SUMENYAS AKO KAY Diego na nasa labas ng bahay ang kailangan ko. Itinuro ko na rin kung saan banda ililibing si Imaran. Sa likod iyon at ilang metro lang ang layo mula sa bahay.
Mapapansin agad ang dalawang puntod. Lagi ko kasing nililinis at tinatabas ang mga d**o roon. May krus ding nakatusok sa lupa.
Lumipat sa akin ang paningin ni Diego. Nagtataka iyon. “May mga nakalibing na rito?”
Kinagat ko ang pang-ibabang labi. Gusto na namang tumulo ng mga luha ko.
“Kung ’di mo mamasamain, sino sila?”
Kumurap ang mga mata ko. “Si Nanay at si Lola.”
Natigilan siya, nag-isip bago niya sinabing, “Sila ’yong dalawang babaeng bumababa noon sa bayan. Imposibleng ikaw ’yong isa dahil bata ka pa noon.” Muli siyang sumulyap sa puntod at saka tiningnan si Imaran na nasa kaniyang bisig. “Ikaw ang kausap ko sa bayan kahapon,” bigay konklusyon niya. “Ikaw rin ang bata nagligtas sa akin sa ilog.”
“Ako nga,” mahinang pag-amin ko.
“I’m sorry for your loss,” sabi niya sa banyagang salita. Napansin niya ang pagkunot ng noo ko. “Nakikiramay ako.”
Inilapag niya si Imaran at kinuha sa akin ang hawak kong pala. Tututol pa sana ako, dapat ako ang mag-asikaso niyon, pero napuna ko sa kilos niya na desidido siyang gawin iyon. Sinimulan niyang maghukay sa tabi ng puntod ni Lola.
Umupo ako sa batuhan at niyakap ang nanlalamig na katawan ko. Tumulo ang luha sa mga mata ko nang inilibing na ni Diego si Imaran. Saglit na pinagmasdan niya ang lupang nakaumbok bago siya lumakad nang mabagal papunta sa akin.
“Salamat,” mahinang sabi ko. “Alam mo bang tumulong siya para iligtas ka namin sa ilog noon?”
“That makes sense. Parang may kasama ka nga no’ng tumakbo ka. Hindi lang malinaw sa isip ko kung ano o sino ’yon. Tsk!” Malakas na bumuga siya ng hangin. “Sorry, nahuli ako ng dating.”
Umiling ako. “Hindi mo naman alam kung ano’ng mangyayari. At nagpapasalamat ako dahil dumating ka.”
Tumango lamang siya.
“Bakit ka nga pala napadpad sa ilog?”
“Para hanapin ang bahay ng lola . . . bahay mo. Balak kong simulan ang paghahanap do’n sa ilog kung saan tayo unang nagkita.”
“Bakit mo ako kailangang hanapin?”
“Dahil hindi pa kita napapasalamatan. Saka, marami akong gustong tanungin sa ’yo.”
“Tulad ng?”
“Ano’ng ginagawa mo rito sa gubat? Bakit ka nandito?”
“Iyan nga ang kinatatakutan ko—’yang mga tanong mo.”
“Dahil?”
Nagkibit-balikat ako. “Ewan ko. Siguro, dahil wala pa akong puwedeng isagot sa ’yo.”
Pumunta ako sa paanan ng tatlong puntod at tahimik na nanalangin.
Biglaan noong namatay si Nanay. Malakas pa siya noon. Kinabukasan, iniwan niya na kami. Parang si Imaran. Kausap at kasama ko lang ito kanina. Ngayon, nasa ilalim na ito ng lupa. Ang hirap tanggapin. Ang bigat sa dibdib. Pero ano’ng magagawa ko kundi ang magpatuloy at sikaping maging matibay.
Nakaratay pa lang si Lola, lagi niya akong binibilinan na ihanda ang sarili sa pag-alis niya. Noong dumating ang araw na iyon, masakit pa rin. Parang may pumilas sa isang bahagi ng puso ko. Umiiyak. Nalulungkot kasi hindi ko na siya makakasama. Ang tanging pinaghuhugutan ko na lang ng lakas ay si Imaran. Hindi pa rin kasi ako nag-iisa. Pero ngayon, wala na rin ito.
Pumihit ako at mabigat ang loob na tinalikuran ko ang mga puntod. Walang imikan habang naglalakad kami pabalik sa bahay. Kumakalat na ang dilim nang makarating kami roon.
Nag-aalalang tumingin ako kay Diego. “Medyo madilim na, kaya mo pa bang maglakad pauwi sa inyo?”
Tumingin siya sa paligid at saka ibinaling ang mga mata sa akin. “Baka mawala ako. Puwede bang”—huminga siya nang malalim—“dito na muna ako matulog?”
Umawang ang labi ko at saglit akong natigilan.
Dito siya matutulog?
“It’s a ridiculous suggestion. Forget it,” sabi niya sa banyagang salita. Iniwan niya ako pagkasabi niyon.
Sinundan ko ng tingin ang papalayong likod niya. Napatayo ako nang tuwid nang mapagtantong ibang daan ang binabagtas niya. Hinabol ko siya. “Diego! Diego!”
Humarap siya sa akin. “Bakit? May problema ba?”
“Bakit sa ilog ka pupunta?”
“Diyan lang ang alam kong daan. Susundan ko ang agos ng ilog. May marka akong tinatandaan kapag malapit na sa bayan.”
“Pero mas malayo riyan!”
“Mas mabuti na ’yon kaysa mawala ako. Kaya lang, baka malagpasan ko ’yong palatandaan kapag madilim na.”
Bumuntonghininga ako. Alangang pabayaan ko siya matapos niya akong iligtas. “Dito ka na matulog,” alok ko.
Humakbang siya papunta sa akin. “Sigurado ka?”
“Ayaw kong mapahamak ka. Maraming hayop ang pumupunta sa ilog. Baka ’di mo mapansing may lumalapit na sa ’yo kapag madilim na.” Sinabayan niya ako sa paglalakad pabalik sa bahay. “Paano ang mga magulang mo? Baka hinahanap ka na nila?”
“Tiyak ’yon, pero sa ngayon, wala akong magagawa.”
Medyo naaasiwa ako nang pumasok kami sa loob, lalo na nang isara niya ang pinto. Pakiramdam ko, nakulong kami sa isang maliit na kahon. Sumikip ang paghinga ko. Lahat din ng bagay sa loob ng bahay ay mukhang lumiit. Matangkad at may kalakihan kasi ang kaniyang pangangatawan.
Pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan ng bahay. Pinagmasdan ko siya. Wala naman akong napansing disgusto o panlalait sa mukha niya.
“Pasensiya ka na sa bahay namin, maliit lang ito,” nahihiyang sabi ko.
“Tama na sa akin na may bubong akong masisilungan at matutulugan ngayong gabi.” Sinindihan niya ang de-gaas na lamparang nakasabit sa gitna ng kubo.
Umupo ako sa pahabang upuang gawa sa kawayan. Hinubad ko ang botang suot at maingat na tinanggal ang medyas ko. “A-aray!”
“Bakit?” Lumapit siya, lumuhod sa isang tuhod. Tiningnan niya ang talampakan ko. “Tsk. Tsk. This must be hurting you a lot. Kailangang ipahinga mo ’to.”
Nagulat ako nang bigla na lang niya akong binuhat. Napakapit ako sa leeg niya. “A-ano’ng ginagawa mo? Ibaba mo ako!”
Hindi siya sumunod sa utos ko. Kinarga niya ako hanggang sa kuwarto at paupo akong inilapag sa papag. “Diyan ka lang. Huwag mo nang tangkain pang kumilos.”
“Hoy, Diego! Baka nakakalimutan mong nasa pamamahay kita. Sanay akong mamuhay mag-isa.”
Napangiti siya. “Hindi ngayon.”
Sinindihan niya ang maliit na lamparang nakapatong sa lamesa. Iginala niya ang paningin sa loob ng silid. “Saan nakalagay ang mga gamot mo?”
Inginuso ko kung saan. Dinala niya sa akin ang kahong pinaglalagyan ng maliliit na garapon. Kumuha ako ng pamahid para sa sugat at isang boteng may laman ng katas ng dahon ng bayabas. “Kailangan ko ng maligamgam na tubig at bimpo para sa. . . para . . . ” Lumunok ako. Nahirapan akong sabihing para maalis ang dugong kumapit sa balat ko.
“Naiintindihan ko,” malumanay na sagot niya.
Lumabas siya ng silid. Maya-maya, mga kalampag sa kusina ang narinig ko. May bitbit na siyang maliit na planggana pagbalik niya. Inilapag niya iyon sa tabi ko kasama ang bimpo.
“Nagpapainit pa ako ng tubig.” Kumuha siya ng damit sa kabinet. “Magpalit ka muna bago mo gamutin ’yang sugat mo.”
“Nakakahiya sa ’yo. Ikaw ang bisita pero ako ang inaasikaso mo.”
“May ibang araw pa naman. Saka ka na lang bumawi,” biro niya.
Nakapagpalit na ako. Nalinis at nalagyan na ng gamot ang mga sugat ko. Naubos ko na rin ang dinalang pagkain ni Diego. Nakakapanibago na ako ang inaasikaso ngayon. Ilang taon kasing sa balikat ko nakaatang ang lahat ng responsibilidad mula nang maratay si Lola.
Naabutan ako ni Diego na nakaupo sa papag at nakasandal ang likod sa dingding. Pinatay na niya ang lampara sa labas. Umupo siya sa dating hinihigaan nina Nanay at Lola.
Tulalang napatitig ako sa kaniya. Lumaki ang mga mata ko. Paano ba naman, wala siyang suot na pantaas!
Napansin niya iyon. “Nilabhan ko ang kamiseta ko. Wala naman akong makitang puwedeng hiramin.”
“M-may tuwalya sa banyo.” Uminit ang mukha ko. Babae nga lang pala ang nagtatapis sa dibdib.
Pinigil niyang ngumiti. “Dito na ako mahihiga, ha? Bakante naman itong isang papag.”
Hindi kaagad ako nakasagot. Sa totoo lang, nakaiilang na may kasama akong ibang tao sa bahay. Nagkataong lalaki pa. Atubiling sumagot ako, “S-sige.”
“Huwag kang mag-alala, ’di ako masamang tao. Kung may balak akong masama sa ’yo, dapat kanina ko pa ginawa.” Itinukod niya ang siko sa tuhod niya at pinagsalikop ang mga kamay. “Bakit ’di ka pa natutulog?”
“Hindi pa ako inaantok.”
“Puwede ko bang malaman kung bakit itinago ng pamilya mo ang tungkol sa ’yo?”
“No’ng una, ayaw nila akong masaktan. Alam mo naman kung gaano kalupit manukso ang mga bata sa bayan.”
“No’ng nagkaedad ka, bakit ’di ka pa rin nagpapakita sa bayan?”
“Ako ang pumalit sa puwesto ni Nanay. Wala namang nakahalata dahil palagi ring may saklob sa ulo si Nanay.”
“At ngayon, bakit mo kailangang magpanggap na lola mo?”
“Bilin ni Lola. Para daw malayo sa mga lalaking . . . katulad ng lalaki kanina.” Kinilabutan ako nang maalala iyon. Nakapandidiri talaga ang ginawa ng lalaking iyon!
“Don’t think about them. Kalimutan mo na ’yon.” Hahawakan niya sana ako pero nagdalawang-isip siya. Umurong siya hanggang maisandal niya ang likod sa dingding. “Bakit kailangang magsuot ng gano’ng klaseng damit ang lola at nanay mo?”
Ipinatong ko sa kandungan ang mga kamay ko. “Mahabang kuwento.”
Nagkibit-balikat siya. “Mahaba rin ang gabi at wala naman tayong gagawin.”
“May kinatatakutan si Lola . . . tinatakbuhan. Isang tribo na kinabibilangan ng napangasawa niya.”
“May pinatay siya?” seryosong tanong niya.
“Wala. Pero sa tingin nila, mas masahol pa ro’n ang kasalanan ni Lola.” Sumulyap ako sa gawi niya. “Galing si Lolo sa angkan ng mga Banaha. May kakayahan silang malaman ang galaw ng panahon. Malaki ang paggalang sa kanila ng mga katribo niya, pero unti-unting nasira ’yon nang umibig siya kay Lola.”
“Bakit naman?”
“Dahil akala nila ay gumagamit ng itim na mahika si Lola. No’ng nagkaanak si Lola, namana ng anak niya ang galing niya sa panggagamot pero hindi ang husay sa pagmanman ng panahon.”
“Teka, paanong nangyari ’yon? ’Di ba, nanay mo ang nagbibigay ng babala sa bayan kapag may kalamidad na mangyayari?”
“Alam mo ang tungkol do’n?”
“Nagtanong-tanong ako at ’yan ang sinabi sa akin.”
“Apo ni Lola si Nanay. Kaya ako, apo na lang sa tuhod.”
Tumaas ang kilay niya. “Ayaw ba ng lolo mo na magkaroon ng manggagamot sa pamilya?”
“No’ng una, tanggap ni Lolo ang gano’ng sitwasyon. Sabi niya, magkakaanak pa naman sila. Ang kaso, ilang taon na ang lumipas, hindi na nabuntis pa si Lola. Hanggang sa dumating ang araw na sinasaktan ni Lolo ang anak nila para piliting matuto kung paano basahin ang panahon. Iyon ang naging dahilan para iwan ni Lola si Lolo. Nag-asawa uli si Lolo pero hindi na rin siya nagkaanak sa pangalawang asawa.”
Pinag-ekis ni Diego ang nakaunat na binti. “Baka nasa lolo mo ang pagkukulang.”
“Pero sinisi ng katribo niya si Lola. Sinabi nila na isinumpa nito ang angkan ng mga Banaha.”
“Kaya ba nagtatago ang Lola mo? Dahil gusto nilang maghiganti?”
Umiling ako. “Hindi ’yon ang dahilan.”
“Ano?” interesadong tanong niya.
“Si Nanay. Gusto nilang bawiin siya. Mahalaga sa kanila ang kakayahan niyang magbigay ng babala kapag may sakunang dala ang kalikasan.”
“Teka nga pala, ano’ng nangyari sa anak ng lola mo?”
“Namatay sa panganganak. Hindi siya pinakasalan ng nakabuntis sa kaniya. Kastila ’yon at bumalik ’yon sa Espanya nang hindi nalalaman ang tungkol kay Nanay.”
Bumaba-taas ang ulo ni Diego. “Paano naman nila nalamang nakuha ng nanay mo ang kakayahan ng mga Banaha?”
Itiniklop ko ang mga binti at niyakap ito. “Sa mga kamag-anak sa isang bayan sa Nueva Ecija nanirahan noon sina Nanay. Nahulaan niyang magkakaroon ng malawakang tagtuyot. Binalaan niya ang mga magsasaka. Kumalat din ang balitang iyon sa katabing nayon.
“Bukod tanging ang lalawigang ’yon ang nakapagtanim at nakapag-ani ng palay. Napaghandaan kasi nila. Ang mga katabing lalawigan, walang naani kahit isang kaban. Namatay ang lahat ng itinanim nila.
“Nakarating ang balitang ’yon sa tribo nina Lolo. At nang magsiyasat sila, nalaman nila na ang batang nagbigay ng babala ay isang Banaha. Kaya dinukot nila si Nanay at iniuwi sa kanila.”
Sinulyapan ko si Diego. Mataman itong nakikinig sa bawat sabihin ko.
Bakit nga ba hindi ako nagdalawang-isip ikuwento sa kaniya ang buhay ko? Dahil ba sa siya lang ang nagkaroon ng interes alamin ang lahat sa akin?
Nakapagtataka ring palagay agad ang loob ko sa kaniya. Epekto siguro iyon ng ginawa niyang pagligtas sa akin. Nakuha niya ang tiwala ko. Saka, noon pa man, may nabuo nang koneksiyon sa pagitan namin nang sinagip ko siya sa tiyak na kamatayan.
“Buti na lang at nabawi pa siya ng lola mo,” sabi ni Diego.
Lumipat ang paningin ko sa paanan ng higaan. “Tatlong taon muna ang lumipas bago siya nakabalik kay Lola. Sa mga panahong ’yon, mas lalong nalinang ang kakayahan niya.”
“Paano siya nakawala ro’n?”
“Tumakas siya. Mula no’n, palipat-lipat na sila ng lugar.”
“Hanggang sa mapadpad sila rito sa Quezon at dito na kayo namalagi nang matagal,” bigay-konklusyon niya. Matamang tumitig siya sa akin. “May kinalaman ba ’yon sa tatay mo?”
Humiga ako, tinakpan ng kumot ang katawan, at pumikit. “Pagod na ako. Gusto ko nang matulog.”
Hindi na siya umangal pa. Pinatay niya ang lampara. Nabalot ng dilim ang buong paligid.
Hindi siya sanay matulog sa papag. Narinig ko kasi ang langitngit ng papag tuwing kumukuha siya ng mas komportableng posisyon.
Maya-maya ay mahinang sabi niya: “Kanina pa tayo nag-uusap pero hindi ko pa alam ang pangalan mo. Ano’ng tawag sa ’yo?”
“Miranda,” halos pabulong na sambit ko.
“Miranda,” ulit niya. Tila sinasanay niyang paikutin ang katagang iyon sa bibig niya. “Maganda, bagay sa ’yo.”
Parang may humaplos na mainit na bagay sa dibdib ko. Dapat ba akong matuwa o mabahala dahil may ibang tao nang nakakaalam ng totoong pagkatao ko?