3

1313 Words
Lumamig ang ihip ng hangin at bawat dampi nito sa aking balat ay mas lalo akong kinilabutan. Kung anuman ang mangyari sa akin ay alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos at ang tangi ko lang dasal ay iligtas niya si Ania. Pumikit na lamang ako nang unti-unting lumapit sa akin ang babae. Naramdaman ko ang paglakas ng hangin. Minulat ko ng bahagya ang isa kong mata para makita siya. Nakakakilabot ang dugo sa kanyang noo. Mabilis akong tumakbo sa loob ng kotse at kinuha ko ang rosaryo. Si Ania ay nakatungo habang nakalagay ang mga kamay niya sa sariling mukha. Kailangan ko silang paalisin. Hindi pwedeng magtagal sila rito. Ang mga ligaw na kaluluwa na katulad nila ay iba ang ibig sabihin. Lumabas ako ng kotse at hinarap ang babaeng nakatayo."Umalis kayo rito!" Nagkatinginan sila ng batang kasama niya. Napakamot siya nang ulo. "Ikaw kaya ang umalis." Matigas ang dalawang multong ito. Tinapat ko sa kanila ang rosaryo. "Umalis kayo! Walang sinuman ang mas makapangyarihan sa Diyos!" "Aalis naman kami kung hindi ka ba naman shunga! Ikaw itong biglang humarang sa daan tapos tumigil pa." Nanlaki ang ilong ko sa sinabi ng babae. Masyado siyang makasalanan. Multong nagmumura kaya hindi makatawid sa kabilang buhay. Lalampasan sana nila ako pero…"Hindi kayo pwedeng makatakas! Hindi kayo pwede dito! Kailangan niyong sumuko sa Diyos." Inisip ko kung nasa sasakyan ko pa rin ba ang librong binigay ni Father Damus sa akin tungkol sa mga multong pagala-gala. Nando'n ang salitang Latin kung matutulungan ko ang mga multong ito na makatawid sa kabilang buhay. Bumitiw ang bata sa pagkakahawak niya sa babae. "Kuya, pwede bang tigilan mo na kami? Masasayang lang 'tong get-up ko, o." Tinuro niya ang dugo na tumutulo sa kanyang noo. "Hayaan mo na 'yan! Dali na! Mahuhuli na tayo!" Pag-aya sa kanya ng babae. Mabilis silang naglakad at bago pa man sila mawala sa paningin ko ay tumigil ang bata. Hinarap niya ko at… "Bleeeh! Bye! Maghanap ka nang sarili mong Halloween Party! May sayad ang utak!" Humagalpak sila sa tawa at nag-apir. Kumunot na lamang ang noo ko. Nawala ang takot sa dibdib ko at napalitan ng pagkahiya. Sana ay nilamon na lamang ako ng lupa sa kinatatayuan ko. Ano ba naman itong nasa isip ko. Masyado akong praning dahil sa bagay na bumabagabag sa akin. Bumalik ako sa loob ng kotse kasabay ng katinuan ko at niyakap si Ania. Habang pinapakalma ang batang takot sa bisig ko ay sinulyapan ko kung saan ang daan na pinuntahan ng dalawa. May party siguro sa direksyon na iyon pero ang alam ko ay kakaunti lang ang bahay roon. Sabagay, mas okay nga naman magparty sa lugar kung saan liblib. Nang nakarating na kami sa mansyon ni Lola ay sinalubong agad siya ni Ania ng mainit na yakap at ako naman ay nagmano. Nakakatuwang tignan at nakasabit pa rin ang malalaking picture frames na larawan nila ni Lolo ng kabataan sila. Ang iba roon ay halos may gabok na at kupas na ang kulay. Hindi lang mga larawan nila ni Lolo ang nakapupukaw ng atensyon. Ang couch ni Lola na yari sa pinasadyang disenyo na kitang-kita ang magandang ukit ng bawat kurba sa kahoy ng mahogany. "Meryenda muna kayo Sir habang hinahanda ang pagkain sa kusina." Wika ng serbidora ni Lola na si Manang Anita. Pinatong niya ang tinapay at juice sa bilog na mesa na parehas nang yari sa upuan. Umupo muna ako dahil sa pagod. Pinagmasdan ko kung paanong magkwento si Ania kay Lola nang ginawa niya buong maghapon. Nakaupo si Ania hita ni Lola habang nakangiti ang kulubot na labi ng matanda. Humiga ako ng kaunti. Pinataasan pala ni Lola ang kisame niya kaya pakiramdam ko ay mas guminhawa rito. Pero laking gulat ko nang may babaeng nakadikit sa pader. Umikot ang ulo nito at nanlaki ang mata ko sa nakita ko. Tumayo ako sa gulat ng akmang dadamba siya sa akin. Kamukha niya 'yung babae kanina pero imposible. Tao ang nakita ko kanina at hindi kung ano. Inalog ko na lamang ang ulo ko sarili kong imahinasyon. Isa-isa kong hinakot ang mga gamit namin ni Ania habang naghihintay ng pagkain at dagdag pa roon ay para mawala iyon sa isip ko. Nilagay ko ang gamit ni Ania sa sarili nitong kwarto at gano'n din ang sa akin. Sinalansan ko sa kahoy na kabinet ang mga damit ko. Lumangitngit iyon ng sandaling humihip ang hangin. Sinarado ko ang bintana at nilagyan ng tali ang puting kurtina. Para bang sumasayaw ang mga dahon sa puno nang mangga. Nakakatuwa rin pagmasdan ang mga alitaptap na nakapaligid sa puno. Nang matapos ako sa aking ginagawa ay pinagmasdan ko ang kabuuan ng sarili kong silid. Magabok ang ilang sulok nito at may sapot sa isang parte ng kisame. Tila naghahabulan ang mag-asawang gagamba sa paggawa ng sapot. Lumapit ako sa pwesto kung saan iyon. Sa bawat paghakbang ko ay maingay ang kahoy na sahig. Malinaw sa alaala ko noong bata pa kami ay madalas kaming manghuli ni Kuya ng gagamba. Minsan kaming pinalo ni Lola dahil noon uso ang pustahan sa laro ng gagamba. Nalaman ni Lola na naubos ang pera namin dahil doon. Hindi niya iyon pinaalam kay Mama, alam niyang mas lalong magagalit si Mama sa amin. Matapos pagmasdan ang dalawang gagamba ay tinignan ko ang buwan na nagbibigay liwanag sa aking kwarto. Humalumbaba ako sa bukas na bintana. Kumusta na kaya ang mga kaibigan ko? Sana ay inaya ko sila rito. "Hoy, poging mahinhin!" Umatras ako sa gulat ng marinig ang pamilyar na boses. Hinanap ko kung saan iyon galing at muntik na akong takasan ng hininga. Ang babaeng nakaputing saya kanina ay nasa puno nang mangga. Kasalukuyan siyang nakaupo roon at nag-wave. Ang lakas ng amats niya Kung ako nasa pwesto nito siguradong hindi ko magagawa ang kilos niya. Saka isa pa baka kung anong mangyari sa kanya. Mag-aalala ang mga magulang niya. "Ihh. Pogi ka ba?" Humalakhak siya. "Mag-ingat ka. Hindi biro 'yang ginagawa mo." Imbis na makinig ay para siyang bingi. "Ayoko nga. Kunin mo muna ito." Tinaas niya ang bagay na mahalaga sa akin. Anak nang!! "Oo. Huwag kang gagalaw dyan at tutulungan kitang bumaba." Nagmadali akong lumabas at hindi pinansin ang pag-alok ni Manang Anita. Pero makulit si Ania at hinigit ang damit ko nang makita niya kong palabas. "Babalik si Kuya. Kumain ka na do'n." Lumabi lamang siya at tumakbo sa kusina upang sundan si Lola. Nang lumabas ako ay humanap ako nang hagdan sa maliit na bahay na ginawang tambakan ng lumang gamit. Mabilis akong nagpunta sa puno at laking pasalamat ko nang abutan siya roon. Sumenyas ako na bumaba siya pero tumayo siya at kumendeng-kendeng. Mas makulit pa siya kay Kaoree. "Samahan mo ko dito. Saka mas magandang tignan ang buwan kapag nasa puno." Umiling ako sa sinabi niya. "Delikado 'dyan. Bumaba ka." Imbis na makinig ay para siyang batang nagmaktol. "Oo na nga." Aakmang baba na siya nang magkamali nang tapak ang paa niya. Hinawakan ko ang bewang niya kasabay ng pagsabit ng parehas niyang braso sa balikat ko. Tila ba para kaming bagong kasal sa aming pwesto. Kakaiba ang katawan niya. Parang walang temperatura. Hindi mainit at hindi malamig. Sandaling nagkatitigan ang mga mata namin. Pakiramdam ko ay hindi ako makahinga. Siguro ay nabibigatan ako sa kanya. Maganda ang mata niyang nangungusap. Mahaba ang pilik-mata nito. Hindi man katangusan ang ilong niya pero bumagay iyon sa balat niyang parang nyebe. Pinagmasdan ko pa nang ilang segundo ang mukha nito."Pwede mo na kong ibaba. Okay na. Salamat." Mabilis ko siyang binaba at… "Hindi ko sinabing ibaba mo ko nang literal! Kainis! Ang sakit ng pwet ko." Salubong ang kilay niya habang nagpapagpag ng pang-upo para maalis ang mga d**o sa damit nito. Bakit pakiramdam ko ay may kakaiba sa kanya na hindi ko maipaliwanag? Humawak ako sa dibdib ko. Para bang nahihirapan akong huminga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD