MULA NANG DUMATING si Diva, parati nang bumibisita si Diego sa amin. Paiba-iba nga lang ang oras ng pagdating niya. Minsan, sa umaga pero mas madalas sa hapon. Hindi ko na nakuhang magpasalamat pa sa bigay niya. Nahihiya akong banggitin iyon. Pagsapit ng Biyernes, ako lang mag-isa ang pumunta sa bayan. Nag-aalangan akong iwan si Diva, pero sabi ni Diego, sanay itong walang kasama sa bahay. Ganoon daw ang ginagawa niya noong nasa ibang bansa siya. Tulad ng dati, dumiretso ako kina Aling Lina. Naroon ako nang dumaan sa tapat ng tindahan niya ang kalesa nina Doña Claudia. Palihim kong sinundan iyon ng tingin. Kasama nila si Diego, pero nakasakay siya sa kabayo niya. Pagbaba pa lang ni Diego ng kabayo ay pinalibutan kaagad siya ng mga dalaga rito sa bayan. Kinausap niya ang lahat bago nagpa

