“MASAKIT pa ba, pare?”
Muntik nang masapak ni Grey ang nakangising si Revin. Nang mag-walk out ang babae matapos siyang tuhurin sa p*********i niya ay saka niya napansin ang teammates niyang nakapalibot sa kanila at sadyang pinapanood lang sila.
“That’s what you get for harassing a girl,” sabi naman ni Rowie na tinalikuran na sila at bumalik sa pinakamamahal nitong ring. “Ngayon, hindi lang si Joru ang may pasa. Tsk. Siguradong patay na naman tayo kay Coach nito.”
“Hey, she punched me first! At teka, ikaw ang nagpasimula ng kalokohang pag-hack sa kanya, ah!”
Yep, ang babaeng iyon na nagngangalang Amber Nicolas a.k.a Lady underscore Psycho ang pinakauna niyang nakita nang lumabas siya sa gym nang nagdaang araw. Tulad nga ng usapan, h-in-ack nga niya ang web accounts nito. Kung malalaman siguro nito na pati social media nito ay na-hack niya, paniguradong sa morge na ang bagsak niya ngayon.
Damn! Ang sakit niyang manapak!
“You hacked her. Not me. Nag-offer lang ako ng pustahan at natalo ka,” sagot ni Rowie habang abala sa pag-asinta sa hoop.
May katwiran nga ito. Napailing-iling siya. “Aahh! Hindi ko matanggap na nasapak ako ng babaeng iyon! Hindi man lang ako nakahalik!”
“Nasapol niya pa si junior.” Malakas na tumawa si Revin. “Sayang, wala dito sina Joru at Van. Malamang nagpakain pa ang mga iyon dahil nakarma ka sa mga kalokohan mo. Cade, na-video-han mo ba?”
“Ah, eh… Hindi ko po dala ang phone ko. Nasa locker po.” Nagkamot ng batok ang bagong team member nila.
Hirap na umupo siya sa pinakamalapit na bench. Napangiwi siya nang maramdaman na naman ang sakit. “s**t talaga!” sigaw niya. “Isusumbong ko siya kay Ivo!”
“Ang bakla mo naman, pare. Bakit isusumbong mo pa kay coach?”
Kahit namimilipit siya sa sakit ay nakuha niya pang ngumisi kay Revin. “Because, Revin, that girl had a serious secret crush with my brother. Hindi lang crush. Patay na patay siya sa kapatid ko.”
Kung malalaman pa siguro ng babae na nabasa niya ang diary nito ay baka hindi lang iyon ang inabot niya. Hindi na sana niya iyon babanggitin sa kapatid pero naasar talaga siya sa babae kaya gagantihan na lang niya ito.
Tulad ng kuya niya, wala ring may karapatang bumangga sa kanya. Lalo na ang tuhudin ang junior niya. Lalo na isang babae!
Wala.
“HI.”
Muntik nang mabitawan ni Amber ang kutsara niya nang mapagsino ang umupo sa harapan niya. Nasa canteen siya ng mga oras na iyon.
Si Ivo ang nakaupo sa mesa niya! Maganda itong nakangiti sa kanya.
Oh my God! Nagha-hallucinate na ba ako sa gutom?
Pero kahit ilang beses niyang buksan ang mga mata at kurutin ang sarili ay naroon pa rin ito sa harapan niya. Saka niya nakumbinse ang sarili na totoo ang Ivo na nasa harapan niya.
Ibinuka niya ang bibig para batiin din ito pero naalala niyang kasusubo nga lang pala niya ng kanin. Nagmamadali pa naman siyang kumain para maisulat na ang bagong kwentong naisip niya kani-kanina lang. Isang playboy na dinukot ng isang myembro ng kulto. Kukunin ang lamang-loob nito at ipapakain sa mga buwaya habang ang katawan naman nito ay tatadtarin ng pinung-pino bago ialay sa demonyo. May mukha pa nga ang playboy na iyon sa isipan niya.
Tinakpan niya ang bibig saka nginuya ang laman ng bibig bago iyon pinilit lunukin. Kesa naman sa mailuwa niya iyon sa nararamdamang pagkasorpresa ngayon at mapahiya sa harapan nito. Hindi niya ipinahalata na nahirinan siya. Pasimpleng inabot niya ang baso niya at uminom. Nang guminhawa ang pakiramdam niya ay saka niya ito hinarap.
“H-hi din, coach. Kain po tayo,” nahihiyang sabi niya. Hindi niya alam kung paano ito kakausapin. Kung bakit kasi bigla-bigla na lang itong sumulpot sa harapan niya. Hindi tuloy siya nakapaghanda. Dama niya ang pag-iinit ng mga pisngi.
“It’s already two in the afternoon. Lunch mo pa lang ba iyan?”
“Ah, medyo po…”
“It would bad for your health if you skip your meal. Don’t you know that? Iyan ang mahigpit kong bilin sa mga atleta ko. Well, you’re not my athlete, but still everyone should know about that. Lalo na ang isang babae.”
Gusto niyang mapangiti sa concern nito. Syet! Ang gwapo talaga nito sa malapitan!
“Nakalimutan ko lang po ang oras. Medyo busy po kasi ako…” Busy sa fitness gym sa tapat ng university habang pinagbubuntunan ng galit sa mundo ang punching bag doon. Ah, hindi nga pala siya sa mundo galit kundi sa damuhong lalaki na iyon! “Bakit nga po pala kayo narito? Ang akala ko po wala kayo sa school ngayon…” Naitikom niya ang bibig. Halatang-halata siyang binabantayan ang schedule nila.
“Binago ko ang schedule ko. May practice kami ngayon. Na-late lang ako ng dating.” Sumilay ang ngiti nitong kinatatakutan ng team nito. May pagka-sinister nga ang ngiting iyon. Kahit siya ay gustong kabahan doon. “Besides, may interesanteng bagay na sinabi sa akin si Grey. Anyway, how’s your temple? Masakit pa ba? Ano nga palang pangalan mo? You knew my name but I don’t know yours. Don’t you think it’s a little unfair? Hm?”
Bigla siyang nabingi sa mga huling sinabi nito. Ang tumatak lang sa kanya ay ang interesanteng bagay na sinabi raw ni Grey dito. Hindi maganda ang kutob niya roon. Na-hack nito ang website niya kung saan niya isinusulat ang diary niya, kaya may karapatan siyang mag-alala.
Lalo na’t bigla na lang lumapit si Ivo sa kanya ngayon at nginitian pa siya. Dati naman ay wala itong pakialam sa kanya. Kahit makasalubong niya ito sa daan ay hindi siya tatapunan ng tingin. Ang concern lang nito sa university na iyon ay ang basketball team ng paaralan.
Hindi kaya…
“A-ano pong sinabi ni Grey sa inyo?” hindi mapigilang tanong niya.
But he just smiled at her. It’s nicer now. “What’s your name again?”
“A-Amber…”
“Amber. Your name fits you. A jewel.”
Napamata lang siya rito. Nagdududa na talaga siya sa kabaitan nito sa kanya ngayon. Lalo na nang titigan siya nito ng malalamlam na mga mata nito. Katulad din iyon ng mga mata ni Grey nang akitin siya nito kanina, pero sa ganito kalapit pala a6y mas light brown ang kulay ng mga mata ni Grey at mas expressive ang mga iyon…
Teka, bakit niya ba iniisip ang hunghang na m******s na iyon?
“You know, Amber, hindi naman ako madamot sa pagtingin. You can say anything you want with me.”
“P-po?” Lumalakas na talaga ang duda niya na may sinabing hindi kanais-nais bugoy na kapatid nito dito.
“You like me, right? I’m available right now.”
Literal na napanganga siya. Kung naiba lang ang sitwasyon ay tatanggapin niya ang pag-aalok nito ng sarili sa kanya. Pero…
“S-s-sino pong nagsabi…?” Gusto niya lang makasigurong manggagaling sa bibig nito ang hinala niya. Para kapag sinugod niya ang taong iyon ay hindi nito maipagkakaila iyon.
“Grey. He hacked your website, right? Ano’ng gusto mong parusa sa kanya?” He smiled sweetly at her. Hindi niya alam kung bakit pinanayuan siya ng balahibo sa ngiting iyon.
Hindi talaga nagkakamali ang instinct niya! Nagngitngit siya sa galit.
Siraulong Grey na iyon! Gagawin ko siyang blue at ibabanlaw sa damit ng mga taong-grasa!
“YAAHHH!!!”
Sumasakit na ang katawan ni Amber sa kakasuntok sa punching bag pero hindi pa rin humuhupa ang galit niya.
“Walanghiya kang ungas ka! Magsisisi ka! Makikita mo! Hindi kita mapapatawad! Matitikman mo ang batas ng isang api!!!”
Malakas na sinuntok niya ang pobreng punching bag. Nag-sway iyon sa lakas ng pwersa niya. Humihingal na napayakap siya doon para pahintuin iyon. Isa pa ay nanlalata na rin siya. Galing na siya doon kaninang umaga para maglabas ng sama ng loob. Pagkatapos ng mga klase niya bumalik ulit siya sa fitness gym na iyon… sa parehong dahilan.
Napasigok siya habang yakap ang punching bag.
“Hindi pwede `to. Alam na ni Ivo ang feelings ko sa kanya. Sira na ang pangarap ko para sa aming dalawa. Isasama na niya ako sa mga babaeng pang-short time niya lang. Siraulo kasing Grey iyon! Makikita niya!” Nanghihinang sinuntok niya ang punching bag. Sumusuko na sa pagod ang katawan niya pero naglalagablab pa rin ang galit niya sa lalaki.
Naikuyom niya ang naka-gloves na mga kamay. Isang ideya ang pumasok sa isip niya habang naglalabas ng sama ng loob sa punching bag. Hindi na niya ito gagamitan ng dahas. Baka siya na naman ang mapahamak tulad ng nangyari kanina. She hated to admit but he’s way stronger than. Hindi na niya hahayaang makalapit ulit ito sa kanya ng ganoon.
She will return the favor to him. Doble pa ang gagawin niya! Maghihiganti siya pero sa paraang ginawa nito sa kanya.
Aalamin niya ang sekreto nito. Everyone has their darkest and deepest secret, right? Bubulatlatin niya iyon at tulad ng ginawa nito sa kanya ay ibubulgar sa lahat. Doon naman siya magaling, sa pagre-research ng mga pinakakatagu-tagong bagay. Kaya nga marami ang humahanga sa mga isinusulat niya sa website niya. Ilan na rin sa mga nobela, articles at short stories niya ang na-publish dahil sa galing niya. And it’s all because of her thorough research, patience and determination.
“Dito magsisimula ang pagiging miserable ng buhay mo, Gustavo Rei Cruise! I’ll make sure to that,” pangako niya sa sarili bago binalingan muli ang punching bag.
Bawat suntok, iniisip niyang mukha iyon ng hinayupak na lalaki. Matutuwa siya ng husto kung makikita niya ang gwapong mukha nito na derformed at hindi na gwapo. Oo, aminado naman siya na gwapo ito. Ano pa’t naging kapatid ito ni Ivo kung hindi?
Nang maalala si Ivo ay napayakap na naman siya sa punching bag.
“Sira na talaga ang love life ko. Huhu. Ivo…”
Sa galit na naramdaman niya kanina ay basta niya na lang tinakbuhan si Ivo sa canteen para hanapin at bugbugin ang kapatid nitong impakto. Pero napagod lang siya, hindi niya rin ito nakita. Maging sa gym ay wala rin ito. Tatambay pa sana siya doon para tambangan ito kung hindi lang makahulugan ang tingin sa kanya ng mga players. Malamang naikalat na ng iilang players na naroon kanina sa mga kasamahan ang nangyari. Pasalamat na lang siya at walang fans na naligaw doon kaninang sapakin niya si Grey. Kung hindi, hindi na siya nakalabas sa gym ng buhay.
Ilang sandali siyang nagpalipas ng oras sa fitness gym bago nagpasyang umuwi. Wala na rin naman siyang klase. Isa pa ay madilim na sa labas. Nagugutom na rin siya. Wala pa namang makakain sa boarding house niya at nagtitipid siya ngayon dahil nagastos niya ang allowance niya noong isang linggo nang pumunta siya sa Capiz para mag-research sa bago niyang nobela.
Kalalabas niya ng double doors sa establisyemento nang humarang sa daan ang apat na babae. Hindi niya sana ito papansinin pero humarang ulit ang mga ito nang akmang lalampasan niya. Masama ang tingin ng mga ito sa kanya.
“Yes? May kailangan kayo?” Taas ang isang kilay na tanong niya sa mga ito.
“Oo. Ikaw ang kailangan namin. May narinig kaming dahilan ng pagkaka-clinic ni Grey kanina.”
“At involve ka doon, alam mo ba iyon?”
Kung gano’n ay nasa clinic lang pala ang hinayupak kanina. “Hindi ko alam. Sino ba iyang tinutukoy niyo? Ni hindi ko kilala.”
Nanlaki ang mga mata ng mga ito.
“Si Grey Cruise na pinakamagaling power forward, hindi mo kilala?!” bulalas ng isa sa mga ito.
“Impossible!”
“How ridiculous!”
“Are you dumb, girl?”
“Bakit, si Mark Zuckerberg ba iyan o si Bill Gates para kailanganin kong kilalanin? Si Adolf Hitler ba siya? O kaya, padaliin na natin at huwag na tayong lumayo pa… presidente ba iyan ng Pilipinas? O, baka naman hindi ninyo kilala ang mga pinagsasabi ko?” Eksaheradong bumuntong-hininga siya. “Mag-aral muna kayong mabuti bago kayo manugod ng isang inosenteng kamag-aral ninyo para lang sa walang kakwenta-kwentang bagay—”
“Hindi iyon walang kwenta!”
“That’s Grey Cruise from the most famous basketball team in the country!”
“Hoy, San Miguel ang pinakasikat na team sa buong bansa. O, sige nga, sino ang unang presidente ng Pilipinas? Saan nagtapos ng medicine si Rizal? Ano’ng pangalan ng aso ni Niel Armstrong?”
Tila nakakita ang mga ito ng alien sa katauhan niya. Napailing-iling naman siya.
“Tsk. Tsk. Kailangan iyon para pumasa sa college at magkaroon ng magandang buhay nang hindi umaasa sa magulang. Kesa naman sa sinasabi ninyon pagkaka-clinic ng Blue na iyon. Sino ba iyon? Walang kakwenta-kwentang pinag-aaksayahan ninyo ng oras. Kawawa naman ang mga magulang ninyong nakakandakuba sa pagtatrabaho para mapag-aral kayo. Hala! Magsiuwi kayo at magsipag-aral ng mabuti!”
Wew! Nauhaw siya sa haba ng sermon niya.
Napatango ang isa sa mga ito at susunod na sana sa utos niya kung hindi lang hinatak ng mga kasama nito pabalik.
“Idiot! She’s just playing with us.”
“His name’s Grey, you b***h! At wala kang karapatang pagsabihan siya ng walang kwenta!”
She stepped closer to the girl who called her a b***h and she stared at that girl down. Ang pinakaayaw niya ay ang iniinsulto siya at iniisip ng lahat na mahina siya. Ipapakita kung sino ang may upperhand dito. Napaatras naman ang babae pati na ang mga kasamahan nito.
“Ingat ka, nangangagat din ako.” She showed her teeth. Pinaglapat niya ang mga ngipin niya na para ngang kakagatin niya ito. “Tabi. Bago pa ako maubusan ng pasensya sa inyo.”
Nilagpasan niya ang mga ito—na awa ng Diyos ay hindi na siya ginulo—at walang lingon-likod na naglakad siya pauwi. Bigla siyang nawalan ng appetite sa mga babaeng iyon. Ganoon na ba kababaw ang mga kabaro niya ngayon? Nakakalungkot naman kung ganoon.
Hindi sa Grey na iyon, iikot ang mundo. Hindi iyon tao, eh. Impakto iyon.