Nang magawi ang tingin ko kay Cielo ay halos manuyo na naman ang laway ko sa titig niya. Mali ito. Hindi dapat ako matakot sa kaniya kahit pa isa siyang Koronel at tagapagparusa rito sa buong Los Ultimo.
"Ano pang hinihintay mo? Kumain ka na," utos niya.
"T-teka, pwede malaman kung ilang oras silang tatayo diyan sa arawan?" pahabol kong tanong habang nakatingin sa mga kawawang lalaki.
"Limang oras. Dahil gano'n din dapat katagal ang pag-eensayo't pagpupulong na natigil dahil sa kanila." gulat akong natahimik sa sinabi niya.
Bakit parang ang baba ng rason? Masyadong brutal ang batas nila rito. Para akong mababaliw kapag pilit kong iniisip na napadpad ako rito para maranasan din 'yon.
Muli, napatitig ako sa pagkaing nasa harap ko at napalunok. Hindi ko talaga gusto ko ang itsura nitong tiyula itum. Parang mas malala pa sa itsura ng dinuguan. Ang dugyot tingnan.
"Huwag mo na 'kong antayin magalit, Gretha." napaka-mainitin ng ulo nitong lalaki na 'to kahit kailan.
"Oo na, kalma ka lang." wala akong choice kung hindi dasalan ito sa isip ko't hilingin na sana hindi pangit ang lasa.
Hanggang sa maisubo ko na ang isang kutsara nitong ulam kasabay ng kanin. Ayokong iluwa ito kaya napilitan akong lunukin
Nabubulunan ako!
"T-tu... t-tubig..."
Patuloy ako sa pag-ubo at halos hindi na 'ko makahinga. Bakit parang wala lang kay Cielo? Bakit hindi siya kumikilos?
Maya-maya ay mabilis na dumating ang babaeng kusinera at nilagyan ng tubig ang basong na sa harap ko lang pala. Agad ko itong nilagok at sa wakas ay naginhawahan rin ako at nakahinga ng maayos.
"Ayos na po ba kayo?" tanong babae.
"Ah oo ayos na 'ko." napatingin ako kay Cielo, wala man lang siyang emosyon. Napakamanhid ng lalaking 'to!
"Bakit hindi mo 'ko tinulungan?" nakasimangot kong tanong.
"Na sa harap mo na kasi, hindi mo pa makita," suplado niyang sabi.
"Ang alin?" pagtataka ko.
"Ang tubig. Ano pa ba?"
Muli, kumulo ang tiyan ko kaya naman wala akong magawa kung hindi kainin ang pagkaing na sa harap ko.
Nang isubo ko na ang kutsarang may kanin at ulam, sinubukan kong nguyain.
Wow!
Ang sarap naman pala. Hindi kasing lasa ng dinuguan. Base sa panlasa ko, isa siyang beef stew, na gawa sa burnt coconut meat. Parang nilaga or bone marrow soup tipong mala-bulalo ang lasa. Iyon nga lang ay maanghang, hilig ko naman din 'yon kaya ayos lang sa akin.
Muli akong kumain at nagpatuloy pa. Hindi ko tuloy matingnan si Cielo dahil sa kulay ng pagkain na agad kong hinusgahan. Mali pala ang akala ko.
"Hindi ka kakain?" tanong ko dahil ngayon ko lang napuna na ako lang pala ang kumakain at siya ay mukhang malalim ang iniisip.
"Tapos na 'ko 'di ba? Tuyo pa nga ang ulam," wika niya.
"Pero, tanghali na ah? Kanina pang umaga 'yon?" tugon ko habang patuloy sa pagkain.
"Andami mong tanong kumain ka na lang. May pupuntahan pa tayo."
Wala akong choice kung hindi kumain. Buti na lang ay masarap ito kaya't may gana ako. Medyo naiilang nga lang dahil sa paminsan-minsang sulyap sa 'kin ni Cielo. Kapag naman nginginitian ko siya ay mas lalo siyang nagiging suplado.
Matapos kumain ay nagpahinga ako hanggang sa maisipan namin na umalis at magpaalam roon sa babaeng taga-silbi kanina.
Habang naglalakad ay naramdaman ko na ang sakit ng paa ko. Kanina pa 'ko lakad nang lakad pero itong si Cielo ay parang wala lang sa kaniya.
Hanggang sa makarating kami sa lugar kung saan ang mga kababaihan ay abala sa kani-kanilang gawain. Ang iba ay nagbubuhat ng mga timba na may lamang tubig at sapin na mukhang kalalaba lang. Puno ang mga timba kaya halatang mabigat ang mga ito.
"Magandang tanghali, Koronel Cielo. Anong maipaglilingkod ko sa inyo?" bungad ng isang babae na sa palagay ko ay limang taon lang ang tanda sa 'kin.
"Ituro mo sa kaniya ang pagbuburda ng mga damit, pagsasalin, paglalaba ng mga tela at ang pagtitiklop," usal ni Cielo na ikinagulat ko. Ano ako rito, utusan?
"Isa ba siyang panauhin?" tanong ng babae.
"Oo. Kaya't mainam na matuto siya sa mga gawain ng isang babae rito sa Los Ultimo habang dito pa siya naninirahan," walang emosyong sinabi ni Cielo. Gusto ba talaga niya 'kong pahirapan?
"Masusunod, Koronel Cielo. Sakto ang kaniyang pagdating. Kailangan ng iba pang babae rito na tutulong sa 'min dahil sa susunod na linggo ay ipadadala sa bayan ng Tawi-tawi ang mga telang matatapos namin." halatang nagagalak itong babae sa pagdating ko, habang ako ay iritado ng sobra.
Kahit kailan ay hindi ko ginawa ang pagbuburda na 'yan at pagsalin ng kung anong tela, tsk! Isa pa, nagtutupi lang naman ako kapag maglalagay ng damit sa maleta dahil sa gala ko.
"Ikaw na ang bahala sa kaniya. Bilang isang Koronel ay inuutusan kitang gawin ang gampanin mo na turuan siya. Sige na, mauna na 'ko."
Ano? Iiwan niya ako rito?
"Masusunod po, Koronel Cielo."
Tumalikod si Cielo at mabilis na naglakad. Hinabol ko siya, kasabay ng aking pagkairita dahil napakainit ng araw sa balat.
"Cielo! Sandali lang! Saan ka pupunta?" pagtawag ko.
Bigla siyang humarap at lumakad palapit sa 'kin.
"Anong tawag mo sa 'kin?" kunot noo niyang tanong.
Shit!
"I'm s-sorry...este paumanhin, Koronel Cielo. Saan ka ba kasi pupunta?" tanong ko
"Hindi mo kailangan malaman," matipid niyang sagot.
"Sasama ako sa 'yo. Ayoko rito." sa halip na pakinggan ay sinamaan niya ako ng tingin.
"Bilang isang Koronel, inuutusan kitang bumalik roon at gawin ang trabaho mo," ani niya.
"Kahit ikaw pa ang presidente ng Pilipinas, hindi mo 'ko pwedeng gawing yaya... este alipin. Ayokong magtiklop. Ayokong magburda. Kung ayaw mo 'kong isama edi ihatid mo na lang ako sa dormitoryo, matutulog na lang ako roon!" mariin kong sabi sabay irap sa kaniya. Ang bossy niya masyado, nagtabas na nga 'ko ng damo kanina tapos ngayon iba na naman? No way!
"Ipaaalala ko lang sa 'yo, walang natutulog rito ng ganitong oras. Lahat may pinagkakaabalahan. Baka nakalilimutan mo, wala ka sa Maynila kaya makiayon ka rito. Maliban na lang kung gusto mo ng parusa, pagbibigyan kita." seryoso lamang siyang nakatitig sa 'kin animo papatawan ako ng parusa sa oras na 'di pa 'ko sumunod.
Puro na lang kasi siya parusa. Akala mo siya ang presidente ng Pilipinas.
Hindi agad ako nakapagsalita, sinamaan niya 'ko lalo ng tingin bago siya tumalikod at maglakad palayo sa 'kin.
"Koronel Cielo!" muli kong pagtawag. Tumigil siya pero nanatiling nakatalikod.
Naglakad ako at lumapit ng kaunti sa kanyang likuran.
"P-paano kung may man-trip o mang-away sa 'kin? Alam mo naman hindi ako taga-rito tapos iiwan mo 'ko?" inis na inis kong sinabi kahit pa hindi niya nakikita ay inirapan ko siya ngunit sa tono ng pana alit ko ay kalmado lamang ako. Totoo naman, 'di ba? Alam naman kasi niyang hindi ako sanay sa lugar na 'to, dapat lang na gabayan niya 'ko.
Muli siyang humarap.
"Aalis lang ako Gretha, pero hindi ibig sabihin no'n ay iiwan na kita. Isa pa, walang kahit na sino ang may karapatang umapi sa 'yo rito, maliban sa 'kin. Kung gusto mong maayos ang trato ko sa 'yo, makinig ka sa mga sinasabi ko, nauunawaan mo?" malumanay niya sabi kasabay ng nakatutunaw na tingin. Napatango na lang tuloy ako. Ilang segundo kaming magkatitigan. Bigla na lang dumagundong ang pintig ng puso ko ng sobrang bilis. Bakit naman kasi ganito? Bakit ako nadadala sa mga titig niya?
No! No way!
Tadhana, hindi ako maaaring mahulog sa kahit na sinong lalaki. Napakaraming gwapo sa Maynila ang nagkakandarapa sa 'kin, mabait man o mayaman ay hindi ko pinapansin. Bakit itong sundalo na 'to na ubod ng sungit, masyadong bato at parusa ang inaatupag ay... iba ang dating sa 'kin?