KABANATA 5

2394 Words
Bago pa man mag-seven nang umaga ay nasa school na siya. Kahit naman malapit-lapit lang ang bahay nila sa eskwelahan lalo na kapag naka-tricycle siya ay inaagahan pa rin talaga niya ang pasok. Nakaugalian na rin kasi niya ang maagang pumasok kahit noong elementary pa siya. Kaya lang pagdating niya roon ay iilan pa lang ang mga estudyante. Kung sabagay, 7:30 pa naman ang simula ng kanilang unang klase. Maaaring iyong iba rin ay nakatambay lang sa kung saan. Sarado pa rin ang kanilang room at hindi pa rin dumarating ang homeroom president nila na siyang may hawak ng susi. Wala pa rin ang dalawang kaibigan niya kaya wala rin siyang pagpipilian kundi ang manunganga at tumambay sa harap ng room habang hinihintay ang kanilang homeroom president. Bigla'y sumagi sa isip niya ang araw na kinausap siya ng kanyang klasmeyt na may hawak ng susi ng kanilang room na kung puwede ay siya na lang ang maging tagabukas ng pinto sa umaga at tagasara na rin sa hapon. Tutal naman daw ay maaga rin siyang pumapasok—at mas maaga pa nga kung minsan dito. Tanggapin na kaya niya? Napanguso siya sa naisip. Kaso lang naisip din niya na kung tatanggapin niya iyon ay matatagalan siyang umuwi sa hapon dahil hihintayin pa niyang matapos maglinis ng kanilang classroom ang mga naka-assign na cleaners. Pumangalumbaba siya sa pasamano habang nakausli ang nguso at pinanonood ang mga estudyante na paparating at patungo sa kani-kaniyang silid sa building na ito. Isa pa lang niya mula sa kanilang section ang naroon. Iyong ibang room sa floor nila ay bukas na samantalang may iba rin na kagaya ng kanila na hindi pa. “Hi?” Napalingon si Reyshan sa bumati at napatuwid nang tayo. Sa harapan niya ay nakatayo ang isang babaeng may magandang kulot na buhok. Habang nakatitig siya rito ay naisip niya kung natural kaya ang buhok nito o pasadya? Maputi rin ito at makinis ang balat. May mamula-mulang pisngi. Maganda rin at mukhang dalagang-dalaga na. “Ano po ‘yon?" malumanay niyang tanong. Itinuro nito ang kanilang room gamit ang hinlalaki ng kaliwang kamay nito ng hindi iyon nililingon. Napatingin tuloy siya sa kanilang classroom. “Diyan ba nag-ro-room si Hayden?” Pagkarinig sa pangalang binanggit nito ay bahagyang namilog ang kanyang mga mata subalit mabilis din niyang binawi ang naging reaksyon. “Ah—” “Kaklase ka ba niya?” Tumango siya. “Oo,” Nakita niya ang pagkatuwa sa mga mata nito. “Nandito na ba siya?” “Wala pa miss, ako pa lang ang nandito.” Nakagat nito ang ibabang labi kasabay nang pagbaba nang tingin. Mukhang nalungkot ito sa nalaman. Nakaramdam siya nang kung ano. Bumilis din ang sikdo ng puso niya. Girlfriend ba ito ni Hayden? May girlfriend na ba ito? “Gano’n ba.” mahina at malungkot nitong sabi. Mayamaya ay may dinukot ito sa loob ng bulsa ng palda nito, isang nakatuping papel. Napatingin din siya roon. Love letter? Ang aga-aga naman. Komento niya sa sarili. “Puwedeng makiusap?” “A-ano ‘yon?” pinilit niyang magpakahinahon. Gagawin pa yata siyang kartero ng babae. “Puwedeng makisuyo? Puwedeng pakibigay na lang sa kanya?” anito na iniumang sa kanya ang papel gamit ang dalawang kamay. Nasa mukha nito ang pag-asam na sana ay pumayag siya. Hindi siya nakaimik. Marami ring tumatakbo sa isip niya habang nakatitig sa papel na iniaabot nito sa kanya. Kung siya ang magbibigay kay Hayden no’n, maiisip ng lalaki na pati siya ay kagaya ng mga babae na nagbibigay rito ng love letter para lang malaman nito ang pagkagusto niya rito. Alam niyang gusto niya ang binata pero hindi siya kagaya ng mga babaeng ito na kayang ipagkanulo ang damdamin para sa taong gusto nila. Para lang din ma-satisfy ang feelings at ang pagnanais na magpahayag. Ayaw rin niyang maisip ng kanilang mga kaklase na sa kanya galing ang papel dahil baka kung ano rin ang maisip ng mga ito. Baka maging tampulan siya ng tukso sa kanilang room. Hindi niya kaya—at hindi niya kakayanin ang tatanggaping panunukso. Panghuli, curious siya sa kung ano ba ang nakasulat sa papel. Paano ba magtapat ang mga ito? Ano ba ang kanilang mga sinasabi? Paano nila sinasabi? Paano ang tamang pag-amin? “Please?” Napapitlag si Reyshan nang marinig ang nakikiusap na tinig ng babae. Napaangat din ang kanyang tingin dito. Maging ang mga mata nito ay nakikiusap din. Napabuntong-hininga siya at wala sa loob na inabot ang papel. “Yehey!” parang bata na napapalakpak pa ang babae. “Thank you miss!” Tipid na ngumiti siya nang ngumiti rin ito. At bago umalis ay nagpahabol pa nang bilin. “Huwag mong bubuksan ha?” Muli siyang napahinga at walang ganang tumango saka iyon inilagay sa bulsa ng kanyang palda. Pumangalumbaba siya ulit sa pasamano. Nangangawit na siya katatayo at gusto na niyang maupo. Ngunit gustuhin man niyang umupo rin sa pasamano ay nahihirapan siyang tumalon paupo roon. Ang hirap talaga kapag kinulang ka sa height. Muli’y napabuntong-hininga siya. Bigla’y may dumating na ilang kaklase niya pagkaalis ng babae. At dahil doon ay may ilan na siyang kasamang nakatambay sa tapat ng room nila pero magpahanggang sa mga sandaling iyon ay wala pa rin ang may hawak ng susi ng kanilang classroom. Nakita pa niya ang babae na nagbigay sa kanya ng love letter nito para sa parehas nilang crush. Mukhang hindi nila ka-year level ito at nasa higher year na rin yata ang babae. At hindi rin pala ito nag-iisa dahil may kasama pa ito na tatlong babae. Bago pa man makababa sa mababang hagdan sa pagitan ng mga plant box ay lumingon sa gawi niya ang babae, kumaway saka ngumiti. Wala sa sariling nginitian din niya ito kahit gusto na niyang mapa-roll eyes. At in fairness sa kanyang sarili, ngayon lang siya nagtataray sa mga babaeng may gusto sa crush niya. Dati naman ay hindi siya ganoon. Wala siyang paki. Hmp, ano kaya ang mayroon at bigla-biglang nagbago siya? Tumungtong lang naman siya ng highschool! Bigla siyang na-curious sa kung ano man ang nakasulat sa papel. Napatuwid siya nang tayo kaya nang tuluyan na ring mawala sa kanyang paningin ang mga ito’y dinukot niya ang papel mula sa kanyang bulsa. At palihim ding itinago niya iyon mula sa nakalugay niyang buhok na humarang sa magkabilang gilid niya nang bahagyang yumukod. Ano kaya ang nakasulat sa mga papel na ibinibigay ng mga tagahanga ni Hayden? Kahit man lang isang papel ay makasilip siya kung ano ang nakalagay roon. Para magka-idea ka. Anang isang bahagi ng isip niya. Napabusangot siya. Hmp! Hindi kaya! Tatlong tupi lang ang papel at kulay pink iyon. Amoy pa niya ang tila pabango na iwinisik doon. Matamis. Hindi naman sobrang tamis kaya ayos lang sa kanyang pang-amoy. Kumibot ang kanyang bibig. Nakagat ni Reyshan ang ibabang labi. Natitigilan. Itutuloy ba niya? Curious lang naman siya at saka hindi naman malalaman ng babae kung binasa ba niya iyon o hindi. Hay. Bahala na nga. Dahan-dahan na binuklat niya ang papel. At bumungad sa kanya ang tatlong sentence na nakalagay roon. Hi! Crush na crush talaga kita! Puwede ba tayo maging text mate? Ito number ko. Napa-ismid si Reyshan at inis na muling ibinalik mula sa dating pagkakatupi ang papel. Gano’n lang? Akala pa man din niya ay may mababasa na siyang madamdaming pagtatapat gaya ng mga nababasa niya sa mga nobela. Agad na ibinulsa niya iyon lalo na nang makita ang ilan pang kaklase na paparating. Ngunit gayon pa man ay wala pa rin ang may hawak ng susi. “Good morning!” Narinig niyang malambing na bati ng pamilyar na boses malapit sa kanya na bahagya niyang ikinapitlag kaya napalingon siya rito. May mga dumating na rin siyang kaklase bukod sa ilang kasama niyang nakatambay na rin sa harap ng kanilang classroom at natabunan na ang kung sino man iyon. Gusto niyang mag-assume pero... ayaw niyang saktan ang sarili. Bakit naman siya nito babatiin at sa malambing na tono pa? Kaiisip niya sa binata araw at gabi ay kung anu-anong ilusyon na tuloy ang inaakala niyang totoo. Sa kanyang paglingon din ay roon lang niya nakita ang taong nagbubukas ng naka-lock nilang room. Si Hayden. Bakit nasa kanya ang susi? “Sorry guys,” anito habang sinususian ang lock ng pinto. “Kanina pa ba kayo?” “Hindi naman.” “Kararating lang.” Narinig ni Reyshan na sagot ng ilan sa kanilang mga kaklase pero siya ay nananatiling tahimik lang at naghihintay na mabuksan nito ang pinto. Subalit nagulat siya nang lumingon ito sa kanya at tipid siyang ngitian. Umawang ang kanyang labi kasabay nang pagwawala ng puso niya. Hindi niya iyon inaasahan! Pero bakit? Bigla ay napanguso siya nang ma-realize na malamang ay paghingi nang paumanhin ang ngiting iyon. Dahil baka alam nito kung gaano siya kaaga pumasok at kanina pa siya naghihintay na may magbukas ng pinto ‘tapos ano’ng oras na ito dumating. Narinig niya ang pagbukas ng pinto kaya muli siyang napatunghay sa binatang nakatalikod sa kanila. Itinulak din nito gamit ang paa ang malaking bato na nasa loob ng room upang hindi sumara ang pintuan sa pagkabukas nito. Nagsipasukan na sila sa loob at agad naglinis ang kasalukuyang cleaners. Bago tuluyang buksan ni Hayden ang pinto kanina ay napag-alaman ni Reyshan na may sakit pala ang kanilang homeroom president kaya hindi ito nakapasok nang maaga. Pinakiusapan lang nito si Hayden na puntahan ang susi sa bahay nito dahil magka-barangay lang naman ang mga ito. May pagdadalawang-isip na inilapag ni Reyshan ang kanyang backpack sa kanyang upuan habang inaalis iyon sa pagkakasukbit sa kanyang kanang balikat. Sumisimple rin siya nang tingin sa binata na ngayon ay nakaupo na sa upuan nito. Ilang upuan din ang kanilang pagitan dahil nasa pangatlong grupo ng tatlong hanay na upuan ito nakapuwesto at nasa pinakadulo rin. Lumipat nang puwesto ang binata dahil na rin sa pakiusap ng isa nilang kaklaseng babae na may malabong mata. Hindi raw nito gaano makita ang mga nakasulat sa blackboard bukod sa maliit ito. Hindi niya mapigilang makagat ang ibabang labi habang tumitingin-tingin din sa mga kaklase nilang paroo't parito. Kinakabahan siya at ninenerbyos. Humugot siya nang isang malalim na hininga at akma na sanang tatayo nang sarili na niya ang kusang nagpatigil sa kanya. Napaupo ulit siya. Nakakainis. Dahil sa babaeng iyon ay kailangan niya magdusa ngayon! Pero kung pakaiisipin ay may kasalanan din siya dahil tinanggap niya ang pakisuyo nito! Nakagat niya ang kanyang kuko. Ninenerbyos pa rin. Paano ba ito? Paano niya gagawin? Paano niya iaabot na walang nakahahalata? Napalingon siya ulit kay Hayden. Tahimik lang ito na nakaupo sa upuan nito at may binabasa sa notes nito. Napatingin siya ulit sa paligid. Habang tumatagal ay dumarating na rin ang iba pa nilang kaklase. Mas lalo tuloy siyang sinugod nang kaba at nerbyos. Parang nais na niyang umiyak. Para na rin siyang manok na hindi maka-itlog sa kanyang kinapupuwestuhan. Kung hindi naman niya ibibigay iyon ay baka umabot pa rin sa babae sa maraming sirkumstansya at masugod pa siya. Ayaw pa naman niya ng eskandalo—kahit sino naman maliban na lang sa mga walang hiya sa katawan. Ilang minuto siyang natitigilan bago nanginginig ang mga kamay na kumuha ng isang notebook sa loob ng kanyang bag. Huminga siya ulit nang malalim pagkatapos mai-zipper ang bag at mailapag sa armchair ang napiling notebook. Pang-cover up lang niya sa pag-aabot ng love letter ng iba. Bahala na nga. Inilabas na muna niya ang papel at inipit iyon sa loob ng kanyang notebook bago nanginginig ang mga tuhod at binti na tumayo. Pikit-mata at malalim na huminga siya saka humakbang paalis nang puwesto niya. Marahan siyang naglakad patungo sa likod upang mas mabilis na makalapit kay Hayden. Dumadagundong ang kanyang dibdib. Ito ang unang beses na lalapitan at kauusapin niya ang lalaki. Napatikhim siya nang makatayo na siya sa tabi nito. Hindi yata siya nito naramdaman kaya hindi man lang siya nito tiningala. Tumikhim siya ulit. Bahagya niyang nilakasan iyon dahil baka sakaling marinig nito. Napadalawang-sulyap ito sa kanya bago ito umayos nang upo at ngumiti. “Hi,” Naramdaman niya ang pag-iinit ng mukha sa simple nitong pagbati. Umakyat na rin yata ang lahat ng dugo sa kanyang mukha at umuusok na iyon ngayon. Kinakapusan na rin siya ng hangin kaya naman pasimple siyang nag-i-inhale at exhale. Naging mailap din ang kanyang tingin at hindi na niya alam kung paano aakto nang normal sa harapan nito. Hindi niya mapigilang mapalunok. “Ah...” napatingin siya sa kanyang hawak kaya napatingin din ito roon. Nanginginig ang mga kamay niya na binuklat-buklat ang notebook habang sumusulyap-sulyap sa paligid. Hindi rin tuloy niya naiwasang masulyapan si Hayden para lang makita ang multo ng ngiti sa mga labi nito na pinipigil lang nang pag-usli ng mga labi habang nakatingin sa kanya. Nanlaki ang mga mata ni Reyshan at muling ibinalik ang tingin sa notebook na hawak. Huwag naman sana nitong isipin na magbibigay siya ng love letter! Na siya ang may-ari ng love letter na iaabot niya ngayon para mismo rito! Nararamdaman na ni Reyshan ang ilang pawis sa kanyang noo at para na siyang nalalasing sa matinding kaba. Malalim ulit siyang napahinga nang tuluyan na niyang mahawakan ang papel saka pasimple at mabilis na inilapag iyon sa armchair nito. Ayaw niyang iabot iyon kay Hayden dahil baka mamaya ay patagalin pa nito ang pag-abot at may makapansin pa sa kanila. Iisipin pa ng mga kaklase nila na pati siya ay gumagawa na rin ng love letter para sa lalaki. Napalunok siya habang nakatingin sa noo nitong nakakunot. “M-may nagpapaabot lang.” aniyang mabilis na naglakad pabalik sa kanyang upuan. Pagkaupo ni Reyshan ay sumulyap siya uli kay Hayden na ngayon ay binabasa na ang nakasulat sa papel. Lumingon ito sa kanyang gawi na siya namang ikinabilog ng mga mata niya dahil nahuli siya nitong nakatingin! Natatarantang iwinagaswas niya ang dalawang kamay. Hindi sa kanya iyon! “H-hindi sa akin galing ‘yan!” napalakas niyang sabi bago nahihiyang itinukod ang isang siko sa armchair at itinago ang mukha sa kamay. Hindi na niya nakita pa ang pagtawa ng binata. Hindi tuloy alam ni Reyshan kung saan siya mahihiya. Sa pinaabot bang papel ng babae para makarating kay Hayden o sa mismong pagkahuli ni Hayden sa kanya na nakatingin siya rito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD