Maruem
Kahapon lamang ay nakatanggap ako ng tawag mula kay ama. Sinabihan niya akong dumalo sa pagdiriwang kung saan kokoronahan na bilang hari ang bagong hari ng Leviste Kingdom. Hindi iyon nakapagpalista upang makasali sa Blood Compact Organization dahil huli na siyang nakoronahan. Maigi na rin iyon para kaunti na lamang ang dudurugin ko.
Papunta na kami ngayon ni Zafir sa Leviste Kingdom na halos tabi lamang ng Shivante Kingdom. Sa mga nakaraang araw naman ay nakapagpahinga ako. Kain at tulog lamang ang aking ginawa, maging pagpaplano na rin at pag-eehersisyo. Hindi ko kinakalimutang i-kondisyon ang aking magandang katawan. Hindi ako papayag na maging mahina ulit ako.
"Malapit na tayo roon, mga sampung minuto na lamang. Maghanda ka na," sabi ni Zafir.
"Hindi naman iyon mahalagang nilalang o kakilala ko. Basta at makarating tayo ay tapos," sabi ko naman.
Napakamot si Zafir sa batok at napailing. Halos labing-limang minuto na kasi kaming huli sa pagdiriwang. Hindi ko inagahan dahil magmumukha akong interesado. Ayaw ko rin makasalamuha ang mga mapagbalat-kayong maharlika na babati sa akin nang nakangiti ngunit magsasabi naman ng mapang-aping mga salita oras na tumalikod ako. Baka mapilipit ko ang kanilang mga leeg.
Wala pa rin akong balita tungkol sa simula ng Compact Initiation, ang unang hakbang sa pagpasok sa Blood Compact Organization. Babalitaan naman daw kami ngunit kahit abiso ay wala pa. Huwag naman sanang matagalan pa, gustong-gusto ko na itong mag-umpisa. Tinatamad na nga akong magpunta sa koronasyong ito. Nakakainip ang mga pagdiriwang, pagkain lamang ang masarap. Sawa na rin akong makarinig ng mapanirang puri mula sa mga maharlikang mapangmata na wala namang naiambag sa mundo. Iyon ang kaisa-isang ayaw ko sa pagiging hari, dapat ay laging nasa mga pagdiriwang oras na maimbitahan. Ang nagugustuhan ko lamang minsan sa mga pagdiriwang ay ang mga masasarap na prinsesang naiinuman ko ng dugo.
"Nandito na tayo," sabi ni Zafir.
Napatingin naman ako sa labas, hindi ko namalayang nandito na pala kami. Hindi kagandahan ang ngayong arkitektura ng Leviste Kingdom. Nakita ko noon ang kanilang kastilyo at mas gusto ko iyon kahit papaano. Baka pati mga mahaharlikang nakatira rito ay hindi papasa sa panlasa ko.
Bumaba ako ng sasakyan at dumiretso sa loob. Agad naman akong nagmadaling maglakad papasok sa loob nang pumula ang langit at magsimulang umambon – patay na. Nakalimutan ko pa lang nandito ang aking buong pamilya. Baka kaya ako sinabihan ni Zafir na sampung minuto na lamang ay nandito na kami. Paniguradong galit na galit si Claire. Ngingisian ko na lamang ang wirdong iyon.
Pumasok ako sa loob. Hindi na ako nag-abalang hanapin pa ang aking pamilya dahil nakakailang hakbang pa lamang ako ay humarang na sa akin si Moriah. May subo-subo itong lollipop at nakasuot ng gown. Ako naman ay suot ang aking iconic suit. Ang paborito kong tuxedo.
"Ang tagal mo, kuya. Kumidlat na kanina dahil galit na si Ate Claire. Ayaw ko pa man din na umulan dahil nakasuot ako ng magandang gown. Batiin mo na ang ibang mga bisita, kuya. Ikaw ang hari ng Coran Kingdom kaya dapat ay ikaw ang nakikihalubilo. Ayaw na ayaw ni Ate Claire na makipag-usap sa iba," bungad sa akin ni Moriah.
Hindi naman ako umimik matapos magsalita ni Moriah. Pinagmasdan ko lamang ang buong bulwagan na pinagsasapitan ng pagdiriwang. Maganda naman ang disenyo, pwede na. Wala pa ring makakatalo sa pagdiriwang na ginagawa ng Coran Kingdom. Lahat ng nilalang ay imbitadong pumunta.
Sinundan ko si Moriah nang magsimula siyang maglakad. May mga bumabati naman sa akin ngunit nagkukunwari akong hindi iyon naririnig. Mga prinsesa ang karamihan sa bumabati at gustong kuhanin ang aking atensyon. Wala akong balak na uminom ng dugo mula sa mga prinsesa ngayon, baka magkaroon pa ng komosyon at maging hadlang pa iyon sa pagsali ko sa Blood Compact Organization. Ayaw kong masira ang aking nasimulan dahil sa mga malalanding bampira.
Naisip ko naman ang mga mortal. Ano kaya ang lasa ng kanilang dugo? Hindi ko pa nasusubukan, walang mga prinsesa sa kanila ngunit marami namang mga babaeng nabubuhay nang maharlika. Paniguradong mabango ang mga dugo nila.
Naalala ko ulit na sa Blood Initiation kung saan vampire council na ang magsasabi sa amin ng mga misyon ay papupuntahin kami sa mundo ng mga mortal. Gusto kong makita ang kanilang sibilisasyon, ang kanilang itsura, at totoong uri ng pamumuhay. Hinahangaan ko rin ang mga mortal dahil sa kanilang inobasyon. Sana ay maging kapana-panabik na misyon sa mundo ng mga mortal ang makuha ko mula sa vampire council.
Nang matanaw ako nila ama ay tinanguhan ko siya. Malakas naman na kumidlat nang magtama ang paningin namin ni Claire. Hindi ko naman siya pinansin at umupo na sa bakanteng upuan.
"Bakit huli ka na naman?" bungad sa akin ni ama.
"Traffic," sagot ko.
Napatampal naman sa noo ang aking ama. Ang aking ina naman ay bumulong kay ama na paniguradong pinapakalma ito. Mainitin kasi ang ulo ni Emperador Julyan, ang dakilang emperador ng Prime Empire.
"Wala ka sa mundo ng mga mortal kaya tantanan mo ako sa traffic na iyan. Huwag kang masanay na huli sa mga pagdiriwang, mahalagang magkaroon ka ng pakikipagkaibigan sa ibang mga kaharian. Matatag na ugnayan, upang higit lalo na kapag sa panahon ng krisis ay maaari kayong magtulungan," bilin ni ama. "Pagdating mo rin sa venue kung saan gaganapin ang Compact Initiation, kung maaari ay kaibiganin mo ang mga hari na hindi natin ka-alyado. Maaaring lumaki pa ang alyansa natin sa ibang mga kaharian. Mas maganda iyon dahil mas marami tayong maaangkat na produkto."
Hindi naman ako sumagot at tinanguhan na lamang siya. Nagsimula na akong kumain dahil nakaramdam ako ng gutom. Rinig ko pa rin ang pagkulog sa labas. Mukhang nagtitimpi sa akin si Claire.
"Kapatid, kumalma ka. Nasa selebrasyon tayo. Mamaya mo na durugin si kuya. Kumain ka na muna," pagpapakalma ni Chadler kay Claire na may halong pang-aasar. Napailing na lamang ako.
Kumain kami nang tahimik at ang tanging nag-uusap lamang ay si Ina, Chadler, at si Moriah. Kinukumusta nila si Moriah. Si ama naman ay sumasagot din minsan.
"Nandito pala ang sikat na pamilyang Crimson. Ikinagagalak kong makilala kayong lahat at salamat sa pagpapa-unlak sa aming imbitasyon. Ako ang dating hari ng Leviste Kingdom na si Estacio Topaz. Ito ang aking anak na bagong hari, si Haring Will Topaz."
Bagot akong lumingon sa nagsalita. Paglingon ko ay dalawang lalaki ang naroon, ang mag-ama ng Leviste Kingdom.
"Sayang at hindi ako nakapagpatala, Haring Maruem. Hindi ba at nakasali ka?" tanong ni Haring Will.
"Oo," tipid kong sagot.
Tumango naman siya at umiwas na magtanong sa akin dahil sa pagkapahiya. Akala niya ay makikipagkwentuhan ako sa kaniya, wala ako sa wisyo. Mukha rin siyang lambutin at paminta. Pakiramdam ko ay sinadya ng kaniyang ama na ilagpas ang kaniyang koronasyon sa araw kung kailan magsisimula ang pagpapatala dahil hindi kakayanin ng kaniyang anak ang mga ipapagawa ng Blood Compact Organization.
Nagkwentuhan si ama at ang dalawang lumapit sa amin. May prinsesa rin ang kanilang kaharian ngunit hindi ko ito pinansin. Magana kong kinain ang inihaw na baka dahil malinamnam ito. Dito ko itinuon ang aking buong atensyon.
"Tingnan mo iyong hari ng Coran Kingdom, nandito siya. Ayon sa lamesa ng mga Crimson!"
"Hindi kaya ampon siya dahil walang abilidad? Ngunit rinig ko ay malakas naman siya, ngunit baka hindi rin ganoon kalakas. Hindi rin maitatangging gwapo at may hawig sila ni Emperador Julyan."
"Huwag kang magsalita ng ganiyan, Reyna Astrolopa! Baka marinig ka ng hari ng Coran Kingdom, tiyak na tatanggalin niya ang alyansa sa inyong kaharian. Pigilan mo ang iyong dila."
"Para sa akin ay tuta pa rin siya ng kaniyang ama."
Ikinalma ko ang aking sarili matapos marinig ang dalawang reyna na iyon na nag-uusap. Sinisiraan na naman nila ako dahil wala akong abilidad. Nagsuspetsa pa kung ampon ako ng mga Crimson, ang lalakas ng kanilang loob. Nag-iinit ang aking laman at gusto ko na silang putulan ng dila. Kailangan kong kumalma, kailangan kong lumayo mula sa gulo. Mukhang dahil sa umiiwas ako ay lalong lumalapit sa akin ang gulo. Pinag-iinit nila ang ulo ko.
Natapos ang kainan at nagsimula ang sayawan. Ganito lagi, matapos ng kainan ay may mga musiko o mananayaw na magpapakita ng talento. Doon din magaganap ang sayawan ng mga maharlika. Nakaupo lamang ako sa tabi ng bar counter at nainom ng alak. May mga katabi rin akong hari na ayaw makihalubilo.
"Ikaw si Maruem Ezekiel Crimson, hindi ba?" tanong ng aking katabi.
Tumitig ako sa kaniya at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. Mukhang isa rin itong hari.
"Ako si Haring Pollo ng Wise Kingdom. Ikinagagalak kong makilala ka, hari ng Coran Kingdom," pakilala niya. "Sana ay magkaroon ng alyansa ang ating mga kaharian sa nalalapit pang mga kaganapan."
Tinanguhan ko lamang siya at inalok naman ako nito ng cheers. Agad naman naming pinagbangga ang aming mga baso. Ikokonsidera ko iyon bilang kaibigang kaharian. Iyon na ang uri ko ng pagsagot. Para kapag tinanong ako ni ama ay masasabi kong may nakausap ako kahit isa. Tiyak na magbubunganga na naman iyon sa akin na parang isang babae.
Natapos ang pagdiriwang kaya buong pamilya kaming lumabas sa bulwagan ng kastilyo. Muntik naman akong mawalan ng balanse nang hilahin ako ni Claire. Madiin niyang hinila ang aking kamay at itinakbo ako sa magubat na parte.
"Nawawalan na ako ng pasensya sa iyo kanina pa. Baka makalimutan kong kapatid kita. Gusto ko nang pasabugin ang buong kastilyo upang matahimik ang mga maliligalig na kumakausap sa akin! Kung sana ay maaga kang dumating at ginampanan ang pagiging butihing hari mo ay hindi ako nakipagplastikan sa mahaharlikang iyon!" galit na sigaw sa akin ni Claire matapos niya akong higitin.
Pumula ang aking mga mata dahil sa aking narinig. Ang bibig nito, masyadong magaspang magsalita. Mukhang nakakalimutan niya nang gumalang.
"Sumagot ka lamang sa mga mahaharlika ay gusto mo na akong lapain? Ganoon ko ba naapakan ang iyong prinsipyo? Pakalmahin mo ang iyong sarili dahil baka makalimutan ko ring isa ka sa mga kapatid ko. Hari ako at nakakatanda sa iyo. Huwag kang bastos magsalita. Napakawirdo mong bata," naiiling kong sabi.
"Hindi na ako bata! At huwag mong sabihin sa akin na wirdo ako dahil wala kang alam! Makasarili ka, ni hindi mo man lang alam na dadalo kami! Laging sarili mo lamang ang iyong iniisip!" malakas niyang sigaw.
Alam kong ano mang oras ay handa na akong sugurin ni Claire. Malakas na kumikidlat ang kalangitan. Pula na rin ang kaniyang mga mata at labas na ang mga kuko. Pinatibay ko naman ang aking mga kuko at buto sa kaliwang kamay. Alam ko ang mga galaw ni Claire.
Nang sugurin niya ako ay alam kong kakaliwa muna ito bago umikot sa aking kanan. Nang mapunta siya sa aking likod ay hinawakan ko ang kaniyang leeg. Nakawala naman agad siya sa akin nang malakas siyang bumwelo palayo.
"Tigilan mo na ito kung ayaw mong masaktan," seryoso kong sabi.
"Mayabang ka–"
Agad kong sinugod si Claire. Hindi niya ako nakita dahil sa aking bilis kaya agad kong pinilipit ang kaniyang leeg upang mawalan siya ng malay. Tumigil ang pagkidlat at ang pamumuo ng pulang mga ulap. Binuhat ko naman si Claire at lumabas sa kakahuyan.
Saktong paglabas ko ay nasa harap ko na si ama. Masama ang tingin nito sa bitbit kong walang malay na si Claire. Alam kong tingin nito ay kasalanan ko na naman. Ngunit parang ganoon na rin dahil ako ang dahilan kung bakit nagalit si Claire dahil sa mababaw na dahilan.
"Pinigilan ko lamang siyang magdala ng bagyo sa Leviste Kingdom. Bitbitin mo na si Claire at pupunta na ako kay Zafir. Tatawag na lamang ako kapag uuwi na ako sa ating kaharian," malamig kong sabi kay ama.
Hindi naman siya nagtanong pa at kinuha na sa akin ang walang malay na si Claire. Matalim ang mga titig ni ama sa akin.
"Mag-iingat ka, Maruem. Tatagan mo ang iyong sarili at lubos na itala sa iyong isip ang mga bagay na kailangan mong gawin. Kakayanin mo iyan, matibay ka. Huwag mong hahayaang apakan ka ng iba. Ngayon ay naniniwala ako sa kakayahan mo," sabi ni ama bago siya mabilis na naglaho sa aking harap.
Kataka-taka ang kaniyang iniwang mga salita. Para siyang namamaalam sa akin. Hindi naman ako lalayas, babalik din ako. Baka akala niya ay may alitan kami ni Claire at ayaw ko pang umuwi sa aming kaharian.
Pagkapa ko naman sa aking bulsa ay naiwan ko ang aking panyo sa loob ng kakahuyan. Mamahalin iyon at galing pa sa mundo ng mga mortal.
Bumalik ako sa loob at hinanap iyon. Akmang dadamputin ko na ito nang may pumulupot na liwanag sa aking bewang. Nanlaki naman ang mata ko nang malakas akong humampas sa isang puno.
Agad akong tumayo at doon ko nasaksihan ang tunay na mangyayari pa lamang. Napapaligiran ako ng sampung nakasuot ng maskarang mga sibilyan. Mukhang may nagbabalak na namang ipahamak ako. Sino naman kaya sa pagkakataong ito at ano ang pakay nila sa akin? Hindi ko maintindihan kung bakit pinipili nila ang mas masakit na paraan ng pagpapakamatay sa pamamagitan ng pagdakip sa akin, talagang bang ayaw na nilang sikatan ng araw kinabukasan? Kung iyong nakaraang haring nagpadakip sa akin ay hinayaan ko pang mabuhay, itong ngayon ay huwag na sanang umasa pa. Sisiguraduhin kong buburahin ko ang pagkatao niya sa mundong ito. Nagkakamali silang banggain ako.