“Wars of nations are fought to change maps. But wars of poverty are fought to map change.”
-Muhammad Ali
"Sir, I think we have a situation in the Philippines," wika ng isang lalaking nakasalamin, nakaputing long sleeves at nakapulang necktie. Tila may bakas ng takot ang kanyang mukha nang pumunta sa desk ni Dr. Levine Klein, ang ama nina Johan at Jonas.
"What is it?" tanong niya.
"Sir, I believe that your son is in live telecast at this time. It's like a war zone over there," wika niya na tila nauutal pa.
Agad namang lumabas ng opisinang iyon ang CEO ng MEMO at pumunta sa lobby. Doon ay natunghayan niya ang iba pang mga katrabahong nagkukwentuhan habang nakaharap sa malaking hologram monitor at tila nagkakagulo pa ang mga ito.
"S-sir," wika ng isang lalaki na agad humarap sa kanya at tumindig nang diretso.
Si Dr. Levine Klein naman ay nakatitig at dahan-dahang naglakad palapit sa monitor. Halatang hindi siya makapaniwala sa nakikita. Nasa loob ng screen na iyon ang kanyang anak na si Johan. Aerial view ito at pinapakita ang kanyang anak na nakatayo sa isang malaking tipak ng kongkreto. Katabi niya si Helena at sa harapan naman nilang dalawa ay ang sampung prototype na tila nakaamba sa pag-atake. Magulo ang lugar, mausok at kapansin-pansin ang nagkalat na dugo sa paligid at ang mga sira-sirang gusali.
"Reports say that this massive attack was started by this young guy, and we can see that it's like a war zone here and several bids are trying to escape out of this town..." pagpapatuloy ng reporter na nagco-cover sa pangyayari.
Agad napahawak sa batok si Dr. Levine at tila hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari sa lugar, hindi rin siya makapaniwalang ang sariling anak ang gagawa ng kaguluhan doon.
"Book me a flight to the Philippines. NOW!" bulyaw niya sa lalaking kumausap sa kanya kanina lamang.
Agad na tumalikod ang doktor at dali-daling pumasok muli sa kanyang opisina. Ang mga katrabaho naman ay napatingin sa kanya at hindi pa rin magkamayaw sa nasasaksihan. Nagpatuloy ang mga bulung-bulungan at ang panaka-nakang mga kwentuhan.
Nang makapasok na ang doktor sa kanyang opisina ay agad niyang binuksan ang isang secret drawer sa ilalim ng kanyang desk. Pinindot niya ang isang maliit na button sa kaliwang bahagi nito at automatic itong bumukas.
Sa loob ay nakalagay ang isang tila flash drive. Kinuha niya iyon at agad niyang ibinulsa.
"S-sir, your flight will be ready in an hour," sagot ng lalaking pumasok sa kanyang opisina.
"Thank you. You can go now. I'll just pack my things," tulirong tugon niya. Agad namang isinara ng lalaki ang salaming pintuan at naglakad palayo.
I can't believe you're doing this Johan. What were you thinking? bulong niya sa sarili at muli niyang inilabas ang flashdrive na nasa bulsa. Tinitigan niya ito at muling isinara ang kanyang kamay.
*****
Patuloy na tumayo si Johan sa gitna ng tila warzone na iyon. Nakaharang pa rin si Helena sa kanyang harapan. Nakatitig na ang ilang mga prototype sa kanila. Ang iba naman ay nakatingin sa mga bid na nasa paligid.
Halos maluha at manlaki ang mga mata nila nang dahan-dahang lumingon ang mga prototype.
"Johan, please ‘wag mong gawin ‘to!" wika ni Helena. Hinawi naman siya ng binata at agad itinutok ang baril sa isa sa mga prototype.
"Ano pang hinihintay mo? Simulan na natin!" sigaw niya. Agad namang lumuhod ang mga prototype at tila umaamba na ng takbo.
"Kung iyan ang gusto mo, kapatid. SIGE SIMULAN NA!" wika ni Jonas mula sa speaker ng mga prototype.
Agad sumara ang mga bibig nito at tumakbo patungo sa mga bid. Ang isa ay papunta kay Maria. Tinulak naman ni Johan ang dalaga.
"Tumakbo ka na!" utos niya.
Wala namang nagawa si Helena. Kung anuman ang binabalak ni Johan ay hindi niya alam. Pero isa lang ang sigurado doon, may maganda itong maidudulot sa kanila ngunit paano ang mga bid sa paligid?
Tumakbo si Helena patungo sa kinaroroonan ni Maria. Hinablot niya ang dalaga at agad na pinasan sa kanyang balikat.
"Lumayo na kayo!" sigaw naman ng binata. Ang isang prototype na papunta sa kanila ay agad pinaputukan ni Johan ngunit hindi siya nito pinansin.
"L-lagot..." bulong ni Johan. Agad siyang tumakbo para salubungin ang prototype na iyon. Kinapitan niya ang ulo nito na animo’y nakasakay dito. Hinalungkat niya ang likod na parte ng ulo ng prototype at doon ay nakita niya ang artificial memory gene nito. Tinutukan niya iyon ng baril at agad pinaputukan. Tumumba naman ang prototype sa lupa at nabalot ng makapal na alikabok ang paligid gawa ng pagsadsad nila sa mabuhanging parte ng lupa.
"Johan!" sigaw ni Helena. Huminto siya saglit at tumingin sa lugar kung saan nababalot ang paligid ng alikabok.
"Ano bang ginagawa mo? Umalis na kayo!"
Lumitaw si Johan sa makapal na alikabok na iyon. Agad namang tumango si Helena at muling tumakbo.
Napalingon ang binata sa paligid; huli na ang lahat. Ang mga natitirang prototype ay may mga hawak nang biktima. Sakal nila sa leeg ang mga bid na iyon. Ang iba ay kinapitan lamang nila sa ulo at paa na animo’y mga laruan. Dahan-dahang lumapit ang mga ito kay Johan hanggang siya’y mapalibutan.
Muling ngumanga ang mga prototype at doon ay nagsalitang muli ang kanyang kuya.
"Kapatid, kapatid...kitang-kita ng buong sambayanan ang ginagawa mo sa mga kaawa-awang bid na ito. May huli ka bang habilin sa mga taong ito bago mo sila patayin?" tanong niya.
Saglit namang nalukot ang mukha ng binata.
Anong gagawin ko? Masyadong marami ang mga ito para isa-isahin ko ang mga AI memory gene nila...t-tapos na ang lahat. Tapos na, bulong niya sa sarili.
"Tatlong segundo, kapatid. Bibigyan kita ng tatlong segundo upang humingi ng tawad sa mga taong ito bago sila mamatay. Ipaliwanag mo sa kanila kung bakit kailangang mangyari ito. Kung bakit kailangan nilang mamatay upang ang isang katulad mo ay mabuhay nang matagal," wika ni Jonas.
"P-parang...parang awa mo na..." wika ng isang lalaki, hindi siya makapagsalita nang maayos dahil sa sobrang higpit ng pagkakasakal sa kanya ng isang prototype.
Ang isa namang babae ay halos malunod na ang mukha sa kakaiyak. Ang ilan ay pinili na lamang magdasal, at tila tanggap na nila ang kamatayang kakaharapin.
"Isa!"
Nagsimula nang magbilang ang kapatid ni Johan. Napayuko na lamang siya at pumikit. Hindi niya ninais makitang mamatay ang mga ito sa kanyang harapan.
"Dalawa!" muling pagbilang ni Jonas. Nanginig na ang tuhod ni Johan at napaluhod na lamang sa lupang kanyang kinatatayuan. Napaluha na lamang siya at naibagsak ang hawak na baril.
"Tatlo!"
Ilang putok ang umalingawngaw sa paligid. Agad nagsidapaan ang mga prototype. Nabitiwan nila ang kanilang mga biktima na agad namang nagsitakbuhan palayo sa mga ito.
Ikinagulat iyon ng binata. Tumingin siya sa paligid at nakita ang mangilan-ngilang tao sa malayo. Nakasuot ang mga ito ng uniporme na cammo at tila may mga sniper na hawak.
"A-Anong nangyari? Anong ibig sabihin nito? Paano..." Tuluyan nang nasira ang speakers na nakakabit sa bibig ng mga prototype. Nagliliyab ang likurang bahagi ng kanilang mga ulo.
"A-anong nangyari? Biglang nagbagsakan ang mga prototype na iyon. Paano iyon nangyari?" wika ng reporter na nasa heli ship. Ibinaling naman ng cameraman ang kanyang camera sa paligid at nakita nito ang ilang mga taong may hawak na sniper. Lubhang nagulat ang cameraman dahil nakatutok ang mga ito sa kanilang sinasakyan.
"T-TATAMAAN TAYO!" sigaw niya. Agad namang nagpaulan ng bala ang mga ‘di kilalang taong iyon sa kanilang sinasakyan. Tinamaan ng isa ang camerang hawak at ang isa naman ay ang engine ng heli ship.
"Umalis na tayo!" utos ng commander sa piloto. Agad niya naman itong pinalipad ng mabilis.
Tumayo si Johan nang dahan-dahan mula sa kinatatayuan niya. Nagkalat sa paligid niya ang langis mula sa mga prototype. Nagsimulang lumiyab ang mga ito kaya't tumakbo siya palayo. Napansin niyang lumalapit ang mga ‘di kilalang tao na bumaril sa mga prototype na iyon. Naka-uniporme nga ito ng cammo at ang mga mukha nila’y natatakpan ng tila itim na maskara.
Nang makalapit ay itinaas ng binata ang kanyang mga kamay ngunit tinutukan pa rin siya ng baril ng mga ito.
"T-teka lang, anong ibig sabihin nito? Sino kayo?" tanong niya.
Isang hampas naman ng baril ang natamo niya mula sa isa na agad niyang ikinawalan ng malay.
"Secure niyo ‘yan. Bilis!" wika ng isa, na pagkatapos ay tumingin-tingin sa paligid.
Naglabas naman ang isang lalaki ng itim na tila sako mula sa kanyang belt bag at agad inilagay sa ulo ng binata. Ang isa naman ay tinalian ang magkabila niyang braso at pagkatapos ay hinatak palayo.
Sa ‘di kalayuan naman ay natutunghayan nina Helena at Maria ang nangyayari.
"Kailangan ko siyang iligtas." Tumayo si Helena mula sa pagkakaluhod ngunit hinatak naman ni Maria ang braso nito.
"’Wag Helena!" wika ng dalaga.
"Bakit? Kinukuha siya ng mga taong iyon. Baka mapahamak siya!" sagot naman ng dalaga.
"Sila ‘yan..." wika ni Maria. Seryoso ang mukha niya habang nakatitig sa mahigit labindalawang lalaki na nakapaligid sa binata.
"Anong sila?" tanong ni Helena.
"Sila ang New Order. Ang kalaban ng gobyerno. Ang grupong kinabibilangan ko," paliwanag ni Maria.
"Mapapahamak si Johan sa kanila. Bitiwan mo ako!" Patakbo na sana ulit si Helena pero muli siyang pinigilan ng dalaga.
"Helena, wala silang gagawing masama kay Johan dahil kung meron man, sana pinatay na siya ng mga ‘yan!" paliwanag niya. Napatingin na lamang si Helena.
"Magtiwala ka lang, Helena. Siguro may kailangan lang sila kay Johan. Pero maniwala ka, walang mangyayaring masama sa kanya. Kilala ko ang mga taong ‘yan," paliwanag muli ng dalaga. "Ang magagawa na lang natin ay sundan sila."
Isang hover truck naman ang sumulpot papunta sa mga lalaking iyon. Isinakay nila si Johan sa truck at ang iba naman ay sumampa na lamang sa likod na bahagi nito.
"K-kailangan nating bumalik sa bahay. Kailangan nating gamitin ang kotse ni Johan para masundan sila. Alam ko na kung saan sila pupunta," wika ni Maria.
"Sige, tanggalin na ‘yan."
Isang boses ang narinig ni Johan. Pamaya't maya siyang nagigising at minumulat ang kanyang mga mata. Napangiwi siya sa sakit na nararamdaman gawa ng pagkakapalo ng baril sa kanyang ulo. Madilim at tila nahihirapan din siyang huminga dahil sa sakong nakabalot sa kanyang ulo.
Mayamaya pa‘y hinablot ng isang lalaki mula sa kanyang kanan ang itim na sako na nasa kanyang ulo. Tila nanibago si Johan sa liwanag na tumatama sa kanyang mukha mula sa isang maliit na bintana sa kanyang harapan. Kitang-kita ang sinag kung saan ito tumatama gawa ng mga nagliliparang alikabok sa paligid.
Pinilit niyang ibinuka ang mga mata at nang magawa iyon ay nakita niya ang tatlong lalaki sa kanyang harapan; isa sa kanyang kanan at sa kaliwa naman ay ang pintong sinasandalan naman ng isang babaeng mayroong tattoo sa kanyang braso. Nakatali si Johan sa isang kahoy na upuan. Madinlim ang paligid at tila sinag lamang ng araw ang nagpapaliwanag sa gitna ng kwartong iyon.
"Ikaw si Johan Klein, anak ni Dr. Levine Klein at ang kapatid mo ay ang senador na si Jonas. Tama ba?" tanong ng lalaking nasa kanyang harapan. Hawak niya ang isang maruming papel. Napangiti na lamang si Johan.
Mga bid siguro ang mga ito, p-pero bakit sila may memory gene? Sino ba talaga kayo? bulong niya sa sarili. Napansin din niya na wala silang dalang mga baril. Tila binabantayan lamang siya ng mga ito hanggang sa magkaroon ng malay.
"Sumagot ka!" bulyaw ng lalaking nakasuot ng itim na maskara. Hinila naman ng lalaki sa kanyang kanan ang kanyang hood. Hindi na nagtaka ang isang ito nang makitang walang memory gene ang binata.
"Hindi ka kamo gumagamit ng memory gene dahil ayaw mo ng sistema ng gobyerno. Pero ang kapatid mo nasa senado." Natawa na lamang ang iba niyang kasama nang marinig nila ang sinabi ng kanilang pinuno.
"Siguro gaya rin ng sa amin. Mga bid kami, ayaw namin ng sistema ng memory gene pero gumagamit kami nito." Saka lamang naintindihan ng binata ang lahat nang marinig niya iyon.
"K-kayo ang New Order, hindi ba?" tanong niya.
"Kami nga. Pasensiya na kung naging marahas kami sa pagdala sa ‘yo dito," wika ng lalaki sa kanyang harapan.
"Wala namang bago roon. Gaya ng plano niyong pagpatay sa akin sa Maynila, tama ba? Inaasahan ko na ‘yon mula sa mga kagaya niyo!" pangiinsulto naman ni Johan.
"Hindi kami kasing-sama gaya ng iniisip mo. May dahilan kami kung bakit namin ginagawa ang mga bagay-bagay. Ito ay dahil gusto namin ng pagbabago. Gusto naming alisin ang sistema at kung walang magsisimula, sino? Ikaw?" seryosong tugon naman nito. Natahimik na lamang si Johan at hinayaang magsalita ang lalaking naka-uniporme ng cammo at nakamaskara.
"Magsisimula ka ng gyera dahil sa ginawa mo sa Pampanga."
"Hindi ko ginusto ‘yon! Hindi ako ang kumokontrol sa mga prototype na ‘yon kundi ang kapatid ko!" agad na tugon ni Johan.
"Pero ayaw mo bang palabasin na kinontrol mo ang mga iyon para magsimula ng rebolusyon?" tanong ng lalaki.
"Hindi sa marahas na paraan! Mas maraming mamamatay na tao. Madadaig pa ng gyera ang memory gene dahil sa pagkaubos ng mga bid. Ayokong mangyari ‘yon!" wika ni Johan.
"Pero ang babaeng itinakas mo, ginamit mo siya laban sa amin, ‘di ba? Hindi mo ba matatawag na karahasan ang pangyayaring iyon?" tanong ng lalaki.
"Hindi ko siya masisisi. Papatayin niyo siya, ‘di ba? Desisyon niya ‘yon. Ang gumanti," sagot ng binata.
Naglakad naman pabalik sa kabilang dulo ng kwarto ang lalaking iyon at inilapag ang hawak na papel. Muli siyang humarap kay Johan.
"Ang tinutukoy mo ay ang Subject 7. Isang proyekto na ginawa ng MEMO upang wasakin ang mga magiging kalaban ng gobyerno. Alam mo na ba ang tungkol dito?" tanong niya.
"Hindi siya proyekto ng MEMO. Iba siguro ang kwentong nabasa niyo!" sagot ni Johan.
"Pero ang babaeng iyon ay naging bihag namin isang linggo na ang nakakaraan. Nahuli namin siya sa NAIA sa eroplano mismo ng MEMO. Paano mo maipapaliwanag ‘yon?" tanong ng lalaki. Hindi naman makapaniwala ang binata sa mga narinig.
Sa isip-isip niya ay bakit naman magiging interesado ang MEMO kay Helena kung kalaban naman nila ang kompanya na gumawa dito? Muli ay bumabalik sa kanya lahat. Ang asul na memory gene, ang kakaibang lakas at bilis ni Helena at ang pag-regenerate ng katawan niya nang mabilis. Marahil ay balak ngang gamitin si Helena upang gawing special weapon sa mga kaaway. Pero kung ganoon nga ang nangyari ay siguradong may alam ang kanyang ama tungkol dito.
"Wala akong alam sa sinasabi niyo. Ibang kwento ang alam ko," marahang tugon ng binata.
"Kung hindi siya nanggaling sa MEMO, anong kompanya ang gumawa sa kanya?" tanong muli ng lalaki. Isang katok naman ang gumambala sa pag-interrogate kay Johan.
Sinenyasan ng lalaking iyon ang babaeng nakasandal sa pinto na buksan ito. Isang lalaking nakasalamin na nakasuot ng itim na t-shirt ang pumasok, tila hinihingal pa siya at nagmamadali.
"Sir, sorry po pero may mga ‘di kilalang tao po ang nakapasok sa perimeter!" wika niya.
"Mukhang nandito na sila ah. Ang mga kaibigan mo. Pati si Maria nakuha mo ang loob. Magaling ka bata," wika ng lalaki.
"Sir, hindi lang po sila dalawa. Mahigit tatlumpung tao po ang nakapasok. Nakauniporme po sila ng militar!" Ikinagulat naman ng iba pa ang balitang hatid ng lalaking iyon.
"Ano?! Magsihanda kayo! Pakialerto ang buong tropa. Lalaban tayo! Pakibuksan ang armory! Bigyan ng baril ang lahat!" utos ng lalaki.
Nagsilabasan naman ang tatlong lalaki at ang isang babaeng nasa loob ng kwartong iyon at umalingawngaw sa paligid ang tunog ng maingay na sirena.
"Pasensiya na bata, mukhang mapapalaban muna kami bago tayo muling makapag-usap," wika ng lalaki na akmang lalabas na rin ng kwarto.
"Sandali!" wika ni Johan.
"Bigyan mo ako ng baril. Ayos lang kahit nakatali ako, pero bigyan mo lang ako ng baril."
"Matapang ka bata. Pero sige. Para kung sakaling ikamatay mo ang labanang ito, kahit papaano napagbigyan ko ang kahilingan mo." Lumapit ang lalaki at dinukot mula sa kanyang bewang ang isang handgun na may silencer.
"’Yan ang baril mo. Nakuha namin ‘yan nang dalhin ka rito." Iniabot niya iyon sa kamay ng binata sa kanyang likuran.
"Baril ‘yan ng isa sa inyo. Kinuha ko lang nang iligtas ko si Helena. Salamat sa pagpapahiram," sagot ni Johan.
"Walang anuman. Babawiin ko ‘yan pagkatapos nito," wika ng lalaki habang naglalakad papalabas ng kwarto.
"Wag kang mag-alala. Mahihirapan silang hanapin ang lugar na ito. May ilang minuto ka pa para makatakas kung magagawa mo; o kung darating man ang kaibigan mo at ang kasamahan namin. Baka swertehin ka," dagdag niya at tuluyan na siyang naglakad palabas ng kwarto.
Napayuko na lamang si Johan at tumingin-tingin sa paligid. Sa pagkakataong iyon ay siguradong wala siyang magagawa kundi ang maghintay. Mahigpit ang pagkakatali sa kanyang mga braso. Matigas din ang kahoy na kinauupuan niya kaya’t mahihirapan siyang kalasin ang mga ito upang makatakas.
Patuloy ang pag-alingawngaw ng sirena sa buong paligid. Sa tunog nito ay mukhang malawak ang kuta ng mga terorista. Mayamaya pa’y umalingawngaw na ang ilang mga putukan ng mga machine gun sa may bandang kaliwa sa may pinto kung saan lumabas ang mga tauhan ng lalaking iyon. Tila malayo ang mga tunog nito.
Patuloy na nakiramdam si Johan. Ilang mga sigawan na ang kanyang naririnig mula sa labas.
Kailangang may gawin ako kundi mamamatay ako dito! bulong niya sa sarili.
Muling tumingin sa paligid ang binata. Halos wala siyang maisip kung paano magagamit ang mga bagay sa paligid para makatakas. May mga mahahabang bakal na tubo sa bandang kanan niya. Sa unahan naman ay ang mesa kung saan nakapatong ang papel na tinitingnan ng lalaki kanina lamang.
Sinubukan niyang ipadyak ang kanyang paa upang makita ang mga bagay na pwede niyang magamit sa likuran. Mga malalaking salamin lamang ang mga nakatayo roon.
"Pwede na ‘to," wika niya. Patuloy niyang pinadyak ang kanyang paa upang lumapit sa malalaking salamin na iyon. Nang makalapit ay tumalikod siya, binaril niya ang isang parte ng mga salamin at umalingawngaw sa buong kwarto ang tunog ng pagkabasag nito.
Balak niyang basagin ang mga salaming iyon para ikiskis niya ang tali sa matulis na parte nito ngunit nabasag naman ang buong salamin.
"Malas!" bulyaw niya.
Muli niyang binaril ang isa pa. Ganoon pa rin ang resulta. Nagkapira-piraso lamang ang mga ito sa sahig.
Tsk! Wala na akong magagawa. Siguradong iindahin ko ito ng ilang araw, bulong niya.
Pumadyak siya nang malakas ngunit tumagilid lamang ang kanyang kinauupuan. Sinubukan niyang muli ngunit hindi pa rin siya bumagsak. Ang panghuli ay itinodo na niya ang pagpadyak. Bumagsak ang kinauupuan niya sa mga bubog na nagdulot naman ng pagkasugat ng kanyang mga kamay.
"AAAAAAAAAAHHHHH!"
Napasigaw si Johan sa sobrang sakit na naramdaman. Tila muli ring bumuka ang sugat na kanyang iniinda sa tagiliran. Nabitiwan niya ang baril at ilang segundo siyang humiga patagilid sa mga bubog na iyon. Iniinda pa rin niya ang sakit at tila isang bubog naman ang pumasok sa kanyang braso.
"Aaahh...aray ang sakit….aahh!" wika niya.
Kinapa niya ang kaliwang braso kung saan nakabaon ang isang malaking bubog na nagdulot ng pagdurugo at malalim na sugat. Tinanggal niya ito at napakagat siya ng mariin dahil sa sobrang sakit.
Ilang segundo siyang nagpahinga. Patuloy ang pagpatak ng dugo sa mga bubog na iyon. Mayamaya’y kumuha siya ng isang malaking piraso ng salamin. Tinutok niya ito sa tali at sinubukan niya iyon putulin.
Makapal ang taling nakapalibot sa binata ngunit kung mapuputol niya ang isang piraso nito ay siguradong makakawala siya. Nagpatuloy naman ang mga putukan sa labas ng kwartong iyon na sinamahan naman ng ilang pagsabog ng mga bomba.
Halos masugat naman ang kamay ni Johan gawa ng pagkakahawak niya nang mahigpit sa basag na salamin. Dumudulas kasi ito sa kamay niya dahil sa dugo. Nagtiyaga siya sa pagputol sa tali hanggang sa maging manipis na hibla na lamang ito. Sakto namang tinadyakan ng isang militar ang pintuan ng kwartong iyon.
Agad niyang pinutol ang tali gamit ang kanyang natitirang lakas. Inabot niya ang baril na nabitiwan at ipinutok niya sa sundalong kakapasok pa lamang. Tumumba naman sa sahig ang sundalo ngunit isang sundalo pa pala ang nakasunod dito. Tinutukan si Johan ng kanyang M16 rifle. Ipinutok niya ito ngunit gumulong si Johan kasama ang upuan. Nakatali pa kasi ang kanyang mga paa at ikinasugat naman ng kanyang noo ang paggulong na iyon.
Nang humarap si Johan ay ipinutok niya ang kanyang baril sa sundalo. Tinamaan muli ito sa ulo at bumulagta rin sa sahig. Kinalagan niya na ang kanyang mga paa, sinuot ang kanyang hood at naglakad palabas na tila iniinda ang sakit na nararamdaman.
Sa labas ng kwartong iyon ay ang bakal na braces na naghihiwalay mula sa bangin sa ibaba. Nasa mataas na gusali marahil ang binata. Naglakad siya sa gilid at makikita ang ilang mga lalaking nakahiga at naliligo sa sarili nilang mga dugo. Sa ibaba naman ay makikita ang mga teroristang nakikipaglaban sa mga sundalo na marahil ay nasa labas pa ang iba.
Magulo ang paligid, may mga nagtatakbuhan sa bawat palapag ng tila lumang gusali na iyon. Sa ibang kwarto ay makikita ang ilang mga lumang modelo ng computer, ang iba ay makabago ang disenyo. Sa kabilang kwarto naman ay makikita ang ilang taong nagtatago sa ilalim ng kanilang mga mesa.
Nagpatuloy sa paglalakad si Johan. Binalak niyang bumaba sa hagdan ngunit isang sundalo naman ang nakakita sa kanya mula sa ibaba na agad siyang pinaputukan.
Agad namang nakaiwas si Johan. Sumilip muli siya sa ibaba ngunit nakatutok pa rin sa kanya ang baril ng sundalo. Biglang sumulpot ang isang lalaking nakaitim na vest. Sinaksak niya ang sundalo at tumingin sa kinaroroonan ng binata.
"L-lagot na naman," bulong niya.
Umakyat ang lalaki at tinutukan niya ng baril si Johan. Itinaas na lamang niya ang kanyang mga kamay.
"Tutulong ako!" bulyaw niya ngunit nakatutok pa rin ang baril ng lalaking iyon sa kanya.
"Tutulong ako sa inyo! Bantayan mo ako.‘Pag hindi ko ginawa, saka mo ako barilin," wika niya.
Isang lalaking naka-cammo naman ang palapit sa likuran ng lalaking naka-vest. Sa hugis ng mukha nito marahil, siya ang nakikipag-usap sa kanya kanina.
"Tama na ‘yan! Narinig mo siya, pabayaan mo siya!" sambit niya.
"Yes, Sir!" tugon naman ng lalaki at dali-dali siyang bumaba ng hagdan.
Napaupo naman si Johan sa sahig ng corridor na iyon at tila nanghina siya dahil sa kaba at gawa na rin ng sugat na natamo niya. Iniabot naman ng lalaki ang malakas na kalibre ng baril na hawak.
"Gamitin mo," wika ng lalaki.
"Kung darating man ang kasama mo, sana bilis-bilisan niya. Hindi namin sila kaya," dagdag niya.
"Ang nangyari sa Antipolo. Alam kong siya ang may gawa no’n. Kaya alam kong kaya niyang ubusin ang mga sundalong nasa labas at ipanalo ang laban," wika niya.
Tumango na lamang si Johan at nagpatuloy sa pag-upo. Tumakbo naman ang lalaking iyon pababa at hinawakan ang isa pang baril na nakasabit sa kanyang balikat.
Helena, nasaan ka na ba? bulong niya. Sinubukan niya muling tumayo ngunit sa pagkakataong iyon ay napasandal na lamang siya sa pader. Humawak siya sa bakal na braces ng hagdan upang makapaglakad.
Hindi siya sanay gumamit ng malalaking baril kaya't muli niyang hinawakan ang handgun na bitbit. Sinukbit niya na lamang sa likuran ang baril na iyon at naglakad pababa.
Nagpatuloy ang mga putukan. Tila nagiging mabagal sa paningin ni Johan ang lahat ng nangyayari. Mausok na sa paligid at patuloy pa rin sa pagtakbo ang ilang pwersa ng mga teroristang iyon. Ang iba ay may mga bitbit na sugatang kasamahan at sinusubukan nilang gamutin ang mga ito.
Ang isang ipinasok na kasamahan ng kanilang leader ay halos wala nang paa gawa ng pagtama ng bala ng isang malakas na uri ng sniper. Halos umaatungal na sa pag-iyak ang lalaking iyon. Tila impyerno na ang hitsura ng lugar.
*BAAAG*
"Ano ‘yon?!"
"Anong nangyari?" wika ng ilang mga lalaki. Isang malaking pagsabog ang naganap sa labas. Kitang-kita ito mula sa kinatatayuan ni Johan. Butas kasi ang pader sa pangatlong palapag na animo'y isang balkonahe. Kitang-kita ang paglaganap ng apoy mula sa labas.
"Sir, sumabog po ‘yong isa sa mga hover truck nila!" wika ng isa.
"Paano nangyari ‘yon? Wala tayong mga bomba, ‘di ba?" tanong ng leader.
"H-hindi ko po alam, Sir. Basta na lang sumabog eh," tugon muli ng lalaki.
Isang mabilis na tila anino naman ang lumipad mula sa apoy na iyon at naglanding sa balkonahe.
"Helena?" wika ni Johan. Tinitigan niyang mabuti ang anino habang papalapit. Hugis babae kasi ang anino nito ngunit nang maaninagan na ito ng liwanag ay lubhang nabahala si Johan. Isang prototype ang sumulpot at nakatitig sa kanya.
Bigla itong tumakbo papunta sa kinaroroonan ng binata.
"Prototype!" sigaw niya.
Naalarma naman ang mga lalaki sa ibaba. Napatingin ang mga ito sa kinaroroonan ng binata. Tinutok ni Johan ang kanyang baril sa prototype na iyon, tinamaan ito sa ulo at saglit na napatigil. Tinamaan ng binata ang mukha nito at hinawakan naman ng prototype ang napingas na rubber sheet sa kanyang mukha. Agad ibinato ang buong rubber sheet ng kanyang panga sa sahig at muli siyang tumakbo nang mabilis palapit sa kanya.
Hindi nakagalaw ang binata dahil sa sobrang takot. Ang mga pwersa naman ng teroristang iyon ay dali-daling umakyat ng hagdan upang tulungan sana si Johan ngunit…
*BAAAAAG*
Isang sipa mula sa isang pamilyar na tao ang natanggap ng prototype na iyon. Kitang-kita ni Johan ang pulang polo at ang jeans na bolero na suot ng babae.
"HELENA!" sigaw ni Johan.
Naglanding si Helena sa bakal na braces na iyon sa kabilang dulo.
"Johan?! Ayos ka lang ba?!" tanong ng dalaga, kitang-kita pa rin sa mukha niya ang pag-aalala.
"Heto na ang pag-asa natin," bulong ng leader ng grupo habang nakatingala at nakatitig kay Helena.
"KAHIT ANONG MANGYARI ‘WAG NIYONG PAPUPUTUKAN ANG BABAENG ‘YON. MALIWANAG?!" sigaw ng pinuno at nagpatuloy na muli ang labanan sa ibaba.
Narinig naman ni Helena ang mga katagang iyon.
"Johan, anong nangyayari dito?" tanong ng dalaga.
"Sa gilid mo!" sigaw naman ng binata. Nakatakbo pa rin nang mabilis ang prototype na iyon at sinuntok nito ang dalaga sa kanyang mukha. Umagos agad ang kanyang dugo sa mukha.
"HELENA!" bulyaw ni Johan. Dali-dali siyang pumunta sa kabilang dulo ng gusali kung saan ito nawasak dahil sa paglagapak ni Helena. Napuno ng alikabok ang buong lugar at nang mawala ito nang kaunti ay nakita ni Johan si Helena na nakadapa.
"H-hindi..." wika niya.
Tumakbo si Johan palapit sa dalaga at inangat niya ang kanyang ulo.
"Helena gumising ka, Helena. Hindi tayo pwedeng magtagal dito!" wika niya.
Dahan-dahan namang naglakad ang prototype patungo sa kanila. Muling nabalot ng takot ang katawan ni Johan at hindi na naman siya nakagalaw.
"Helena, pakiusap. Gumising ka!" sigaw ng binata.
Nakita naman niya ang dahan-dahang paghilom ng sugat ng dalaga sa pisngi na kahit papaano’y nagbigay muli ng kumpyansa sa kanya na magigising si Helena sa ilang segundo lamang.
Patuloy na naglakad ang prototype na iyon nang mabagal. Marahil ay hindi niya madetect na buhay pa si Helena gawa ng alikabok na nakabalot pa rin sa kanila ngunit unti-unti’y humuhupa na rin ito.
"Helena, gumising ka." Biglang tumakbo ang prototype na iyon patungo sa kanila. Nakita na niya ang target at siguradong nakaprogram ito para ubusin ang kung sinumang kakalaban sa kanya.
Biglang nagising si Helena ngunit tila iba na naman ang kanyang mga mata. Blangko itong muli at walang emosyon. Kapag ganito ang hitsura ni Helena ay nababahala ang binata. Agad siyang tumingin kay Johan na ikinatakot naman ng binata. Tumayo siya at humarap sa prototype.
Sumuntok muli ang prototype na iyon kay Helena ngunit nasalo naman ito ng dalaga gamit ang kanyang kamay habang nakatayo lamang nang tuwid.
Nakita naman ito ng ilang kalalakihan sa pangalawang palapag.
"A-ang la-lakas niya," wika ng isa na tila natutulala na lamang sa nakikita.
Ang suntok na iyon ay halos makakatibag na ng isang malaking bato ngunit sinalo lang iyon ng dalaga na walang kahirap-hirap.
Mayamaya pa’y inikot ni Helena ang kanyang kamay. Nabali ang braso ng prototype na iyon at pagkatapos ay sinipa niya nang malakas palayo. Nabasag naman ang kabilang pader at halos gumuho na ang bahaging iyon ng gusali.
Napanganga na lamang si Johan sa kanyang nakita ngunit hindi pa rin siya makagalaw dahil sa labis na takot. Dahan-dahang tumingin si Helena kay Johan. Blangko pa rin ang kanyang mukha.
"H-He-Helena," mautal-utal na sambit ni Johan. Muling sumulpot ang prototype na iyon. Wala na itong kanang braso at akmang aatake ulit sa dalaga.
"Sa harapan mo!" bulyaw naman ng binata. Humarap si Helena, at agad siyang umikot para sipain nang malakas ang prototype na papalapit ngunit nabutas ang dibdib nito nang dumapo ang paa niya sa katawan ng bakal na prototype.
Pumapalag pa rin ito, nilapag niya ang kanyang paa sa sahig at hinugo iyon. Pagkatapos ay agad niyang tinapakan ang ulo ng kalaban.
Kumalat ang langis sa sahig at muli itong tumingin sa binata. Dahan-dahan namang umurong palayo si Johan. Nakaupo siya sa sahig at tila takot na takot sa blangkong ekspresyon ng mukha ni Helena. Tila hindi niya alam kung si Helena pa ba ang nasa harapan.
Dahan-dahang naglakad ang dalaga palapit kay Johan at pagkatapos ay umupo gamit ang kanyang dalawang paa. Tumagilid nang kaunti ang ulo niya at tumitig sa binata.
"Johan..." bulong ni Helena. "A-ako ang pag-asa?"
Hindi na nakapagsalita si Johan sa sobrang takot. Ang hitsura niya nang mga panahong iyon ay tila kikitil ng napakaraming buhay. Bilog na bilog at itim na itim ang kanyang mga mata. Wala ring ekspresyon ang kanyang mukha na animo’y nababalutan lamang ng kadiliman.
Umakyat naman sa palapag na iyon si Maria. Nakita niya si Johan na takot na takot.
"Johan, ayos lang kayo?" tanong niya.
Bigla namang lumingon si Helena kay Maria at tumakbo nang mabilis. Sa isang iglap ay sakal niya na agad sa leeg ang dalaga.
"Jo-Johan? Helena? Anong...ibig sabihin nito?!" tanong naman ni Maria na halos hindi makahinga dahil sa pagsakal na ginagawa ng dalaga.