“Seryoso ka?”
Tanong sa kaniya ni James.
Nasa isang restaurant sila noon at kumakain.
“Mukha ba akong nagbibiro?”
Pinandilatan niya ang kaibigan.
“Bakit nga?”
Hindi parin maipinta ang mukha nito, dahil alam niyang nalulungkot ito ngayon.
“Para kay baby Austin.”
Malungkot na sagot niya.
“Hindi nga, yung totoo kasi ah.”
Hindi parin naniniwalang sabi ni James sa kaniya.
“Oo nga.”
Sagot niya.
“Paano si Blake?”
“Kaya na daw niya ang sarili niya.”
“Iiwan mo siya dito sa probinsya? Paano ang work mo?”
“Magreresign na ako.”
“Ganun lang kadali sayo ang lahat?”
Lukot ang mukhang tanong nito sa kaniya.
“Mahirap din naman ito para sa akin, pero kailangan ako ng pamangkin ko, kailangan ako ng isang munting anghel na nawalan lang bigla ng mga magulang.”
Malumanay na sagot niya sa kaibigan saka ginagap ito sa kamay.
“Hindi ba pwedeng iuwi na lang natin dito si baby tapos sasamahan kita sa pag-aalaga?.”
Suhestiyon ng binata.
“Sana ganun lang kadali, pero hindi naman papayag ang pamilya ni Harry, lalo na yung kapatid nito.”
Sagot niya.
“So, magkasama kayong mag-aalaga kay baby?”
“O-oo.”
Aniya bago uminom ng tubig.
“Hindi ka na ba talaga mapipigilan sa desisyon mong iyan?”
“H-hindi na, para kay Austin gagawin ko ito.”
“Pwede ka naman namin dalawin ni Blake sa manila diba?”
“Oo naman!”
“Mabuti naman kung ganun,
Huwag ka mag-alala gayong hindi ka na talaga mapipigilan, ako na ang bahala kay Blake dito.”
Nakangiting hinawakan siya nito sa kamay at pinisil iyon, kaya napangiti na siya.
“Talaga?”
“Oo naman sweetheart, basta para sainyo ni Blake, maliit na bagay.”
“Thank you James! the best ka talagang kaibigan!”
Tumayo siya mula sa pagkakaupo at umikot sa mesa papunta sa kaibigan saka niya ito niyakap ng mahigpit mula sa likuran.
“Thank you James!
thank you talaga!”
Hindi niya napigilan ang sarili at hinalikan pa niya ito sa pisngi.
Wala namang malisya ito dahil magkababata at matalik silang magkaibigan.
“Oo na, basta kapag nagka problema ka doon tawagan mo ako agad ha.”
Sabi naman ni James sa kaniya at tumingala pa ito upang matitigan siya.
“Oo naman! Ikaw ang una kong tatawagan!.”
“Okay, good!”.
Nakangiting sabi nito saka siya pinisil sa pisngi, lalo naman niya itong niyakap ng mahigpit at nagkatawanan na lang sila.
Hindi sila nahihiya kahit pinagtitinginan sila ng ibang mga kumakain doon.
Baka iniisip na nga ng mga ito na mag jowa sila at may pinagdadaanan.
Natawa siya sa isiping iyon.
Abah! simula’t sapul pa lamang ginagawa na talaga nila ito ni James. Kahit anak ng alkalde ang binata ay hindi iyon naging hadlang upang maging magkaibigan sila.
Masasabi niyang napaka swerte ng kanilang lugar dahil may isang ama ng bayan na handang tumulong anumang oras at may kababaang loob, kaya walang naglalakas na kumalaban sa mga Sebastian dahil wala na silang hahanapin sa matiwasay at tahimik na pamamalakad nito sa buong bayan. Kaya mahal na mahal nila ito lahat pati na ang buong pamilya nito.
Hindi namimili ang pamilya Sebastian kahit sino pwede nito maging kaibigan, walang mahirap at mayaman, kaya napaka swerte niya dahil sa lahat, siya ang itinuring na best friend ng isa sa mga anak ng alkalde.
Wala na nga siyang mahihiling pa sa pagkakaroon ng James sa kanyang buhay.
Pagkatapos nilang kumain sa restaurant na iyon ay namasyal pa sila ng kaibigan, susulitin na nila ang nalalabing araw niya sa probinsya.
Gabi na noong ihatid siya ng kaibigan sa kanilang bahay.
Hindi na ito pumasok at nagpaalam na agad dahil marahil napagod din sa mga pinuntahan nilang lugar.
Siguradong mamimiss niya ang probinsya. Ang luntiang kapaligiran na di maliparang-uwak na bukirin ang mga ibat-ibang uri ng puno na hitik sa bunga, ang mga halaman at ang malamig na simoy ng hangin, lahat ng ito ay wala sa siyudad.
Tamihik na noon ang paligid,at tanging ang nakasinding ilaw na lang sa living room ang nakabukas. Marahil nagpapahinga na noon si Blake. Hindi na niya ito iistorbohin dahil maaga pa ang pasok nito bukas.
Agad na ibinagsak niya ang pagod na katawan sa malambot niyang kama.
Saka siya napapikit.
Naamlipungatan na lang siya ng biglang tumunog ang kaniyang cellphone.
Nakapikit pa niya itong kinuha sa bag at tinignan kung sino ang tumatawag.
Si Hunter ang nasa caller ID ng kanyang cellphone.
“Ano naman kaya ang sasabihin ng mokong na ito!”
Inis na sabi niya, bago sinagot ang tawag.
“Hello..”
“Where have you been? Kanina pa ako tumatawag pero hindi ka sumasagot!”
Galit na sabi nito, sa lakas ng boses nito nailayo pa niya ang cellphone sa tainga.
Mababasag pa yata ang eardrum niya ng wala sa oras.
“Bakit ba? Ano bang problema mo ha?”
Inis na napabangon siya mula sa pagkakahiga.
“Ikaw! kailan ka babalik dito sa bahay?”
Nakikini-kinita na niya ang nagsasalubong na kilay ng binata.
“Kararating ko lang dito sa amin kahapon diba?”
“Kailangan ka namin ni baby.”
Sagot nito.
“Marami pa akong dapat ayusin dito.”
“Susunduin ka namin diyan ni baby.”
“Hunter!”
“Sa ayaw at sa gusto mo pupuntahan ka namin diyan.”
“Hindi na–.”
“Bukas na bukas din, bibiyahe na kami ni baby at si yaya.”
“Seryoso ka?”
Inis na tanong niya sa binata.
“Ano sa tingin mo?”
Supladong sabi nito at bigla na lang ito nawala sa ere.
Naiinis na naibato niya ang cellphone sa kaniyang kama.
“Bwisit na Hunter na iyon! akala mo naman kung sino!”
Sinasagad talaga ni Hunter ang kanyang pasensiya.
Gagawin kaya talaga ng binata ang sinabi nito?
“Bahala ka sa buhay mo!”
Naiinis na kinuha niya ang tuwalya at nagdadabog na pumasok siya ng banyo.
Kailangan niyang maligo upang maibsan ang inis na kaniyang nararamdaman.
Maaga siya nagising dahil magluluto siya ng breakfast nila ng kapatid.
Saktong katatapos niya maghain sa mesa ng makita niyang pababa ng hagdan
ang kapatid. Naka Uniform na ito.
“Good morning ate! sabi ko na nga ba eh, ikaw itong nagluluto ng masarap na almusal. Nangangamoy hanggang sa room ko.”
Nakangiting lumapit sa kaniya si Blake at hinalikan siya sa pisngi saka ito umupo sa harap ng hapag-kainan. Ipinaghila din siya nito ng upuan.
Pritong tapa na may sawsawang kamatis, itlog at hotdog ang niluto niyang agahan.
“Ang sarap naman nito! siguradong mamimiss ko ang luto mo ate!”
Sabi sa kaniya ng kapatid at natigil siya sa akmang pagsubo.
Bigla tuloy siya nakonsensya at nakaramdam ng awa.
Paano na lang ito kapag nasa manila na siya? Sino na ang magluluto at magsisilbi sa kapatid?
“Blake..”
“Ate naman! huwag mo na ako isipin dito, malaki na ako saka nandiyan naman si kuya James oh!”
Sabi ng kapatid at kinindatan pa siya nito.
“Kaya mo na ba talaga ang sarili mo kahit wala ako?”
Tanong niya kay Blake.
“Basic ate! ako pa?”
Nagmamalaking sagot naman nito.
“Okay, basta araw-araw kitang tatawagan ha!”
“Sure ate! Teka bakit nga pala napakaaga mong nagising? Papasok ka pa ng work mo ate?”
“H-hindi na, magpapasa lang ako ng resignation paper at personal na makapag paalam man lang kina boss at sa mga ka work ko.”
Aniya, nakaramdam na naman siya ng lungkot.
Iiwan niya ang trabahong siyang nagbigay ng pang araw-araw nila noon ng mga kapatid, ang trabahong siyang bumuhay sa kanila ng matagal na panahon.
Masakit man para sa kaniya pero kailangan niyang magsakripisyo para sa pamangkin.
“Ganun ba ate.”
“Oo.”
Malumanay na sagot niya, at ipinagpatuloy na nga nila ang pagkain.
“Te, mauna na ako.”
Pagkuwa’y sabi ni Blake at sinabayan na niya ito ng tayo.
“Sige, mag-iingat ka ha. Huwag masyadong mabilis pagpapatakbo ng motor.”
“Yes ate! Sige na, babye na.”
Anito at humalik ito sa kanyang pisngi saka na tumalikod at lumabas ng bahay.
Patapos na rin siya noon sa pagkain kaya iniligpit na rin niya ang mga pagkain sa mesa.
Maaga pa naman kaya maglilinis muna siya ng bahay.
“Mamimiss ka namin dito girl!”
Naiiyak na niyakap siya ng baklitang kaibigan.
“Ako din naman eh, pero kailangan ko munang magsakripisyo para sa anak ni Reena.”
Malungkot na sabi niya.
“You mean– sa manila ka na titira?”
Nanlalaking tanong pa ng kaibigan.
“Oo, huwag ka mag-alala minsan uuwi din naman ako dito.”
“Promise yan ha? Mamimiss kita ng bonggang bongga!”
Sabi nito saka minsan pa siyang niyakap ng mahigpit bago siya nagpaalam sa lahat.
Nasa labas na siya at nag-aabang ng masasakyan ng tumunog ang kanyang cellphone.
Tinignan niya kung sino ang tumatawag at si James nga iyon.
“Hello James, bakit?”
“Hi sweetheart, saan ka?”
“Nandito sa banko, pero pauwi na ako.”
“Hintayin mo na ako diyan, daanan kita.”
Seryoso ka?”
“Oo naman!”
“Okay, sige, salamat.”
Iyon lang at nawala na ito sa kabilang linya.
Maya-maya’y nasa harapan na niya ang sasakyan ng binata.
Bumaba doon ang kaibigan at inalalayan siya nitong makapasok sa loob ng sasakyan nito.
“Anong sabi ng boss mo saka mga ka work mo?”
Pagkuwa’y tanong nito sa kaniya habang daan.
“Nalungkot sila, ang hirap din. Mabigat sa dibdib.”
Hindi na niya napigilan ang pagmalisbis ng luha mula sa kaniyang mga mata saka siya napahikbi.
Kanina pa niya kasi gustong umiyak pero pinipigilan lang niya.
Marahan siyang hinawakan ni James sa kamay at pinisil iyon.
“Pasasaan ba’t masasanay ka rin.”
Malumanay na sabi nito.
“Pero iniisip ko pa lang, ang hirap na eh. Ang hirap iwanan ang nakasanayan.”
Aniya at napahikbi na namang muli.
“Yeah–ako din naman eh. Hindi mo lang alam, nalulungkot din ako sa pag-alis mo kasi nasanay ako na lagi kang nandiyan.”
Lumungkot ang boses nito at nakita rin niya ang pangingilid ng luha sa mga mata nito.
Humilig siya sa balikat nito habang nagmamaneho.
“Uuwi din naman ako dito, dadalawin ko kayo ni Blake syempre.”
Aniya, saka niya pinunasan ang luhaang mukha.
“Okay, basta kapag wala kang time, kami ni Blake mismo ang dadalaw sayo sa manila.”
“Oo naman!”
Sabi niya saka na siya napangiti.
“Pero mamimiss kita ng sobra sweetheart!.”
Sabi ng kaibigan.
“Lalo na ako syempre!”
At minsan pa’y niyakap niya ito sa leeg at hinalikan sa pisngi.
“Parang gusto ko din umiyak! Mabigat din talaga sa heart!”
Nakangiting sabi ni James.
Napatingin siya dito
“Eh di umiyak ka, ako lang naman ito oh!”
Nakalabing sabi niya.
“Hindi na, kaya ko pa naman!”
“Baliw ka talaga kahit kailan!”
Kinurot niya ito sa tagiliran at nagkatawanan sila.