KABANATA 3

1644 Words
June 4, 2001, Lunes 8:35 PM Dear Diary, First day of school namin ngayon! Masaya na nakakakaba na nakakainis ang unang araw ko bilang isang first year highschool student. Paano'y Lunes na Lunes pero ang dami kaagad nangyari na sakit sa ulo. Pero alam mo ba, may isang guy na kakaiba kanina. Paano ko nasabi? Kasi bigla akong nagiging weird dahil sa kanya! Hayden daw ang pangalan niya. Mukha siyang suplado at maramot sa ngiti pero kanina parang ngingitian niya ako eh! Kaya lang baka feeling ko lang ‘yon. Namalik-mata lang siguro ako pero sana hindi! Excited na ako uli para bukas! Pero siyempre hindi dahil may crush ako sa room—ay! Nakagat niya ang ibabang labi dahil sa huling sinulat. Crush na ba niya si Hayden nang ganoon kabilis? Hindi niya mapigilang mapanguso. Wala namang masama sa pagkakaroon ng crush kaya bakit kailangan niyang itanggi sa sarili iyon? Ipininid na lang niya pasara ang diary at naghanda na sa pagtulog. Kinabukasan nga’y nagkaroon sila ng election of officers sa English at gayon na rin sa ibang subject. At sa mga subject na iyon ay si Reyshan ang palaging nahahalal na secretary sa kagagawan na rin ng dalawang pasaway niyang kaibigan. “I nominate Reyshan Alonzo for secretary,” naaalala niyang bibong wika ni Leonora matapos tawagin upang mag-nominate. Natampal ni Reyshan ang kanyang noo at halos isubsob na ang mukha sa palad. Ang hirap talaga nang sitwasyon kapag mayroon kang mga kaibigan na loka-loka. “Guys, iboto n’yo siya ha! Promise, maganda ang sulat niyan! Hindi kayo magsisisi!” pang-eengganyo pa nito bago naupo. Wala siyang nagawa nang tawagin siya ng kanilang araling panlipunan teacher sa harap upang ipasulat ang kanyang pangalan sa pisara. Bahagyang nanginginig ang kamay nang kuhanin niya ang chalk sa guro at isinulat ang pangalan sa blackboard. Napanguso siya nang ibalik niya sa guro ang chalk. Mabuti na lang at maayos pa rin ang kanyang sulat kahit kinakabahan siya. Akma na rin sana siyang babalik sa kanyang upuan nang pigilan siya ng kanilang teacher at sinabing tumayo lang siya roon sa harapan. Wala siyang nagawa kundi ang tumindig sa tabi ng pintuan upang hindi siya masyadong agaw-pansin. Tatlo silang na-nominate sa pagka-secretary at nakita pa niya ang ginagawang pangungumbinsi ng dalawa niyang kaibigan sa mga katabi nito at kahit sa kabilang panig ng mga upuan na siya ang iboto. Ipinapakita pa ng mga ito kung gaano kaganda ang kanyang sulat sa pamamagitan ng notebook niya na kinuha ni Jane sa loob ng kanyang bag. Kaya naman bandang huli ay siya nga ang palaging tinatanghal. Pansin din niya na mukhang magiging suki si Hayden para ma-nominate bilang escort. Dahil kahapon pa lang ay ito na ang umaagaw ng pansin sa kanilang mga kaklaseng babae kahit sa mga babae sa katabing room. Subalit sa unang subject nila na araling panlipunan kung saan ito unang na-nominate ay tumanggi ito matapos itong i-nominate bilang escort ng isa nilang kaklaseng babae. Mariin nitong tinutulan ang posisyon kaya walang nagawa ang kanilang guro kundi tanggapin ang pasya nito. At sa kanilang ikalawang subject na English ay hindi nila inasahan ang gagawin ng binata. “Good morning class,” ang masayang bati ni Mr. De Lara pagkapuwesto nito sa likod ng mesa nito. “Good morning sir!” “Like what I said yesterday, we will be having our election of English officers today. Are you ready?” “Yes sir!” “Kung kumpyansa kayo sa inyong mga sarili maaari ninyong i-nominate ang inyong mga sarili, okay class?” “Opo sir!” “Yes po!” “Let’s start,” Isinulat nito ang salitang president sa pisara. “The table is now open for the nomination for president.” Mabilis na nagtaas ng kanyang kamay si Hayden. “Mr. Suarez, right?” “Yes.” “Okay. Sino ang president mo?” “I nominate myself as president.” may kumpyansa sa sarili nitong sabi. Nakita nila ang pagpitik ng ulo ng kanilang English teacher gayon din ang pag-angat nang gilid ng bibig nito. Hindi nito inaasahan ang lakas ng loob ni Hayden na i-nominate ang sarili bilang president at gayon din ang buong section nila Reyshan. Ngunit naroon sa mga mata ng guro ang pagka-proud sa kanyang estudyante dahil sa ginawa nito. “Ang tapang,” bulong ni Leonora sa kanilang dalawa ni Jane na siya namang sinang-ayunan ng huli. Awang naman ang labi ni Reyshan sa ginawa ng binatilyo. Hindi siya makapaniwala na kakayanin nitong i-nominate ang sarili samantalang walang maglalakas-loob na gumawa niyon. Isa pa ngayon lang siya naka-encounter ng ganoon. Karamihan ay umaasa o naghihintay na ma-nominate ng kaklase lalo na at mataas pang posisyon iyon. Naupo na si Hayden matapos nito i-nominate ang sarili. “Anyone?” Bumalot ang katahimikan sa buong klase. Tila nakaramdam siya ng pag-aalinlangan at pagkailang sa kanilang mga kaklase matapos ang ginawa ni Hayden. Parang hinakot nito ang kumpyansa ng mga kaklase sa paraan ng pag-nominate sa sarili. “Parang deserving.” ani Jane sa kanila sabay nagtaas ito ng kamay. “Sir?” Inilahad ng guro ang kamay kay Jane bilang signal na ipagpatuloy nito ang sasabihin. “I want to close the nomination!” Gulat na napatingin kay Jane ang dalawa bago nagtaas ng kamay si Leonora. Tinawag naman ito ni Mr. De Lara at agad na tumayo. “I am second in motion.” Napakamot ng kanyang batok ang teacher at tumikhim. Naipilig pa nito ang ulo. “Wala na bang lalaban?” Nagkatinginan sa bawat isa ang mga estudyante bago mga tila nag-aalinlangan na sumagot ng wala na po. Huminga nang malalim si sir De Lara bago ngumiti. Isinulat nito ang pangalan ni Hayden sa pisara bilang president ng English class nito sa section na iyon. Kahit sa mga sumunod na subject ay ni-no-nominate ni Hayden ang sarili—hindi lang bilang president kundi maging sa vice-president at sa ibang posisyon din. Naisip nila noon na umiiwas yata ito na ma-nominate sa escort position at mukhang gets din iyon ng iba nilang kaklase. Dahil kung hindi president ay sa vice-president ito na-no-nominate ng ilang kamag-aral. Sa tatlong subject mula sa lima na nagkaroon ng election of officers sa araw na iyon ay secretary siya ni Hayden dahil ito ang nahalal na president. Buti na lang din at hindi niya ito nakakatabi kapag pinapatayo na silang lahat na mga nahalal sa harapan—maliban lang sa dalawang subject na ito ang vice-president. Kaya naman abot-abot ang kanyang paghinga na tila kakapusin na siya. Sana lang din ay walang makapansin sa pagiging kulay makopa ng kanyang mukha higit lalo pa kapag nagkakadikit ang kanilang balat. At gaya kahapon ay naroon pa rin ang tila kuryenteng nanunulay sa kanyang sistema kaya hindi niya napigilang lingonin ito para lang mahuli na nakatingin din ito sa kanya. Malamang ay nagulat din ito kung naramdaman man nito ang naramdaman niya sa pagkakadaiti ng kanilang mga balat sa braso. Napapasong nagbaba siya nang tingin habang nararamdaman ang malakas na pagtambol ng kanyang dibdib. Malalim siyang napahugot nang hininga. Mabuti na lang din at pinaupo na sila bago pa siya tuluyang mahimatay sa tabi nito. “O muse ka na, masaya ka na?” sarkastikong wika ni Jane kay Leonora habang naglalakad sila ulit pauwi nang hapong iyon “Thank you mga friend,” nag-ala Ruffa Mae Quinto nitong sabi. “Pero hindi por que naging muse ka maganda ka na.” Sinamaan ni Leonora nang tingin si Jane. “Maganda ako!” “Sino ang nagsabi?” “‘Yong isa nating classmate kanina.” kinikilig nitong sabi. “Binobola ka lang no’n.” Inis na kinamot nito ang ulo. “Puwede ba Jane sumuporta ka na lang sa beauty ko!” at nagtaray pa ito na siya namang ikinahagikgik parehas ng dalawa niyang kaibigan. “Ibang klase si Hayden ‘no? Iba ang fighting spirit!” “Sinabi mo pa. Pero gaya nga ng sinabi mo mukhang deserving.” kibit-balikat na saad ni Leonora. “Kumusta naman kaya ang secretary natin?” nilingon ni Jane si Reyshan habang pinapagalaw-galaw nito ang dalawang kilay. “Hayyyy,” “Hay hay hay ka riyan. Tama lang ‘yon para naman ma-build 'yang confidence mo ‘no!” Pero hindi ang kanyang pagiging mahiyain ang dahilan ng kanyang naging reaksyon kundi sa isiping secretary siya ni Hayden mapa-president o vice man ito. Pagkapasok ng kanilang bahay ay agad niyang inabot ang kamay ng ina upang magmano. “Kumusta naman ang second day sa school?” Sinilip muna niya ang kapatid na nasa kuna nito. Nilaro-laro niya ang kamay nito at pinindot-pindot ang matambok na pisngi. Napangiti siya nang humagikgik ang bata. “Ayos naman po, ‘Ma.” “Hindi ka na ba kinakabahan?” anang mama niya habang nagtutupi ng mga nilabahang lampin. Napanguso siya. Kung kaba dahil sa high school na siya at sa new environment, naglaho na iyon kahapon pa lang. Pero kung ibang kaba... kung dahil kay Hayden... ano ba ang tamang isasagot niya? Sasabihin ba niya sa mama niya na ibang kaba na ang nararamdaman niya? Sasabihin ba niya sa mama niya na may crush na siya? Pinamulahanan siya sa isiping iyon. “Hindi na po.” “Maigi naman pala kung gano’n. Nagmeryenda ka na ba?” “Kumain lang po kami ng fishball nila Jane.” “Nag-sopas ako,” —kuminang ang mga mata niya sa sinabi ng ina— “baka gusto mong kumain.” “Opo naman! Favorite ko ‘yon eh.” Nakita niyang masayang ngumiti ang mama niya. “Sige na pala at magbihis ka na para makapagpahinga na rin.” Binilinan pa niya ang kanyang limang buwang gulang na kapatid na maglalaro sila mamaya bago siya dali-daling tumakbo paakyat ng hagdan. Sinagot lang naman siya ng kanyang bunsong kapatid nang isang malakas na halakhak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD