ANG simbahan ng Sta. Clara ay isa sa mga naunang simbahan na itinayo ng dominikong mga prayle sa Laguna. Upang iligtas ang mga makasalanang Indiyo, itinayo ang simbahan sa pinaka-pedestal ng siyudad, napaliligiran ng kawanihan ng gobyerno, ng pamilihang bayan, ng beateryo at ng Kolehiyo ng San Francisco, ang nag-iisang prestihiyosong esk’welahan na tanging kapita-pitagang mga binata lamang sa Calamba ang nakakapag-aral.
Sa mga normal na araw, ang punong prayle ng simbahan ay karaniwang namamasyal, dinadalaw ang ilang mga kaibigan sa tanggapan ng pamahalaan, nakikipag-tsaa sa alkalde mayor. Sa umaga ay kalimitan itong nakikita sa pamilihang bayan. Nagbibigay-bendisyon sa mga mangangalakal, tindero’t tindera ng pamilihan. Bilang pagtanaw ng utang-na-loob sa prayle ay nagbibigay naman ang may magagandang-loob na mangangalakal – na karamiha’y Intsik – ng kanilang produkto sa butihing pari. Minsan, nagagawi rin ang prayle sa beateryo na pinamumunuan ng mga madre at naghahatid ng mga payo at salita ng Diyos sa maririlag at mahinhing kadalagahan ng Calamba. Ang mga dalagang ‘di halos makabasag-pinggan kung titingnan ay nagmula sa mayayamang angkan ng bayang iyon. Ngunit ang pinakapaboritong puntahan ng punong-prayle ay ang Kolehiyo ng San Francisco, kung saan ito mismo ang punong-tagapangasiwa.
Kung panay papuri sa kadalagahan ng Calamba ang ibinibigay ng punong-prayle, panay puna naman ang ibinibigay nito sa mga kabinataan ng unibersidad.
“Mga barbaro! Iletrado!” Iyan ang kadalasang maririnig sa punong-prayle sa t’wing magagawi sa unibersidad. Ang mga binata diumano sa unibersidad ang pinaka-walang modo, pinakabastos at pinaka-walang pinag-aralan ang asta sa lahat ng unibersidad sa Pilipinas na nalibot niya na.
Nang mga oras na yun, sa ganap na ika-alas siyete ng uma, ang punong prayle na si P. Gamboa ay pinupulong ang hermana mayor sa tanggapan nito. Ang araw ay Huwebes.
Bagama’t walang simba ay may mangilan-ngilan pa ring nagdarasal at nagrorosaryo sa loob ng simbahan. Naroroon ang mga matatandang manang at may mangilan-ngilan ding kadalagahan na nakaray lang ng nagbabantay nilang tsaperon o duenas para magdasal.
Sa kasawiang-palad, ang kampanaryo ng simbahan, na nakahiwalay sa msimong istruktura ay nagkaro’n ng tipad dulot ng nagdaang lindol.
“Bilisan ninyo ang kilos! Kailangan nating matapos ang pag-aayos ng kampanaryo bago mag-pasko!”
Ang tumayong tagapangasiwa ng pag-aayos ng kampanaryo ay si Mang Enteng. Puti na ang buhok nito. Lumalaylay na ang balat sa mga braso na dati ay matipuno dulot ng pagbabanat ng buto. Sapul sa pagkabata ay gayun na ang buhay ni Mang Enteng. Nagtrabaho ito bilang kargador sa pamilihan sa murang edad. Naging kutsero ito, hanggang matuto itong magkarpintero. Naging karpintero ito sa loob ng tatlumpung taon, ngunit nakapagtatakang ‘di nito naayos ang sarili nitong bahay na hanggang ngayon ay tagpi-tagping kahoy at pawid.
“Hindi pa ba dumarating si Kulas?”
Saglit na tumigil si Felimon o Felisa sa pagpapala ng graba. Nakalarawan sa mukha ng matanda ang pagkabugnot. Subalit mas lamang ang pagod na malinaw na nababasa ni Felisa sa mga mata nito. Batid ni Felisa na hindi lang ito pagod sa trabaho, pagod na rin ito sa buhay nitong panay trabaho na lamang. Ilang beses niyang narinigan si Mang Enteng na gusto na nitong tuluyang mamahinga. Anito, ang buhay na maalwan ay kailanma’y ‘di mapapasakamay ng mga Indiyong gaya nila. Sila ay nakatadhanang maging alipin ng pagtatrabaho hindi para mabuhay, kundi para mairaos lamang ang bawat isang araw nang may laman ang sikmura.
“Mukhang hindi po yata siya papasok. Pinuntahan ko siya sa kanila ngunit hindi raw siya umuwi,” wika niya.
“Nakita ko siya kagabing palakad-lakad sa Kalye Crisologo. Tila may inihahatid siyagn sulat.” Si Tinong, labintatlong taong gulang lang. Tagadikit ito ng mga bato, gamit ang puti ng itlog. Sa musmos na edad, si Tinong na ang bumubuhay sa kaniyang pamilya na binubuo ng sakitin niyang lola at ng limang taong gulang niyang kapatid na lalaki.
Kapares ni Felisa, ulila na rin sa mga magulang si Tinong.
“Anong sulat?” Mas lalong kumunot ang noo ni Mang Enteng. Ngunit agad ding tumikom ang bibig nito na tila naunawaan nito kung anong ibig sabihin niyon. “Huwag mo itong ipagsasabi sa iba, Tinong. Ikaw rin, Felimon.” Tumingin ito nang makabuluhan sa kaniya. “Huwag kayong gagaya kay Kulas, kung ayaw ninyong...”
Kusang tumigil si Mang Enteng nang mamataan ang paparating na mga estudyante ng unibersidad. Saglit na pinaingay ng mga estudyante ang bahaging iyon ng simbahan. Ngunit kagyat ding nanahimik ang mga ito nang sutsutan ng ale.
Isang pamilyar na pigura ang tumawag sa atensiyon ni Felisa mula sa nagkumpulang mga estudyante. Tila nakilala din siya ng lalaki na walang iba kundi ang aroganteng senyorito na kamuntik nang nagdala sa kaniya sa panganib kumakailan lang.
Kumindat ito sa kaniya, na sinalubong niya naman ng pagkunot-noo.
Samantalang, isang magandang dilag naman ang titig na titig nang mga oras na iyon kay Felimon. Maputi at makinis ang balat nito, magaganda ang mga mata, matim ang buhok na nakapuyod at may mahiyaing ngiti na kalimitang itinatago ng abaniko.
“Maria, sino ba ang iyong tinitingnan?” untag ng kasama nito. Isang dalagang may kaliitan at medyo singkit ang mga mata, si Juanita.
“Wala,” kaila ng dalaga.
Ang mga dalagang ito ay estudyante ng beateryong nasa tapat lang ng simbahan.
“Sino ba sa mga binatang iyon ang bumihag sa pihikan kong kaibigan?” tudyo ni Juanita. Nakatingin ito sa pangkat ng mga binatang nag-aaral sa Kolehiyo ng San Francisco.
“Wala nga,” bugnot na sabi ni Maria na nakukulitan na sa kaibigan. “Halika na nga sa loob ng simbahan.” Bago pumasok sa simbahan, muli nitong nilingon ang kinaroroonan ni Felimon.
__
“KUNG hindi ulit papasok si Kulas bukas, tatanggalin ko na siya sa trabaho.”
Pinal na ang desisyon ni Mang Enteng. Hindi na nito pagbibigyan si Kulas na ilang beses nang lumiban sa trabaho.
Nag-aalala si Felisa sa kaibigan. Batid niyang higit kaninuman, ito ang nangangailangan ng mapagkakakitaan nang mga panahong iyon. May sakit ang asawa nito.
Bibigyan niyang babala si Kulas, ngunit sa malas ay hindi niya ulit ito naabutan sa bahay nito. Umalis daw ulit ito, ayon sa asawa nitong si Sisa.
Nagtanong-tanong si Felisa. At natunton niya kung saan papunta si Kulas. Sa kalye Anloague, ang lugar ng mga elitista ng Calamba.
Anong ginagawa ni Kulas sa lugar na iyon?
Nakita niya si Kulas at lihim niang minanmanan ito. Nagbabahay-bahay ito at may ibinibigay na makapal na sobra. Napansin niya ang pag-iingat sa kilos ni Kulas. Agad na kintuban nang masama si Felisa. Maaaring ilegal o labas sa batas ang ginagawa ng kaibigan kaya gayun na lamang ang pag-iingat nito.
Nakarinig ng kaluskos si Felisa. Sinundan iyon ng tawanan mula sa rumorondang guwardiya-sibil.
Mas lalong naghigpit ang pamahalaan sa mga sibilyan. May umuugong kasing balitang may inilulutong paghihimagsik mula sa hindi pa nakikilalang grupo na gustong pabagsakin ang gobyerno.
Walang sinayang na sandali si Felisa. Tinungo niya ang kinaroroonan ni Kulas at tinimbrehan ito tungkol sa paparating na mga guwardiya sibil.
Oras na ng pagbabawal sa mga sibilyan na lumabas sa kani-kanilang bahay. Tumunog na ang kampana bilang hudyat nito. Kung mahuhuli sila sa labasan, huhulihin sila. At kapag nangyari iyon, tatanungin sila ni Kulas ng rason kung bakit naglalagalag pa sila sa labas.
Papahirapan sila para paaminin o kung hindi man, pipilitin silang umamin sa kasalanang hindi naman nila ginawa.
Nagtago sila ni Kulas.
Pagkatapos ng mahabang panghihikayat kay Kulas, napilitan din itong sabihin sa kaniya ang tungkol sa bago nitong trabaho sa isang lihim na samahan.
Nang gabing iyon, sa tulong ng liwanag ng buwan na nakadungaw sa bintana ng kaniyang dampa, natuklasan ni Felisa kung anong nakapaloob sa sobre na ipinamumudmod ni Kulas sa mga mayayamang elitista – isang librong may pamagat na Noli Me Tangere.
___
HUWAG mo akong salingin. Iyon ang pamagat ng aklat na isinulat ng isang Laonlaan.
Nanginginig ang kamay na binuklat ni Felisa ang unang pahina ng libro. Alam niyang hindi iyon ordinaryong aklat lamang. Sa tulong ng malamlam na liwanag ng kaniyang lampara, sinimulan ni Felisa na basahin ang akda.
Hindi tulad ng ibang mga Indiyo, marunong bumasa at sumulat ang dalaga.
Ninamnam niya ang bawat sa kataga sa mga pahina nito at namuo sa kaniya ang isang damdaming matagal niya nang ikinukubli ngunit gustong umalpas sa t’wing nakakasaksi siya ng pang-aabuso mula sa mga dayuhan.
Kinaumagahan, pumutok ang isang balita na may natagpuang patay sa lawa ng Laguna. At kinahapunan din nang araw na iyon, isang babae na tila nahihibang na ang palakad-lakad sa plaza ng Calamba. Paulit-ulit nitong umuusal, tinatanong kung nasaan ang asawa nitong si Kulas.
Hindi kapares ng mga nagdaang-dapithapon, ang pula sa langit ay nagwangis-dugo, na tila may mensaheng ipinapahiwatig.
Isang pares ng mga matang punung-puno ng paghihimagsik ang nakatingin sa lawa. Hindi nakaligtas kay Felisa ang nangyari sa kaibigan at sa esposa nito. Kuyom ang mga palad niya at bahagyang nanginginig sa kinikimkim na poot.
Nasaan ang hustisya?!
Bakit ang umaabuso ang nakararanas ng magandang buhay? At bakit ang aba ang tila pinaparusahan ng langit?