Lumipas ang mga buwan. Walang kaalam- alam si Lara sa mga nangyayari sa asawa.
Buwan ng kapanganakan ni Gio ang buwan ng Setyembre. Nais ng bata na lumabas sila para maligo sa dagat. Kilala ang Aklan sa pagkakaroon ng mga magagandang beach resort lalo na ang Boracay Island kung saan maraming mga turista ang dumadayo doon taon-taon.
Habang kumakain ang pamilya Ledesma, si Melinda ay nagmungkahi sa mag-asawa.
"Greg magpunta naman tayo ng Malay."
Ang Malay ay ang isla kung saan naroon ang Boracay beach.
“Ma, malayo para kay Gio, baka malula ang bata sa alon pag tawid doon,” ang katwiran ni Greg.
“Kahit saan na resort huwag lang tatawid ng dagat, Ma," ang biglang bawi ni Greg.
“O sige. Kayo bahala,” ang sagot ni Melinda.
“Ma, hayaan mo maghahanap ako ng magandang resort para sa birthday ni Gio," ang sabi ni Lara sa biyenan.
“Are we gonna swim, Mommy?” masiglang tanong ni Gio.
“Of course we will. Hindi ba, Dad?
Dad’s gonna be a shark. He will swim after you," pabirong sabi ni Lara sa anak.
Iyon ang laging laro ng mag ama sa tuwing maliligo sa beach. Masaya si Gio sa tuwing nakikipaglaro ang ama sa kaniya.
“My birthday’s gonna be a happy day, Lola," ang masayang sinabi ni Gio kay Melinda.
“Oo naman, magiging masaya 'yon. Magsusuot ng swim suit ang lola para kay Gio," pabirong sabi ni Melinda.
Nagtawanan ang pamilya dahil sa masaya ang usapan nila.
Maya-maya ay tumayo si Lara, tumungo sa refrigerator. Kukuha sana siya ng tubig dahil ubos na ang tubig sa mesa. Umilaw ang phone ni Greg, nag pop up ang messenger nito.
[ Hi! Daddy. Kumain ka na?] TINA
Kinabahan si Lara, at binasang mabuti.
[HI! DADDY. KUMAIN KA NA?] TINA.
Ang akalang namamalik mata lamang siya ay hindi pala. Totoo ang mensaheng nabasa niya.
Nagsimulang manlamig ang pakiramdam ni Lara. Tila biglaang bumagsak ang temperatura sa katawan niya, malamig na malamig ang mga dulo ng daliri niya sa kamay pababang paa, unti-unting nanginginig ang katawan niya.
Hindi makaimik si Lara, isinara ang ref, dahan-dahan naglakad patungong mesa. Inilapag ang pitsel na may tubig ng mahinahon. Tumalikod ito at pumasok sa banyo. Hinahabol ni Lara ang paghinga. Sumisikip ang dibdib na hindi maipaliwanag kung saan nanggaling ang pakiramdam niyang iyon. Kinakabahan, nababalisa, natatakot.
Hindi malaman kung magagalit o magwawala?
Huminga siya ng malalim, pinaandar ang gripo ng tubig. Malalim na malalim na paghinga. Sinadyang paandarin ang tubig ng hindi siya marinig ng mga kasama na humihingal dahil naninikip ang dibdib nito.
"Enhale 1,2,3, exhale… Lara, kalma ka lang. Huwag kang sisigaw! Kalma!" paulit-ulit na pakiusap ni Lara sa sarili.
Maya-maya ay lumabas ito ng banyo ng biglang may bumagsak sa sahig.
“Mommy!" ang sigaw ni Gio sa ina nang bumagsak si Lara sa sahig, nawalan ito ng malay.
Dali-daling tumayo si Greg at binuhat ang asawa, inihiga sa sofa, at sinusubukang gisingin.
Hindi ito nagigising.
“Ma ang susi ng kotse!” ang sigaw ni Greg kay Melinda.
Iniabot sa kanya ang susi at binuhat ang asawa patungo sa sasakyan. Umiiyak si Gio sa takot na kung napano ang ina. Niyakap ni Melinda si Gio at pinatatahan.
Umalis na ang sasakyan, mabilis ang pagpapatakbo ni Greg dito habang bumubusina ng tuloy-tuloy para mabigyan sila ng lugar sa kalsada. May malapit na ospital sa kanila, ang St Gabriel Hospital.
Doon dinala sa emergency room si Lara.
Takot si Greg. Sobrang nag-aalala kung napaano ang asawa.
Habang naghihintay si Greg na suriin ng doctor ang asawa ay may lumapit na nurse sa kanya.
Tinanong siya kung napano ang asawa niya, kung may sakit ba ang asawa niya. Binigay naman ni Greg ang mga detalye sa nurse. Wala siyang alam, kahit siya mismo nabigla rin sa nangyari at basta na lamang itong natumbang hindi niya alam ang dahilan.
“Sir, ang sabi ni dok, ay isasailalim natin sa laboratory test si misis, kasama na doon ang blood serum test. Titingnan po kung nagdadalang tao po si maam.”
Natahimik si Greg at kaunting kumalma. Maya-maya ay tinawag siya ng doctor.
"O Greg, wag ka na mag-aalala sa kalagayan ni Lara. Hintayin natin ang result ng laboratory niya, nagkamalay na siya, maari mo nang puntahan,” anito sa kaniya ni Doctor Lopez ang malapit na kababata ni Greg.
Lumapit si Greg kay Lara na nakahiga sa hospital bed ng emergency room. Umiiyak ito ng makita ang asawa sa kalagayang 'yon.
“Mommy, napano ka ba?” nag-aalalang tanong ni Greg sa asawa.
Hindi umimik si Lara, naalala niya ang nabasa sa phone ni Greg. Tinatanong niya ang sarili kung sino si Tina?
Hindi niya maalala kung nakilala na ba niya ang babaeng iyon?
Kumikirot ang puso ni Lara, nais nitong umiyak, subalit ayaw niya pangunahan ng ang mga bagay na hindi sigurado.
Baka lalong masira ang tiwala niya sa asawa.
Nais niyang makuha ang cellphone ni Greg.
Nais niyang malaman kung sino si Tina at taga saan ito? Ano ang relasyon nito kay Greg?
Bakit dad din ang tawag sa asawa niya?
Gusto niyang maging positibo na hindi para sa asawa niya ang mensaheng iyon.
Marahil hindi iyon para kay Greg, matagal na panahon ng nagbago ang asawa niya. Kahit babaero ito noong kabataan niya, ay alam niyang mapagkakatiwalaan na ito mula ng ikasal sila.
NAKATINGIN lang sa sulok si Lara, habang nasa tabi ang asawa.
Hindi na rin umimik si Greg, sa halip sumandal ang ulo nito sa braso ni Lara. Malaki ang pag-aalala niya sa sinapit ng asawa.
Lumipas ang isang oras at dumating si Doctor Lopez para mag-update ng lab results ni Lara.
“Oh, Greg! Ano na 'yan magiging kuya na si Gio," malakas ang boses ni Doc, natahimik si Greg.
Hindi makapaniwala na magiging tatay ulit.
Tiningnan niya ang asawa, naluluha si Greg na lumapit kay Lara. Yumakap siya dito at bumulong.
"Thank you, Mommy."
Samantalang si Lara naman ay umiiyak. Umiiyak sa sakit na nararamdaman dahil sa takot na nambababae si Greg. Nakakuha ng pagkakataon si Lara na ibuhos ang emosyon nito sa oras na iyon. Mabigat ang kanyang dinadalang sama ng loob.
Nais nitong humagulhol subalit nakakahiya dahil halos kakilala din nila ang mga staff sa Emergency Room, ayaw niyang isipin ng lahat na may dinadala siya.
Kinakailangan niyang ilihim kung anuman ang pinagdadaanan niya sa pagkakataong ito.
Nahahabag si Lara sa sarili, lalo pa at nagdadalang tao ulit siya. Natatakot para sa kalagayan ng anak. Ipinapanalangin ni Lara na sana ay mali ang akala niya, dahil kung magkataon hindi niya Ito mapapatawad.
Nakikita niya sa mga mata ng asawa kung gaano ito kasaya.
Alam niyang matagal na nila gustong magkaroon ng kapatid si Gio. Ngayong ibinigay na. Bakit nalulungkot siya? Bakit hindi niya madama ang ligayang dapat ay maramdaman niya?
Sa panahon pa ba ng pagdududa nasabay ang pagtanggap nila sa bagong anghel sa buhay nila?
Iniisip ni Lara na sana ay hindi si Greg ang tamang tao na tatanggap ng mensahing iyon mula kay Tina.
Kung sino man si Tina, hiling nito sa isip na makilala at ng makasiguro na walang ibang babae ang asawa niya at si Greg ay nagseryoso na sa buhay may asawa.
Umiiwas na sa anumang tukso na dadating sa pagsasama nilang dalawa.
Umaasa siya.