Chapter 9: An Outlaw in Mexico (Isang Tulisan sa Mexico)

5979 Words
“You will always be a monster - there is no turning back from it. But what kind of monster you become is entirely up to you.”   -Julie Kagawa, The Eternity Cure   Isang tila classical music ang gumising sa babaeng may tattoo na pakpak sa kanyang kanang mukha, bandang sa mata. Unti-unti niyang iminulat ang kanyang mga mata at nakita niya ang isang malinis na kwarto. Puti ang paligid nito. Pula ang carpet at tila walang kagamit-gamit. Sinubukan niyang gumalaw ngunit hindi niya nagawa dahil sa pagkakatali niya sa isang upuan. Wala na ang telang nakatali sa kanyang bibig. Tuluyan nang nagising ang kanyang ulirat. Tumingin siya sa kaliwa kung saan matutunghayan ang isang salamin na pader at ang labas nito ay tila hardin na niluma na ng panahon. Sinubukan niyang muling pumalag at kalagan ang sarili, ngunit hindi siya makakilos. "Gising ka na pala." Isang boses ang gumulat sa kanya. Napalingon ang babae sa kanan at nakita niya si Johan na may dalang isang rolling tray. Sa ibabaw nito ay ang tatlong tasa, isang pitsel ng kape, ilang hiwa ng loaf bread at isang pinggan ng bacon. "Good morning," bati ni Johan na tila nang-iinis. Kumuha siya ng isang kahoy na upuan at saka umupo. "Nasa’n ako?! Sa’n niyo ako dinala ha?!" bulyaw ng babae. "Magrelax ka lang diyan. Nasa resthouse tayo. Pasensiya na kung hindi ka muna namin ginising. Ang himbing kasi ng tulog mo eh," sagot ng binata. Mayamaya pa’y bumukas ang tila kristal na pintuan at pumasok si Helena. Agad namang inangat ni Johan ang tasa na parang niyayaya ang dalaga na magkape. Ngumiti na lamang si Helena at kumuha ng isa pang upuan. Hinarap niya ang likod na parte ng nito at saka sinakyan na parang nangangabayo. Nagsalin naman ng kape si Johan sa isang tasa at inabot kay Helena. Nakaharap pa rin ang dalaga sa babae.   "Ano bang balak niyo sa ‘kin?!" tanong ng dalaga. Natatakot na siya sa kakaibang kinikilos ng dalawa. "Ganyan din sana ang itatanong ko sa ‘yo eh. Pero tingin ko nasagot na. Kung bakit niyo kami binalak na patayin kagabi," wika ni Johan. "Alam mo rin naman ang sagot ‘di ba? Dahil nakialam ka sa ’min!" sagot ng dalaga na tila pinagpapawisan na nang malamig. Muli namang humigop ng mainit na kape si Johan. Kumuha ng tinapay at ipinalaman ang bacon na nasa plato at pagkatapos ay iniabot niya iyon kay Helena. "Kikitil kayo ng buhay ng tao? Para saan? Bakit niyo papatayin si Helena?" tanong ng binata. Tumawa lamang nang mahina ang babaeng iyon at yumuko. "Wala kayong mapapala sa ‘kin. Hindi ko alam," sagot nito. Kumuha ulit si Johan ng tinapay na pinalamanan ng bacon at saka kumagat dito. Si Helena naman ay matalas ang tingin sa babaeng nakatali. Galit ang mukha niya at parang nagpipigil. "Alam mo useless din kung hindi mo sasabihin. Magugutom ka lang kung patuloy kang magmamatigas. Para sana sa iyo ‘tong isang tasa ng kape eh," kalmadong sambit ni Johan. Natawang muli ang babae. "Ganito ba ang pamamaraan mo? Ganito ka ba magtorture? Nakakatawa ka," wika niya. "Hindi ako brutal na tao. Hindi rin ako gumagit ng dahas pwera na lang kung kailangan kong ipagtanggol ang sarili ko. Pero ang kasama ko? Magkaiba kami eh. Kapag hindi siya nakapagpigil baka mawalan na ako ng gana sa susunod na makikita ko," pangiting sambit ni Johan. Marahan namang tumingin kay Helena ang babaeng iyon ngunit ngumisi lamang ito pagkatapos. "Kahit naman anong gawin niyo sa akin wala akong sasabihin sa inyo dahil wala akong alam," sagot ng dalaga. Napatayo naman si Helena at napatingala ang babae dahil sa pagsabunot na ginawa sa kanya ng dalaga. "Easy lang, Helena," wika ni Johan. Tumayo siya at lumapit sa babaeng nagmamatigas. "Alam mo ayoko sanang masira ‘yong almusal ko eh. Pero kung ganyan ka talaga..." Tumingin siya kay Helena. Agad namang binaba ni Helena ang ulo ng kawatan hanggang sa makita ni Johan ang memory gene nito. "A-anong gagawin mo?!" bulyaw ng babae. "Hindi na importante sa iyo ang katawan na ito, ‘di ba? Lahat ng kailangan kong malaman ay nasa memory gene mo. Siguro hindi na ako mahihirapan," wika ni Johan. Hinawakan niya ang memory gene ng babae, at nagpupumiglas naman siya habang kapit-kapit ni Helena. "’WAG! ‘Wag mong gawin iyan!" pagmamakaawa ng dalaga. Sa pagkakataong iyon ay halos maiyak na siya sa pagmamakaawa. "Tama na! Sasabihin ko na, maawa kayo. Pakiusap tama na!" Dahan-dahang binitiwan ni Helena ang ulo ng babae, na tila nahabag ito sa kanya. Si Johan naman ay tinanggal din ang kamay niya mula sa pagkakakapit sa kanyang memory gene. "Sasabihin ko na ang alam ko, sasabihin ko na. ‘Wag niyo lang akong papatayin," dagdag pa ng babae. Umaagos na ang mga luha sa kanyang mga mata at halos kumalat na ang eyeliner sa kanyang pisngi. Muli namang bumalik si Johan sa kanyang pwesto sa may rolling tray. "Sige, magsalita ka," wika niya. "Hindi ko talaga alam ang sinasabi niyo. W-wala ako nang mangyari iyon. Napag-utusan lang talaga ako at wala akong alam," sagot ng babae. "Ano ang inutos sa ‘yo ng mga taong iyon?" tanong ni Helena. "Ang inutos lang sa akin eh manmanan namin ang convenience store na iyon, na kapag may nakita kaming kotse sa labas na katulad ng kotse mo eh tawagan ko sila agad. ‘Yon lang ang ginawa ko." Nagkatinginan na lamang sina Helena at Johan. Saglit na nainis ang binata. Tumalikod siya sa babae at hinawakan ang kanyang noo sabay iling. "Magsabi ka ng totoo. Sino ang mga taong iyon? Isa ka sa kanila, ‘di ba?" tanong ng binata. Agad siyang humarap sa babae. "Tinatawag kaming New Order. Isang grupo na naghahangad ng pagbabago para sa nakararami. Para maibagsak ang sistema ng gobyerno at tuluyan nang tanggalin ang sistema ng memory gene sa buong mundo. Ang tungkol sa pagpatay sa kasama mo. Hindi ko alam ang plano tungkol,” paliwanag ng dalaga. Natawa na lamang si Johan. "Mga terorista? Tingin mo maniniwala ako sa ‘yo? Gusto niyong tanggalin ang sistema ng memory gene pero ginagamit niyo?" tanong naman ng binata. "Gumagamit kami para lang makibagay sa mga bidder, para malaman ang bawat impormasyon ng gobyerno at para maipagpatuloy ang gawain namin, kung sakaling mapaslang kami...inililipat namin ang..." Napatigil ang dalaga nang tutukan siya ni Johan ng kanyang baril. "At ano? Kapag namatay ang katawan niyo ililipat ang memory gene niyo sa ibang tao?! Papatay rin kayo ng ibang tao para lang maglipat ng katauhan gano’n ba?!" galit na galit niyang sambit.   "Hindi mo naiintindihan ang pagsasakripisyo ng bawat isa sa amin para maipagtanggol ang mas nakararaming walang kaalam-alam sa sistema! Para maipagtanggol ang mga bid!" Nanlalaki ang mga mata ng babae habang umiiyak at nakatingin kay Johan. Ibinaba ng binata ang kanyang baril. "Sakripisyo?" bulong niya. "M-mga volunteer kayo ng katawan? Ibinibigay niyo ang katawan niyo sa mas nakatataas para maipagpatuloy ang nasimulan niyo na? Ganoon ba?" tanong ni Johan na tila hindi makapaniwala sa mga narinig. "Oo ganoon nga." Napayuko na lamang ang babae. Si Helena naman ay tila nakaramdam ng awa. "Isa akong bid," dagdag ng babae. Napatingin naman si Helena, na tila nagulat sa kanyang narinig maging si Johan. "Sobrang hirap na ng dinaranas ng pamilya namin. Ako na mismo ang nagpasya na gamitin ang katawan ko para lang sa adhikain ng organisasyon," paliwanag niya. "Mali ang ginagawa niyo!” wika ni Johan. “Tao ka at hindi ka basta instrumento lang. Mali ang adhikain ng mga pinuno ng organisasyon ninyo. Sila ang mabubuhay at ano kayo? Mga laruan na mamamatay na lang? Pinaglalaban niyo ang karapatan at pagkakapantay-pantay pero kayo, sa sarili niyong organisasyon hindi pantay-pantay. Wala kayong pinagkaiba sa gobyerno!" Napatalikod na lamang siya dahil sa pagkadismaya. Halos mabasa na ang mukha ng babaeng iyon ng kanyang luha dahil sa pag-iyak. "Bakit nila ako gustong patayin? Siguradong may alam ka," mahinahong tanong ni Helena. "Ang sinabi lang nila, hindi ka dapat buhayin dahil hindi ka tao. Produkto ka raw ng MEMO," paliwanag ng babae. "Hindi produkto ng MEMO si Helena. Lalong hindi ako makakapayag sa sinabi mong hindi siya tao. Dahil kung hindi, dapat patay ka na ngayon. Mayroon siyang sariling pag-iisip at marunong siyang masaktan gaya mo," paliwanag ng binata. "Pero paano mo maipapaliwanag ang bilis at lakas niya?!" "Tao siya. Dahil ang sarili niyang ama ang gumawa ng eksperimento para bumilis at lumakas siya," sagot naman ni Johan. Agad siyang naglakad palapit sa pinto. "Helena, ikaw na ang bahala sa kanya," wika niya bago tuluyang lumabas ng kwarto. Umiiyak pa rin ang babaeng iniwan ni Johan. Nahabag naman si Helena kaya kinalagan niya ang babaeng iyon at iniabot ang isang tasa ng mainit na kape. "Uminom ka muna," wika niya. Saglit na natakot ang babae at lumayo kasama ang upuan nito. "Hindi kita sasaktan. Pero kung gagawa ka ng kahit anong ikapapahamak namin, hindi ako ang magdedesisyon kung ano ang mangyayari sa ‘yo. Si Johan ang magsasabi no’n." "H-hindi ka prototype?" tanong ng babae. "Hindi, gaya ng sabi ni Johan. Hindi ako prototype. Tao ako. Kasi kung prototype ako, baka hindi ako nakikipag-usap sa ‘yo ngayon," sagot ng dalaga. Napatingin na lamang ang babae sa kanya. Dahan-dahan niyang kinuha ang kapeng iniaabot ni Helena at agad na uminom. "Ano ang pangalan mo?" tanong ni Helena. "M-Maria," sagot ng dalaga. Halos maubos ng babae ang kapeng iniinom nito. "Maria. Magandang pangalan," wika ni Helena. "Ikaw, bakit Helena ang pangalan mo?" tanong niya. "Si Johan ang nagpangalan niyan sa akin. Ako raw ang pag-asa. Hindi ko alam pero kapag naririnig ko ang pangalan ko, iyon ang lumalabas sa isip ko," paliwanag niya. "Talagang nagtitiwala ka sa kanya?" tanong ni Maria. "Siya ang nagligtas sa akin mula sa mga kasama mo. Kung hindi dahil sa kanya, siguro wala rin ako dito ngayon. Bidder siya. Pero gaya niyo hindi niya gusto ang sistema ng gobyerno. Hindi niya rin gusto na naghihirap at nagsasakripisyo ang maraming tao dahil lang sa mga bidder," paliwanag ni Helena. "P-pero bidder siya. Siguradong may memory gene siya," wika ng dalaga. "Wala, hindi siya gumagamit no’n. Pero ang pamilya niya ang isa sa mga may-ari ng shares ng kompanyang MEMO," paliwanag muli ni Helena na sa pagkakataong iyon ay nagpapalaman ng bacon sa isang tinapay. "Oh, kumain ka na," paanyaya ng dalaga. "Bakit niyo ginagawa sa akin ito? Masama akong tao para sa inyo, ‘di ba?" tanong ng babae. "Si Johan ang naghanda ng mga ‘yan. Kahit masama ka pang tao at napasali ka sa maling grupo, sigurado naman daw na may dahilan ka kung bakit," sagot naman ni Helena. Napaluha namang muli ang babaeng iyon habang nginunguya ang tinapay na iniabot ng dalaga. "H-hindi ako makapaniwala na may ganoon pang klaseng bidder ngayon. Madalas kasing walang pakialam ang mga bidder sa mga taong nagugutom sa lansangan. Pinapabayaan na lang nila. Pati ang gobyerno...halos ipagtabuyan na ang mga bid sa buong Pilipinas. Para kaming sakit sa kanila," wika ng babae. Saglit na katahimikan ang bumalot sa kwartong iyon. Patuloy pa rin sa pagluha at pagnguya ng tinapay ang babae. Gutom na gutom ito at tila hindi pa nakakain ng ganoong kasarap na tinapay at palaman. "Pagpasensiyahan mo na lang siguro ako sa nagawa ko sa kasama mo. Kapag hindi ko kasi ginawa yon, baka hindi na rin natin kasama ang taong sinasabi mo," wika ni Helena. "Sino doon?" tanong ng babae. "’Yong leader niyo. Kapag hindi ko kasi ginawa ‘yon..." Agad na napahawak si Helena sa kanyang ulo. Tila sumasakit na naman ito. "A-ayos ka lang ba?" tanong ni Maria. "Oo, ayos lang ako," sagot ni Helena. Sumakit bigla ang kanyang ulo. Bigla-bigla kasing bumabalik sa kanyang isipan ang mga pagpaslang na ginawa niya sa Antipolo at sa convenience store. Ngunit mangilan-ngilan pang imahe ang pumapasok sa kanyang isipan. Nakita niya sa kanyang sarili kung paano niya pinatay ang mga sundalong sumusugod sa isang kwarto na tila laboratoryo. Napapikit na lamang ang dalaga sa sakit na nararamdaman. "Ayos ka lang ba talaga?" Agad siyang inakay ni Maria para maupo. Ilang saglit pa ay biglang nawala ang sakit na nararamdaman ng dalaga. "Ayos lang ako, pasensiya ka na. Sabi kasi ni Johan, kapag sumasakit ang ulo ko baka may bumabalik sa memorya kong nawala," paliwanag niya. "A-anong ginawa mo kay Bart?" tanong ni Maria. "Pinaslang ko siya. Kapag hindi ko kasi ginawa ‘yon baka si Johan naman ang mawala. Kaya sorry." Napayuko naman si Helena at dahan-dahang tinanggal ang kanyang kamay sa pagkakahawak sa kanyang memory gene. Umupong muli si Maria sa kanyang upuan at saglit na natahimik. "M-mabait si Bart sa amin pero mainit ang dugo niya sa mga bidder. Ulila na siya simula nang paslangin ang buong pamilya niya ng mga sundalo ng gobyerno dalawampu’t isang taon na ang nakakaraan," paliwanag niya. "Nagkaroon kasi dati ng malawakang rally sa EDSA para mapatalsik si Nico Rivera. Hindi ito nagustuhan ng presidente. Sinubukan noon ng gobyerno ang pagpigil sa mga taong iyon ngunit nagkagulo lang. Nagkabarilan at halos libo ang namatay. Ang kwento niya nga sa amin, halos siya lang ang nabuhay. Pinagbabaril sa harapan niya ang kanyang mga magulang. Ang kanyang ate naman ay dinaganan na lamang siya at nagkunwaring patay. Isang putok ng baril naman ang natanggap ng ate niya para maniguradong patay na siya. Walang nagawa noon si Bart kundi umiyak na lang at mapatulala," dagdag niya.   "P-pasensiya na sa nagawa ko," sagot na lamang ni Helena. "Naniniwala kami sa salitang sakripisyo para sa nakararami. Kung titingnan nga natin. Mas ayos na siya na rin ang nagsakripisyo. Walang memory gene ang kasama mo, ‘di ba? Kapag pinatay niya ang kasama mo siguradong hindi na siya mabubuhay ulit. Kaya kung makikilala niya lang talaga kayo, baka mas maintindihan niya. Kaya ‘wag kang magsorry," paliwanag ni Maria. "Kami nga ang dapat humingi ng tawad sa inyo." Ngumiti na lamang si Helena at tumahimik.     "Ma, magiging maayos naman po ako dito. Wala namang problema eh," wika ni Johan. Kausap niya ang kanyang ina habang palakad-lakad sa hardin sa harapan ng kanilang resthouse. Marumi na ang fountain na nasa harapan ng bahay. Tila nilulumot ito at wala nang tubig. Puno ng mga tuyong dahon ang paligid at halos naluma na ang mga mga upuang bakal na nasa bandang pintuan ng bahay. Ang itim na hover car naman ni Johan ay iniwan niya sa labas ng malaking gate sa may gilid ng kalsada. Wala kasing magnetic field ang loteng kinatitirikan ng kanilang resthouse. Makaluma rin ang disenyo nito at hanggang second floor lamang ang palapag. "Ma, kailangan ko lang magbakasyon. Sorry po. Pero uuwi rin naman ako kaagad. May inaasikaso lang ako. Kung medyo nabo-bore po kayo Ma eh pwede naman kayong lumabas-labas, o kaya magpasama kayo kay Kuya," sambit niyang muli. "Basta anak, mag-iingat ka diyan ah? Ikaw na ang bahala diyan sa bahay natin," sagot ng nasa kabilang linya at pagkatapos ay ibinaba na ni Johan ang kanyang phone. Sumipa-sipa siya sa lupa upang hawiin ang mga tuyong dahon habang nilalagay ang kanyang phone sa kanyang bulsa. Naglakad siya patungo sa isang malaking puno na nasa gilid din ng bahay. Tumingala siya at pumikit na parang ninanamnam ang sinag ng araw na tumatama sa bawat dahon ng punong iyon papunta sa kanyang mukha. Umiihip din ang hanging malamig. "Johan..." Isang boses ang kanyang narinig mula sa kanilang resthouse. Si Helena, kasama niya ang bihag na babae. Agad inilabas ni Johan ang baril na nakasukbit sa kanyang bewang. "S-sandali lang, Johan," pigil ni Helena. "May sasabihin sana sayo si Maria.” Dahan-dahan namang ibinaba ni Johan ang baril na hawak, ngunit nakasimangot pa rin ang kanyang mukha. "G-gusto k-ko sanang..." wika ni Maria na tila kinakabahan. "Ano ‘yon?! At bakit mo siya kinalagan, Helena?" bulyaw ni Johan. "GUSTO KO SANANG SUMAMA SA GRUPO NIYO!" bulyaw naman ng dalaga habang nakapikit at namumugto ang mga mata. Napangiting aso naman si Johan at muling itinutok ang baril sa kanya. Ikinagulat naman iyon ng dalawa. "Hindi kami grupo. Pasensiya na at hindi na rin ako basta-basta naniniwala kung kani-kanino lang." "Pero Johan makakatulong siya sa ’tin!" wika ni Helena. "Alam niya ang pasikot-sikot sa organisasyon nila. Mas magiging madaling malaman kung bakit gusto nila akong patayin." "Hindi mo ba naiintindihan ang sinasabi mo Helena? Pwede tayong ipahamak ng taong ‘yan!" bulyaw naman ng binata. "Johan, bid siya. ‘Di ba ang pagkakapantay-pantay ng tao ang ipinaglalaban mo. Paano naman siya?" tanong ng dalaga. "Pero paano mo naman nasabi na nagsasabi siya ng totoo?!" tanong ni Johan. "Dahil nararamdaman ko na totoo ang mga sinasabi niya," sagot niya. "Hindi ako nagsisinungaling. Gusto kong sumali sa grupo niyo! Pareho lang tayo ng ipinaglalaban, kaya gusto kong sumali!" bulyaw ni Maria na medyo maluha-luha na. Natawa na lamang si Johan. Ibinaba ang kanyang baril at tumalikod. "Sa desisyon mong ‘yan para ka na rin namang nagpakamatay. Anong saysay ng pagpapaputok ng baril na hawak ko kung iba naman ang gagawa noon para sa ‘kin?" sambit naman ng binata. "Anong ibig mong sabihin, Johan?" tanong ni Helena. "Tumiwalag ka sa isang organisasyon na alam mong kailangan mong isakripisyo ang sarili mo para sa tungkulin nila. Tingin mo papayag silang pakawalan ka? Kahit sabihin na nating nagsisinungaling ka sa amin. Tingin mo ba bubuhayin pa kita kung may nagawa ka laban sa amin?" paliwanag ni Johan. "Handa akong tanggapin ang kahit na anong kaparusahan, makasama lang sa grupo niyo at maipaglaban lang ang mga bid. Hindi...ang pagkakapantay-pantay ng mga tao. Iyon ang ipinaglalaban mo, hindi ba?" tanong naman ni Maria. Unti-unti namang napangiti ang kausap. "Hindi ako ang gagawa ng kaparusahan sa ‘yo kung sakaling may gawin ka. Tandaan mo ‘yan." Muling humarap si Johan sa kausap.   "Si Helena ang gagawa no’n. Isa pa, hindi kami grupo. Ayokong bumuo ng grupo dahil mas delikado ang buhay ng bawat isa kapag kabilang sa isang malaking organisasyon. Hindi tayo grupo. May mga kanya-kanya tayong diskarte," paliwanag ni Johan. "United we stand. Divided we fall. Hindi ka ba naniniwala doon?" tanong ni Maria. "Hindi, hindi ako naniniwala doon. Lalo na kung hindi mo kilala ang mga kasama mo. Naniniwala ako sa magagawa ng iisang tao at hindi ng isang grupo, dahil ang isang grupo pwede kang ilaglag mabuhay lang sila. Gaya ng nangyayari sa organisasyon niyo!" paliwanag muli ng binata. Agad namang natahimik sina Maria at Helena. Akma namang papasok si Johan sa loob ng bahay ngunit siya’y natigilan. "Tulong! Tulungan niyo kami!" Isang boses ang kanilang narinig. "Ayun!" bulyaw ni Helena. Agad namang tumakbo si Johan papunta sa isang matandang lalaking duguan sa labas ng gate. Paika-ika itong naglalakad. May sugat ito sa kanyang ulo at paa at patuloy ang pagpatak ng kanyang dugo sa mga tuyong dahon. "Ano pong nangyari?!" tanong ni Maria. Napapikit na lamang ang matandang iyon at biglang nahimatay. Nasalo naman siya ng binata at agad silang naglakad papasok ng bahay. Inihiga ni Johan ang matandang pobre sa isang tila kamang walang kutsyon. Agad siyang lumabas ng bahay. "Maria, dito ka lang. Linisin mo ang sugat niya. Pupunta lang kami sa bayan," utos niya. "Oo," ang sagot na lamang ni Maria. "’Wag kang magtatangkang tumakas. Alam mo kung anong pwedeng mangyari sa ‘yo," pahabol na pagbabanta naman ng binata. Tumango naman si Maria at lumabas na ng bahay ang dalawa. Nilagpasan nila ang kotseng naka-park sa gate. "Hindi ba natin gagamitin ang kotse mo, Johan?" tanong ni Helena. "Hindi. Kung may nangyayari man sa siyudad, hindi dapat tayo makakuha ng sobrang atensiyon," paliwanag ng kasama.     Nilakad nila ang ‘di kalayuang siyudad ng Mexico, Pampanga. ‘Di kalayuan dito ang magubat na lugar na kinatitirikan ng resthouse ni Johan. ‘Di pa man sila nakakarating sa mismong siyudad ay naaaninag na nila ang makapal na usok at ang mangilan-ngilang pagsabog na umaalingawngaw sa kalangitan. "Ano bang nangyayari, Johan?" tanong ni Helena. "Hindi ko alam." Patuloy sa pagtakbo ang mga tao pasalungat sa kanilang dinaraanan. Lahat ay takot na takot. Hindi magkamayaw ang mga ito sa pagbitbit ng mga gamit; mga matatanda, mga babae at maski mga bata ay halos madapa na sa kakatakbo. Nang makarating sila sa b****a ng isang kalsada papunta sa mismong siyudad ay hindi sila makapaniwala sa mga nakita. Mahigit sampung prototype ang nakakalat. Ang iba ay umaakyat nang mabilis papunta sa mga tuktok ng gusali. Ang iba naman ay pinupunit na lamang ang katawan ng kanilang mahawakan. Mayroong mga sibilyang nakikipaglaban at binabaril ang mga prototype ngunit masyadong mabilis ang mga ito. Hinampas nito ang lalaking namamaril at agad itong humagis patungo sa gusali kung saan nakatayo sina Johan at Helena. Hindi pa rin makapaniwala ang dalawa. "M-manong, ano pong nangyayari dito?!" tanong ni Johan sa lalaki. "B-basta na lang...b-basta na lang sila dumating." Hindi siya makapagsalita nang maayos. Hinugot naman ni Helena ang katawan nito mula sa marahang pagkakabaon ng matanda sa semento. "Nasaan ang commander nila?" tanong ni Helena. "P-patay na. Hindi n-namin sila m-mapigilan," paliwanag ng matanda. Pumikit naman ito nang dahan-dahan. Ihiniga na lamang ni Helena ang katawan nito sa loob ng gusali upang hindi makita ng mga prototype. Dinikit ni Helena ang tenga nito sa dibdib ng lalaki ngunit wala na siyang naririnig na pulso. "Johan..." wika ni Helena at pagkatapos ay umiling na animo’y nagsasabing wala nang buhay ang matanda. "Masama ito," sagot ni Johan. Nakatitig pa rin siya sa nagkakagulong mga tao. "Anong ibig mong sabihin, Johan?" tanong ng dalaga. "Patay na ang commander nila. Hindi pwedeng patigilin ang prototype ng kahit sino pwera na lang ang nag-utos nito. Mahihirapan ang mga taong ito na patigilin ang mga prototype. Marami ang mamamatay. Hindi ito titigil kung ang inutos dito ay ‘wag magtira ng buhay. Kung tutuusin kayang gunawin ng prototype ang isang buong bansa," paliwanag ng binata. "A-anong gagawin natin, Johan? Hindi pwede ‘to!" bulyaw ni Helena, na tila nag-aalala.   Isang wangis lalaking prototype naman ang nag-landing sa labas lamang ng gusali. Nakasuot ito ng all-black na uniporme at kitang-kita sa mukha nito ang nabalatang rubber sheet na nakadikit sa kanyang mukha. Sinuntok nito ang isang sibilyan at agad nadurog ang ulo nito. Dilat-na dilat at gulat na gulat naman ang mga mata ni Johan sa kanyang nakita. Dahan-dahan naman itong lumingon sa kinaroroonan nina Helena at Johan at naglakad patungo sa kanila. Hindi naman nakagalaw sa sobrang takot ang binata. Hinawi ng prototype ang sirang kongkretong pader na humaharang sa kanila. Napaupo si Johan sa sobrang takot. Si Helena naman ay gulat na gulat din at nakasalampak pa rin sa semento sa tabi ng nakahigang katawan ng matanda. "H-H-Helena..." nanginginig na bulong ng binata. Nilapit ng prototype na iyon ang kanyang pingas na mukha sa mukha ng binata. Nabalatan na halos ang mukha nito na tila bungo at kita na ang bakal na parte ng kanyang panga. Hindi pa rin makagalaw si Johan mula sa pagkakaupo. Mayamaya pa’y tumingin ang prototype kay Helena. Bigla namang binasag ng prototype ang pader na hawak at patakbong sinugod ang dalaga. Bakit hindi niya ako pinatay? pagtataka naman ni Johan. Hindi kaya… Susugurin na si Helena ng suntok ngunit… "TUMIGIL KA!" sigaw ni Johan. Tumigil naman ang prototype na iyon at muling tumingin sa binata. "P-papaano mo nagawa iyon?" tanong ni Helena, nakatitig pa rin sa nakatayong prototype. "Hindi ko alam. Hindi niya ako sinugod. Pero bakit niya ako sinunod?" tanong ni Johan. Muli na namang may sumabog sa labas ng gusali. Agad tumakbo si Johan palabas ng gusali at saka sumigaw. "TUMIGIL KAYONG LAHAT!" Napatingin naman lahat ng natitirang siyam na prototype. Agad tumigil ang kaguluhan. Binitiwan nila ang kanilang mga hawak na sibilyan at dahan-dahang lumakad papalapit sa kanya. Nakita naman ito ng mga taong nakapaligid at tila hindi makapaniwala sa kanilang natunghayan. "Pero patay na ang commander nila. Paano mo sila nautusan?" wika ng isa. "I-Isa ka rin sa kanila! Tuta ka rin ng gobyerno, hindi ba?" bulyaw ng isa pa.   "Umalis kayo dito sa bayan namin! Marami nang namatay! Maawa naman kayo sa amin." "Umalis na kayo dito!" "Oo nga! Umalis na kayo dito!" panaka-nakang sigaw ang naririnig ni Johan laban sa kanya. Hindi naman niya alam ang gagawin. Patuloy sa paglapit ang mga prototype na iyon sa binata. Lumabas naman si Helena kasama ang prototype na kanya ring pinatigil. Patuloy ang sigawan ng mga tao, at ang iba naman ay halos maglupasay na lamang sa pag-iyak matapos makita ang kanilang mahal sa buhay na hindi na humihinga at wasak na ang katawan. Nang makalapit ang lahat ng prototype ay agad lumuhod ang mga ito gamit ang isang tuhod lamang. Yumuko rin ito sa harapa ng binata. "Anong nangyayari, Johan?" tanong ni Helena, tila hindi makapaniwala sa nakikita. Isang babae naman ang nagbato ng isang malaking pitak ng bakal papunta kay Johan. Agad naman itong hinarang ni Helena at pinalo palayo ang lumilipad na bakal. "DAPAT LANG ‘YAN SAINYO! Mga pahirap kayo sa amin. Whooo...anak ko! ANAK KOOO!" Patuloy siyang humagulgol ng iyak at naglulupasay sa lupa sa tabi ng isang batang wala nang buhay. Napayuko na lamang si Johan. Tila walang imik at nagtataka kung paano niya napasunod ang mga prototype na iyon. "Johan, ano nang gagawin natin?" nag-aalalang tanong ni Helena. "UMALIS NA KAYO!" sigaw ng isang lalaki. Hinampas nito ang isang prototype ngunit nasalo nito ang kamay ng lalaki at siya'y inangat. "AAAAAAAHHH!" sigaw niya. Patuloy lamang na nakatulala si Johan. "Bitiwan mo ako… AAH!" Halos mamilipit na sa sakit ang lalaking iyon. "Johan, wala ka bang gagawin?" tanong ni Helena sa kanya. Tumalikod naman si Johan at naglakad palayo. "Johan, ano ba?!" bulyaw ng dalaga. Nakayuko pa rin si Johan habang naglalakad palayo. Napatigil naman ang mga tao sa pagsigaw at napatingin sa lalaking inangat ng prototype.   "Maawa kayo sa kanya. Ibaba niyo ang asawa ko!" bulyaw ng isang babae. Sinubukan niyang lumapit ngunit hinawakan naman ito ng isa pang wangis babaeng prototype sa balikat. "Bitiwan mo ako!" sigaw niya. "Johan, wala ka man lang bang gagawin? Ano bang binabalak mo?" tanong ni Helena. "Kahit ano pang gawin ko titingnan nila ako bilang masama," tugon ng binata. Narinig naman iyon ng ilang mga bid. "Pero Johan. Hahayaan mo na lang bang mamatay ang mga taong ito? Akala ko ba ikaw ang gagawa ng pagbabago? Akala ko gusto mong wasakin ang pader na humihiwalay sa ating lahat. JOHAN!" Napatigil naman ang binata sa paglalakad. Nagpatuloy ang katahimikan at mangilan-ngilang bulungan na lamang ang nangyari. Nakatingin pa rin ang mga ito kay Johan. Ang iba ay patuloy pa rin sa pag-iyak. "AAAAAAHHHAHA!" sigaw ng lalaking kapit pa rin ng isang prototype at halos suntukin na nito ang brasong nakakapit sa kanyang kamay. "Bitiwan niyo sila," marahang wika ni Johan. Agad naman iyon sinunod ng dalawang prototype. Bumagsak ang lalaking iyon na namimilipit sa sakit. Tila nabali ang kanyang braso. Agad namang lumapit sa kanya ang kanyang asawa. "Johan..." bulong ni Helena. Tila naguguluhan din siya sa mga nangyayari. Agad tumayo ang binata sa isang wasak na parte ng gusali. "Makinig kayong lahat!" wika niya. "Hindi ako ang nagpadala ng mga prototype na ito. Gusto ko ring malaman kung sino ang nagpadala nito at kung bakit sila nandito." Ngunit tumahimik lamang ang mga tao. Masama ang tingin ng mga ito kay Johan. "Bidder kayo ‘di ba?! Itong kasama mong babae may memory gene siya. Hindi kami naniniwala sa sinasabi niyo!" sigaw ng isang lalaki. "At paano mo maipapaliwanag ang pagsunod ng mga prototype sa ‘yo?!" bulyaw ng isa pa. Walang pinagkaiba ang senaryong ito sa nangyari sa Antipolo. Ito ang napagisip-isip ni Johan ngayon. Tila nadidismaya at nalulungkot siya sa mga naririnig. "Johan, sagutin mo ang tanong nila," wika ng dalaga. Napatulala naman si Johan at napayuko. Muling bumalik ang mangilan-ngilang sigawan ngunit sa pagkakataong iyon ay humihingi na sila ng kasagutan.   H-hindi ko alam, bulong ni Johan sa sarili. Nakarinig naman sila ng feedback, at nanggagaling iyon sa mga prototype. Agad nagtayuan ang mga ito at ngumanga na tila mapupunit na ang kanilang mga pisngi. Humarap ang mga ito kay Johan at muling natakot ang mga tao. "Ano ang pakiramdam ng pinagkakaisahan?" Isang boses ang umalingawngaw mula sa bibig ng mga prototype. Ikinagulat naman iyon ng binata. Pamilyar ang boses na iyon sa kanya. "Ano rin ang pakiramdam ng pagtulungan ka dahil sa pakikialam mo?" pagpapatuloy nito. Agad namang tumalon si Helena paatras at umamba malapit kay Johan. "Masakit ba? Kapatid?" Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. "K-Kuya?" bulong niya. Hindi makapaniwala si Johan sa narinig. Kapatid niya ang nagsasalita mula sa mga built-in speaker ng mga prototype na iyon. Kaya pala sinunod siya ng mga prototype na ito. Marahil ay sinet up siya ng sarili niyang kapatid. P-pero paanong..? tanong niya sa sarili. "Nagtataka ka ba kung paano ko nalaman kapatid? Nag-iwan ka ng ebidensiya. Hindi makapaniwala ang lahat ng tao na ang isang Klein na kagaya mo ay magagawa ang ganitong bagay. Kagabi ko lang din nalaman. Miyembro ka pala ng Teroristang New Order. Talaga bang desperado ka nang tuparin ang adhikain mo? Kapatid?" pagpapatuloy niya. Nalukot naman ang mukha ni Johan, tila nagalit at nagsalubong ang mga kilay. "Ganyan ka na rin ba kadesperado, Kuya? Para lang mahuli ako? Gumamit ka pa ng voice recognition ko para lang mapasunod ang mga prototype na ito. Para lang mapaniwala sila na ako ang nag-utos upang guluhin ang lugar na ito? Maraming tao pa ang nadamay dahil sa kalokohan mo!" bulyaw ng binata. Isang heli ship naman ng isang malaking media network ang sumulpot sa himpapawid. "Sige tutukan niyo sila ng camera. On air na tayo in 5...4...3," wika ng isang reporter. Tinutukan naman kaagad ng cameraman ang mga pangyayari sa ibaba. Isang hover truck naman ang sumulpot sa ‘di kalayuan. Bumaba ang sakay nito. Nakita nila si Maria na kinakapitan ng matandang lalaking iniligtas nila kanina. Nakatali ang bibig niya at pati na rin ang kanyang dalawang paa at mga kamay sa likod. Nagtanggal siya ng wig at doon makikita sa ulo ng matanda ang kanyang memory gene. Tinulak niya ang babaeng nakatali at lumagapak naman sa lupa ang kanyang mukha.   Ang commander naman mula sa isang hover truck na animo’y sira-sira na ay agad na bumangon. Tinanggal niya ang kanyang jacket upang ipakita na hindi talaga siya nabaril. Naglagay lamang siya ng pulang likido upang mapagkamalan siyang patay ng mga bid. "Naiintindihan ko na," bulong ni Johan. "Johan, ano ba talagang nangyayari?" pag-aalalang tanong ni Helena. "Isang malaking palabas lang ang lahat para lang mahuli ako. Nakakatawa ka, Kuya," wika ni Johan habang nakangiti. "AHAHAHAHAHAHA!" Tumawa naman si Johan nang malakas na parang nababaliw. "Wala ka nang magawa kapatid kundi tumawa na lang. Tama ba ako?" wika ng boses mula sa mga prototype. "Hindi mo ba gusto ang pagtawa ko, Kuya? Naaliw mo ako nang todo sa palabas na ipinakita mo. Nakakatawa ka talaga. Nag-abala ka pang gawin ang lahat ng ito. Bakit Kuya, sabihin mo nga kung anong kasalanan ang ginawa ko?" pang-iinsulto naman ni Johan. "Miyembro ka ng grupong NEW ORDER. Napaka-obvious naman at kasama mo pa ang isa sa resthouse na pag-aari natin. Hindi ako makapaniwala na ang kapatid ko na miyembro ng isang marangyang pamilya ay kasali sa grupo ng mga hampaslupang kaaway ng gobyerno," wika ni Jonas mula sa speaker ng prototype. "Isa lang ang malinaw," bulong ni Johan. "A-ano ‘yon, Johan?" tanong ni Helena na tila nakaamba pa rin sa kanyang pwesto. "Maaaring alam na ni Kuya kung sino ka, kung ano ang totoo mong pagkatao at ang kinalaman natin sa pangyayari sa Antipolo," paliwanag ni Johan. Saglit na pumasok sa isipan niya ang pangyayari kagabi. Binutas ni Helena ang dibdib ng isa sa mga leader ng grupong New Order, si Bart. Ngunit hindi nito naapektuhan ang kanyang memory gene. Maaaring nakuha ng awtoridad ang katawan nito at iniscan sa memory reader ang memory gene ng kawatan. Agad napakapit si Johan sa kanyang ulo habang nakangiti. "Ngayon kapatid, ano kaya ang magiging reaksyon ng buong mundo kung matunghayan nila ang pagpaslang mo sa bawat bid na nandito gamit ang mga prototype?" wika ni Jonas. "Johan, anong gagawin natin?" tanong ni Helena. "Hindi ka kikilos sa pagkakataong ito, Helena. Ikaw ang magiging susi sa pagbabago ng mundong ito. Ayokong malaman nila na buhay ka pa matapos ang insidente sa Antipolo. Ayokong paslangin ka nila," bulong ni Johan. "Pero papatayin ng bawat prototype na ‘yan ang mga tao dito. Hindi pwedeng hindi ako kumilos," sagot naman ng dalaga. "Makikipaglaro ako kay Kuya. Hindi ka kikilos ngayon. Mas maayos nang magtakbuhan ang mga tao palayo sa siyudad na ito." "Johan, hindi pwede ang iniisip mo!" sagot muli ni Helena. "’Wag nang matigas ang ulo, Helena. Cornered na tayo," sagot ng binata. "Pero hindi ka naman talaga miyembro ng New Order! Mali ang sinasabi niya!" sagot ng dalaga. "Noon pa man ito na ang gusto ni Kuya. Ang palabasin na kalaban ako ng gobyerno dahil sa mga ginagawa ko," wika ni Johan. "Natahimik ka na yata, kapatid. Idagdag na rin natin ang kaso ng pagpatay mo sa isang bidder bukod sa pagpaslang ng maraming tao dito. Pati na rin ang pagiging kalaban ng gobyerno dahil sa pagkakadawit mo sa mga miyembro ng terorista," muling sambit ni Jonas. Hindi na makaisip si Johan ng paraan. Sa pagkakataong iyon ay tila wala na siyang magagawa. Wala nang silbi ang talino niya. Ayaw niya namang gamitin ang lakas ni Helena dahil ayaw niyang mabulilyaso ang plano para masira na nang tuluyan ang sistema ng gobyerno, para tuluyan nang mawasak ang malaking pader na naghihiwalay sa sangkatauhan. "Mukhang hanggang dito ka na lang, kapatid. Panoorin mo na lang kung paano mapaslang ang bawat bid na nandito." Naglabas naman ng mahabang hagdang lubid ang heli ship na paikot-ikot sa itaas. Agad tumakbo ang commander ng mga prototype na iyon papunta sa lubid at umakyat. Ang matanda naman na nanlinlang sa kanila ay agad namang sumakay sa hover truck at saka pinaharurot iyon palayo. Si Maria naman ay naiwang nakalugmok sa lupa, at nakatingin ito sa dalawa. "M-Marami ang mamamatay dito," tanong ni Helena. Natulala na lamang si Johan habang nakangiti. Iyon na lang siguro ang magagawa niya sa huling sandali bago pa man magunaw ang lugar na iyon at pagmukhain ng media na siya ang kumokontrol sa mga prototype. Nakapaligid ang karamihan sa mga bid, at nagtatago ang mga ito sa sulok ng bawat gusali. Takot na takot at halos pigilan ang pag-iyak upang hindi marinig ng mga prototype kung sakaling sumugod na sila. Bumagsak ang isang butil ng niyebe sa hood ni Johan. Madilim na naman ang kalangitan at tila nagbabadyang umulan ng maraming butil pa ng niyebe. Tila sasabay pa ang panahon sa malaking kaguluhan na mangyayari. "Ito na siguro ang katapusan. Gusto kong lumayo ka na dito, Helena. Gusto kong ipagpatuloy mo ang nasimulan na," wika ni Johan na tila naghahabilin. "Hindi kita pwedeng iwan dito. Sabihin mo na kung anong gagawin ko!" ani Helena, na sa pagkakataong iyon ay tila nakaamba at nakabantay pa rin sa binata. "Ayokong mapahamak ka. Ayokong matuklasan nila kung ano ang kaya mong gawin," sagot naman ni Johan. "Pero mamamatay ka, Johan!" wika ni Helena. "Hindi nila ako aatakihin." Kinuha ni Johan ang baril na may silencer na nakasukbit sa kanyang bewang. "’Wag kang mag-alala,. Ako ang magpapatigil sa kanila. Tumakbo ka na at isama mo si Maria." "Haha, ngayon ako naman ang natatawa, kapatid. Ano handa ka na ba sa pagkagunaw ng siyudad na ito? Siguradong ipagmamalaki ka ni Dad kapag napanood niya ito," wika ni Jonas. "Para kang bata. SIMULAN MO NA!" sigaw ni Johan.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD