Kabanata 5 - Leksiyon

1824 Words
MATAAS NA ANG araw pagmulat ng mga mata ko kinabukasan. Nagtaka pa ako kung bakit hindi ako ginising ng pangungulit ni Imaran. Ugali nitong sumampa sa higaan, bugahan ng hininga ang tainga ko, at paliguan ng halik ang mukha ko kapag hindi pa ako bumabangon agad. Muling sinakop ng matinding lungkot ang damdamin ko. Iniwan na nga pala ako ni Imaran. Lumingon ako sa katabing papag. Wala na roon si Diego. Kahit mabigat ang katawan ay pinilit kong bumangon. Umupo ako at noon ko lang napansin ang ilang gamit sa lamesa. Inayos niya pa talaga iyon bago siya umalis. Nilinis ko muna ang sugat ko bago ako nagbihis. Pagkatapos, dumiretso ako sa kusina. May lutong pagkain na rin doon. Bakit kaya siya marunong ng gawaing bahay? Mayaman siya at kabi-kabila ang katulong nila. Dahil kaya iyon sa paninirahan niya sa ibang bansa?  Habang kumakain ay nag-iisip ako kung paano ako makakaganti sa mga kabutihang ginawa niya. Pero kahit gustuhin ko mang bumawi, malayong mangyari iyon. Magkaiba ang mundo namin, malabong makasalamuha ko siyang muli. Bitbit ang isang tasa ng kape, tumayo ako sa harap ng nakabukas na bintana. Muntik ko nang maibuga ang kapeng iniinom nang makita ko si Diego sa labas. Nagdidilig siya ng mga pananim. Hubad ang itaas na bahagi ng katawan niya. Suot-suot niya sa kaniyang ulo ang sombrerong panlaban sa init ng araw. Lumingon siya sa direksiyon nitong bahay, parang naramdaman niyang may nakatingin sa kaniya. Makaraan ang ilang sandali, nakita ko siyang naglalakad pabalik sa bahay. Animo’y tuod akong hindi makakilos. Nadatnan niya akong nakatayo pa rin sa tabi ng bintana. Lumiit ang mga mata niya pagkakita sa akin. “Puwede na bang ilakad ’yang mga paa mo?” “Marami akong dapat gawin,” depensa ko. “Mas kailangan mong ipahinga ’yan. Kaya nga ginawa ko na ang ibang trabaho mo.” Isinabit niya ang kaniyang sombrero. Napalunok ako. Ilang dipa lang ang layo niya kaya kitang-kita ko ang maskulado niyang dibdib. Kumikinang pa iyon dahil sa pawis. Bakit ba iba ngayon ang epekto niyon sa sarili ko? Ibinaling ko ang mata sa mukha niya at nahuli kong nakatitig din siya sa dibdib ko. Uminit bigla ang pakiramdam ko. Sa tingin ko, ganoon din siya. Napansin kong nagbago ang kulay ng mukha niya, parang namula. Doon ko lang napagtanto ang maaaring nakita niya. Wala akong suot na bra. Nasira na lahat kaya itinapon ko. Ito namang manilaw-nilaw na kamiseta ko, katulad ng suot kong pantalon, ay hapit pa. Dati ay maluwag ito pero tumangkad ako, lumaki ang dibdib, at lumapad ang balakang ko. Gusto kong takpan ng kamay ang dibdib ko ngunit mas lalong matatawag niyon ang atensiyon niya. Umakto na lang ako nang normal. “Hindi mo kailangang gawin ’yon, pero salamat.” “Maliit na bagay lang ’yon.” “Akala ko, nakaalis ka na.” “Nang hindi nagpapaalam?” “Bakit hindi?” “Well, mali ka. Hindi ako gano’ng klaseng tao.” Dumiretso siya sa banyo pagkasabi niyon. Kinuha ang nilabhang kamiseta at isinuot iyon habang naglalakad. “Aalis na ako. Baka nagkakagulo na sa bahay.” Mabilis na tiningnan ko ang dibdib ko habang nagbibihis siya. Halos tumirik ang mata ko sa aking nakita. Bakat na bakat ang pinakatuktok ng dibdib ko. “Tiyak na mapagagalitan ka dahil ’di ka umuwi nang walang pasabi,” kunwari ay balewalang saad ko. “Sanay na akong mapagalitan,” may langkap na pait na sabi niya. “Kaya mo na ba’ng mag-isa lang dito?” “Oo naman.” May pagpipilian ba ako? “Bakit hindi ka sumama sa akin? Do’n ka sa hacienda tumira,” sabi niya, parang nabasa ang tumatakbo sa isip ko. “Ano, bigla na lang akong susulpot do’n? ’Di ba magtataka ang mga kasama mo?” “Madali nang gawan ng paraan ’yon. Palabasin nating kamag-anak ka ni Nana Rosa. Siya ang nag-alaga sa akin no’ng bata pa ako.” Sunod-sunod na umiling ako. “Nasa panggagamot ang buhay ko. ’Di ko kayang talikuran ’yon.” “I’m afraid you’ll say that.” Inilagay niya ang mga kamay sa baywang niya. Buti na lang, pinanatili niyang nakatutok ang mga mata sa mukha ko. “Ibibigay ko sa ’yo ang isang baril na nakuha ko kahapon. Kailangan mo ’yon, lalo’t nag-iisa ka.” “Walang kuwenta ’yon dahil ’di ako marunong gumamit n’on.” “Tuturuan kita,” giit niya. Pumasok siya sa kuwarto. Doon niya itinago ang mga baril, sa ilalim ng kama. Sinamantala ko na rin ang pagkakataon, sumunod ako sa kaniya. Kumuha ako ng itim na kamisetang minana ko pa kay Lola. Walang manggas iyon, at dahil sa ilang beses nalabhan, lumuwag iyon at numipis. Puwede na rin sigurong panakip iyon. Napansin niya ang ipinatong kong kamiseta noong humarap siya sa akin. Pasimpleng dumaan sa dibdib ko ang tingin niya bago siya sumenyas na umupo ako. Tumabi siya sa akin. Itinuro niya kung paano maglagay at magtanggal ng bala, paanong buksan at sarhan ang aksiyon niyon, at pati na rin ang tamang pagkalabit ng gatilyo. “Ikaw naman.” Iniabot niya sa akin ang baril. “Iba kapag tinitingnan mo lang at iba rin kung ikaw na ang gagawa.” Ngumiwi ako. Ayaw kong hawakan iyon, baka iyon ang nakapatay kay Imaran. Naunawaan ni Diego ang gumuhit na disgusto sa mukha ko. “Wala tayong ibang pagpipilian, hindi puwede ang sa akin. Malaki ’yon, baka mahirapan ka.” Sandali siyang natigilan na para bang may mali sa sinabi niya. “Isipin mo na lang na para ito sa kaligtasan mo.” “Marunong akong gumamit ng pana.” “Mas mabilis ito kaysa sa pana.” Muli niyang iniabot sa akin ang baril. “Hindi ako aalis hangga’t ’di kita natuturuang gumamit nito.” Alanganing kinuha ko iyon. Malamig sa kamay ang bakal ng baril. Mabigat din iyon kompara sa pana. Madali ko namang natutunan ang mga itinuro ni Diego. Tumayo siya at tinanong ako kung kaya kong mag-ensayo ng paggamit ng baril sa labas. Kumuha siya ng bote sa kusina. Iyon daw ang susubukan kong tamaan. Pumunta kami sa likod-bahay. Pinatayo niya ang tatlong bote sa di-kalayuan saka siya bumalik sa tabi ko. May kaniya-kaniya kaming hawak na mahabang baril. Ipinakita niya ang tamang tindig sa pagpapaputok niyon. “Dalawa ang karaniwang tindig. Ito ang isa.” Nakaharap sa direksiyon ng tatamaang bote ang kaliwang balikat niya, nasa unahan din ang kaliwang paa. “Mas maaasinta mo ang target mo kapag ganito.” “Mukhang pareho lang pala kapag pana ang gamit mo.” Tumingin siya sa akin. “Pero mas madali ito. Mas sigurado.” Umiba siya ng tindig. Tumayo siya na magkahiwalay ang mga paa. Mga anim na pulgadang nasa likod ng kaliwa ang kanang paa. “Mas balanse ang ganitong tindig at mas maganda ito kapag gumagalaw ang target mo.” Pinagmasdan ko siyang mabuti. Hindi dahil sa gusto kong matuto. Masarap lang talaga siyang panoorin. Ang ganda kasi ng katawan niya. Malaki na, mukhang matigas pa. Napalundag ako sa nakabibinging ingay nang biglang pumutok ang baril. Ilang beses nagpabalik-balik sa loob ng tainga ko ang tunog niyon. Mabilis na lumipat ang mata ko sa inaasinta niya. Tinamaan niya iyong bote! Lumingon siya sa akin. “Nakuha mo ba ang itinuro ko?” “Ha? A . . . e . . . O-oo. Nakuha ko!” Tumango pa ako kahit hindi ko alam kung paano iyon. “Good! Sige, ikaw naman.” Tumayo siya sa bandang likuran ko. Kinagat ko ang aking ibabang labi. Ano nga ba ang dapat kong gawin? Bahala na! Inasinta ko ang isang bote at agad kinalabit ang gatilyo ng baril. “Tek—” pigil ni Diego. Huli na dahil pumutok na ang baril. Hindi ko napaghandaan ang pagsalpok niyon sa balikat ko. Nabitiwan ko iyon at napaatras pa ako. Tumama ang likod ko sa dibdib ni Diego. Awtomatikong pumulupot ang braso niya sa akin at lumagpak ang kaniyang kamay sa ibabaw ng dibdib ko. Kakaiba ang naramdaman ko. May dumaloy sa katawan ko na mahirap ipaliwanag. Akala ko nga, huminto ang pag-inog ng mundo. Pareho kasi kaming nanigas at ilang saglit kaming natigilan. Walang nakakilos sa amin bago ko narinig ang mahinang ungol niya na para bang may masakit sa kaniya. Halos sabay kaming kumalas sa isa’t isa. “Nasaktan ka ba?” tanong niya. Hindi siya makatingin sa akin. Umiling ako. “Nagulat lang talaga ako.” “Alam mo’ng mali sa ginawa mo?” Medyo marahas ang tono ng boses niya. “H-hindi.” “Hindi ka kasi gaanong bumukaka!” Pumikit at humugot siya ng malalim na hininga. “I mean—” “May masakit ba sa ’yo?” Tingin ko, namimilipit siya. May narinig akong mahinang ungol mula sa lalamunan niya. “Baka may maitulong ako?” “Wala! Walang masakit sa akin.” Lumakas ang boses niya. Nagtatakang tinitigan ko siya. May kakatwa talaga sa ikinikilos niya. Tumalikod siya. Dinampot niya ang nabitiwan kong baril at iniabot sa akin. “Subukan uli natin,” utos niya. “Sige, pero ’yong unang itinuro mo na lang ang susundin ko. Mas sanay ako ro’n.” “Mabuti pa nga,” sang-ayon niya. “Pero huwag mo munang kalabitin ang gatilyo. Maliwanag?” “Sinabi mo, e.” Ginaya ko ang tindig niya kanina. Sinuri niyang mabuti ang bawat anggulo ng porma ko. Kamay. Braso. Balikat. Paa. Binti. Hita. Lahat na! Kaya naman, butil-butil na pawis ang namuo sa noo ko. Ewan ko ba, pero para akong kinikiliti habang pinagmamasdan niya. Inayos niya ang kamay kong nakahawak sa kalagitnaan ng baril. Tiningnan niya rin ang kabilang kamay ko. Ibinaba niya nang kaunti ang siko ko at kung ano-ano pa hanggang sa sumenyas siya na puwede ko nang kalabitin ang gatilyo. Mas handa na ako ngayon. Hindi ko nga tinamaan ang inaasintang bote, pero nanatiling hawak ko pa rin ang baril. Masayang humarap ako kay Diego. “Puwede na ba?” Ngumiti siya. “Kahit ’di mo tinamaan, puwede na.” Nakailang subok pa ako. Lahat pumalya. Pero ang pinakahuling tira ko, malapit-lapit na sa pinupuntirya ko. Hinagod ng hintuturo ni Diego ang baba niya. “Not bad. Kung malaki ang target mo, siguradong tatamaan mo na ’yon.” Sumaya ako dahil sa simpleng papuri niya. Bumalik kami sa bahay. Nag-aalangang nagpaalam siya. Susubaybayan ko pa sana siya hanggang sa mawala siya sa paningin ko, ang kaso, baka naman magmukha ako nitong kawawa. Nakabibingi ang katahimikang sumalubong sa akin sa loob ng bahay. Talagang nag-iisa na lang ako. Pinatatag ko na lang ang aking kalooban. Walang mabuting idudulot kung hahayaan kong igupo ako ng mga pagsubok sa buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD