Nakagat ko ang labi ko kasabay ng pagpikit ko ng mariin. Parang ayaw ko ng ibigay ito sa kanya. Nakakainis!
Pero kailangan… Kailangan kong ibigay ito at magpasalamat sa kanya sa ginawa niyang pagtulong sa presentation na ginawa ko. Hindi kasi ako nakapagpasalamat kagabi kasi nga ay kasama namin ang mga kaibigan namin. Hindi naman kasi nila alam na si Neo ang tumulong sa akin. Ayaw ko ding ipaalam dahil baka maging issue pa.
Ako si Adaline Roa. Para saan pa’t naging sikat ako sa pagiging matapang dito sa school kung pati pagbibigay lang ng cupcakes na ito ay hindi ko pa magawa?
Agad siyang lumingon mula sa pagpupunas ng mesa nang binuksan ko ang glass door at agad na tumunog ang chimes.
Naroroon din sa counter ang kaherang si Diane na agad ding ngumiti sa akin at bumati.
“Good morning, maam!”
Nginitian ko lang siya at dumiretso na ako sa kung nasaan si Neo. Aalis pa sana siya sa pwesto niya pero agad na akong humarang sa daraanan niya.
Pinagtaasan niya ako ng isang kilay.
“Uh…”
“Oorder ka? Doon ka sa cashier,” iritado niyang sabi.
Kumunot ang noo ko. Bakit parang galit siya? May kasalanan ba ako? Kung meron man, bakit parang hindi ko alam?
“H-hindi… Uh, dumaan lang ako para sana ibigay sa ‘yo ito,” sabay pakita ko sa box na hawak ko.
“Psh…” Tiningnan niya lang ‘yon saglit saka agad na nag iwas ng tingin. Kulang na lang irapan niya ako at kumpirmado ko na talagang galit nga siya sa akin.
Muling kumunot ang noo ko.
“Teka… Galit ka ba sa akin?”
“Obvious ba?”
Aba! At hindi niya dineny!
“Anong kasalanan ko sa ‘yo at bakit ka galit?”
Tumingin siya sa akin at umayos ng tayo. Binasa niya ang labi niya at ‘yong awra niya, parang handang-handa na sa laban, e!
“Hindi mo sinabi sa akin na hindi pala kami mag g-golf! Magkasama na tayo kagabi pero hindi mo pa rin sinabing bar hopping pala ang magyayari! At saka sinadya mo ba ‘yong kagabi na ganoon ang isuot ko?”
Ahh! Sa iyon pala ang pinagpuputok ng buchi niya.
“Hindi ko sinabi kasi ayaw kong mangialam! Plano ‘yon nina Dwayne. I don’t wanna be involved, okay? I don’t want to spoil his night! At saka bakit? Anong meron sa suot mo? Hindi ba nga ay ayos naman ‘yon?”
Ang gwapo mo nga sa suot mong ‘yon, e!
“Yeah! Dahil sa suot kong ‘yon, halos ayaw na akong pauwiin ng mga babae sa mga bar na napupuntahan namin! Lagi akong dinudumog!”
Teka… Is he saying na sobrang gwapo niya kagabi? Is he really mad or just simply bragging?
“Hindi ko naman sinabi kasing ‘yon ang suotin mo!”
“Tss!”
“Edi sorry na. Saka ito, tanggapin mo na ‘to at male-late na ako sa klase ko. Pasasalamat ko ‘yan sa ‘yo kasi tinulungan mo ako sa presentation namin.”
Iniabot ko sa kanya ‘yong box pero hindi pa rin niya tinatanggap.
“Ayaw mo ba?”
Galit pa rin ang mga titig na ipinupukol niya sa akin.
“I doubt na ikaw ang gumawa niyan.”
“Hindi nga! Iyong personal maid ko ang gumawa. Pero huwag kang mag alala, pinapaaral ko ‘yon ng baking kaya siguradong masarap ang mga cupcakes na ‘to.”
Tumango siya at sa wakas ay tinanggap ang box na hawak-hawak ko.
“Sa dami ng ginawa kong pabor sa ‘yo, cupcakes lang ang ibibigay mo? Akala ko ba mayaman ka?”
Kumunot ang noo ko. Anong pabor? Iyong sa presentation lang naman niya ako tinulungan.
“Hindi ka yata nag iwan ng sticky notes sa desk mo. Wala kayong assignment?”
Kunot na kunot pa rin ang noo ko. Hindi ko maintindihan ang sinasabi niya at matagal ko ‘yong pino-proseso.
Umangat ng bahagya ang gilid ng labi niya. “Pumasok ka na male-late ka na.”
Habang kunot-noong nakatingin ako sa kanya ay parang mas lalo akong nawawala, mas lalong hindi ko ma-proseso ang mga sinasabi niya. Is it because he’s way too handsome?
“Neo, may delivery pala ngayon. Wala akong ma-book na rider, e. Urgent pa naman, pwede bang ikaw na lang muna ang mag-deliver?”
Pareho kaming napalingon ni Neo kay Diane.
“Walang problema. Wala pa rin naman masyadong customer…” Tiningnan niya ako. “Akala ko ba male-late ka na?”
“Ha? Ah, oo!”
Sumimangot ako at tinalikuran na siya.
Palabas na ako ng café nang narinig ko siyang nagsalita.
“Huwag mong gagalawin ‘yan ah?!” may pagbabantang sabi niya marahil kay Diane. Lilingon na dapat ako pero nakita kong papasok sina Brooklyn at Clara sa school kaya nagmadali na ako para maabutan sila.
“Oh, Ada!” si Brooklyn.
“Saan ka galing? Ngayon ka lang dumating?” kunot noong tanong ni Clara at nagawa pang lumingon sa likuran ko.
“May dinaanan lang saglit. Oo nga pala, Brook iyong gift ko sa ‘yo.”
Kinuha ko sa tote bag ko ang regalo ko kay Brooklyn.
“Oh. My. God! I can’t believe nabili mo nga, Adaaaa! Sobrang saya kooo!” halos maiiyak na sambit ni Brooklyn.
Hindi na siya naghintay pa na makarating sa classroom niya at kahit nasa field pa lang kami ay binuksan na niya ang regalo ko.
“Pinuntahan namin ‘yong store kagabi. Out of stock na agad sila,” sambit pa ni Clara.
“Purple pa talaga ‘yong binili mo! Hindi ko pa birthday pero feeling ko birthday ko na agad ngayon!” Naiyak na talaga siya. Natatawa na lamang namin siyang pinanood ni Clara.
“OMG, girls! Look at what Brooklyn’s holding!”
“It’s the latest phone from minkapp store!”
“Iyong latest? As-in ‘yong tig 650,000?”
“Legit? Baka naman fake lang ‘yan!”
“Si Adaline Roa ang nagbigay kaya paanong magiging fake?”
“Kung sabagay, afford nga niyang bumili ng bag na worth 1 million, ‘yan pa kaya?”
“Ang swerte ni Brooklyn!”
“Tss… Mayabang talaga ang Adaline Roa na ‘yan kahit kailan!”
Kunot noong nilingon ni Clara ang grupo ng mga estudyanteng naririnig naming nagbubulungan may ‘di kalayuan sa pwesto namin.
“Can’t you just for once… Be happy and celebrate with others? Hindi ‘yong inggit na nga kayo, naninira pa kayo!”
“Sinong inggit? Afford din naman naming bumili ng ganyan no! FYI, hindi lang kayo ang mayaman sa school na ‘to!”
Kaya pala rinig na rinig namin ang bulungan kasi grupo pala ‘yon nina Raya. Iyong tagapakalat ng mga chismis dito sa school. Kapag ang isang balita ay umabot sa kanila, asahan mong hindi pa nangangalahati ang araw alam na agad ng lahat ng estudyante sa paaralang ‘to! Ganyan sila kabilis at kagaling!
“Edi bumili kayo!”
“Clara, hayaan mo na! Huwag mo ng patulan,” awat ko kay Clara.
“Yeah. Not worth it!” dagdag pa ni Brooklyn. “Inggit lang ‘yang mga ‘yan.”
“Nakakainis! Ang aga-aga!” ani Clara at nauna ng maglakad.
Hindi kami pareho ng klase ngayon dahil magkaiba kami ng schedule and the worst part? kaklase ko si Raya ngayon.
Wala pa ang professor namin kaya tahimik na muna akong naghintay sa labas ng classroom. Ayaw kong pumasok kasi alam kong pag iinitan ako nina Raya. Lalo pa at nasagot siya ni Clara kanina. Siguradong hindi pa humuhupa ang galit niya.
Pero kahit pala nasa labas na ako ay wala akong ligtas sa bibig niyang ubod ng sama!
“Look who’s here! It’s Adaline the great! Siya ‘yong nag regalo ng latest minkphone sa kaibigan niya! And she even bragged it to everyone!”
Kumunot ang noo ko. I didn’t brag it! Wala rin akong planong ipagmayabang ‘yon. Why is everyone making it a big deal?
“Oh? Why are you silent? Don’t you wanna save yourself?”
Nagtaas ako ng isang kilay. Naiinis ako pero pilit kong pinapakalma ang sarili ko. Iniisip ko na lang, hindi sila worth it patulan.
“Raya, hayaan mo na lang ‘yan siya. Ganyan naman talaga ‘yan palagi! Arogante! Ang liit ng tingin sa atin, akala mo kung sino!” sabi ng kaibigan ni Raya na si Molly.
“Ada, have you tried being admitted to your own hospital?”
Hindi ko alam kung anong nagawa kong mali sa kanila at bakit ganito na lang ang inis ng mga ito sa akin. Hindi lang naman kasi ito ang unang beses na binu-bully nila ako. Wala ba silang ibang magawa sa buhay? Bored ba sila?
“Ano ba! Are you mute?”
Umirap ako at dahan-dahang bumuntonghininga.
“Pasensya na, Raya. Hindi ako pumapatol sa alam kong hindi kapatol-patol.”
“How dare you?!”
“Bakit ba kasi ako na naman ang nakita niyo? Wala na ba kayong ibang pwedeng biktimahin?”
“b***h! Hindi mo talaga alam kung anong kasalanan mo sa akin, no?”
Nagtaas ako ng isang kilay. “Wala akong maalalang atraso ko sa inyo.”
Sarkastiko siyang natawa sabay lingon sa mga tatlo pa niyang kasama na ngayo’y galit na ang mga tingin sa akin. Kung galit sila kanina, mas lalong galit sila ngayon.
“Kita mo na, Raya? She is so full of herself! Mukhang wala nga siyang balak humingi ng tawad sa ‘yo!”
“Ba’t naman ako hihingi ng tawad? E, wala naman akong ginagawang masama sa inyo? Ni hindi ko nga kayo halos kilala. Kung hindi lang kayo dakilang tagapagpakalat ng mga chismis sa paaralang ‘to ay hindi ko kayo makikilala!”
Nakakapikon na! Balak pa yata akong paluhurin at pahingiin ng tawad sa kasalanang hindi ko naman alam.