Maruem
Isang linggo at tatlong araw ang nakalipas mula noong muntik ko nang gibain muli ang aming kastilyo. Hanggang ngayon ay mainit pa rin ang tingin sa akin ni ama. Wala naman akong pakialam, simula't sapul naman ay lagi niya na akong minamata. Parang hindi pa ako nasanay.
Naglatag na rin ako ng mga bagong batas at propaganda para sa aming komunidad. Maging ang mga buwis na walang kinalalagyan at nakatengga sa aming kaharian ay ginamit ko upang magbigay ng tulong sa mga baryo. Ganoon din ang pagbibigay ng eksaminasyon sa mga batang bampira na gustong makapag-aral. Naging iskolar sila ng kaharian at nagpatayo na rin ako ng mga pampublikong paaralan. Walang pampublikong paaralan sa aming kaharian, lahat ay pribado at kailangang may bayad upang makapag-aral. Gumagawa na rin ng ingay ang aking mga bagong ginagawa at muling nakikilala ang Coran Kingdom. Marami ang mga turistang bumibisita lalo na sa mga baryong may magagandang tourist spots. Tumataas lalo ang ekonomiya ng Coran Kingdom. Maganda ang aking ginagawa at kailangan ko itong ipagpatuloy.
Ang lahat din ng otoridad at mga kapulisan sa buong kaharian ng Coran ay sasailalim sa screening. Lahat ng mga may kaso at may katiwaliang ginawa ay tatanggalin sa puwesto. Ang tanging ititira ay mga may mabubuting hangarin upang maging maayos at maganda ang kanilang serbisyo sa mga bampira at iba pang lahi. Wala akong pakialam kung kumonti ang kanilang bilang. Kayang-kaya ko silang palitan lahat. Magiging bukas ang Coran Kingdom para sa lahat ng lahi, kahit saan man sila nabibilang sa alta-sosyalidad.
Marami rin akong naririnig na bumabangga sa aking mga plataporma. Mga mahihina ang utak na hindi marunong umintindi. Paniguradong hindi makabuluhan ang kanilang buhay kaya't ang mga plataporma ko ang pinapakialaman nila. Sa tingin ba nila'y basta-basta kong inihahain ang mga sinasabi kong plataporma nang walang sapat na pagsasaliksik at pagpaplano? Halatang wala silang alam pagdating sa ekonomiya, pagbabalanse ng buwis, at humanidades. Buti sana kung may iminumungkahi silang alternatibong solusyon ngunit wala naman, tanging reklamo at panglalait lang ang lumalabas sa mga bibig nila na parang mapapaunlad ng mga salitang iyon ang kaharian namin. Mga walang utak na gusto lamang ay yumaman ang kaharian, walang pakialam kung anong sektor ang kumikita basta at may pumapasok na pera. Hindi ganoon ang pagiging hari, hindi lamang basta pagpapasunod ng mga nilalang at pagkamkam ng buwis ang pagiging hari.
Masaya ang aking ina para sa aking ginagawa. Ang ama ko naman ay naiinis pa rin sa akin dahil sinabi ko noon na may mga pagkukulang siya sa harap ng napakaraming bampira. Totoo naman, sinasabi ko lang din sa kaniya ang katotohanan at hindi ako nagsisimula ng gulo.
Marami rin ang mga kahariang gustong gumanti sa akin dahil sa mga nabugbog kong maharlika mula sa pagkabata. Ako na ang hari ng Coran at hindi na ang aking amang emperador. Hindi rin naman nila kaya ang aming kaharian, malakas ang militar ng Coran at kilala sa mga matatagumpay na misyon at rescues. Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na may mga kulto rin at terorista ang aming mundo. Marami rin ang mga tumataliwas sa pamamalakad.
Sa ngayong nasa termino ako ay wala pa naman akong nababalitaan na mga terorista o mga nagbabalak mag-aklas. Karamihan lang sa mga hinaing ay mula sa mga mahihirap na nanghihingi ng hustisya para sa mababang presyuhan ng kanilang mga produkto. Ayaw kong pagsimulan iyon ng giyera. Ako rin mismo ang tatapos sa mga kahariang magbabalak na sakupin ang aming kaharian dahil tingin nila ay mahina akong hari. Ipapakita ko sa kanila kung gaano ako kawalang-awa sa mga kaaway. Tanging mga nasasakupan ko lamang ang aking prayoridad, mga taong inosente, at mga mamamayang gusto ng kalayaan. Silang mga pasimuno ng gulo at kasamaan ang uubusin ko.
May kumatok naman sa aking opisina. Hindi na ako laging nasa kwarto dahil may sarili na rin akong opisina. Idagdag pang ako mismo ang naghanap ng interior designer upang masunod ang gusto kong disenyo.
Binuksan ko ang pinto at sumilay sa akin si Chania. Ngayon lang yata ako nakatanda ng pangalan ng isang katulong ng palasyo. Ni kahit sinong prinsesa ay mabilis ko ring makalimutan ang pangalan. Hindi ko na minememorya ang mga pangalan nila dahil sayang lang sa oras, muli rin naman silang magpapakilala sa pagkakataong magkita kami. Nang maalala ko na naman ang nangyari sa amin noon ni Chania ay agad akong napatikhim.
"Ano ang kailangan mo? Hindi ba't sinabi kong huwag kang magpapakita sa akin?" seryoso kong tanong sa kaniya.
"Pinapatawag ka ng iyong ama sa kaniyang opisina, Haring Maruem. May mahalaga raw kayong pag-uusapan. Nabanggit niyang patungkol iyon sa isang opening," sagot ni Chania.
Matapos nitong magsalita ay agad na nawala sa aking harap. Aba't bastos na iyon, basta na lamang umalis at hindi magalang na nagpaalam! Eh ano rin ba ang pakialam ko sa kaniya? Tsk. Ayaw ko rin naman siyang makita!
Isinara ko na ang pinto. Opening, anong opening kaya iyon? Baka bagong bukas na negosyo. Wala akong pakialam tungkol doon.
Agad naman akong pumasok sa aking silid dito sa opisina. May silid-pahingahan ako rito upang kapag inaantok ako ay hindi ko na kailangan pang bumalik sa aking mismong silid. Minsan ay nakakatamad nang tumayo at tumaas pa sa palapag ng aking kwarto. Kung hindi ba naman talaga ako gusto pahirapan ng aking ama ay nasa walong palapag ang aakyatin ko bago makarating doon. Sinadya niya pang layuan ang aking opisina mula sa kwarto. Kahit naman may taglay akong bilis ay inaatake pa rin ako ng katamaran minsan. Nilalang akong nakakaramdam din ng katamaran, antok, pagod, at sobrang kagwapuhan.
Nanalamin ako at tinignan ang aking sarili. Nakasuot ako ng tuxedo at gwapo pa rin ang aking itsura. Maganda rin ang pagkakaayos ko sa aking buhok. Kahit naman nasa kastilyo lang ako ay presentable pa rin akong manamit. Kapag nasa kwarto ako ay roon lamang ako nakasuot ng pantulog. Iyon ang mga oras na ayaw kong magpaistorbo. Ako ang hari, ako ang masusunod.
Naglakad na ako papunta sa opisina ng aking ama. Tumayo ako sa gilid ng kaniyang pinto at naalala kong inis na inis ito sa akin kaya mas lalo ko siyang iinisin. Yung tipong gusto niya na akong ipatapon sa ibang mundo sa sobrang inis. Makaganti man lang sa mga ginagawa niya kahit papaano. Nag-eenjoy akong makita ang aking ama na umuusok ang ilong habang tinatawag ang aking napakagandang pangalan.
Makalipas ang limang minuto ay nagbukas ang pinto. Akmang sisigaw na si ama nang tumikhim ako.
"Maruem–"
"Ehem."
Inis na inis si ama habang nakatitig sa akin. Napamura ito at napamasahe sa kaniyang sintido. Pumasok naman ako sa kaniyang opisina. Sinigawan ako nito nang umupo ako sa kaniyang swivel chair.
"Doon ka sa couch, punyeta kang bata ka! Umayos ka nga at umakto nang disente! Lagi mo na lamang pinapainit ang ulo ko!" sigaw ni ama.
Tiningnan ko ang mga bago niyang email. Napangisi ako tungkol sa sinasabi niyang announcement. Bagong announcement iyon patungkol sa pagpapatala ng mga gustong sumali sa Blood Compact Organization upang masala para sa puwestong emperador ng Prime Empire. Buong puso akong pupunta roon at lulubayan ang init ng ulo ng aking ama habang nandoon ako.
Mabilis akong umupo sa couch kaya umupo na siya sa kaniyang swivel chair. Dumarami na ang puting buhok ng aking ama, marahil ay dahil sa stress sa akin. Mas stressed pa yata ito sa akin kaysa sa buong Prime Empire.
"Nabasa mo naman na, hindi ba? Bukas na agad iyon, biglaan lagi maglabas ng anunsiyo ang Blood Compact Organization. Mamayang gabi ang alis mo papunta sa Shivante Kingdom. Doon gaganapin ang pagpapatala. Umayos ka roon, Maruem. Huwag kang gagawa ng gulo dahil maaari kang ma-disqualified," bilin ni ama.
"Parang nagtitiwala ka na yata sa aking abilidad? Ama, ano ang nakain mo?" tanong ko rito.
"Manahimik ka at ayusin mo ang buhay mo. Gawin mo ang lahat ng makakaya mo, huwag mo akong ipahiya pati na ang Coran Kingdom. At utang na loob, tigilan mo ang pagiging babaero. Huwag mo nang idagdag ang mga prinsesa ng Shivante sa iyong listahan," dagdag pa niya.
"Mukhang binigyan mo ako ng bagong pagkakaabalahan habang naroon ama. Magandang plano iyan," nakangisi kong sabi kaya napailing naman siya.
May ibinigay pa sa aking envelope si ama na may lamang papeles. Dadalhin ko ang mga ito at aasikasuhin mamaya. Ihahanda na raw niya ang aking sasakyan kaya ihanda ko na raw ang aking mga damit. Mamaya ay sasabihin niya sa akin ang mga plano at kung paano ang aking gagawin bago umalis.
Pinalayas niya na ako sa kaniyang opisina. Agad naman akong umakyat sa aking silid at nagsilid ng mga gamit sa maleta. Puro tuxedo ang aking dinala at isang pangtulog. Paniguradong lagi naman akong nasa labas at hindi masyadong mananatili sa lugar na tutuluyan ko para magpahinga.
Naligo ulit ako, pangalawang beses na ngayong araw. Pakiramdam ko ay babanasin ako sa biyahe kapag nagpalit lamang ako ng damit. Maigi na maligo ulit upang presko ako at mabango. Iinggitin ko sa kagwapuhan ang mga kalaban ko, sa karisma pa lamang ay talo na sila. Intimidasyon din ay nakakadagdag sa pagtingin sa isang nilalang bilang hari, at sigurado akong nakakaintimida ako.
Nang maayos ko na ang aking sarili ay may nagdala sa aking silid ng hapunan. Agad naman akong kumain at pinapabaunan pa raw ako ni ina ng matamisin para sa aking biyahe. Tatanggapin ko naman iyon, alam kong mag-aalala si ina sa akin. Isa pa, alam kong masarap ang luto niya.
Bumaba na ako matapos kumain bitbit ang aking maleta. Binigyan ako ni ama ng briefcase na laman ang lahat ng dokumentong kailangan ko. Siya na ang nag-ayos dahil susunugin niya raw ako nang buhay kapag may nakalimutan akong dokumento. Mukhang suportado na ako ngayon ni ama. Hindi ko alam kung bilib na ito sa lakas ko o talagang napilitan lang siyang ako ang ilaban para sa pagpalit sa pwesto niyang emperador ng Prime Empire dahil ako ang hari ng Coran Kingdom.
"Maruem, tandaan mo ang mga sasabihin ko. Pupunta ka roon at pasensiyosong pipila upang maipatala ang pangalan mo. Umakto ka bilang isang edukadong hari at hindi lakwatserong babaero. Tumigil ka sa pagsipsip ng mga prinsesa! Siguraduhin mo rin na makakapagpatala ka at talagang nasa listahan ng mga kandidato ang pangalan mo. Magkakaroon din kayo ng introduksiyon sa Blood Compact Organization kinabukasan ng patalaan upang i-anunsiyo ang lugar kung saan gaganapin ang mga pagsubok at initiation. Doon mo rin malalaman ang lahat ng iba pang impormasyon," paliwanag ni ama.
"Naiintindihan ko, ama. May iba ka pa bang ihahabilin?" tanong ko.
"Maaaring maraming hari ang mangmata sa iyo, lalo na ang mga nakakatanda na lalaban din. Huwag na huwag kang makikigulo, Maruem. Maaaring matanggal ka dahil doon. Tandaan mo ang lahat ng sinasabi ko," dagdag pa ni ama.
Nagpaalam na ako sa kanila. Niyakap ako ni ina dahil alalang-alala ito. Si Moriah din ay yumakap na akala mo ay hindi ko na makikita pa ang mga ito. Si Chadler at Claire naman ay tinanguhan ko na lamang. Dala-dala naman ni Heneral Zakarias ang aking maleta, briefcase, at ang lunchbox na bigay ni ina. May laman iyon na cake na ipinabaon niya sa akin.
Sumakay na ako sa sasakyan at nagsimula na ang pag-andar nito. Kasama ko ang aking personal butler, ang hunghang kong pinsan. Tulog ito at nakanganga pa. Pagod daw dahil sa buong araw na pag-eensayo sa kampo.
Habang umaandar ang sasakyan ay tinitingnan ko ang laman ng briefcase. Nakita ko naman ang papel kung saan nakatala ang pangalan at profile ng mga hari na posibleng lumaban para sa puwestong emperador ng Prime Empire.
Maraming nakalagay sa mga papel, ngunit ang nakaagaw ng atensyon ko ay ang haring may pinakamatunog na pangalan. Ang panganay na anak ng mga Escobar at bagong hari ng Norhan Kingdom, si Salome Eussepe Escobar. Halos kasing edaran ko lang din ito. Ang kaniyang abilidad ay ang payanigin ang lupa. Kaya nitong payanigin ang kahit anong solid na bagay. Nakakamangha at nakakaintrigang kapangyarihan.
Mukhang malakas din ang hari ng Croma Kingdom na si Haring Leus Westley, kaya naman niyang kontrolin ang hangin at pagalawin ang mga bagay gamit ito.
Ano kaya ang akin kung mayroon man talaga akong papalabas pa lamang na abilidad? Isa naman akong pure-blooded vampire. Ngunit sabi rin noon ni Mang Inuwa, baka nasa ilalim ng incubation period ang aking kapangyarihan kaya matagal. "Mas matagal, mas malakas" ayon sa kaniya. Bago niya rin nalaman na isa siyang hybrid dahil sa kaniyang lumabas na abilidad ay nasa limang taong gulang na ito.
Muli ko ring tinignan pa ang ibang pangalan kung may kakilala akong nakasagupa ko na noon. Nandito ang mga nakasama ko noon sa paaralan na nang-api sa akin. Nandito rin iyong huli kong nakasagupa sa kaharian. Panigurado namang isa ako sa mga magagaling na kalahok. Hindi ako papayag na malagay sa alanganing pwesto at matanggal. Lagi kong ibubuhos ang aking buong lakas upang masungkit ang aking ninanais. Hindi ako makapapayag na hindi ako ang magiging emperador ng Prime Empire.
Inabot kami ng ilang oras sa biyahe at hindi ko namalayang nakatulog na ako. Bitbit ang lahat ng aking gamit ay sinamahan ako nila Heneral Zakarias hanggang sa loob ng aking hotel room. Maganda ang kaharian ng Shivante.
Nang makapasok ako sa aking silid ay agad kong binuksan ang cake na ipinadala ni ina. Habang kumakain ako ay may nakita akong sulat sa gilid. Napakunot naman ang aking noo.
Hayaan niyong painitin namin ang inyong gabi. Tumawag lamang sa numero para sa magagandang dilag na may sariwang dugo.
123*****
Napailing naman ako at tinapon iyon. Hindi ako iinom ng dugo sa mga normal na bampira. Baka mamaya ay may sakit pa sila, tsk. Akala ko pa naman ay maganda ang hotel na napili ni ama para sa akin. Bukas na bukas din ay lilipat ako sa mas maganda at mas mahal.