Prologue
Prologue
"SO KAILAN KA MAG-AASAWA?"
Filia groaned while rolling her eyes because of her cousin Yen's question. Pang-isandaan at apat napu't tatlong beses na yata iyong naitanong sa kanya kaya naiirita na talaga siya. Paano ay sa tuwing nakikita na lamang yata talaga siya ng mga kamag-anak niya ay iyon palagi ang bungad ng mga ito.
Kinuha niya ang bungkos ng Chocolate Cosmos na ikinakabit sa rust-colored vase. Nang tumakbo ang pamangkin niyang si Kirby palapit sa balde na pinagbababaran niya ng floral foam ay mabilis niya iyong inangat nang hindi mapaglaruan.
She sighed and looked at Yen. Halos hindi ito magkandaugaga sa apat na anak. May lampin pa sa balikat at ang dalawang anak ay panay ang yakap sa binti nito habang hinihele nito ang bunsong kapapanganak lamang noong isang buwan.
"Saka mo na problemahin kung kailan ako mag-aasawa kapag hindi na problema ang family planning sa inyo ni Koy," may katarayan niyang sabi, ngunit dahil sanay na sa kanya si Yen ay hindi ito na-offend. Ngumisi pa nga na parang inaasar siya.
"Alam mo, Filia, masarap ang may malaking pamilya."
Tumaas ang bagong ahit niyang kilay. Diyos ko, iyong kulot yata niyang buhok ay lalong kukulot at iyong bungkos ng puting buhok na mayroon siya sa harapang anit ay mukhang madaragdagan dahil sa narinig. Oo, inborn iyon pero mukhang darami sa kunsumisyon!
"Saan banda ang masarap? Iyong halos magmukha ka nang losyang o iyong gabi-gabi kang may dilig, hmm?"
Humagikgik ito sa kanyang sinabi. Talagang hindi yata siya seseryosohin kahit umusok pa ang ilong niya.
"Masaya ang bahay kahit palaging magulo. Alam mo namang pangarap ko 'to at wala akong kapatid, 'di ba?" dahilan ni Yen.
Umikot na lamang ang mga mata ni Filia. Imbes na sagutin pa ang kanyang pinsan ay ipinagpatuloy na lamang niya ang pagtapos sa lahat ng kailangang i-arrange na bulaklak. Mahal ang ni-request na bulaklak ng ikakasal kaya ingat na ingat siya sa bawat pagputol kaya hindi rin niya maiwasang mairita tuwing nangingialam ang mga pamangkin niya.
"Filia," tawag ni Yen habang tutok ang mga mata niya sa ginagawa.
"Oh."
"Delayed kasi sahod ni Koy. Pautang naman kahit dalawang libo lang. Ibibigay ko na lang sa makalawa."
'Narinig ko na 'yan,' bulong niya sa kanyang isip.
Ayaw sana niyang magpahiram dahil buwan-buwan na lamang itong nangungutang pagkatapos ay hindi naman nagbabayad ngunit nang matumba ng pamangkin niya ang isang balde ng dahong gagamitin din niya ngayong araw, para lamang umalis na ang mga ito ay kinuha niya ang wallet niya't ibinigay ang hinihiram nito.
Hindi yata talaga siya pwedeng maging nanay. Napakaikli ng pasensya niya sa mga batang makukulit at malilikot!
"Salamat, Filia ha? Buti na lang talaga ang bait-bait mo."
Nagkamot siya ng sintido. "Sige na, sige na at marami pa akong gagawin," naiirita niyang sabi.
Inakay naman ni Yen ang mga anak. Nang makaalis ang mga ito ay napabuga na lamang ng hangin si Filia.
Nabawasan na naman ang itinatabi niyang pera para sa pangarap niya . . .
She swallowed the pool of saliva in her mouth before she went back to work. Ilang minuto naman ang lumipas ay dumating ang bestfriend at assistant niyang si Hades na pumuputok ang bibig sa pula ng lipstick.
"Mamsh, nandito na 'yong pagsasakyan. Three-five daw balanse mo sa talyer," bungad nito.
Mangani-nganing guluhin ni Filia ang buhok niyang nakalugay kung hindi niya lang inaalalang masisira ang porma niya. She's wearing a high-waisted denim jeans and a floral-printed button-down silk shirt with folded sleeves. Naka-headband din sa kanya ang panyo na itiniklop-tiklop at itinali sa likod ng ulo.
Gayak na gayak na siya kaya kung ngayon siya magmamaktol ay baka magmukha siyang bruha. Ayaw na ayaw pa naman niyang humaharap sa mga katransaksyon niyang hindi siya maayos tingnan.
Filia drew in a series of breaths. Nang kumalma ay inutusan na niya si Hades na burahin ang lipstick nito at simulan na ang pagkakarga sa mga bulaklak na naiayos na. Tinapos naman niya ang huling set bago niya tinulungan si Hades.
"Hello, Jodi? On the way na kami. Pakisabi na lang kay Dolly," aniya nang matawagan ang organizer ng event na madalas niyang sinu-supply-an ng bulaklak tuwing may events.
"Sige po, ate Filia. Ingat na lang po kayo."
Tuluyan na siyang nagpaalam sa kausap. Nang maisakay sa elf truck ang lahat ng kailangan ay sumakay sila ni Hades sa harap. Siya na ang nagmaneho habang panay ang retouch ni Hades sa kanya gamit ang compact powder nito.
She parked the truck and went out as soon as they reached the Sto. Domingo Church. Tumulong na ang ilang tauhan ni Dolly para madiskarga ang lahat ng mga bulaklak sa tamang oras. Dolly told her where the flowers should be, at nang mailagay ang lahat sa tamang pwesto ay ginawa na niya ang final touches.
Napangiti si Filia nang makitang bagay na bagay ang arrangements niya sa rustic theme ng wedding. Dolly often allows her to play with her creativity and so far, hindi pa naman siya pumapalpak.
She was about to do the final touches on the last set of flowers near the altar when she heard a sound of something falling. Nang mapatingin sa gitna ng aisle ay ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata niya nang makita ang isang lalakeng naka-tuxedo na walang pag-iingat na ibinalik sa vase ang floral foam saka nito ipinagtutusok doon ang mga natanggal na bulaklak.
Pakiramdam ni Filia ay umakyat lahat ng dugo niya sa ulo lalo na nang makitang sa muling pag-atras ng lalake ay isa na namang vase ang tinamaan nito. Natapakan pa nga ang mga bulaklak! Sa gigil niya ay humigpit ang hawak niya sa gunting habang galit na nagmartsa palapit sa lalake.
"Hoy! Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?!" nagngingitngit sa galit niyang bulyaw sa lalake.
"Relax. I'm fixing it," kalmado nitong sabi saka bara-barang ikinabit ang mga bulaklak na natapakan nito kanina. "Tada." He grinned and patted her on her shoulder. "Don't worry, that's gonna be free."
Filia scoffed while the guy walks towards the altar to take some selfies. "Hoy, kupal! Mahal ang mga bulaklak na sinira mo at wala akong extra niyan!"
Sandali nitong ibinaba ang cellphone para tingnan siya. "And?"
Naningkit ang kanyang mga mata. "Anong and?! Bayaran mo!"
Kinapa nito ang magkabilang bulsa. "Wala wallet ko rito, Miss. Mamaya na."
Muli nitong inabala ang sarili sa pagkuha ng mga larawan habang si Filia, kaunti na lang ay susugurin na ito para saksakin ng gunting dahil sa sobrang gigil. She loves her flowers so much! She's so passionate with what she does, kaya naman kapag naka-e-encounter siya ng mga ganitong tao ay halos umusok ang ilong niya!
"Ano'ng problema?" tanong ni Hades nang lumapit sa kanya.
She pointed the guy using the scissors she's holding. "Eh, 'yang lintik na 'yan sinira ang mga bulaklak ko!"
Hades sipped on his Starbucks coffee while holding hers. Paniguradong ayuda iyon ni Jodi, ang nakababatang kapatid ni Dolly na siyang head organizer ng event.
"Pabayaran mo nang makatakbo ako't makabili ng bago."
She sighed in frustration before she marched towards the guy. "Magbayad ka! Kailangan ko 'yan ngayon!"
"Abonohan mo muna. Babayaran kita ng doble pagkatapos ng reception," sagot nito habang ang mga mata ay nakatutok pa rin sa cellphone nito.
Mangani-ngani niya na itong sapukin kung hindi lamang siya nahatak ni Hades palayo. "Sige na, kumalma ka na. Ako na ang mag-aabono. Sabihin na lang natin kay Madam Dolly na sasama tayo sa reception nang masingil mo 'yan." Sumulyap ito sa lalake habang pigil ang kilig. "Pagbigyan mo na. Yummy naman."
Umikot ang mga mata ni Filia. Talaga naman, oo. Basta gwapo ay handa talagang saluhin ng kanyang kaibigan!
She sighed. Dahil halata namang hindi siya babayaran kaagad ng lalake ay tinanggap na lamang niya ang alok ni Hades. They went to Dolly to tell her what happened. Nang makapag-usap sila ay nagpaalam na si Hades para bumili ng pamalit sa mga nasira.
Badtrip na badtrip si Filia kahit noong napalitan na ang mga bulaklak. Nang mairaos ang wedding ceremony ay sumama sila kina Dolly sa Casa Mira Hotel and Casino kung saan gaganapin ang reception.
Dati-rati ay inggit na inggit siya sa mga kinakasal, ngunit sa mga sandaling iyon ay purong iritasyon lamang ang namuno sa kanya dahil sa lalakeng pinakamagulo ngayon sa mga laro para sa bridesmaids at groomsmen.
"Primrose, kuya Sorrel loves you so much kaya kapag pinaiyak ka nitong si Ethan, alam mo na kalalagyan niya," anang lalakeng sumira sa araw ni Filia.
So Sorrel pala ang pangalan nito? Napaismid si Filia. Sa isip-isip niya ay bagay rito ang pangalan. Nakakangasim ang ugali gaya ng pinagkuhanan ng pangalan nito!
Humikab siya't nag-check ng suot na wrist watch. Pasado alas onse na ng gabi. Dapat ay nasa bahay na siya ngayon at nagma-marathon ng Slam Dunk pero heto siya, pinagtitiisan ang pagtawa ni Sorrel sa mikropono. Hindi ba ito naiirita sa sarili nitong boses?
"Gusto mo ng salad?" alok ni Hades sa kanya.
Umiling siya. "Gusto ko nang umuwi."
Hindi na lamang nagkumento si Hades nang dumukdok siya sa mesang may kalayuan sa stage. Dahil madaling araw pa lamang ay gising na siya ay hindi niya na napansing nakaidlip na siya dala ng pagod. Nagising na lamang siya nang tinapik-tapik ni Hades ang kanyang likod.
"Filia, gising na. Tapos na ang event."
Kaagad siyang nagkusot ng mga mata. "Tapos na? Tara, singilin na natin si kumag."
She stood up and roamed her eyes around, only to realize that Sorrel was already nowhere to be found. Nagising bigla ang kanyang diwa. Dali-dali siyang lumabas ng venue, ngunit nang makita si Sorrel na paalis na sakay ng convertivel car nito ay halos mamura niya hanggang sa kanunu-nunuan ang lalake.
"Hoy!" she shouted but his stereo's music was too loud. "Hoy, gago! Magbayad ka!"
Hinubad niya ang puting rubber shoes at ibinato sa kotse ni Sorrel bago pa ito nakalayo ngunit na-shoot lamang ang sapatos niya sa backseat. Hindi pa rin siya nito napansin bago ito humarurot ng alis.
Halos umusok ang ilong ni Filia. Hindi na nga siya binayaran ng lintik na iyon, nawalan pa siya ng isang sapatos!
Filia gritted her teeth while blushing out of fury. "Bwiset ka, Sorrel! Bwiset ka hanggang sa magiging mga apo mo!"