Kabanata 6 - Sorpresa

1741 Words
KATATAPOS KO LANG magtatadtad ng ugat ng halaman. Sinisikap kong maging abala sa lahat ng oras para malibang ang isip ko. Nakababaliw na walang kasama. Kaya nga pati ang alaga kong manok ay pinagtiya-tiyagaan kong kausapin, marinig lang ang boses ko. Lumipat ako sa bahay. Naglilinis ako nang makarinig ako ng malakas na hiyaw. Kilala ko ang boses na iyon at may hinala ako kung bakit sumigaw si Diego. Nakapagtataka lang na may iba pang ingay na sumasabay sa pagmumura niya. Iiling-iling na isinuot ko ang itim na kapa. Dali-dali kong sinundan ang pinagmulan ng sigaw. Humalukipkip ako nang makita ko si Diego. “Ano pa’ng tinatayo-tayo mo riyan? Tulungan mo akong makawala rito!” Nakabitin siyang patiwarik sa sanga ng puno. Natapakan niya ang ginawa kong patibong para walang makalapit sa bahay. “Inuutusan mo ba ako?” “Miranda, puwede ba, huwag kang magbiro nang ganiyan!” Sasagot na sana ako nang may kumahol. Nagtataka akong napatingin sa hawak niya—isang maliit na asong kulot-kulot ang balahibo. Pinaghalong kape at puti ang kulay niyon. Wala sa loob na kinuha ko iyon. “Ano ito?” “Puwede bang ibaba mo muna ako bago ka magtanong?” iritableng utos niya. Agad na inilapag ko ang aso at kinuha ang patalim na nasa gilid ng bota ko. Hinila ko si Diego pababa para maabot ang lubid. Pabalik-balik na pinadaanan ko ng patalim ang lubid hanggang sa mapatid iyon. Lumagapak siya nang bumagsak sa lupa. Tumayo siya. Panay ang mura niya habang pinapagpag ang duming kumapit sa damit niya. Kumahol naman nang kumahol ang aso niya nang makawala siya. Natuwa siguro iyon. “Stay!” utos ni Diego, nakaharap ang palad sa aso. Huminto naman ito at umupo pa. Humarap siya sa akin at nagtama ang aming paningin. Ngayon ko lang nalaman na nakakapagpalambot ng tuhod ang matinding titig ng isang lalaki sa isang babae. Yumuko ako para makabawi ng lakas. Ibinalik ko ang hawak na patalim sa bulsa ng bota ko. “Bakit nandito ka?” “Well, magandang hapon din sa ’yo,” sarkastikong sabi niya. “Galit ka?” mahinahong sabi ko. “Hindi ko alam na pupunta ka rito ngayon. Kung alam ko lang, sana nabalaan kitang may mga patibong akong inilagay sa paligid ng bahay. Pasensiya na, kailangan kong gawin ’yon. Wala na kasi si Imaran.” Unti-unting nabura sa mukha niya ang pagkayamot. “I’m sorry. Tama ka, kailangan mong mag-isip ng paraan para iligtas ang sarili mo. Pero hindi ako galit sa ’yo. Naasar lang ako dahil naisahan ako ng babae.” Gumuhit ang ngiti sa mga labi niya. Sinagot ko iyon ng mas matamis na ngiti. “Napasyal ka? At bakit may dala ka pang aso?” “Alaga ko ’yan no’ng nando’n ako sa Australia.” “Alaga?” Natatawang tiningnan ko ang aso. Hindi bagay sa kaniya ang ganoong alaga. Ang laking tao niya at brusko pa; samantalang itong aso niya, maliit na, mukha pang tanga. Ngumisi siya na para bang alam niya ang nasa utak ko. “Katulad ni Imaran sana ang gusto ko, kaso no’ng nakita ko siya, nahirapan akong tanggihan siya.” Sabay naming tiningnan ang nasabing aso. Inosenteng ikiniling nito ang ulo sa kaliwa. Lumawit pa ang dila nito. “O, ’di ba? Mukhang kawawa?” tanong ni Diego. Tumawa naman ako. “Saan mo ba nakuha ’yan?” “Sa bahay ng mga asong naabandona. So, payag ka nang dito siya tumira?” Bigla akong humarap sa kaniya. “Ano? Wala akong sinasabing ganiyan, ha! At saka, ano’ng gagawin ko riyan? ’Di ’yan sanay mamuhay sa ganitong lugar.” “Walang mag-aasikaso sa kaniya sa hacienda. ’Di niya makasundo ang mga tao ro’n. Tapos, maaga pa lang ay umaalis na ako at halos gabi na kapag umuuwi ng bahay,” paliwanag niya. Inginuso niya ang alagang aso. “Hindi man ’yan kasinlaki ni Imaran pero magaling na bantay ’yan. Malayo pa lang, naaamoy niya na kapag may ibang tao.” Napaisip ako. Iyon ang kailangan ko, iyong magbibigay ng babala sa akin kapag may tao sa paligid. Mahirap umasa sa patibong lang. Isa pa, sagabal din iyon. Katulad ng nangyari kagabi, alaga kong manok ang nasilo at kahit madilim ay lumabas ako ng bahay para pakawalan iyon. “S-sige. Madalas namang nasa bahay lang ako. Tuwing Biyernes lang ako bumababa ng bayan.” Lumapad ang pagkakangiti niya. “You’ll never regret it. Masayang kasama si Diva.” “Diva ang tawag mo sa kaniya?” Tumahol si Diva pagkarinig ng pangalan nito. Tumango si Diego at hinarap si Diva. “Show her some of your tricks, Diva.” “Teka, teka! Kailangan ko pang magsalita ng . . . ng—” “Ingles?” Tumawa siya. “Hindi. Nakakaintindi siya ng mga hand signals . . . senyas ng kamay.” Nakahinga ako nang maluwang. Pero tinandaan ko na rin ang mga ginagamit niyang salita kay Diva. Mali ako ng akala noong una, bibo rin naman pala ito. “Gusto mong pumasok sa loob?” alok ko. “Sure, para masabi ko na rin kung paano pakakainin si Diva.” Tumaas ang kilay ko. “May gano’n?” Ngumisi lang siya. Nang nasa bahay na kami, inilabas niya isa-isa ang mga gamit ni Diva sa sisidlang dala niya. Napatunganga ako. Mas maganda pa ang kainan nitong aso kaysa sa plato ko. Ang kulay at disenyo, pambabae. Naghihinalang napatingin ako kay Diego. ’Di kaya . . . “Bakla ka, ano?” bulalas ko. Humalakhak lang siya nang malakas. “Alam kong ’yan ang sasabihin mo.” “Kahit babae si Diva, siguro naman, hindi ganiyang klaseng gamit ang bibilhin mo kung talagang lalaki ka.” “Hindi ako ang bumili niyan. ’Yong kakilala ko.” “Nobya mo?” Ewan ko kung bakit may naramdaman akong hindi maganda, iyong akala mo, may inagaw sa akin. “Hindi. Pero may ginagawa kami na dapat mag-asawa lang ang gumagawa.” Tumaas ang isang gilid ng labi niya. “Ngayon, duda ka pa ba sa p*********i ko?” “Puwede ba ’yon?”Uminit ang pisngi ko. “Balo ’yon at ayaw niyang matali uli sa isang lalaki.” Tumitig siya sa akin nang diretso. “Walang kondisyon ang relasyon namin. Naibibigay ko ang kailangan niya at nakukuha ko rin ang gusto ko sa kaniya. Hindi kami nagsasama. Pumupunta siya sa tinitirahan ko, aalis din pagkatapos n’on.” Tumalikod ako sa kaniya para itago ang pagkabigla. Nagulo ang inosente kong mundo! “Kukuha ako ng maiinom.” Dumiretso ako sa kusina at kumuha ng isang basong tubig. Iniabot ko iyon kay Diego. Pagtingin ko sa lapag, may mga de-lata at pagkaing nasa kahon sa tabi ng mga gamit ni Diva. Nagkamali yata ako ng pagtanggap sa asong iyon. Masyado palang maarte iyon. “Saan ako kukuha ng ipapakain kay Diva kapag naubos na ’yang dala mo?” “Akong bahala ro’n. ’Di ko naman sinabing sagot mo pati pagkain niya.” May inilabas siyang malambot na bagay na kulay rosas. “Ano ’yan?” “Higaan ni Diva. Ipinasadya ito ng kakilala ko.” Aso ba talaga ito o prinsesa? Ako nga, papag lang. Si Diva, de- kutson pa. May ilalabas pa sana si Diego pero nagdalawang-isip siya at muling isinuksok iyon sa loob. “Bakit ’di mo pa inilabas ’yon?” nagtatakang tanong ko. Yumuko siya. Guniguni ko lang ba o talagang iniiwas niya ang mukha sa akin? “Mamaya na. Ikaw na lang ang tumingin niyan. Ang importante lang naman sa dala ko ay itong pagkain.” Itinuro niya ang mga pagkain sa lapag. “Sa umaga ko pinapakain ng de-lata si Diva. Sa tanghali at gabi, itong dry food lang.” “Maselan pala itong alaga mo. Sana pagbalik mo, buhay pa siya.” Tumawa siya. “Kaya mo ’yan,” pampalakas-loob na sabi niya, hinagod pa ang likod ko. Kaya naman pala siya hinahabol ng mga babae. Biro mo, hagod pa lang, tumataas na ang balahibo ko. Nagtagal pa siya nang ilang sandali sa bahay. Kung hindi ko pa ipinaalalang malapit nang dumilim, hindi pa siya uuwi. Pinakain niya muna si Diva bago siya umalis. Madali lang naman pala. Ang akala ko, kailangan ko pang subuan ang maarteng aso niya na alaga ko na ngayon. Nagluto ako pagkaalis ni Diego. Matapos maghapunan ay umupo ako sa sala. Noon ko naalala ang sisidlang dala ni Diego. May ibang gamit pang naroon. Kinuha ko iyon at sinimulang ilabas ang laman niyon. Laruan lang pala. Luma na ito, paborito sigurong kagat-kagatin ni Diva. Sumilip ako at nakita kong may isang supot pa sa loob ng sisidlan. Inusyoso ko ang laman at lumaki ang mga mata ko nang mapagtanto ko kung ano iyon. Nanggagalaiting kinuyumos ko iyon. Bastos iyon, a! Sinilip kong muli para makasiguro. Hindi ako nagkamali. Talagang bra ang laman niyon. Inihagis ko iyon sa inis. Si Diva na tamad na nakaupo sa tabi ko ay naging alerto. Mabilis nitong hinabol iyon. Bumalik itong kagat-kagat iyong supot at saka nito pinakawalan iyon sa kandungan ko. Kumahol ito at pabalik-balik na tumakbo sa harapan ko. Gusto nitong ihagis ko uli iyon. Akala nito, nakikipaglaro ako. Napahagikgik ako. “Nagmana ka sa amo mo!” Pinagbigyan ko si Diva. Inihagis kong muli ang supot at agad din nitong ibinalik sa akin iyon. Paulit-ulit naming ginawa iyon hanggang sa mapagod ito. Tuluyan nang lumamig ang ulo ko. Kinuha ko ang supot ng bra at noon ko lang napansing mayroon pang ibang laman iyon. Nang bulatlatin ko, mga panty pala. Ano ang akala ni Diego sa akin, hindi nagpa-panty? Magagalit na sana ako, kaso napuna kong pareho ang tela, kulay, at disenyo nito sa mga bra. Buong paghangang hinaplos ko ito. Ngayon lang ako nagkaroon ng ganito karangyang gamit. Siguradong mahal ito. Bukod sa maganda, ang lambot pa ng tela. Dali-daling naghubad ako at isinuot ang isang pares. Kuhang-kuha ang sukat ko. Tamang-tama lang ang kapit ng panty sa baywang ko. At ang bra, eksakto rin. Dahil kaya sa nahawakan niya ang dibdib ko kahapon? Inilagay ko ang kamay sa nag-iinit na pisngi ko. Ano ang gagawin ko kapag nagkita kami? Magpapasalamat o patay-malisya na lang?  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD