Chapter 1

1257 Words
MARANGYA ang prusisyon sa bisperas ng pasko. Maganda ang gayak ng mga santo. May kakaibang sigla na dama maging sa hangin. Maiingay ang mga bata. Abala ang matatandang ale sa pag-usal ng rosaryo habang umuusad nang napakabagal ang prusisyon. Nanunuot sa hangin ang amoy ng masasarap na putaheng iniluluto sa kusina ng mayayaman. Nagmarakulyo ang sikmurang walang laman ng mga indiyong ‘di man lang makaiinom ng gabing iyon ng kahit na mainit na tsokolate o makatitikim ang gutom na tiyan ng suman. Ang mga parol ang naghatid ng kakaibang liwanag sa kalsada. Napangiti ang isang Indiyo. Simple ang kaniyang gayak – kupasing puti na puruntong at asul na kamiseta. Nakasuot siya ng sumbrerong gawa sa abaka. Kayumanggi ang kaniyang balat. Sa hugis ng kaniyang mukha at patpating katawan, mahihinuha na ang kaniyang edad ay ‘di tataas ng disisais anyos. Isang binatang Pilipino. Siya si Felimon. Pinakaaasam niya ang pagdating ng kapaskuhan. Subalit noon iyon. Nang siya ay musmos at wala pang muwang. Ngayon ang kapaskuhan ay nagsilbing tagapagpaalala sa kaniya na nag-iisa na lamang siya sa buhay. Wala na ang kaniyang nakatatandang kapatid na lalaki na nagsilbing mga magulang sa kaniya simula nang sila ay maulila. Ang mapakla niyang ngiti ay biglang napalis at ang mga mata niyang nangingislap sa kalungkutan habang nakatingin siya sa mga parol ay pinuno ng poot. “Alto!” sigaw ng isa sa mga guwardiya-sibil. Kagyat na naging alerto si Felimon. Nandito na ang isa sa kinapopootan ng isang hamak na kutserong tulad niya, ang mga guwardiya-sibil na walang ibang ginawa kundi hanapan sila ng mali at nang sa ganun ay mahingan sila ng kuwalta.      Kaagad na sumulyap ang binata sa tagiliran ng kaniyang karwahe upang tiyakin na nakabukas ang ilaw ng kaniyang mga lampara. Nakahinga siya nang maluwang nang matiyak na may ilaw pa rin ang mga iyon. Ngunit niya kasingpalad ang isang matandang kutsero na namatayan na pala ng ilaw nang ‘di nito napapansin. Marahil ay masyado itong naaliw sa pagdaan ng prusisyon. Bugbog ang inabot ng matanda sa mga guwardiba nang wala itong maiabot na kuwalta. Muling naramdaman ni Felimon ang pagbabangon ng poot sa kaniyang dibdib. Nagtagis ang kaniyang mga bagang. Ngunit kahalintulad ng nakaraan ay wala siyang magawa kundi ang magkimkim ng galit. Sila ang nasa ibaba ng bapor – ang mga hikahos sa buhay. Sila ang pinandidirihan ng mayayamang mga donya at senyorita, na karamiha’y asawa at anak ng matataas na opisyal ng guwardiya-sibil, na nangingikil naman ng pera sa mga abang tulad nila. Ang buong akala ni Felimon ay mauubos muli ang oras niya sa kapanonood kung papaano abusuhin ng nakatataas ang kapangyarihan nito. Ngunit bumaba mula sa isang mamahaling karwahe ang isang binatang meztizo. Kilala sa Calamba ang binatang iyon. Isa itong batang manggagamot na nagawa nang makapaglibot sa iba’t ibang bansa sa Europa. Siya ay walang iba kundi si Dr. Jose Rizal. __ SINUNDAN niya ang karwahe ng batang mangagamot. Matapos nitong pakiusapan ang guwardiya-sibil at bayaran ng danyos ang nagawang kasalanan ng matandang kutsero, muling bumalik sa normal na daloy ang takbo ng mga karwahe sa kalsada. Tumigil ang karwahe ni Rizal sa tapat ng malaking bahay. Mula sa binatana ay dumungaw ang isang napakagandang dilag. Kasimputi ng bulak ang kutis at kasingganda ng sampagita ang taglay nitong rilag. Nakadama si Felimon ng panibugho sa magandang dilag na iyon. Ihinalintuald niya ang kaniyang kayumangging balat sa mala-porselana nitong balat; ang kaniyang mga labing nagbabakbak sa mga labi nitong simpula ng masanas. Ang mga ngiti nito’y ‘di kakikitaan ng kahit ni katiting na pang-uuyam o mantsa ng kahit anong langib ng masakit na trahedya. Puro ang ngiti nito, kasimbusilak at kasimputi ng trahe na suot-suot nito. Ang dalagang iyon ay kilala sa bayan at maging sa mga karatig-pook nito. Bagama’t hindi ito taal na taga-Laguna at paminsan-minsan lang nagagawi roon upang magbakasyon sa tiyahin nito, ilang ulit na itong naging Reyna Emperatriz sa mga prusisyon at maraming binata ang nahuhumaling sa taglay nitong halina. Siya si Leonor Rivera, ang kasintahan ni Dr. Jose Rizal. Samantalang si Felimon ay isang dalagita na nagtatago sa katauhan ng isang hamak na kutsero. Hindi siya kapares ni Leonor na malayang magagawa ang bawat naisin at mahalin ang lalaking itinitibok ng puso nito. Pag-uwi sa kaniyang dampa ay pinakatitigan niyang maigi ang kaniyang sarili sa salamin. Ang salaming iyon ay pamana ng kaniyang ina. Ito ang tanging natitirang tagapagpaalala sa pagmamahal nito sa kaniya. Hinding-hindi na siya ulit babalik sa dati. Mapait siyang napangiti. Wala na ang dalagita noon na minsa’y namuhay rin sa luho nang nabubuhay pa ang kanilang mga magulang. Pinaratangan ang kaniyang ama na erehe ng mga prayle nang hindi ito magbayad ng dagdag na buwis. Hinuli ito ng mga guwardiya-sibil at napabalitang namatay sa piitan. Nagkasakit ang kaniyang ina ng tuberkulusis dahil hindi ito sanay maghanapbuhay. Napilitang tumigil sa pag-aaral ang kaniyang Kuya Narciso. Nagtrabaho ito bilang kargador. Sa kabila ng lahat ng paghihirap na dinanas nila, hindi nawalan ng pag-asa at pananampalataya sa Diyos ang kaniyang kuya na balang-araw ay makakaahon din sila ulit sa hirap. Namatay ang kaniyang ina nang tumuntong si Felisa ng trese anyos. Nahirapan silang ipalibing ito dahil wala silang maibigay na pera sa simbahan bilang bayad sa lupang paghihimlayan nito. Napilitan silang ilibing na lang sa kagubatan ang kanilang ina dahil sa kakapusan sa pera. Ngunit hindi doon nagtatapos ang kalbaryo ng kanilang pamilya. Hinalay ng guwardiya-sibil ang nobya ng kaniyang Kuya Narciso at sa unang pagkakataon, nakita niyang napoot ang kaniyang kapatid. Hinangad nitong ipaghiganti ang nobya na nagpakamatay dahil sa kahihiyan. Isang gabi, umuwi ang kaniyang kuya na basang-basa sa ulan. Balisa ito at inutusan siya nitong magbalot ng mga gamit dahil aalis sila ng Maynila. Sa probinsya diumano sila maninirahan, dahil doon ay mas magiging tahimik ang kanilang buhay. Kaunti lang daw ang guwardiya-sibil doon at ‘di rin daw magagawi sa kagubatan ang mga prayle. Magbabago raw ang kanilang buhay. Mas magiging masaya raw sila. Agad niyang sinunod ang kagustuhan ng kaniyang kapatid. Ngunit nang papasakay na sila ng bangka, hindi ito umangkas. Sa halip ay kinuha nito sa kaniya ang kaniyang basket na pinaglagyan niya ng mga damit. At sa kaniyang buong pagtataka, itinapon nitong lahat iyon sa ilog. “Umpisa sa araw na ito, ang aking mga damit na ang iyong gagamitin,” wika nito. “Kalimutan mo na si Felisa at mamuhay ka bilang lalaki. Mas ligtas ka kung mamumuhay ka nang ganun.” “Ano bang ibig mong sabihin, Kuya?” Naiiyak na siya. “Bakit hindi ka pa sumakay ng bangka? Naiinip na si Mang Kanor sa kahihintay sa’yo.” Dati nilang tauhan sa bahay si Mang Kanor nang sila ay nakaririwasa pa sa buhay. “Patawad, Felisa. Hindi na kita masasamahan.” Tuloy-tuloy na dumaloy ang mga luha sa mga mata ng kapatid niya. “Alam ng Diyos na gusto kong maging mabuting kapatid sa’yo. Na nais kong tuparin ang pangako ko sa ating ina na aalagaan kita.” “Kuya, hindi ko kayang mabuhay nang mag-isa. ‘Wag mo ‘kong iwanan,” pagsusumamo niya. Tila batid niya na ang nais sabihin ng kapatid. Ngunit umiling ito. “Mapapahamak ka lang sa piling ko. Magpakatatag ka, Felisa. Hangga’t patuloy pa rin sa paghahari ang mga dayuhan dito sa atin, magtago ka sa katauhan ng isang lalaki.” Mariin nitong hinawakan ang kamay at saka tumingin sa mga mata niya. “Mangako ka,” utos nito. Walang nagawa si Felisa kundi ang sumang-ayon. Simula nang gabing ‘yon, wala na siyang balita sa kapatid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD