DAHIL MASAYA AKO, naging masigla ang lahat ng naririnig ko sa paligid—ang huni ng mga ibon, ang pagaspas ng dahon sa mga sanga ng puno, ang pagsalpok ng rumaragasang tubig sa batuhan, at ang bulong ng hanging dumadampi sa aking mukha. Sumasabay sa taginting ng tawa ko ang tunog na likha ng tubig nang tumama roon ang mga paa ko. Malaking ginhawa ang agad kong naramdaman nang lumusong at languyin ko ang ilog. Sumisid ako sa ilalim niyon at ikinampay nang mabilis ang mga paa’t kamay. Tiyak kong ilang dipa lang ang layo ko kay Diego. Pumaimbulog ako pataas upang makasagap ng hangin. Maya-maya lamang ay kumapit ang kamay ni Diego sa paa ko. Gumapang iyon pataas sa binti . . . sa hita . . . sa balakang . . . hanggang sa baywang ko. Tumalsik ang tubig sa aking mukha nang umahon si Diego sa mis

