CHAPTER 11

2154 Words
Maruem Nakaraan mula sa pagkabata ni Maruem... "Hindi ka ba nahihiya? Bakit pumasok ka na naman? Naiinis ako sa pagmumukha mo. Alam mo ba iyon ha?" tanong sa akin ni Prinsipe Gustavo. "Bakit naman ako mahihiya sa aking mukha? Sabi ng aking ina ay gwapo ako, mana ako sa kaniya. Wala ka ring pakialam kung pumasok ako, nag-aaral din ako rito at kaharian namin ito, paaralan ng kaharian namin. Ikaw itong dayo ngunit lagi kang nang-aapi ng mga estudyante," malamig kong sabi. Hindi naman makapaniwala si Prinsipe Gustavo habang nakatitig sa akin. Nagngangalit ito sa galit at naging pula ang kaniyang mata. Mula sa kaharian ng Piccaro si Prinsipe Gustavo. Tulad ko ay panganay din ito na susunod sa pwesto ng hari. Ngunit ayaw niyang naikukumpara siya sa akin dahil mababa daw akong uri ng nilalang. Ni hindi raw ako dapat naging prinsipe. "Ang kapal ng mukha mong sumagot sa aking mukha, Maruem! Alam mo bang prinsipe ako!?" malakas na sigaw niya. Nagtinginan ang aming mga kaklase. Bakante ang oras namin kaya wala kaming guro. Walang may gustong umawat sa eksenang sangkot si Prinsipe Gustavo. Bisugo ito kung mang-api ng mga estudyante. Lalo na ang mga hindi maharlika, kulang na lang ay madala sa ospital dahil sa pambubugbog niya. Nasa ika-anim na baitang kami ng elementarya. Sa edad kong ito ay wala pa rin akong abilidad. Mahina ako kung ituring ng ibang mahaharlikang dito nag-aaral sa aming kaharian. Ngunit kahit gaano pa ako bugbugin, ipahiya, at sigaw-sigawan ay hindi ako nanghihingi ng paumanhin at nagmamakaawa sa kanila. Dahil alam kong oras na mas maging malakas ako, magsisisi sila sa ginawa nila sa akin. Na titingalain din ako ng lahat. Dahil anak ako ng aking ama na isang emperador. Malakas din ang aking mga kapatid at hindi ako magpapahuli. "Pwede bang tigilan mo na ako? Hindi ka ba nagsasawa sa araw-araw na pagsigaw mo? Gusto mong maging hari ngunit napakasama naman ng ugali mo–" "Huwag ka nang magsalita pa!" Hindi ko na natapos ang aking sasabihin nang bigla akong suntukin ni Prinsipe Gustavo. Naging dalawa ulit siya at hinawakan ang mga kamay ko. Ito ang kaniyang kapangyarihan, kaya niyang maging dalawa na kahit ang clone niya ay kapareho niya ng lakas. Pinagsisipa ako nito. Malakas kong itinulak si Prinsipe Gustavo kaya malakas siyang bumaon sa pader. Akmang susuntukin ko pa sana siya nang may mga humawak sa akin. Hindi ako makaalis sa hawak nila dahil sa kanilang dami. Napapaligiran ako ng limang alalay ni Prinsipe Gustavo at ng dalawang siya. Bubog sarado na naman ako sa kaniya. "Papatayin talaga kita, Maruem. Ay, huwag pala muna para habang buhay kang magdurusa. Hindi ko papalampasin ang bawat araw na mabubugbog kita. Napakahina mo," nakangisi niyang sabi. Pinagsisipa niya ako at pinagsusuntok. Wala akong magawa, ni wala man lang tumutulong sa akin. Tahimik lamang na nanonood ang lahat ng aking mga kaklase. Nang bangag na ako ay saka nila ako binitawan at tinigilan. Ni wala akong maramdaman. – "Maruem, ano na naman bang kalokohan ito!? Noong nakaraan ay nagnakaw ka ngayon naman ay sinubukan mong manghalik ng iyong kaklase? Bigyan mo naman ako ng kahihiyang bata ka. Mahiya ka sa mga ginagawa mo! Prinsipe ka ngunit wala ka man lang disiplina! Halika at papakitaan kita para matuto ka!" galit na galit na sabi ni ama. "Maniwala ka po, ama! Si Prinsipe Gustavo ulit ang may gawa nito! Lagi niya akong inaaway!" sigaw ko at pilit na kumakawala sa mahigpit na pagkakakapit ni ama sa aking braso. "Manahimik ka! Ang mabait na prinsipe pang iyon ang pinagdiskitahan mo!" malakas na sigaw ni ama sa akin. Umiiyak ako at sumisigaw na maniwala siya sa akin. Na huwag niya akong saktan tulad ng ginagawa sa akin ng iba. Hinihiling ko na sana paniwalaan niya naman ako dahil ako ang anak niya. Naniniwala siya sa purong kasinungalingan ng mga totoong masamang iyon. Napakasama ng paratang ng prinsipeng iyon, ni kailan man ay hindi ako nambastos ng prinsesa. Gumagawa lagi ito ng kwento kaya napaparusahan ako ng aking ama at pinapalampas ng paaralan ang pambubugbog niya, dahil umano kasalanan ko ang nangyari. Ikinulong ako ni ama dito sa sira, tahimik, at nakakatakot na silid. Nang bitawan niya ako ay malakas niya akong sinampiga. Halos humiwalay ang aking panga sa lakas no'n. "Huling babala ko na ito sa iyo, Maruem. Isa pang beses na maulit ang pagsusumbong sa mga ginawa mong kalokohan ay isang taon kitang patitigilan sa eskwelahan. Hindi ka na ba nahiya? Lalo lamang lumalaki ang ulo mo bawat araw!" malakas na sigaw ni ama na dumagundong sa apat na sulok ng malungkot na silid na ito. Napatungo lamang ako at tahimik na umiyak. Masakit ang aking panga upang ibuka ang aking bibig at magsalita. Wala na rin akong lakas na magsalita. Nakakapanghina ang lahat, tipong wala akong kakampi na kahit sino. Mag-isa lang ako, walang may alam na kahit sino kung ano ang nararamdaman mo. Sabihin ko mang kahit nandito ang aking pamilya, hindi ko naman ramdam sila. Umalis si ama at alam kong ikinandado niya ulit ang pinto. Wala naman akong balak na lumabas pa, napakasakit sa dibdib. Hindi ko alam kung saan pa ako kukuha ng lakas upang pumasok bukas. Gusto ko lamang na mag-aral, mamuhay ng normal tulad ng ibang prinsipe, maghanda para sa pagiging susunod na hari, at ang gusto kong makamit na pwesto bilang emperador ng Prime Continent. Ngunit kapag sinabi ko ang aking mga pangarap, sino ang maniniwala sa akin? Wala nga akong abilidad. Hindi ako makapag-isip, hindi tumatakbo ang aking utak. Parang sa napakabata ko pang edad, mulat na ako sa mga katotohanan ng mundo. Na una, kapag mahina ka, mahina ka sa paningin ng lahat. Walang maniniwala sa iyo at kahit ang pamilya mo, kayang paniwalaan ang iba. Ramdam ko naman ang lamig na tumatagos sa basag na bintana. Pagtingin ko sa labas ay umuulan ng niyebe. Isa itong malamig, tahimik, at malungkot na gabi para sa akin. Masaya ako tuwing umuulan ng niyebe dahil nakakapaglaro ako sa labas. Kasama ko pa minsan ang aking mga kapatid ngunit ayaw akong paglaruin kasama nila dahil kay ama. Baka raw kawawain ko ang aking mga batang kapatid at mapatay ako ng mga ito kapag nag-away kami. Ganoon kababa ang tingin nila sa akin, mahina at walang kwenta. Pinunasan ko ang aking mga luha. Sinilip ko ang labas na maganda, doon lamang ako napangiti. Kung takasan ko kaya ang lahat, magiging masaya ako? Mahanap ko kaya ang aking sarili malayo sa lahat ng taong nang-aapi sa akin? Doon ako tinibayan ng loob. Magpapalakas ako at magsasanay upang hindi na ako kutyain ng iba. Na kaya ko nang lumaban at patunayan na wala akong kasalanan. Na hindi na nila ako aasarin, mabubugbog, at papatawan ng mga salitang hindi naman nararapat. Binuksan ko ang bintana at mabilis na tumakbo palayo sa kaharian. Ginamit ko ang todo ng aking bilis bilang isang bampira at hindi ako tumigil. Gamit ang aking buong lakas ay tumakbo ako nang tumakbo. Nang hindi ko na kaya ay nawalan ako ng balanse. Sa sobrang pagod ay hindi na ako makatayo. Gumapang ako papalapit sa isang malaking puno. Ramdam ko ang lamig. Nakasuot ako ng uniporme ng pinapasukan kong eskwelahan. Napakadungis ko na rin dahil sa mga dugo mula sa pagkakabugbog ko kanina sa paaralan maging sa dumi ng silid na tinakasan ko kanina. Umupo ako sa ilalim ng puno. Hinihingal ako at nanlalabo ang aking mata. Mukhang hindi ko dapat sinagad ang aking lakas. Bugbog pa ako kanina mula sa gulpi, masama ang loob sa pag-iyak, at ngayon ay hinahapo dahil sa bilis ng pagtakbo. Nauuhaw ako, kailangan ko ng dugo. Kailangan kong muling mabawi ang aking nawalang lakas. Akmang tatayo ako ngunit muli akong napasubsob sa sahig na puno na ng nyebe. Hindi ko na maigalaw ang aking binti dahil sa ngimay. Sobrang lakas ng pag-ulan ng nyebe rito, mukhang nasa pataas ako ng bundok. Humiga ako at niyakap ang aking sarili. Mahina nga ako, ni hindi man lang ako nakaabot sa tuktok o sa mga kabahayan. Ito na ba ang huling sandali? "Bata, bata! Gumising ka, ayos ka lang ba?" Rinig ko ang boses na iyon at may yumugyog sa akin. Naamoy ko ang kaniyang mga sugat ngunit hindi ko gusto ang amoy ng kaniyang dugo. Amoy malansa, kakaiba mula sa dugo ng isang bampira. Ramdam ko ang aking pag-angat sa lupa at mas lalong bumilis ang pag-ihip ng hangin sa paligid. Ramdam kong ibinaba ako nitong lalaking kumarga sa akin. Medyo mainit kaysa kanina ngunit hindi ko pa rin maramdaman ang aking binti. Bigla akong nakaamoy ng dugo kaya mabilis akong bumangon at ginapang ang direksyon na iyon. Amoy dugo ng hayop kaya mabilis akong uminom. Nang muling luminaw ang aking mata ay isa itong patay na usa. Agad akong naalerto dahil sa kakaibang lugar. Nasa loob ako ng isang bahay na gawa sa kahoy. Ordinaryo at maliit ngunit may pinanggagalingan ng apoy sa aking gilid na nakakapagpawala ng lamig na aking nararamdaman. "Nandito ka sa aking pamamahay, bata. Ako si Inuwa, isa akong bampirang nakatira dito mag-isa sa aking bahay. Ano ang pangalan mo?" tanong sa akin ng lalaking kutob ko ay kasing-edaran ng aking ama. "Ako si Yusef, isa rin akong bampira. Salamat sa pagtulong sa akin, Mang Inue," pakilala ko. "Ngunit sigurado ka bang isa kang bampira? Hindi puro ang iyong dugo, malansa. Ni hindi ko kayang inumin ang iyong dugo dahil sa amoy." "Matalas ang iyong pang-amoy, iho. Hindi ako isang purong bampira, tinatawag akong hybrid. Isa akong anak ng bampira at lobo. Alam mong ipinagbabawal ang mga katulad ko dahil sa mga kumplikasyon at hindi makontrol, hindi ba? Ngunit iba ako, bata. Malakas ako. Kasama ko ang ibang mga bampirang pagyeyelo ang ikinabubuhay tuwing taglamig at pagmamansanas naman sa tuwing tag-araw," paliwanag ni Mang Inuwa. Napamangha ako. Totoo pala ang katulad niya? Nasa hirarkiya yata ng aming mundo kung saan nabibilang ang hybrid ngunit hindi sila kinikilala at agad na pinapaslang dahil karamihan ay hindi makontrol ang sarili. Ngunit iba siya, malakas siya. Napag-aralan ko sa eskwelahan ang tungkol sa kanila at masasabi kong malakas siya. "Mang Inuwa, maaari mo ba akong tulungan na lumakas? Mahina ako at laging inaapi. Gusto kong maging malakas upang ipagtanggol ang aking sarili. Lagi akong inaapi dahil mahina ako, wala akong abilidad hindi tulad ng ibang bampira. Kaya mo ba akong tulungan?" tanong ko. Napangisi si Mang Inuwa dahil sa aking tanong. Pinatayo ako nito at magkatapatan kaming dalawa. Mukhang kasing edaran siya ng aking ama. Balbas-sarado rin si Mang Inuwa. Sira-sira ang damit na halatang ilang beses nang naisuot. "Tutulungan kita ngunit sa isang kondisyon bata. Kailangan mo itong ipangako sa akin. At kapag hindi mo natupad, kahit patay na ako ay muli akong babangon sa aking libingan. Ako mismo ang papatay sa iyo," nakangising sabi ni Mang Inuwa. "Ano ba ang kailangan mo, Mang Inuwa? Salapi o tulong? Gusto mo ba ng maraming alahas? Bibigyan kita kahit ano ang gusto mo!" bibo kong tanong. "Gusto kong kapag tinuruan kitang maging malakas, hindi mo iyon gagamitin dahil mahina ang iba. Gagamitin mo iyon kapag alam mong kailangan at hindi ka magiging abusado sa kapangyarihan. Hindi ka makakalimot sa iyong pinanggalingan. At higit sa lahat, ikaw ang mangunguna sa pagtulong sa mga kapos-palad. Ikaw ang magiging daan upang maging pantay ang estado para sa bawat kaharian. At walang aapihin, buburahing nilalang, lahat ay magiging patas. Patas na pagtingin at pantay na pamumuhay para sa lahat," mahaba niyang sabi. Napangiti ako at marahas na tumango. Tumawa naman si Mang Inuwa at malakas akong itinulak. Nanlaki ang aking mata dahil sa kaniyang ginawa. Malakas niya akong itinulak kaya tumagos ako sa kaniyang bahay hanggang sa dalawang sumunod pa. Nang tumayo ako ay nasa harap ko na agad si Mang Inuwa. Hinila niya ang aking binti at ibinalibag ako sa mga puno. Putol ang puno kung saan ako humampas. Sinubukan kong tumakbo mula kay Mang Inuwa ngunit agad niya akong hinuli at hinawakan patiwarik. Nagsisigaw naman ako. "Hindi ka makalaban sa akin, halatang mahina ka nga. Mukhang mahaba-habang pagsasanay ang gagawin ko sa iyo. Buhay marangya ka pa namang bata ka. Tuturuan kita kung paano maging malakas. Mabuti na lamang ay enhanced ang senses mo. Hindi mo ininom ang aking dugo," sabi ni Mang Inuwa. Bitbit niya ako habang nakatiwarik. Hawak niya ang aking isang binti habang nakalutang sa lupa. Napakunot naman ang aking noo. "Kunot-noo ka pa r'yang bata ka. Dahil isa akong hybrid, lason pa rin ang aking dugo. Lason para sa mga bampira dahil kalahati akong lobo. Kaya ikaw, huwag kang basta iinom sa dugo ng normal na mga bampira. Minsan ay mahirap hulaan kung ano ang purong bampira sa hindi," pangaral sa akin ni Mang Inuwa. "Edi iinom na lang ako sa dugo ng mga prinsesa. Napakabango ng kanilang mga dugo!" sigaw ko. "Paniguradong babaero kang bata ka paglaki mo," naiiling na sabi pa ni Mang Inuwa. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD