Maruem
Kumatok muna ako bago pumasok sa opisina ni Emperador Satel. Ako na ang sumunod na kalahok na magbibigay ng mga papel at tatanungin ni Emperador Satel. Nang mabuksan ko naman ang pinto ay agad niya akong inanyayahan na pumasok.
"Maruem Ezekiel Crimson, anak ni Emperador Julyan at ng emperatris ng Prime Empire. Kasalukuyan kang hari sa Coran Kingdom na dati ring pwesto ng iyong ama. Wala kang abilidad at higit na naiiba sa lahat. Kilala ka sa iba't ibang bansag at kinukutya dahil mahina. Ngunit narito ka ngayon sa aking harap upang lumaban sa trono at pumalit sa iyong ama. Gusto ko ang tatag mo at pagpupursigi," panimula ni Emperador Satel bago pa ako makaupo sa tapat niya.
Umupo ako sa kaniyang tapat at inilabas ang kailangan kong ibigay na mga papeles. Tumikhim naman ako para sumagot sa mga sinabi niya.
"Hindi ako mahina, Emperador Satel. Malakas ako at alam ko iyon. Hindi ako naiiba dahil isa pa rin akong bampira. Kung ipinupunto mong naiiba ako dahil malakas at makarisma, oo. Totoo ang mga sabi-sabing iyon. Pero kung dahil wala akong abilidad at etsapwera lamang ay hindi. Pursigido rin ako dahil alam kong kaya ko. Hindi ako magtitiwala sa aking sarili sa una pa lamang kung alam kong hindi ko kakayanin. At higit sa lahat, maganda ang hangarin ko bilang isang hari at susunod na emperador. Matagal ko na itong pinlano at ngayon ay nandito na ako," sagot ko sa kaniya.
Napangisi si Emperador Satel at napapalakpak. Hindi ko alam kung ano ang ipinapahiwatig niya. Kung talaga bang namamangha siya sa sinabi ko o ginagawa niya akong katatawanan.
"Hanga ako sa iyo, hijo. Huwag kang mag-alala at hindi ako laban sa iyo. Gusto lamang kitang subaybayan sa yugto mong ito. Matalik kaming magkaibigan ni Emperador Julyan, ang iyong ama. Hindi mo man ako natatandaan ngunit lagi akong bumibisita sa inyong kaharian noong bata ka pa," natatawa niyang sabi at pinirmahan ang mga papeles na ibinigay ko.
Mayroon siyang panibagong papel na pinirmahan at tinatakan ng stamp. Pinapirma niya ulit ako bago ay pinahintulutang umalis na. Bago pa ako makalabas ay binigyan niya ako ng babala.
"Maruem, isang paalala ko lamang sa iyo. Huwag na huwag kang magtitiwala habang nasa initiation ka pa. Iyon ang pinakamalaking katangahang gagawin mo," malamig na sabi ni Emperador Satel.
"Sa sarili ko lamang ako may tiwala. Wala namang dahilan para magtiwala ako sa iba," malamig kong ring sabi bago tuluyang nilisan ang kaniyang opisina.
Naglakad ako paakyat dahil nasa baba ang opisina at umalis na rin ng bulwagan. Nandito pa rin si Zafir na naghihintay sa akin. Pinapasok naman niya ako sa sasakyan nang makita niya ako.
"Kumusta? Ayos ka lang ba?" tanong niya.
"Nanay ba kita? Shota? O bodyguard? Para kang babae magtanong," puna ko kay Zafir.
"Tang ina mo, kumusta ka? Putang ina mo, buhay ka pa? Tang ina ka talaga. Saan pala tayo pupunta?" sarkastiko niyang tanong kaya napahilot ako sa aking sentido.
Magpinsan nga sila ni Felipe, mga sira na ang ulo. Ako na lamang yata ang natitirang matino sa aming lahi. Si Chadler ay adik na adik sa virtual girlfriend niyang si Melissa, si Claire naman ay mainitin ang ulo na galit sa mundo, at si Moriah naman ay uhaw na uhaw sa dugo at laging missing in action. Ako na lamang ang natitirang normal. Normal na bampira ngunit pambihira ang kagwapuhan at karisma.
Nagpadala na ako kay Zafir sa aking tutuluyan dahil may mga papeles pa akong aasikasuhing muli. Lalo na ang tungkol sa kung paano ko ihahabilin kay ama pansamantala ang kaharian sa tagal na wala ako. Tiyak na hindi basta-basta matatapos ang initiation dahil ayon nga kay Emperador Satel, maaari pa iyon umabot ng hanggang limang buwan.
–
Kinabukasan ay maaga ulit akong nag-asikaso at nag-ayos ng aking sarili. Sinigurado kong gwapo ako at mabango. Ngayon ang orientation namin at ilalatag na ang mga gagawin para sa bawat stage. Hindi na ako makapaghintay na magsimula ito. Ang mga bagay na tulad nito ang talagang nagpapataas ng antisipasyon ko. Nakaka-excite!
Dalawang kalye lamang ang layo ng tinuluyan kong hotel mula sa bulwagan. Agad din akong nakarating. Pinagbuksan naman ako ni Zafir ng pinto.
"Lumayas ka na," sabi nito sa akin.
"Pinapalayas mo ako? Hari kaya ako!" inis kong sabi kay Zafir.
"Para kang bata," sumbat naman niya sa akin at sumakay na sa sasakyan niya.
Gagong iyon, ginantihan ako. Sa lahat ng mga lalaking kamag-anak ko ay si Zafir ang pinakamalapit kong pinsan noong mga bata pa kami. Minsan ay nagsasagutan kami nito pero hindi naman seryoso. Ngunit kahit ganoon, syempre ay hindi ako magpapatalo. Mukhang naisahan ako nito ngayon.
Pumasok na ako sa loob at bumungad naman sa akin ang malakas na tugtog. May lumapit ulit sa akin na babaeng nakasuot ng bestidang pula. Ginabayan ako nito sa aking uupuan. Nanatili lamang siya sa aking likod nang makaupo ako. Hindi naman ako nito iniistorbo. Ganoon din ang ibang mga hari na nandito, may mga babae rin na nakapula sa gilid nila. Baka sila ang mag-aasikaso sa amin mamaya kung may kailangan man. Mukhang magiging matagal ang orientation dito.
"Mahal kong hari, nawa'y magsabi lamang po kayo kapag kayo ay may kailangan. Buong puso ko po kayong pagsisilbihan," nakangiting sabi ng babaeng nakapula.
"Ikinagagalak kong marinig iyon, binibini. Ano ang iyong pangalan?" tanong ko.
"Ako po si Ricel, Haring Maruem. Ikinagagalak ko pong magpakilala sa inyo," magalang niyang sabi kaya tinanguhan ko siya upang bumalik sa kaniyang puwesto.
Gumagamit ako ng mas seryosong mga salita at mas malalim na lenggwahe kapag pormal ang pakikipag-usap, madalas ay sa mga kasiyahan at pagtitipon. Kapag naman di-pormal ay kahit balbal na minsan ang aking gamit. Depende pa rin sa nagsasalita kung saan kumportable, ngunit para sa mga bampira, ang paggamit ng malalim na lenggwahe sa mga pagdiriwang ay nakakadagdag ng karisma.
Tayo na at humayo, huwag kalimutang ngumiti
Indak ng puso ay sundin, ating mithiin ay abutin!
Mga bato sa daraanan ay hindi hadlang, huwag manghina, huwag manlupaypay, manlakas ka!
Tayo na at humayo, huwag kalimutang ngumiti
Indak ng puso ay sundin, ating mithiin ay abutin!
Mga bato sa daraanan ay hindi hadlang, huwag manghina, huwag manlupaypay, manlakas ka!
Paulit-ulit ang kantang iyon na pinapatugtog. Nakakainis, ang sakit sa tainga ng boses. Mukhang kantang pambata ito na pinapatugtog para masabing may likhang musika ang Shivante Kingdom. Tsk, pangit ang boses ng kanilang mga manganganta at musikero. Walang tatalo sa mga mamamayan ng Coran Kingdom.
Mukhang pagsubok ito sa pagtitiis ng pasensya. Kailangan ko lamang hintayin na magsimula at ayos na. Hindi ko na lamang papakinggan ang tugtog.
Lalo pang lumakas ang tugtog nang padami na nang padami ang pumapasok. Halos gusto ko nang sumigaw na itigil na nila ang tugtog dahil masakit ito sa tainga. Huminga naman ako nang malalim bago ito ibuga. Kailangan kong magkaroon ng pasensya. Maikli lamang ang pisi ko. Hindi ako sanay na pinaghihintay.
Maya-maya pa ay dumating na si Emperador Satel na nakangisi sa lahat. Mukhang siya ang may pakana, sino pa nga ba ang mag-iisip na magpatugtog ng ganoon na paulit-ulit.
"Binabati ko ulit ang lahat para sa pangalawa at huling araw ng pagkikita natin. Ngayon gaganapin ang orientation upang mas malaman ng lahat ang mga impormasyon tungkol sa lahat ng mga kailangan niyong gawin. Nandito ang punongguro ng Shivante Academy na si Weala Peninsula upang ipaliwanag ang lahat," pambungad ni Emperador Satel.
Umakyat naman sa entablado ang punongguro ng Shivante Academy. Isa siyang mangkukulam, kilala ang mga mangkukulam sa pagiging matalino.
"Ipapaliwanag ko ang lahat ngayon mula sa simula ng Blood Compact Organization. Makinig kayong mabuti, mga hari. Hindi ako sasagot ng mga katanungan," masungit niyang sabi.
Mataman naman akong nakinig. Kailangan ko itong malaman. Mahahalagang impormasyon ang sasabihin niya.
"Ang Blood Compact Organization ay itinayo upang magkaroon ng brotherhood at maging isa ang lahat ng mga pinuno mula sa iba't ibang panig ng mundo. Tanging malalakas lamang ang makakapasok, tanging matitibay ang matitira. Hindi makakapasok ang mahihina at kahit kailan ay walang makakalusot. Ang mga klasipikasyon upang maging aplikante sa pagpalit sa nakatalagang emperador ng isang emperyo ay marami. Kailangang maging hari at mairekumenda ka ng dating hari ng inyong kaharian, kailangan ding sumali sa Blood Compact Organization upang maging miyembro dahil kailangang miyembro ang finalist para sa puwesto ng emperador, at huli ay kailangang malampasan ang mga misyon na ibibigay ng vampire council. Kapag napagdaanan ang lahat ng iyon ay roon lamang sila kukuha ng isang emperador para sa isang buong emperyo. Kaya mahalagang unang makapasok sa Blood Compact Organization. Hindi biro ang inyong pagdaraanan para makamit ang puwesto," mahabang paliwanag ni Ms. Weala.
Ipinaliwanag niya pa ang tungkol sa mga batas na kailangan naming sundin. Nakalagay naman na iyon sa kontrata at alam ko na rin. Nang si Emperador Satel na ulit ang magsasalita ay saka ako nakinig ulit.
"Walang anunsyo kung kailan, saan, at papaano kayo makakapunta sa venue kung saan gaganapin ang unang bahagi. Ang unang bahagi kung saan kasama ang iniation at mga pagsubok sa pagsali sa BCO ay tinatawag na Compact Initiation. Ang mga matitira naman na malalakas at makakalampas ay isasalang ng vampire council. Tinatawag namang Blood Initiation ang sunod na yugto dahil talagang dadanak ang dugo. Ang huli namang parte kung saan mamimili na ang vampire council ay tinatawag na Final Assessment. Iyon ang lahat ng inyong pagdadaanan," sabi ni Emperador Satel.
Compact Initiation, Blood Initiation, at ang Final Assessment. Tiyak na tatandaan ko ang tatlong stage na iyon. Mahaba-haba pa ang susuungin ko bago marating ang tuktok.
Mabilis na natapos ang orientation. Akala ko ay mas matatagalan ito. Binigyan naman nila kami ng GPS tracker upang masiguro ng Blood Compact Organization ang aming kaligtasan habang nasa labas pa kami. Inabisuhan na rin nila kaming maghanda dahil talaga raw na biglaan kung sabihan ang mga hari na umpisa na ang pag-alis para sa Compact Initiation na unang stage.
Nang pahintulutan na kaming magkaniya-kaniya ng landas ay napagdesisyunan ko munang magbanyo. Pagpasok ko ay mayroon ding mga hari na nagbabanyo. Tiningnan naman ako ng mga ito mula ulo hanggang paa. Hindi ko naman na sila pinakialaman pa.
Nang matapos akong magbanyo ay lumabas ako ng cubicle na aking pinasukan at tumingin sa salamin. Ipinatong ko ang aking briefcase sa gilid. Inayos ko naman ang aking nagulong neck tie.
"Ikaw si Maruem Crimson hindi ba? Iyong anak ng emperador?" tanong sa akin nitong siga na kulot ang buhok.
"Ako nga, bakit?" tanong ko.
"Wala naman, nabalitaan kasi namin na wala kang abilidad. Na mahina ka!" sigaw niya at malakas akong itinulak.
Ikinulong nila ako sa cubicle ng banyo. Sinubukan kong buksan ngunit ikinandado nila ito mula sa labas. Nagtitimpi naman ako dahil nandito pa rin kami sa bulwagan. Natatandaan ko pa ang mga babala sa akin ni ama, na huwag akong gagawa ng gulo. Tiyak na kapag ginantihan ko ang mga ito ay gagapang silang lahat palabas ng banyo.
Sinubukan ko munang pakalmahin ang aking sarili at hindi inalintana ang kanilang tawanan. Tinalon ko naman ang taas ng cubicle at kinuha ang aking briefcase na naiwan ko sa tabi ng lababo. Mangha namang nakatingin sa akin iyong kulot.
"Maangas ka pala ha. Ano lalaban ka ba?" maangas nitong tanong.
Tiningnan ko lamang siya mula ulo hanggang paa. Hindi ko kilala, hindi siya ganoon kagwapo at walang sinabi kumpara sa akin. Hindi na dapat patulan pa. Mas lalo lamang siyang magiging kawawa.
Umalis na ako at hindi na sila pinakialaman pa. Nang papalabas na ako ng bulwagan ay napakaraming manunulat. Halos mahigit ko naman ang leeg nitong maligalig na kulot nang mabilis siyang dumaan sa gilid ko at patirin ako. Agad akong nakabuwelo upang hindi matapilok, umikot ako para hindi mauwi sa aking pagbagsak sa sahig. Nagulo pa ang aking buhok kaya saktong pagharap ko ay sinuklay ko ito.
Nagulat naman ako nang maghiyawan ang mga manunulat at ang mga bampirang nakapaligid. Inis din ang lalaking kulot na nakatingin sa akin. Mukhang nakagawa pa nga siya ng magandang oportunidad para sa akin nang hindi niya inaasahan.
"Haring Maruem, ang gwapo mo!"
"Haring Maruem, pansinin niyo po kami! Kahit isang kaway lang po!"
"Ang gwapo mo! Anakan mo po ako!"
Napangisi naman ako. Akala niya ay mapapahiya niya ako, ngayon ay mas lalo niya lamang akong pinasikat. Mas lalong dumami ang kumukuha sa akin ng litrato kaya dumating na si Zafir para sunduin ako. Pinalayo naman niya ang mga babaeng nanghihingi ng pirma ko ngunit pati siya ay pinagkaguluhan na rin. Walang nagawa ang mga bantay ng bulwagan kung hindi ang ihatid kami sa aming sasakyan at bugawin ang mga sumusunod.
"Alam mo na ngayon kung ano ang pakiramdam ng sobra ang karisma at kagwapuhan," pagyayabang ko kay Zafir nang makapasok kami sa loob ng sasakyan.
Inismiran niya lamang ako tsaka nag-abalang paandarin ang kotse. Aba't ang lalaking ito talaga!