“NAGDARATINGAN NA ANG mga bisita. Ang dami! Akala ko ba, kaunti lang ang imbitado?” balita ni Cora. Tigalgal na napatitig ako sa kaniya. “Marami? Ang napagkasunduan namin, maliit na salo-salo lang ang magaganap.” “Maliit bang matatawag ang mahigit beynteng lamesa? Inaayos na ngayon ’yon sa labas ng bahay. Siguro, lagpas pa sa dalawandaang katao ang kumbidado. At”—itinaas niya ang hintuturo sa ere—“serbisyo pa ng sikat na tagapagluto ang magsisilbi ng pagkain mamaya.” Nanghina ang tuhod ko at pinagpawisan ako nang malamig. Napakapit ako nang mahigpit sa tokador, tila mabubuwal ako anumang oras. Napalingon ako sa gawing pinto nang makarinig ako ng ingay roon. Mukhang may kaguluhang nangyayari sa labas. “Diego, hindi mo puwedeng kausapin si Miranda. May pamahiin na bawal mo siyang makita

