KAUUWI LANG NAMIN ni Nana Rosa nang may marinig kaming ingay sa labas. Nakapagtatakang may kumakanta at tumutugtog ng gitara sa ganitong oras. Binuksan ni Tatang ang bintana. “Aba! Hinaharana ka nina Lucas, Miranda,” masiglang sabi ni Tatang. “Ako ho, hinaharana?” di-makapaniwalang tanong ko. “Siyempre, ikaw. Alangan namang ako,” pabirong sagot ni Nana Rosa. Hinila niya ako papunta sa tabi ni Tatang. Si Lucas nga. Napakasimpatiko niyang tingnan sa ayos niya ngayon. Mukhang pinaghandaan niya ang pagdalaw rito. Nagpahid siya ng pomada sa buhok. Nakaalmirol pa ang puti niyang polo. Kumikinang ang sapatos niyang itim nang tumama roon ang liwanag ng ilaw. Inaalalayan siya sa pagkanta ni Mario at ng dalawang lalaking ipinakilala sa akin noon. Umabot hanggang tainga ang ngiti ni Lucas nang m

