Maruem
Hinayaan kong mag-intay ang mga manunulat sa bulwagan dahil may mas mahalaga akong bagay na kailangang aksyunan kaysa ang unahin silang paunlakan. Makakapaghintay naman sila roon sa kampo. Babalik din naman ako, paniguradong hinahanap na ako ni ama.
"Ngayon, gusto kong ilagay niyo ang mga karatulang ibinigay ko sa inyo. May karampatang multa ang mga lalabag at mahuhuling basta na lamang magtatapon ng basura. Limang ginto para sa unang paglabag, tatlong araw na pagkakakulong sa pangalawang pagkakataong paglabag, at sa pangatlong paglabag ay may karampatang multa na sampung ginto at isang buwan na pagkakakulong. Mamigay din kayo ng mga flyers kung saan diyan nakasulat na nananawagan ang ating kaharian sa mga bampirang walang trabaho upang magkaroon sila ng panandaliang pagkakakitaan. Kailangan ng ating kaharian ng magigiting na magwawalis sa mga lansangan at magpupulot ng basura," mahaba kong paliwanag.
Nakita ko naman ang sundalong napangisi. Mabilis akong bumungad sa kaniyang unahan kaya agad itong nasindak.
"Nakakatawa ba ang sinabi ko para sa iyo!? Kung sa tingin mo ay hindi ako seryoso, pwes, may karampatang parusa rin sa mambabastos sa akin! Kasalanan ng isa ay kasalanan ng lahat! 100 push-up para sa lahat!" sigaw ko.
"Sir, yes, sir!" sigaw naman ng mga sundalo at sabay-sabay na nagpush-up.
Paniguradong sisisihin ng lahat ng ito ang gagong tumawa na iyon kanina. Pakialam ko naman kung mag-away silang lahat mamaya, basta ay gawin nila ng maayos ang mga pinapagawa ko. Ayaw ko rin ng bastos. Bastos ako sa bastos. Kapag ganitong seryoso ang mga nangyayari.
Hindi simpleng kaso lamang ang pagkakaroon ng napakaraming basura sa lansangan. Kailangang mapanatiling malinis ang kapaligiran upang walang mga bampirang magkasakit at hindi ito pagsimulan ng mga sakit na maaaring kumalat sa lahat. Lalo na sa mga bata at maliliit pang bampira, mahina ang kanilang resistensiya. Kahit hindi nag-uumaga sa aming mundo ay umuulan naman dito at bumabagyo. Lumalakas ang hangin lalo na kapag mainit ang ulo ng kapatid kong si Claire at ni ina. Nagigising na lamang ako sa madaling araw na kumikidlat. Iyon pala ay binabangungot si Claire. Ganoon katindi ang kapangyarihan ng kapatid ko.
Ayaw ko rin na magkaroon ng polusyon sa aming kaharian. Mayaman kaming kaharian at karapat-dapat lamang na presentable itong tingnan. Hindi dapat puro basura na hindi gaanong napagtuunan ng ama ko noon ng pansin.
May mga mamamayang bampira naman na ang kumagat sa aking balak. Lahat sila ay tatanggap mamaya ng karampatang pabuya para sa pagpapakita ng sipag at interes sa paglilinis ng aming kaharian. Sa ganitong metodo ko ay mahihikayat ang iba na maging malinis sa paligid. Maaliwalas din itong tingnan.
Kasama ko si Heneral Zakarias habang naglilibot sa isa sa mga baryo ng aming kaharian. Napakunot naman ang aking noo nang makakita ng pamilyang nasa gilid ng kalsada at may mga nakalatag na karton. Agad ko silang nilapitan at kasabay rin noon ang paglapit ng isang pulis.
"Dito kayo natutulog sa lansangan? Wala ba kayong tirahan?" tanong ko sa ina na may bitbit na dalawang bata.
"Pasensya na kayo, Haring Maruem. Ang mga ito ay pasaway! Matagal ko nang pinapalayas ngunit balik nang balik!" sigaw nitong pulis at akmang hahatawin ang isang bata ng kaniyang batuta.
Agad kong iniharang ang aking braso kaya nabali ang batuta. Naging pula ang aking mga mata at malakas na sinampiga ang pulis. Napasinghap naman ang lahat ng nakakita maging ang ibang pulis sa paligid. Hindi ko ito palalampasin. Ganito pala ang pamumuno nila.
"Sino ba namang tanga ang mayroong katulad ng lalaking ito ang pag-iisip? Itaas ang kamay at aalugin ko ang mga utak niyo!" malakas kong sigaw at nang walang magtaas ng kamay ay muli akong nagsalita. "Oras na malaman kong nangmamaltrato ang pulisya ng mga sibilyang walang laban, lahat ng malalaman kong salarin ay pahihirapan ko at sisiguraduhin kong hindi na muling makakabalik pa sa pwesto. Kita ninyong wala na ngang tirahan, pinapalayas pa! Bakit hindi niyo dalhin sa tanggapan ng Coran Kingdom upang matulungan? Mga hunghang!" galit ko pang sigaw.
Nangangatal naman sa takot ang mga pulis na nasa malapit. Hindi ito marunong tumingin sa kanilang kapangyarihan at mapang-abuso. Sabi na at talagang kailangan ako ng Coran Kingdom. Napakaraming hindi napunan na pagkukulang ng aking ama.
"Ano ang pangalan mo?" tanong ko sa babaeng may bitbit na bata.
"Zinia ho, kamahalan. Pasensya na ho kayo pero ayos lang ho iyon," magalang niyang sabi.
"Dadalhin kayo ng mga pinagkakatiwalaan kong sundalo sa tanggapan upang matulungan. May libreng pabahay ang Coran Kingdom sa mga mamamayang walang kakahayang bumili ng lupa maging makapag-aral. Ni hindi ko akalaing may mga walang tirahan at naghihirap ng ganito sa ating kaharian. Kung may mga kakilala ka pang tulad mo ang estado sa buhay o kapos ay agad mong sabihin sa kanila upang madala at matulungan. Ligtas kayo roon. Ito ang numero ni Heneral Zakarias upang maiulat mo ang mga lalabag sa iyong mga karapatan," mahaba kong paliwanag at siniko si Heneral Zakarias upang ibigay ang contact number niya sa babae.
Agad namang dinaluhan ng mga sundalo ang babaeng nasa harap ko na ipinatawag ni Heneral Zakarias. Naglakad pa ulit ako upang baybayin ang baryong ito. Hindi napagtutuunan ng pansin ng kaharian ang mga liblib na lugar. Luma na ang mga kabahayan at halatang marurupok na. Kailangang laanan ng mas malaking pondo ang mga liblib na baryo upang matulungan. Gayon din na makapag-aral ang mga bampirang may pagpupursigi.
Wala akong puso para sa mga nilalang na wala ring puso. Ngunit may pakialam ako sa aking nasasakupan. Hindi ko ninais na maging hari kung hindi ko gagampanan ang aking trabaho ng ayos. Sabihin na ng iba na isa akong perfectionist, wala akong pakialam. Gusto kong maayos ang lahat at pantay na naipapamahagi ang karapatan sa bawat isa sa kanila. Na dapat, hindi maliitin ang nasa mas mababang kalagayan. Na hindi porket mababa o mahina ay wala ng boses upang makapagsalita na naranasan ko noon. Hindi ko iyon hahayaang maulit pa.
Muli akong naglakad papaikot sa baryo at ipinalista ang mga aayusin at popondohan. Itong baryo ang aking inobserbahan ngunit ang lahat ng aking ipinasulat ay ganoon din ang mangyayari sa ibang baryo.
"Maruem, bumalik ka rito! Saan ka ba pumunta!? Kanina ka pa hinihintay upang magbigay ng iyong puna at mga salita! Sumama ka na sa akin ngayon din!" malakas na sigaw ng aking ama na nagpalingon sa akin.
Kakababa lamang nito ng kaniyang sasakyan at mukhang hiningal sa malakas na pagsigaw. Maririnig ko naman iyon kahit bulong, nag-abala pa siya. Napatingin tuloy ang ibang mamamayan sa amin.
Malamig ko lamang siyang tinitigan at sa isang segundo ay nasa gilid na ng kaniyang sasakyan. Hindi ko siya pinansin at pumasok na sa loob. Agad namang hinila ng aking ama ang kwelyo ng suot ko pagkapasok niya. Malamig lamang akong nakatitig kay ama.
"Ano ba ang problema mo?" tanong ni ama.
"Wala akong problema, ama. Itanong mo sa lahat at isinasaayos ko na ang mga problemang hindi mo natugunan. Marami kang pagkukulang ngunit hindi mo iyon aaminin. At wala akong pakialam sa pagpapabango ng pangalan ko, alam ko namang mababa pa rin ang tingin niyo sa akin dahil wala akong espesyal na abilidad o kapangyarihan. Ngunit kahit ganoon, wala akong pakialam. Gwapo ako at tutugunan ko ang pangangailangan ng lahat. Ako ang papalit sa iyo sa pwesto sa ayaw at sa gusto mo. Kaya kung may problema ka sa akin ama, humanap ka muna ng schedule upang makausap ako nang masinsinan. Abala akong tao," seryosong sabi ko sa kaniya.
Gulat namang nakatingin sa akin si ama. Tinapik ko ang kaniyang kamay upang bumitaw sa aking kwelyo. Sumandal ako sa malambot na sandalan at ipinikit ang aking mga mata.
"Lumalaki na talaga ang ulo mong bata ka. Hindi ko alam kung bakit ka lumaking ganiyan! Kanino ka ba nagmana!?" nawawalang pasensya ni ama na tanong sa akin.
"Kung sa laki ng ulo, paniguradong hindi sa iyo, ama. Maliit ang iyong ulo at hindi hamak na mas malaking pulgada ang akin. Magkita na lamang tayo mamaya. Katulad ng sabi ko, busy akong hari. Humanap ka ng bakanteng oras ko upang ako ay masinsinan mong makausap," malamig kong sabi bago mabilis na naglaho sa kaniyang harap.
Pula na ang mata ni ama dahil sa inis sa akin. Kung hindi ako lumabas ng sasakyan ay ramdam kong sisipain niya na ako patalsik at baka ilang kabahayan pa ang masira naming dalawa. Tinakbo ko na lamang ang layo ng kampo.
Nang makarating ako sa labas ng kampo ay nagpunas ako ng pawis. Nginitian ko naman ang mga manunulat na kumukuha ng aking mga salita patungkol sa hinaing ng marami.
Nang makapasok ako sa bulwagan ay agad akong tumayo sa gitna at kinuha ang mikropono. Bibilisan ko lamang ang aking mga sasabihin dahil gusto ko ng magpahinga. Masyado na akong maraming napagdaanan ngayong araw at kinakailangan kong matulog. Mukhang ilang araw ang aking itutulog.
"Malugod kong binabati ang lahat na nagpunta upang makuha ang aking panayam. Ngunit, hindi ako tatanggap ng tanong sa kahit sino. May sarili akong bagay na mga sasabihin," panimula ko.
"Ngunit paano malalaman ng iba na mabuti siyang lider kung ayaw niyang tumanggap ng mga tanong? Mukhang walang alam ang bagong hari ng Coran. Wala na ngang espesyal na abilidad, mukhang hindi pa marunong mamuno. Baka kahit pagpapabango ng pangalan ay hindi siya marunong. Nakakahiyang emperador pa man din ang kaniyang ama ng Prime Empire."
Nang marinig ko ang mga salitang iyon mula sa isang manunulat ay agad siyang tinunton ng aking ama. Tinitigan ko siya at pinulahan ng mata. Mukha naman itong nasindak. Wala akong pakialam sa sasabihin niya. Gusto ko na lamang matapos ang araw na ito at makapagpahinga.
"Marami panigurado ang nagtatanong sa inyo kung bakit hindi ako sasagot ng mga tanong. Ngunit bakit nga ba? Simple lamang ang dahilan," panimula ko sa aking pagpapaliwanag. "Dahil karamihan sa mga naluluklok na hari ay itinataas agad ang mga propagandang hindi naman kayang tugunan. Marami ang walang pakialam sa mahihirap at mas pinagtutuunan ng pansin ang may mga sobra-sobra pa sa biyaya. Marami ang nandidiri sa mahihirap. Bakit mo kailangang mandiri sa iyong mga nasasakupan? Imbis na pagbabaan mo ng tingin, tulungan mo. Kung nakikita mong may bagay na kailangang isaayos, isaayos mo. Simpleng mga tanong at simpleng mga bagay na may simpleng solusyon at sagot. Hindi na dapat nating pahabain pa. At hindi ako puro salita, hayaan niyong ianunsiyo ng aking mga magigiting na kanang kamay ang bawat matatapos na bagong inobasyon sa ating kaharian. Maraming hindi napagtuunan ang aking ama dahil masyado na itong abala sa pagiging emperador. Iyon ang sosolusyunan ko. Papatunayan kong hindi kailangan ng isang kaharian ng isang haring parating pampabango lamang ng pangalan ang alam. Ang kailangan ng isang kaharian ay haring may alam kung paano pantay na tumingin sa kapwa at mga nasasakupan."
Marami ang napatango at napapalakpak sa aking sinabi. May iba rin na nagbulungan. Hindi ko naman napigilang sumagot ng tanong matapos may malakas na magtanong. Anong klaseng pag-iisip mayroon siya? Nagsabi pa naman akong hindi ako sasagot ngunit hindi ko na napigilan.
"Ako si Jolina Dirham na manunulat mula sa kanluranin, Haring Maruem. Ito lamang ang tanong ko ha. Hindi natin kasalanang mahirap ang mga mahihirap. Kasalanan nilang hindi sila nagtatrabaho upang makakain at mababa ang kanilang mga pangarap. Hindi ba parang lalo mo lamang papalakihin ang kanilang ulo?" tanong niya.
Gusto kong sakalin ang babaeng ito na nanghingi pa ng simpatya sa iba. Mahina ang pag-iisip, walang utak. Bakit pa naging manunulat ang isang ito kung tanga naman.
"Kasalanan nilang hindi sila nagtatrabaho upang may makain? Upang makapag-aral at may sapat na maibigay sa pamilya? Nagkakamali kayo, mahina ang utak niyo kung ganoon kayo mag-isip," hindi makapaniwala kong sabi. "Kung alam mong nangangailangan ang kapwa mo at alam mo namang kaya mong tulungan, bakit hindi mo pa tulungan? Pagmamalabis ba iyon kung maituturing? At sino ka upang manghusga kung paano maitataguyod ng magulang ang isang tahanan? Walang sinuman ang makakapagsabi no'n. Marami ang kapos-palad dahil kaunti ang mga benepisyo at oportunidad na nakabilad sa kanila. Kaya imbis na hayaang maghirap ang ating mga mamamayan na iniisip mong pinapalaki lamang ang kanilang ulo, bakit hindi natin sabay-sabay na paangatin ang lahat? Hindi ba at mas maganda kung ganoon? Na walang maiiwan sa likod? Dahil kung pinipili mo lamang ang mga taong paninilbihan mo, hindi iyon pamumuno! Pagnenegosyo iyon! Kaya rin natatakot maglabas ng hinaing ang mga bampirang mahihirap dahil sa inyong mga manunulat na walang utak! Sisihin ba naman ang mahihirap kung bakit sila mahihirap. Ewan ko sa iyo, Jolina Dirham. Mag-aral ka ulit at basahin mo ang libro ng humanidades at social science. Baka maintindihan mo kung paano tumakbo ang sistema ng buhay," mahaba at dismayado ko pang dagdag.
Napapailing akong bumaba ng entablado at umalis sa bulwagan. Napahiya naman ang babaeng iyon na malakas ang loob na nagtanong kanina. Mali iyon, hindi dapat ganoon ang mentalidad ng isang tao.
Hindi dahilan ang kahirapan upang sisihin ang isang nilalang dahil mahirap siya. Hindi rin tamang umasa sa iba upang umangat ang buhay. Ngunit para sa mga nagsisikap, marapat lamang na bigyan sila ng oportunidad. Nakita ko rin ang potensyal ng pinuntahan kong baryo kanina. Mas aangat ang ekonomiya sa parteng iyon kung mas makikilala ang kanilang lugar.
At saka kung sisimulan kong tulungan ang bawat baryo sa Coran Kingdom, matututunan ko rin kung paano bigyan ng pantay na pagtingin ang buong mga kahariang nangangailangan ng tulong sa bawat parte ng Prime Empire. Dahil pansin kong puro mayayamang kaharian ang mga magkakasosyo at iniiwan ang mga kahariang walang lubos na kakayahan. Sabay-sabay kong iaangat ang lahat. Magiging mabuting hari ako ng Coran Kingdom at emperador sa nalalapit nang pagkuha ko sa pwestong emperador ng Prime Empire. Hindi ako titigil tumanggap ng mga kaalaman sa aking isipan kung paano magagawang maunlad ang aming kontinente. Na may pantay na pagtingin, tamang pagtulong, at aksyon sa mahihirap. Lagi na lamang may racism sa antas ng pamumuhay maging abilidad. Ayaw kong may makaranas pa ng naranasan kong ibang bampira o nilalang. Baka hindi nila kayanin, napakahirap.
May parte man na matigas sa aking puso ngunit malambot ito para sa aking bansa. Ang aking layunin ay maisaayos ang lahat upang wala ng makaranas ng mga naranasan ko noon. Maging kaawa-awa, mahina, at walang laban.