ILANG pangkat ng mga estudyanteng kalalakihan ang nagkukumpulan sa kubling bahaging iyon ng Kalye Crisostomo.
Akala ni Felisa ay kung ilegal na sabong na ang pinagkukumpulan ng mga lalaki. Ngunit higit na malala pa sa kaniyang iniisip ang mga nangyayari, dahil may nagaganap pala doong away. Isang lalaki na walang suot na pang-itaas ang nakikipagsuntukan sa dalawang lalaki na pawang mga estudyante rin.
“Alejandro! Alejandro!” sigawan ng miron na ang tinutukoy ay ang lalaking nakahubo.
Napailing si Felisa. Nagsayang lang siya ng oras sa pakikipagsiksikan. Buong akala niya kasi ay sabong. Pupusta sana siya.
Ngunit hindi pa man nakakaalis ang dalaga sa lugar, dumating na ang mga guwardiya-sibil.
Agad na nagpulasan ang mga estudyante pati na ang iba pang nanonood ng laban.
“Hiyah!” Inudyukan niya ang kaniyang kabayo na tumakbo na. Ngunit bago pa ito makatakbo, may kung sinong poncio pilato ang nakasalisi at agad nakasakay ng kaniyang karwahe. Galit na tiningnan niya ang pangahas at nanlaki ang kaniyang mga mata nang mapagsino ito.
“Pagong ba at hindi kabayo ang iyong ipinapatakbo? Bilisan mo!” utos nito animo’y kaniyang senyorito.
“Hiyah!” Pinatigil niya ang karwahe nang bahagyang nakalayo na sila sa mga guwardiya-sibil. “Baba,” utos niya sa lalaki na wala pa ring suot na pang-itaas nang mga oras na iyon.
“Ano?” Bumadha ang pagtataka at pagkairita sa guwapong mukha ng lalaki. Naalala niyang tinawag itong Alejandro. Ngayon niya lang napansin na mukhang may dugong Kastila ang binata. “Nakikilala mo ba ako? Ang lakas ng loob mong utusan akong bumaba. Isa ka lamang Indiyo. Kaya kong bil’hin hindi lang itong bulok mong karwahe, maging ang buhay mo ay kaya kong tumbasan ng ginto.”
“Ipagpaumanhin n’yo po, senyorito, ang kapangahasan ng abang indiyong ito. Ngunit kayo po ang hinahabol ng guwardiya sibil. At kahit kaya n’yong bayaran ng ginto ang aking buhay, walang magagawa ang inyong kayamanan laban sa kanila. Kaya kung mamarapatin n’yo, bumaba na kayo ng aking bulok na karwahe,” pinagdiinan niya ang salitang bulok.
Tinanggal niya ang kaniyang sumbrero at sarkastikong nagbigay-pugay sa mestisong lalaki.
“Anong pangalan mo, Indiyo? Diyata’t isa ka yatang komedyante. Gusto kita.”
Hindi ito bumaba. Kampante nitong itinaas ang isang paa at isinandal iyon sa unahan ng kaniyang karwahe.
Makulit din ang isang ‘to, sa isip-isip ni Felisa.
May sasabihin pa sana ang dalaga nang...
“Alto!”
Pambihira! Namataan sila ng guwardiya-sibil.
“Hiyah”
Binilisan niya ang karwahe.
Humiyaw ang pasahero niya na tila tuwang-tuwa pa ito sa mga nangyayari. Hindi ba ito marunong matakot? Paano kung mahuli sila? Sabagay, mayaman nga pala ito.
Kay laki mong hangal, Felisa, sumbat niya sa sarili. Siya lamang ang mapapahamak sakaling mahuli sila ng awtoridad. Hinagupit niya ang kabayo at mas lalo niyang binilisan.
Dahil matagal na rin nangangarawahe si Felisa, batid niya na ang pasikot-sikot ng bawat kalsada at kanto ng siyudad na iyon. Hindi naging mahirap sa kaniya na takasan ang mga humahabol sa kanila.
“Hoo!” Pinatigil niya ang kabayo sa harapan ng simbahan.
“Hindi dito ang bahay ko,” anang ng lalaki. Bagama’t nakakunot ang noo nito, hindi pa rin nababawasan ang taglay nitong kakisigan, maging ang pilyong kislap sa mga mata nito. Tila ang lalaki yatang ito ang klase ng taong ginagawang biro at laro ang lahat-lahat ng mga bagay-bagay. Nakaramdam ng inggit si Felisa. Iyon ang isang bagay na hinding-hindi niya magagawa, ang gawing laro lamang ang buhay. Dahil bawat segundo ng pamamalagi niya sa mundo ay isang giyera. Kailangan niyang gumapang sa lusak para lamang huminga ng hanging tila pagmamay-ari rin yata ng mayayaman, ng mga Kastila at ng mga prayle.
“Dito ka na bumaba. Magsimba ka, para tubuan ka naman ng nerbiyos.”
Marahang tumawa ang lalaki. Ngunit tumalima naman ito. Nag-abot ito ng bayad. Tatanggihan niya sana ngunit ipinilit iyon ng binata sa kaniya. Ngunit sadyang nasa pangalan yata nito ang salitang supresa dahil hindi ito nauubusan ng pambigla. Namilog ang mga mata ni Felisa nang bigla siya nitong higitin. Buong akala niya ay mahuhulog siya at hahalik ang mukha niya sa lupa. Ngunit hindi iyon ang nangyari, sa halip ay sinalo siya ng maskuladong bisig nito. At hindi pa man siya nakakahuma, bigla siya nitong hinalikan sa pisngi sabay bulong ng, “salamat, Senyorita.”
__
“ALEJANDRO! Saan ka nanggaling, hijo?”
Tumigil sa paghakbang si Alejandro at nilinga ang kaniyang tiyahin na si Isadora. Nakatatandang kapatid na babae ito ng kaniyang namayapang ina.
“Tiya.” Humalik siya sa pisngi nito. Sa edad na sisenta anyos ay malakas pa rin ang kaniyang tiyahin.
“Kanina ka pa hinahanap ng iyong ama.” Nalukot ang mukha ng matandang babae dahil amoy-pawis at sikat ng araw ang kaniyang pamangkin. At tila napaaway pa ito, base sa hitsura nito. “Mainit na naman ang ulo.”
Si Alejandro Perez y Hernandez ang pangalawang anak ng mayamang negosyanteng si Don Hidalgo. Kilala ang pamilya nila bilang malapit sa gobernador-heneral. Malawak ang kanilang impluwensiya sa pamahalaan at maging sa simbahan. Malaki ang kanilang lupain sa Laguna. Isa si Don Hidalgo sa iilang peninsulares na piniling tumira sa Pilipinas. Ang mga peninsulares ay mga Espanyol na ipinanganak sa Espanya.
Ngunit sa kabila ng lahat ng yaman, pakiramdam ni Alejandro ay mas mapalad pa rin ang ibang mga Indiyo sa kanila. Sapagkat ang kanilang pamilya ay isang konkretong halimbawa ng mga taong ipokrito. Nagpapanggap silang relihiyoso, may takot sa Diyos at may malasakit sa mahihirap. Ngunit mas masahol pa sa putik ang duming itinatago ng kanilang pamilya. At kung isa lamang itong basurang nangangalingasaw, tiyak ng binatang mandidiri at magtatakip ng ilong ang sinumang makalanghap nito.
Ang kanilang malaking bahay na nagmistulang limbo dulot ng naghuhumiyaw na katahimikan ay pinamumugaran ng masasamang tao, maliban sa kaniyang Tiya Isadora na hanggang ngayon ay naniniwala pa rin na tunay na kapita-pitagan at maginoo ang kaniyang ama. Inaamin ni Alejandro na siya ma’y hindi na rin malinis ang budhi. May mga nagawa siyang bagay na hindi naaayon sa utos ng Diyos at hindi katanggap-tanggap sa mata ng lipunan. Ngunit hindi niya ipinapares ang sarili sa ama.
“Papasok na po ako sa aking silid. Pakisabi na lang kay papa na hindi ko siya gustong makausap ngayon.”
“Aba’y Alejandro, hindi kita pinalaking bastos,” wika ng kaniyang tiyahin at saka nagpaypay ng abaniko. “Harapin mong maayos ang iyong ama.”
“Wala akong ipapaliwanag sa kaniya.” Bumuntong-hininga siya. “Tiya, mag-aaway lamang kami.”
“Hanggang kailan mo ba siya titikisin, hijo. Dios Mio, matagal na kayong hindi nakakapag-usap tulad ng dati. Sinisisi mo pa rin ba siya hanggang ngayon sa pagkamatay ni –”
“Ayaw kong marinig ang pangalan niya!” Tumalas ang mga mata ni Alejandro. Napaatras ang kaniyang tiyahin sa pagtaas ng kaniyang boses. Nahintakutan ito. “Pasensiya na, Tiya. Pagod lang ako,” bawi ng binata nang mahimasmasan.
“O siya, sige. Magpahinga ka na sa iyong silid.” Walang nagawa ang ginang kundi sundan ng naaawang tingin ang kaniyang si Alejandro. Iyon ang nagagawa ng minsa’y pag-ibig nito sa isang Indiya. Nagawa nitong kamuhian ang sariling kadugo at sarili pa nitong ama.
“Patnubayan ninyo kami, Mahal na birhen.” Nag-antada ang ginang at saka sumulyap sa nag-aagaw na dilim at liwanag sa labas ng bintana. Kasingkulay na ng dugo ang langit dahil sa takipsilim. Maririnig na rin ang pagdupikal ng kampana hudyat ng pagdarasal ng Angelus.