Kabanata 25. Pagkasira

1294 Words
Halos pigilan ko ang aking hininga nang magtama ang aming mga mata. Sandali niyang binawi sa 'kin ang kwintas. Naglakad siya papunta sa 'king likuran at doon ay halos 'di ako makagalaw nang hawiin niya ang buhok ko at sandaling isinuot 'yon sa 'kin. Muli siyang bumalik sa harap ko at pinagmasdan ako ng ilang segundo. "Bagay sa 'yo, Gretha," sambit niya na nagpaulit-ulit sa 'king isip. Holy s**t! Magsasalita na sana 'ko para man lang maitago ang totoo kong nararamdaman pero mabilis siyang naglakad palayo sa 'kin. "Gabi na, umuwi na tayo." Panira talaga ng moment itong si Cielo! Wala akong nagawa kaya sumunod na lang ako sa kaniya hanggang sa makabalik sa dormitoryo. Cielo Kasalukuyan akong naglalakad pabalik sa dormitoryo nang masalubong ko ang hingal na hingal kong kapwa sundalo na si Roston. "Koronel Cielo, ipinasasabi ng punong ministro na magtungo tayo sa munisipyo ngayon din. Lahat ng kasapi sa militar ay kinakailangang sumama," bungad niya na ikinagulat ko. "Anong dahilan at bakit kailangan pumunta ang lahat doon?" pagtataka ko. "Hindi ko rin po alam. Kailangan daw natin magtungo sa munisipyo ngayon din at walang maiiwan dito na sundalo. Iyon lang ang nabasa ko sa liham na ipinadala ng punong ministro." Laking pagtataka ko dahil biglaan ang pag-anyaya nito. "Sino ba ang nagsabi sa 'yo tungkol diyan?" tanong ko. "Ito po ang liham na ipinadala ng punong ministro sa kaniyang mensahero at ipinaabot kay Tenyente Lagman. Kanina ko pa hinahanap si Heneral Albino at Heneral Doni pero hindi ko sila makita kaya napilitan akong basahin ito. Paumanhin kung sa inyo ko na lang ito inabot." Kinuha ko ang papel at agad itong binuklat para basahin. Para sa mga kasapi sa militar ng buong Los Ultimo, inaanyayahan ko ang lahat na magtungo rito sa munisipyo ngayon din sa oras na matanggap ninyo ang mensaheng ito. Heneral Albino, Heneral Doni at Koronel Cielo, kayo ay inaasahan kong darating at mangunguna sa paanyaya ko. Maraming salamat. - Punong Ministro Bigla akong napaisip kung ano nga ba ang rason sa biglaang pagpunta namin roon. Sa pagkakaalam ko ay namamalagi ngayon ang punong ministro sa Tawi-tawi ngunit bakit naroon siya ngayon sa munisipyo? "Roston, inuutusan kita na hanapin si Heneral Albino at Heneral Doni ngayon din. Tipunin mo lahat ng kasapi sa militar at pagkatapos ay magtungo kayo sa Catipulo ng Tawi-Tawi. Kilos!" utos ko rito at saka nagmadaling umalis sa harap ko. Gretha Alas siete pa lang ng umaga ay inihatid na 'ko rito sa palayan ni Manang Soledad. Hindi ko na rin naabutan si Cielo dahil may importanteng lakad siya na dapat asikasuhin. Kasalukuyan akong nakatayo sa tapat ng palayan. Ang totoo ay katatapos ko lang makipag-usap doon sa mga kasama kong nag-ani ng palay na sina Alicia, Sudan at Don. Sa totoo lang ay naninibago ako sa mga ikinikilos nila. Wala ng sinoman ang nang-aaway sa 'kin gaya noon. Nakakausap ko na rin sila patungkol sa kung paano ako mamuhay sa Manila. Masaya dahil kahit papaano ay nalaman nila ang tungkol doon ngunit may halong dismaya dahil sa paulit-ulit na nilang sinabi "Ang swerte mo, malaya ka sa syudad niyo hindi gaya rito na puro pagbabanat buto ang dapat unahin." Bagay na nagpakurot sa 'king dibdib. Nalaman ko rin sa isa kong kasama na hindi pa sila nakararanas mag-aral dahil mula pa man nang magkamalay sila sa mundong puno ng responsibilidad ay maaga na silang namulat sa sakripisyo, mabigat ng gawain at obligasyon. "Gretha, nariyan ka pala. Kanina pa kita hinahanap," salubong sa 'kin ni Sudan. Isang babaeng magsasaka. Kulot ang kaniyang buhok at halos kasing-edaran ko lang. "A-ahh oo inaantay ko si Manang Ibay. May sasabihin ka ba?" "Wala naman, gusto ko lang sana magpasama sa 'yo sa bahay panahian bukas. Nalaman ko kasi na mabilis kang natuto at maayos ang pagkakaburda mo sa mga tela." So, gusto niyang tulungan ko siya? Aba nakakapagod kaya. Lumipas ang halos dalawang oras na pag-uusap at pag-hihimay ng pandan, hindi ko namalayan ang oras. Hapon na pala. Para bang nasasanay na 'ko sa mga ginagawa nila rito kahit napaka-sensitibo ng balat ko pagdating sa putik o halaman ngayon ay nagagawa kong tiisin at ipagpaliban. Habang tumatagal ay mas nakilala ko pa sila. Si Alicia, ang pinakabatang magsasaka dahil diecisiete pa lamang siya. Si Don, isang binatang magsasaka na mahigit limang taon ang tanda sa 'kin, medyo mahiyain pero palangiti. At si Sudan na kasing edaran ko lang, at siya ang pinakamadaldal na nakilala ko rito. Napakarami niyang tinatanong tungkol sa 'kin at palaging tumatawa. Sa kalagitnaan ng paghihimay ng pandan ay nagulantanh kaming lahat sa narinig. *BOOM* Shit! Isang malakas na putok ng baril ang biglang umalingawngaw sa paligid. Saan galing 'yon?! "Gretha halika rito!" Sigaw mula sa 'king likuran at doon ay nakita ko si Manang Ibay na natataranta. Lahat sila ay aligaga katatakbo palapit kay Manang Ibay habang ako ay nanatiling nakatayo. "Gretha halika na rito!" sigaw nila sa 'kin. Muling tumunog ang malakas na putok ng baril dahilan para mapatakbo ako palapit kina Manang Ibay. Hinila ni Don ang kamay ko at pagkataps ay yumuko kaming lahat. Nagsimula nang pumintig ng napakalakas ang puso ko habang naririnig ang mga balang walang humpay sa pagputok. "Walang tatayo!" "Walang magrereklamo!" "Kung ayaw niyong tamaan ng bala ay hayaan niyo kami sa gusto namin!" Sunud-sunod na sigaw ng isang lalaki na mukhang terorista. Nang mapatingin ako sa gilid ay napagtanto kong naroon ang ibang lalaking may hawak na armas gaya ng baril at mahahabang itak. "H'wag ka na lamang magsalita, Gretha. H'wag mo na lang silang panoorin," nanghihinang wik ni Manang Ibay. Si Sudan at Alicia ay nakaupo sa may gilid kung saan may harang. Habang ako ay na sa tabi sina Don at Manang Ibay. Nakahawak sa balikat ko si Don habang kami ay nagtatago rin. Sa pagkakataong ito ay halos 'di ako makagalaw habang pinagmamasdan ang mga lalaki na kinukuha ang anumang bagay na naisin nila. Ang mga pagkain gaya ng prutas at gulay na itinabi namin ay kinuha nila. Ang mga kagamitang bakal at iba pa ay kinuha nila na walang paalam. Lumipas ang halos isang oras bago tuluyang umalis ang mga taong iyon. Wala akong ibang naramdaman kanina kung hindi labis na kaba at takot na baka isa sa 'ming naririto sa palayan ay tamaan ng bala. Agad kaming tumayo at doon ay bumungad sa 'min ang mga pananim na nasira. Ang kabuhayang pinaghirapan sa isang linggo, nasira ang mga ito. Tila wala ng saysay ang inilaang sakripisyo sa loob ng isang linggo. Nakita ko na lamang na umiiyak sina Alicia at Sudan habang si Don ay tahimik lang. Maging si Manang Ibay ay lumuluha. Kusa na lang akong nakaramdam ng kirot sa dibdib. Silang mga nagtanim ngunit bandang huli'y walang inani kung hindi butil ng pawis at labis na takot mula sa mga mandarambong. Gano'n pala talaga kakitid ang utak nila. Idinadaan sa dahas ang pag-angkin sa pag-aari ng iba. Hanggang sa napagdesisyunan ni Manang Ibay na tipunin kaming lahat rito at sandaling nag-usap tungkol sa nangyari kanina. "Sino po ba ang mga 'yon?" tanong ko para makasigurado. "Kasapi iyon ng mga abu sayyaf. Kailangan na nating mag-imbak ng pagkain at ilagay sa kani-kaniyang tahanan natin. Hindi natin pwedeng hayaan na maulit ang kaguluhang nangyari noon," bulong ni Manang Ibay. "Nagsisimula na naman ang panggugulo ng mga rebelde. Dapat na maging maingat tayo." Tama nga ang sinabi noon sa 'kin ni Manang Soledad. Na ang mga rebelde sa Jolo, Sulu ay minsang nagtangka na sakupin at angkinin ang buong Los Ultimo para gawing imbakan ng pagkain at gawing teritoryo sa paghahanda nila sa pakikipaglaban sa Marawi. Ngayon ay nauunawan ko na kung bakit noong araw pa lang na nanaisin kong magtungo rito ay halos itaboy nila 'ko lalo na si Cielo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD