"Hi po DJ Ren. Gusto ko lang po sanang bumati, hello kina MissBlueinBlack, Precious1569, kthlnj, chloeemeraldac, wendyrizabal20. Pati po kina joannacarizza, jonathansdaughter, Baymax_527, IamPrincessKathy, vidallonina, DarlCuestas7, hayssel at Gwapalei. Hi guys! Thank you sa votes niyo sa mga story ko, sana wag kayong magsawa. At saka po----"
"Kung gusto mong bumati maghapon, magtayo ka ng sarili mong radio station." putol ko sa caller na dinaig pa ang kandidato sa sobrang dami ng binabati.
Halos sa court at sa radio booth na lang umiikot ang buhay ko nitong mga nakaraang araw. Bukod sa sakit ng katawan na nararanasan ko sa pagpapractice, sakit naman sa tenga ang napapala ko sa pakikinig sa mga walang kwentang hinaing ng mga estudyanteng tamad mag-aral. Super hell week!
"Ay DJ Ren, wag naman kayong masungit, hindi niyo ikagaganda 'yan."
"Wala akong pakialam."
"Pero kahit masungit ka, fan mo pa rin ako. Ang talino mo kaya, tapos ang galing mo pang magbasketball. Tapos ang ganda pa ng boses mo, kaya kahit ang sungit mo at binabara mo lang kaming mga callers, marami pa rin kaming nakikinig at nag-aabang sa'yo."
"K. Pwede ka na ulit bumati."
"Talaga?! Sabi ko na nga ba mabait ka e, binabati ko sina---"
"Joke. Hindi mo ako madadaan sa pambobola. Bye na." pinutol ko na ang tawag at muling napahikab.
Nagplay naman ng kanta ang katabi ko. Mabuti na nga lang at hindi love song, kung hindi nahampas ko na siya ng silya. Napapikit naman ako sandali. Inaantok talaga ako.
"Okay ka lang Ren?" boses 'yun ng kamukha ni Dora kaya hindi na ako nag-abala pang dumilat.
"Yes." tipid kong sagot. Kailangan ko atang lumaklak ng isang dosenang Yakult para magising ang diwa ko.
Matapos ang kanta ay muli akong dumilat para makinig na naman sa mga bibe.
"DJ Ren. May problema ako." panimula ng bagong caller.
"Ano, 'yang mukha mo?"
Narinig ko naman ang bahagyang pagtawa ng mga kasama ko, tss.
"Hindi DJ. Ang bad mo po. Anyways, yung best friend ko kasi, umamin na may gusto siya sa'kin. Hindi ko po kasi alam ang gagawin, iiwasan ko ba siya o ano? Naiilang po kasi ako. Hindi ko naman po kasi ineexpect na may hidden feelings pala siya sa'kin. I thought, best friend na talaga kami forever."
"Una sa lahat, umamin siyang gusto ka niya. Tinanong mo ba kung anong ibig niyang sabihin dun? Pwede kasing gusto ka niyang patayin, o di kaya gusto ka niyang ipasipa sa kabayo. Pwede ring gusto ka niya kasi type niya 'yung buhok mo, o 'yung lipstick mo."
"DJ naman e.. "
"Tapos iiwas ka? Bakit may putok ka ba?" muli akong nakarinig ng pagtawa. "Alam mo kasi Miss, kung aasa ka sa forever, hindi ka makakagraduate. Kesa problemahin mo 'yang best friend mo, mag-aral ka na lang. Baka matuwa pa ang parents mo."
Muli kong pinutol ang tawag, hudyat na muli na namang magpapatugtog ng music.
"Nice Ren!" bati ni President na kung makangiti, proud na proud sa mga ngipin niya. Tss, anong akala niya siya lang ang may ngipin?!
"DJ, andito ako ngayon sa rooftop. Iniwan kasi ako ng girlfriend ko, itatanong ko lang sana kung pupunta ka sa burol ko kung sakali?"
Rooftop?
"H-hindi. Kahit tumambling ka pa habang tumatalon diyan, wala akong pakialam."
Tinapik naman ako sa likod ni President, mukhang naalarma sa baliw na caller. Narinig ko naman ang pagtawa ng caller sa kabilang linya.
"Ang harsh mo talaga DJ. Naalala ko tuloy yung girlfriend ko, ay ex na nga pala. Ganyan din siya e, palagi akong binabara lalo na kung may dalaw siya. Pero mahal na mahal ko 'yun. Kaya nga hindi ko matanggap na iiwan na lang niya ako basta-basta. Isang taon ko siyang niligawan, minsan nga pinaglalaba ko pa siya."
"Really? Anong brand ng sabon ang gamit mo? Brand X ba?"
Muli naman itong natawa.
"Oo na, ex ko na siya. Hindi mo naman kailangang ipangalandakan DJ, nasasaktan na nga ako oh."
"Alam mo kasi wala naman akong pakialam kahit magpakamatay ka, pero wag naman sa rooftop ng EXONHS, sisirain mo pa ang magandang imahe ng school. At para sa kaalaman mo, marami pang letters diyan, hindi lang X, may Y, O, U pa. Hindi ka naman nabubuhay para sa letter X na 'yan, may F, A, M, I, L, Y ka, saka F, R, I, E, N, D, S. Iisang letra lang 'yan, kumpara sa mga natitira pang letters. Wag kang OA, kung mamamatay ka ngayon, sayang ang uniform at sapatos mo. Mag-isip kang mabuti. Kung hindi ka magtitino, ako mismo ang tutulak sa'yo. Libre pakape pa."
Ilang segundong walang sumagot sa kabilang linya, ibababa ko na sana nang muli itong magsalita.
"S-Salamat DJ. Utang ko sa'yo ang buhay ko." humihikbing turan nito.
"Ge. Yakult lang sapat na."