Lumipas ang mga araw na naging linggo. Hanggang ang mga linggo ay naging mga buwan. Sa mga panahong iyon ay never niyang nakausap o naging kaibigan man lang ang binata. Paano nga ba siya mapapalapit dito kung natatakot siya?
Natatakot siyang mabuko nito na may gusto siya rito at sana’y hindi nito mapansin lalo na’t kahit paano ay nakakausap nito sila Leonora at Jane. Pagkatapos siya ay mailap dito.
Ni hindi nga rin niya magawang tumingin man lang sa binata. At kapag papalapit ito’y kinakabahan naman siya. At wala siyang magawa kundi ang umiwas na mukha rin namang naiintindihan ng katawan niya kaya nagkukusa na rin.
At sa mga buwan na iyon ay napansin niya na palagi itong nakatatanggap ng mga love letter mula sa iba’t ibang babae. Iyong iba ay hindi niya alam kung ka-batchmate ba nila o mga nasa higher year. Hindi naman kasi nila alam kung sino ang nasa higher at lower year dahil hiwalay ang mga building ng bawat isa.
Wala namang pag-aalinlangan nitong tinatanggap ang mga iyon. Kinakausap pa minsan ang mga nag-aabot kahit saglit lang.
Noon lang din niya napag-alaman na mukha lang itong suplado pero hindi pala. Very accommodating pa ang binata at mahilig makipagbiruan. Hindi rin pala ito maramot sa ngiti kaya hindi na rin kataka-taka kung bakit lapitin ito ng mga babae.
Mula sa pagbabasa ng English novel na binili para sa kanya ng ama ay napag-angatan niya ng mukha si Hayden kasama ang kaklase nilang si Aaliyah.
Umaga noon at naghihintay pa lang siya na magbukas ang kanilang room. At bilang pampalipas ng oras ay nakaugalian na niya minsan ang magbasa ng nobela o hindi kaya ng biniling song magazine.
Kasalukuyang parating ang dalawa at paakyat mula sa tatlong baitang hagdan sa pagitan ng mga plant box sa harap ng kanilang building. Nag-uusap ang dalawa at mukhang close na close sa isa’t isa. Napansin niya kasing walang ilangan sa pagitan ng mga ito hindi gaya niya. Na kahit hindi pa nakakausap si Hayden ay naiilang na.
Lumipat ang kanyang tingin kay Aaliyah. Maganda ito. Ang buhok na hanggang sa ilalim ng kili-kili nito ay umaalon. Bumagay rin dito ang full bangs nito dahil maliit lang ang mukha ng babae. Maputi ang balat at kahit magkaparehas lang sila ng gulang ay parang dalaga na ito kung kumilos. Samantalang siya... kung minsan ay nakadamit panglalaki pa, parang bata, nakikipaglaro pa sa mga bata mapateks man o jolen—pinapatulan niya at halos wala siyang pakialam sa hitsura niya. Que maligo man siya sa pawis o hindi. Lamang din sa kanya ng kaunti si Aaliyah pagdating sa height.
Napanguso siya at mabilis na ibinaba ang tingin. Nagsisimula siyang tubuan ng insecurity sa katawan dahil dito na hindi rin dapat niya maramdaman. At aaminin niyang bago rin sa kanya ang pakiramdam na iyon at hindi na niya maunawaan kung bakit niya nararanasan ang lahat ng iyon.
Isa pa, ayaw rin niyang malaman ng mga ito na pinanonood niya sila. At ayaw rin niya ang umuusbong na selos sa dibdib niya at ang mga pasimpleng kirot sa dibdib.
Nakagat niya ang ibabang labi. May matinding emosyon na umaahon sa damdamin niya na tila ba inuusig siyang umiyak.
“Sino na naman ‘yan?” tanong ni Jane habang dinudungaw kung sino ang kapalitan ng text ni Leonora.
“Huwag ka ngang magulo! Tsismosa!” gigil na anito sa pagitan nang pagta-type.
“Aysus! Akala mo siya hindi tsismosa!” At ginulo pa nito ang buhok ng kaibigan sabay saklob niyon sa mukha nito.
“Ano ba?!” inis na sabi nito na siyang ikinatawa lang nang huli. Marahas ding inayos nito ang buhok at masamang tumingin kay Jane.
“Pangit mo!”
Inis na binelatan nga siya ni Leonora.
Samantalang si Reyshan ay tahimik lang na nakapangalumbaba habang nakaupo sa sementong mesa sa ilalim ng puno ng manzanitas. Dahil makulimlim naman kaya sinamantala nilang tatlo ang magpahangin doon. Naisip lang nilang tumambay roon habang naghihintay sa pagdating ng kanilang guro sa Values. Pero lampas 15 minutes na ay wala pa rin ito.
“Wow! Kinikilig na naman ang lola mo.”
Narinig ni Reyshan na wika ni Jane. Nakangusong nilingon niya ang dalawa. Busy pa rin si Leonora sa pakikipag-text habang si Jane ay nakikibasa.
“Huwag ka nga. Ganyan talaga kapag maganda.”
“Hala, feeling. Ano kayang connect nang kinilig sa maganda.” napapa-roll eyes na wika ni Jane.
“Tumahimik ka nga! Nakikitsismis ka na nga lang nangbubuwisit ka pa!”
Napailing na lang si Reyshan. Kahit kailan talaga itong dalawang ito napakalalakas nang boses! Naisampal na lang niya ang isang palad sa mukha.
“Sino ba ‘yan?”
“Wala ka na roon, panget!”
“Wow,” sarkastiko itong tumawa. “Kapal naman! Maganda ka lang, ako, MAS maganda! Isa akong dyosa!” sabay hawi ng buhok.
“Isa kang ilusyonada! Tapos!”
Hindi na napansin ng dalawa ang pagtawa ng ilang kasama nilang nakatambay rin dahil parehas busy ang mga ito sa panglalait sa isa't isa. Iba ang section na kinabibilangan ng mga ito kaya hindi niya rin kilala. Parang siya tuloy ang nahihiya sa mga pinagsasabi ng dalawang loka at tila nais niyang itago ang sarili sa paningin ng mga ito.
Pero totoo namang maganda si Jane at hindi iyon kasinungalingan. Iyong ganda rin nito ay tipong maldita ang dating na umaakma rin sa ugali nito dahil totoo rin namang maldita ito. Maganda rin naman si Leonora kaya walang nagsisinungaling sa dalawa. Kaya lang sa confidence na pagsasabi ng ganda eh, talo si Leonora kay Jane. Sa isiping iyon ay lihim siyang natawa.
Hinayaan na lang ni Reyshan ang dalawang kaibigan na magbuwisitan ulit basta’t huwag lang siya papansinin ng mga ito. Iniwas na niya ang pansin sa dalawa at tinanaw na lang ang matalahib na oval.
Bahagya niyang itinukod patalikod ang kanyang mga kamay sa mesa. Pinagmamasdan ang madamong tanawin sa harap.
Ang tataas na ng mga d**o at talahib sa dapat sana ay soccer field. Mas mataas pa nga yata ang mga iyon sa kanya. Resulta rin siguro nang mga pag-ulan kaya mas kumapal din at lumago. Subalit gayon pa man kahit paano ay tanaw pa rin niya ang itaas na bahagi ng mga grandstand na naluluma na rin. Sira na ang mga bubong at bagsak na rin ang ilang haliging bakal at kisame.
Siguro mas maganda ang view kung aayusin ng eskwelahan iyon? O kaya ng kanilang local government.
Nagagamit pa naman nila ang oval kapag oras ng kanilang P.E. Iyon nga lang ay talagang matataas na ang d**o at hindi mo na gaanong makikita ang tumatakbo sa kabilang panig kapag pinalaro sila ng track and field. Siguro ay naga-grass cut din naman iyon paminsan lalo na kapag may mga malakihang palaro na ginaganap sa kanilang lalawigan.
Umihip ang hangin. Pinikit niya ang mga mata kasabay ng pagdama roon habang hinahaplos nito ang kanyang mukha. Nakaka-relax. Subalit naputol iyon ng kanyang marinig ang sinabi ni Jane.
“Hanep talaga ‘tong si Hayden, daming manliligaw.”
Hindi niya maiwasang mapalingon sa kaibigan niya. Sinundan din niya nang tingin ang tinitignan nito.
Palabas ng kanilang room ang binata habang sa may labas ng pintuan naman ay may babaeng nag-aabang. Hindi niya alam kung freshman din ba ito o hindi. Mukha ring kanina pa itong nag-aabang doon.
Girlfriend kaya ni Hayden iyon?
Pero paano si Aaliyah?
Paano... siya?
Sa huling naisip ay hindi niya naiwasang mapairap. Naramdaman na rin niya ang pag-alis ng ibang mga kasama nila sa kanilang pinagtatambayan.
“Sabi ko na nga ba,” narinig niyang wika ni Jane. “Kaya kanina pa ‘yan nakatambay malapit sa room natin eh.” malakas at pataray nitong sabi.
Siniko ni Leonora ang una.
“Huy lokaret.”
“Totoo naman!” at natawa ito. “Another love letter! Taray! Dinaig pa ang ganda ko!” sabay flip nito ng hair na may pag-ismid pa.
Nakamasid lang naman si Reyshan sa nangyayari sa labas ng pinto ng kanilang klasrum. Dahil malayo naman sila ay malaya niyang natititigan ang binata.
Nakita niyang inabot nito ang papel na binigay ng babae matapos ang sandaling pag-uusap. Nakita rin niya ang maarteng pag-ipit nito ng ilang hibla ng buhok sa likod ng tainga na tila nagpapa-cute sa kaharap.
“Abaaa, may pag-ipit hair pa sa likod ng tainga ang loka! Ang dry naman ng hair!”
“Hoy!” natatawang saway ni Leonora. “Napakalaitera mo talaga! Pero totoo!”
At sabay pang nagsipaghagalpakan ang dalawa. Hindi mapigilang mapangiwi ni Reyshan dahil agaw-eksena ang mga ito sa ginagawang pagtawa matapos manglait.
“Pero sandali... may gusto ka ba kay Hayden?” narinig niyang tanong ni Leonora kay Jane.
Biglang nakaramdam nang mabilis na pagkabog ng dibdib si Reyshan. Parang may unti-unti ring napupunit sa kanyang puso lalo na sa isiping baka gusto rin ni Jane ang taong gusto niya.
Nakita niyang umirap ito sa tanong ni Leonora.
“Hindi ‘no!”
“Sus, nag-de-deny pa!”
Hindi mapigilang maitirik ulit ni Jane ang mga mata.
“Hindi nga! May iba akong crush at hindi si Hayden ‘yon!”
“Sino?”
“Secreeet!”
Hindi alam ni Reyshan kung ano ang mararamdaman. Makakampante ba siya sa naging sagot nito? Pero bakit nga ba niya iniisip na kakompitensya ang taong matagal na niyang kaibigan kung gayong hindi nga sa kanya si Hayden. Walang sila at malabo rin iyon.
Nagulat siya ng sikuhin siya ni Leonora na nakaupo sa kanyang paanan.
“Kanina ka pang tahimik at ang layo ng iniisip ah.”
“Ha? Hindi naman.”
“May problema ka ba?” nag-aalalang tanong ni Jane sa kanya.
Tipid niya itong nginitian.
“Wala naman.”
Tinaasan siya ng kilay ni Jane. Inangat din nito ang isang hintuturo saka umimik.
“Bawal magsinungaling!”
Napatawa siya.
“Hindi pa ba kayo sanay sa akin.” parang batang nagtatampo na saad niya.
Kumibit-balikat lang naman ang kausap.
“Sabagay,”
“Punta tayong school supplies mamaya,” pag-iiba ni Leonora ng topic.
Napatingin siya ulit sa kanilang room. Nandoon pa rin si Hayden pero wala na ang babae. Kasalukuyan na rin nitong binabasa ang kung ano man na nakasulat sa papel bago ito tumalikod at bumalik sa loob. Hindi niya alam kung ibinulsa ba nito iyon, itatabi o itatapon.
“Ano namang gagawin mo roon,”
“Bibili ng poster ng a1 at ni Rico Yan! Ahh, my crushes!” kinikilig na hinele-hele ni Leonora ang sarili habang yakap-yakap sa dibdib ang cellphone.
Sa katunayan din ay halos mapuno na ang silid nito ng mga poster mula sa iba't ibang boyband, ni Avril Lavigne, Mandy Moore at ng crush nito na si Rico Yan.
“Ang harot mo talaga. Ang dami mong crush!”
“Bakit masama ba? Crush lang naman! Parang ikaw hindi ka bumibili ng poster ni Rico Yan at ng paborito mong boyband!” ismid nito. “Patay na patay ka nga kay Nicky Byrne!” banggit nito sa isa sa mga member ng Westlife na ayon nga kay Jane ay mukhang prinsipe ang lalaki.
“So what?”
“Kitam!”
“Sama ako ha. Bibili rin ako ng song hits at pocketbook.”
“Pocketbook na naman,” komento ni Jane habang nakasimangot. Kapagdaka’y, “Pahiram ako, ‘yong Martha Cecilia at Gilda Olvidado ha!”
“Sige ba. Swap tayo ulit after?”
“Okay! Mayro’n akong tatlo sa bahay. Hindi mo pa yata nababasa ‘yon.”
Nakangiting sunud-sunod na tumango siya kay Jane.
"Sige! Pahiram din ako no'n!"
October 10, 2001, Miyerkules
8:15 PM
Dear Diary,
Alam mo ba, always siya nakaka-receive ng mga love letter. Taray ‘no? Dinaig pa niya ako. Ako kaya 'yong babae pero never pa ako naka-receive nang kahit ano’ng klase ng letter. Kaya pati si Jane na maganda ay nagdududa na rin sa beauty niya.
Pero sana gaya rin ako ng ibang girls na malakas ang loob na magsabi sa crush nila na crush nila ito. Ako kasi hanggang tingin at ngiti na lang sa gilid. Hanggang selos na lang ako kahit... wala akong karapatang maramdaman iyon.