang mapagod ay ipinasya niyang bumalik na sa kanyang kuwarto. Ngunit nagulat siya na imbes si Isagani ay si Alejandro ang bumungad sa kanya sa kuwarto.
“A-anong ginagawa mo rito?”
“Nakiusap si Isagani na magpalitan kami ng kuwarto.” Kaswal na nag-aayos ito ng gamit.
“At bakit niya naman gagawin yun?” di kumbinsidong tanogn ni Felisa.
Tumigil si Alejandro sa pagsasalansan ng mga gamit nito at ngumisi sa kanya. “Hindi mo pa siguro alam...” Tumigil ito na tila binibitin siya.
“Ang ano?”
“May multong nagpaparamdam sa kuwartong ito.”
“Sinungaling. Wala namang sinabi si padre na ganyan.”
“At sa iyong palagay, sasabihin sayo ng prayle na may multo sa kolehiyong pinapangasiwaan niya?”
Hindi nakakibo si Felisa.
Pero hindi siya naniniwala rito.
Ngunit nang pumasok si Alejandro sa banyo at nakarinig si Felisa ng pag-ingit ng bintana ay dali-dali siyang lumapit sa may bungad ng banyo.
“Anong ginagawa mo diyan?” Nakakaloko ang ngiti ng binata nang makita siya sa gilid ng pintuan.
Tumikhim siya para pagtakpan ang pagkakapahiya. “Naiihi na ako. Ang tagal mo sa palikuran. Tumae ka?”
Natawa ito. “Sige. Magbanyo ka na. Kapag may naulinigan kang tumatangis, tawagin mo na lang ako. Ano pang hinihintay mo, akala ko magbabanyo ka?”
“Ahm, nawala eh. Ang tagal mo kasi.” Dali-dali siyang nahiga sa kanyang kama at nagtalukbong ng kumot.