Seven years ago...
"Tulong!" malakas na sigaw ni Elvina at nabuhayan siya ng loob nang makita ang mga ilaw na nagmumula sa flashlights ang papalapit sa kanila. "Ale. Ale, may parating na pong tulong." wika niya sa Ginang na hindi sumagot o gumalaw.
Ngunit umaasa si Elvina, umaasa siyang buhay pa ang Ginang at maliligtas pa ito.
Tumayo siya para salubungin ang ilang kalalakihan. "Dito po! May babae pong nag-aagaw buhay! Tulungan ninyo po siya!"
Tila pinipiga ang kaniyang lalamunan at puso habang pinagmamasdan sa tabi kung paano nila tinignan ang babae bago isinakay sa stretcher.
"Magiging ayos po ba siya?" baka sakali niyang tanong sa mga kalalakihang may buhat sa ginang ngunit hindi naman siya pinansin ng mga ito.
Ang pulis na si PO2 Lopez ay sinundan ng tingin ang rescue team na bitbit ang nakumpirma niyang nawawalang si Astrid Claveria. Mula pa kahapon ay nawawala na ito at alalang-alala na ang pamilya ng Ginang. Nang makita ang kotse nito malapit sa damuhan ay nabuhayan sila ng loob ngunit hindi nila inaasahan ang matatagpuang eksena.
Natuon ang ayensyon niya sa dalagitang duguan ang suot na uniporme at ang mga kamay. Bilang isang pulis ay natural na sa trabaho nila ang maging mapaghinala. Mapa-babae man, bata, matanda ang posibleng suspek.
"Ine, maaari ka bang imbitahang sumama sa amin sa presinto?" tawag pansin niya sa dalagitang nakasunod ang mga mata sa rescue team.
Naagaw ng nagsalita ang pansin ni Elvina kaya naman napakurap siya bago binalingan ang pulis. "Ah, pwede ba ho muna akong umuwi? Baka ho kasi nag-aalala na ang mga magulang ko." pakiusap niya sa mamang pulis. Sa tantiya niya ay malapit nang mag-alas otso kaya kung hindi pa siya uuwi ay baka hanapin na siya ng Itay at Inay niya. Hindi pa naman sanay ang mga ito na hindi siya umuuwi ng maaga.
Lalong nadagdagan ang hinala ng pulis dahil sa sinabi ng dalaga. "Ikaw ang huling kasama ng biktima, Ine. Kailangan kang imbestigahan at tanungin kaya kailangan mong sumama."
"P-po?" nanginginig na tanong ni Elvina sa narinig pagkuwa'y napatingin sa duguang kamay at damit. Hindi naman tanga si Elvina para hindi makuha ang nais ipahiwatig ng Pulis. "T-teka po! Hindi po ako ang pumatay sa kaniya! Hindi ko po iyon magagawa, Mamang Pulis! Dumating po ako dito ay may saksak na siya!" sunod-sunod na paliwanag niya habang nakataas ang mga kamay.
Hindi naman nagpatinag ang Pulis. Sa ilang naaresto na niyang kriminal ay pare-pareho lamang ang sinasabi nila ngunit sino ba ang makapagsasabi kung totoo man ang sinasabi nila kung hindi ang korte at ebidensya? "Sa presinto ka na magpaliwanag, Ine."
Kahit na anong pagmamakaawa niya at paliwanag ay walang nagawa si Elvina nang isakay siya ng pulis sa sasakyan. Nanginginig niyang pinisil ang duguang mga kamay at sinubukang punasan ito gamit ang palda niya. Naiiyak na rin siya sa takot at kaba dahil sa kalagayang kinaroroonan niya.
Ngunit sa mga sandaling iyon ay ang mga magulang pa rin niya ang iniisip niya.
Pagdating sa pulisya ay pinaupo siya ng Pulis sa upuan bago naupo sa likod ng mesang katapat niya. Napakagat labi si Elvina habang inililibot ang tingin sa paligid. Kailanman ay hindi niya pinangarap na malagay sa ganitong sitwasyon.
"Ikaw ay may karapatang magsawalang kibo. Anuman ang iyong sasabihin ay maaaring gamitin pabor o laban sa iyo sa anumang hukuman. Ikaw ay mayroon ding karapatang kumuha ng tagapagtanggol na iyong pinili at kung wala kang kakayahan, ito ay ipagkakaloob sa iyo ng pamahalaan. Nauunawaan mo ba ito?"
Napalunok si Elvina bago marahang tumango.
"Pangalan."
"Elvina Balmaceda po."
"Tirahan."
"Barangay San Pan Pablo, Purok sais po."
"Edad."
"Disi-otso anyos po, Sir."
Nang matapos ang panungahing mga tanong ay umayos ng upo si Officer Lopez at pinagsiklop ang mga kamay sa ibabaw ng mesa.
"Ano ang ginagawa mo doon sa ganitong oras? Hindi ba't dapat ay alas-sais pa lamang ay uwian niyo na?"
Napaiwas ng tingin si Elvina. Ano naman ang isasagot niya? Na dinamdam niya an pamamahiya at pagtanggi sa kaniya g taong hinahangaan niya kaya nag-iiyak siya hanggang sa nakatulog? Iyan ang mga tanong na naglalaro sa isipan ni Elvina sa mga sandaling iyon.
"Nakatulog po ako sa may likuran ng School kaya hindi ko po namalayan ang oras." sagot niya sa Pulis.
Matamang pinag-aaralan ni Officer Lopez ang bawat galaw ng dalagita sa harap niya. "May makakapagpatunay ba ng alibi mo?"
Napayuko si Elvina. "Wala po."
"Maaari mo bang ikwento sa akin ang detalye kung paano mong nakita ang biktima?"
"Pauwi na po ako noon at doon po ang daan namin pauwi, may narinig po akong humihingi ng tulong at nang tignan ko ay nakita ko ang isang Ginang na may saksak sa tiyan at nag-aagaw buhay. Noong una po ay sinubukan kong tanggalin ang kutsilyo kaya po duguan ang mga kamay ko ngunit pinigilan po niya ako. May ibinulong po siyang pangalan bago siya nawalan ng malay."
Ibinuka ni Lopez ang bibig para sana itanong kung ano ang pangalan ngunit dumating ang partner niya na sumama sa rescue team.
"Dead on arrival."
Napatango si Lopez at napanuntong-hininga. Ngayong namatay ang biktima ay naging komplikado na ang kaso. At wala siyang pagpipilian kung hindi mag-imbestiga at gawing probable suspect ang dalagitang nasa harapan.
"D-dead? Patay na po s-siya?" pasinghap na tanong ni Elvina sa pulis na nasa harapan. Nakaramdam siya ng awa sa biktima at galit sa gumawa nito sa kaniya. Bakit nito nagawa ang bagay na iyon?
"Elvina, hindi ka pa namin maaaring pauwiin hangga't hindi napapatunayang inosente ka. Pasensya na, Ine. Trabaho lang."
Kahit na anong pakiusap na Elvina na umuwi muna kahit sandali para ipaalam sa mga magulang na ayos siya ay hindi siya pinayagan ng pulis. Naiiyak na bumaluktot si Elvina sa loob ng kulungan kung saan nila inilalagay ang mga ini-imbestigahan.
Wala siyang kasalanan. Inosente siya. Bakit ayaw nilang maniwala sa kaniya? Ang muling tanong niya sa sarili.
KINAUMAGAHAN ay bumaba sa sinakyang tricycle ang mga magulang ni Elvina at dumiretso sa loob. Magdamag na hindi nakatulog ang mag-asawang Balmaceda dahil hindi umuwi ang anak nilang si Elvina. Nang hanapin nila ang anak sa eskwelahan ay wala silang nakuhang sagot sa gwardya. Maging ang barangay ay nakitulong na sa kanila at doon nga may nakapagsabi sa kanila na nakita nito ang anak nila na isinakay sa police mobile.
Halos gumuho ang kanilang mundo nang ipaliwanag sa kanila ng opisyal ang pangyayari, ngunit hindi sumagi sa isipan nila na posibleng ang anak ang suspek.
"Sir, hindi ho magagawa ng anak ko ang ibinibintang niyo sa kaniya. Kilala ho namin siya." Pakiusap ni Arturo kay Officer Lopez na siyang may hawak ng kaso ng anak nila.
"Oho, Sir. Napakabait at matulungin po ni Elvina." segunda ni Martha sa sinabi ng asawa.
Napabuntong-hininga na lamang si Lopez. "Ang kaso nga ho, wala ho tayong ebidensya. Sa ngayon ho, ang magagawa lang natin ay ang hintayin ang resulta ng DNA test na isinasagawa. Ngayon, kung inosente ho ang anak ninyo ay agad naman namin siyang pakakawalan."
Nagising na lamang siya nang marinig ang boses ng kaniyang mga magulang na nakikipag-usap sa mga pulis.
Nabuhayan ng loob si Elvina at agad na tumayo upang silipin ang mga magulang. "Itay? Inay?" tawag niya sa mga magulang at nagsimulang manlabo ang kaniyang mga mata ng makita niya ang mga ito.
Parang pinipiga ang puso ng mag-asawa nang makita ang kanilang nag-iisang anak na nakahawak sa rehas at umiiyak. Dinudurog ang kanilang mga puso dahil wala silang magawa.
"Elvina, anak." garalgal ang boses na wika ni Martha habang hawak ang kamay ng anak. "Kumusta ka ha? Kumain ka na ba?" agad niyang pinunasan ang mga mata dahil naging sunod-sunod ang pagpatak nito.
"Ayos lang ako. Nay, Tay, pasensya na ho at nag-alala kayo sa akin. Hindi ko po inakalang mangyayari ito. Natatakot po ako." tuluyan nang napahagulgol si Elvina.
Natatakot siya para sa sarili niya at para sa mga magulang niya. Paano na lang sila kapag tuluyan siyang nakulong?
Pinilit na tatagan ni Arturo ang sarili at tinapik ang balikat ng anak. "Makakalabas ka dito, anak. Wala kang kasalanan. Naniniwala kaming hindi mo iyon magagawa kaya huwag kang matakot."
Kinahapunan habang tulala siyang nakaupo sa loob ng selda ay nakarinig siya ng sigawan sa labas.
"Where is she? Nasaan ang taong pumatay sa asawa ko?!" rinig niyang malakas na sigaw ng kung sino man sa labas.
"Sir, kumalma po tayo. Presinto ho ito at hindi bahay ninyo."
"Wala kaming paki! Iharap niyo sa amin ang pumatay sa Mom ko!"
Bakit parang pamilyar ang boses na iyon? Natanong ni Elvina sa sarili bago siya nakarinig ng mga yapak.
"Ikaw?" napatingala siya at ganoon na lamang ang gulat niya nang makita si Hassan Claveria. "Ikaw ang pumatay sa Mom ko?!" napaatras si Elvina sa galit na galit na binata.
"Pinatay mo ba si Mom dahil lang sa tinanggihan kita? Pinatay mo siya dahil hindi mo matanggap na hindi kita gusto!" akusa ni Hassan sa babaeng nakayuko.
Sunod-sunod ang ginawang pag-iling ni Elvina. "Hindi! Hindi ko iyan magagawa! Oo sige, aaminin ko na nasaktan ako sa ginawa mo pero hindi ko magagawang pumatay!" depensa ni Elvina sa sarili.
"I don't believe you! O baka naman pinagnakawan mo ang asawa ko dahil isa kang dukha?!" pang-aakusa ni Mauricio na dinuduro ang babae sa harap niya.
Lumarawan ang gulat sa mukha ni Elvina sa narinig mula sa lalaking sa hula niya ay ang Ama ni Hassan. "Mahirap lang ho kami ngunit kailanman ay hindi ko magagawa ang ibinibintang ninyo. Hindi ho ako pinalaking ganiyan ng mga magulang ko. Pinalaki nila akong may takot sa Diyos."
Oo nga't mahirap lamang sila ngunit iginagapang ng mga magulang niya ang pang-aral niya makatapos lamang siya. Payak man ang kanilang buhay ay masaya sila. At hindi siya makapapayag na insultuhin ng mga ito ang pagkatao niya.
"Liar! Kayong mahihirap ay walang gusto kung hindi huthutan kaming mayayaman! Ito ang ipinapangako ko sa'yo. Makukulong ka at mabubulok ka sa bilangguan kasama ng mga kagaya mo."
Nakaramdam ng takot si Elvina sa tinuran ng nakatatandang Claveria. Natatakot siya hindi dahil sa may ginawa siyang kasalanan kung hindi dahil alam niyang kayang-kaya ng mga itong gawin iyon.
"April." natagpuan niya ang sariling sinasambit nang maalala ang pangalang sinabi ng Ginang. "April! Sinabi niya ang pangalang iyon."
Lumarawan ang disgusto sa mukha ni Hassan sa narinig na sinabi niya. "Ngayon pati pangalan ng tiyahin ko ay idadamay mo? Ganiyan ka ba ka-desperada?"
Napapiksi si Elvina nang hampasin ni Hassan ang rehas. "Magpasalamat ka at nakakulong ka diyan kung hindi ay baka may nagawa na ako. Pero ito ang itatak mo sa utak mo, hinding-hindi ako papayag na makalaya ka. Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa Mom ko."
Bakit ayaw nilang maniwala na wala siyang kasalanan? Dahil ba siya lang ang taong nasa tabi ng Ginang o dahil sa estado niya sa buhay ay awtomatiko na siyang suspek?
Kapag ba mahirap ka ang ibig sabihin ay isa ka nang mamamatay tao?