“MABUTI’T GISING KA na. Tamang-tama, ikaw na ang magbigay nito kay Lucas.” Iniabot ni Nana Rosa ang isang tasa ng kape. “Nandito ho siya?” tanong ko. “Nasa likod ng bahay,” sagot niya habang naglalagay ng pandesal sa plato. “Hindi ko pa nga natatanggal ang muta ko sa mata, narinig kong nagsisibak na siya ng kahoy.” “Bakit ho niya kailangang gawin ’yon?” Nagningning ang mga mata niya. “Naninilbihan. Gano’n talaga kapag masigasig ang isang manliligaw.” Nakaawang ang labing tumango ako. Mukha ngang masugid ang ginagawang panunuyo ni Lucas. Kung katulad sana ito ni Diego, ang saya ko sana ngayon. Pero ganoon yata talaga ang buhay, hindi lahat ng gusto ay ibibigay. Minsan ay nanunutil pa ang tadhana dahil kung ano ang ayaw mo ay siya pang nagsusumiksik sa iyo. “Dalhin mo na rin itong pand

