Nagising si Georgina sa walang humpay na pagbubunganga ng kanyang Mama. Umaga na pala. Inayos nya ang sarili at minabuti nang bumaba. Di na rin naman sya makakatulog ulit kahit pa nagkanda-puyat sya sa paghihintay ng susunod na text ni Adam. Pero ang text nito kung maaari daw bang manligaw ay hindi na nasundan. Hindi nya nireplayan ang lalaki. Tinatantya nya kung nagbibiro lamang ba ito o masusundan pa ang huling mensahe. Hindi na sya nakatiis. Ang kahihintay sa susunod na text ni Adam ay umabot na pala ng pasado ala-una ng gabi. Lulunukin na nya ang kanyang pride, rereplayan na nya kung totoo ba yon o nagbibiro lamang ito. Ngunit huli na, hindi dahil ala-una na ng madaling araw, kundi wala na pala syang load at wala na ring tindahan na mapapaloadan. Dahil don ay di sya dinapuan ng antok.

