TAHIMIK NA NAKASUBAYBAY SI Aveone sa isang tao na pumasok sa gubat sa tingin niya ay wala ito sa sarili at mukhang may sinusundan pa. Dahan-dahan siyang naglakad at sinigurong hindi mapansin ng tao ang kaniyang presensya, kasalukuyan kasi niyang hinahanap ang kaniyang kambal at sa tingin niya'y may alam ang tao tungkol dito. Umabot ng ilang araw ang paghahanap niya sa kambal at hanggang ngayon ay hindi niya ito matagpuan kaya ngayon andito siya sa Bundok Maquiling. Napalibutan ng matatayog na puno ng nara at balete ang paligid at kapansin-pansin ang mga mababangis na nilalang sa paligid, ngunit wala roon ang atensyon ni Aveone kundi ay nasa isang dalaga na kinakausap ang isang maliit na nilalang, kasinglaki lang ata ito ng kaniyang hinlalaki.
"sa tingin mo, Muyak? Alam mo ba kung nasaan ang iyong Ina?" tanong pa ng babae kaya napabuntong-hininga si Aveone dahil sa pagkadismaya. Aalis na sana siya nang bigla siyang makarinig ng iyak sa damuhan lalapitan sana niya ang kinaroroonan nito ngunit huli na ang lahat nang makita niya ang babae na lumapit sa pinanggalingan ng kaluskos.
"Bata, ayos ka lang ba?" narinig ni Aveone ang tanong ng dalaga kung kaya ay nagtago siya sa likod ng punong nara at pinagmasdan ang dalawa. Nakabalot ng putik ang suot na besita ng batang babae at labis iyong ipinagtataka ni Aveone. Hindi niya maalalang umulan pala noong nakaraang gabi, base kasi sa putik na naka-mantsa sa bestida nito, masasabi mong kahapon lamang ito nagkaroon ng putik basa pa kasi ito at maamoy ang magkahalong putik at ulan sa damit nito.
"Sa ikalimang pagsikat ng araw, sa gabi kung kailan dalawa ang buwan magtitipon ang mga bayani na kakalaban sa sangkatauhan!" biglang giit ng batang babae kaya tuluyan nang napaatras ang dalaga sa gulat maski si Aveone ay nagulat sa sinabi nito, pansin niya rin na iba ang tono ng boses ng bata. Malayong-malayo ito sa batang umiiyak kanina lang, para bang may ibang tao sa loob magkahalo-halo ang mga boses na iyon, puno iyon ng galit.
Hindi na halos matigil si Aveone sa paghinga ng malalim, tuluyan na siyang sinakop ng kaba nang makita ang mata ng bata, purong itim ang mga mata nito at nakatitig iyon sa dalaga na nakaupo na sa lupa at kasalukuyang umaatras palayo, hindi niya malaman kung ano ang dapat niyang gawin nang marinig ang salitang dalawang buwan. Ayon kasi sa nabasa niya sa isang libro, ang dalawang buwan ay nag-papahiwatig ng masamang pangyayari.
"Avery.." tuluyan nang nanlaki ang mata ng dalagang si Aveone nang marinig ang isang pamilyar na boses, ilang beses siyang napalingon sa paligid ngunit wala siyang ibang makita kundi ang matatayog na puno ng nara at balete na pumapalibot sa gubat na iyon.
"Avery, alam mo ba kung bakit may buwan tuwing gabi?" napakurap ng ilang beses si Aveone, muli niyang narinig ang isang pamilyar na boses katulad nang dati ay napaka-kalmado ng boses na iyon para siyang hinehele at ipinapadala sa kalangitan.
"Ang buwan ay nagsisilbing tagapag-protekta ng gabi, lahat ng nasasakupan ng liwanag ng buwan ay poprotektahan nito." doon lamang napagtanto ni Aveone na nasa utak lang pala niya ang boses na iyon, bukod kasi sa mga puno tanging babaylan lamang at batang babae ang kaniyang nakita.
"Hindi ako interesado sa kwento mo."
"Ahh, grabe ka talaga mahal na prinsesa! Alam mo ba na ang buwan ay kapangyarihan ng Diyosang si Mayari or kung sasabihin si Mayari mismo ang Dyosa ng buwan. Siya ay anak ni Bathala sa isang mortal na babae at kapatid ni Apolaki, Tala at Hanan, siya ay tinuturing na diyosa ng buwan, gabi, kagandahan, pakikipag-laban, lakas at rebolusyon bukod roon ay tinuring rin siyang pinakamagandang dyosa sa korte ni Bathala!" pagkukwento pa nito na para bang wala itong pakialam sa prinsesang bampira na hindi man lang interesado, nagpagulong-gulong lang kasi ito sa kama.
"At alam mo bang iisa lang ang mata ng Diyosang si Mayari kahit na siya ay tinuturing na pinakamagandang dyosa sa korte ni Bathala?" pagpatuloy pa nito.
"Ayon dito sa libro ng babaylan, noong unang panahon dalawa pa daw ang mata ng Diyosang si Mayari ngunit nagkaroon sila ng banal na laban ng kaniyang kapatid na lalaki na si Apolaki ang Dyos ng Araw. Nais kasi ni Mayari na mamuno sa lupain ngunit hindi pumayag si Apolaki gusto niyang siya lamang ang mamuno sa lupain nang dahil dito nag-away ang dalawang magkapatid at nasaksak ni Apolaki si Mayari sa kaliwa nitong mata na naging dahilan kung bakit nanghina ang diyosa at dahil sa panghihina tuluyan na ring nawala ang kapangyarihan ng buwan.Dahil dito, tuluyan nang nagalit si Bathala sa ginawa ng dalawang anak pinagsabihan niya ang anak na lalaki na dapat ay humingi siya ng tawad sa kapatid na babae at hindi dapat nila pag-awayan ang isang maliit na bagay dapat ay maging ehemplo sila sa mga bata. Dala ng pagsisi at lungkot sa nangyari sa kapatid, tuluyan ng pumayag si Apolaki sa hiling ng kapatid ayaw niya kasi itong makita na malungkot at ayaw niyang makita itong hindi man lang siya pinapansin, upang mapatawad ay niregaluhan niya rin ito ng perlas na galing sa kaniyang kapangyarihan na araw ang perla na iyon ay nagniningning at kumikinang sa sobrang liwanag ang perlas rin ang dahilan kung bakit nagniningning ang buwan sa kalangitan, iyon kasi ang simbolo ng muling pagbabati ng dalawang magkapatid at doon rin nagsimula ang umaga at gabi." natapos ang babae sa pagkwento kaya nama'y napasimangot si Aveone at napabuntong-hininga.
"Napaka-isyu niyo talaga mga mortal! Kung ano nakikita niyo ginagawan niyo kaagad ng kwento, dapat talaga ay naging manunulat na lang kayo, tutal diyan naman kayo magaling." nakairap niyang giit at tinakpan ang kaniyang mukha ng kulay itim na kumot. Natawa lamang ang babaeng alipin sa isinaad ng prinsesa, kahit kailan talaga ay napaka-tabas ng dila nito at sobrang bugnutin pa. Ngunit kaagad ring humupa ang tawang iyon nang may maalala ang babaeng alipin, nakapinta sa kaniyang mukha ang isang seryosong ekspresyon.
"Ang buwan nga ang pumoprotekta sa gabi at lahat ng nasasakupan ng kaniyang ilaw, ngunit sa isang hindi pangkaraniwang pagkakataon may isang gabi na dalawang buwan ang nagpakita sa kalangitan at ang gabing iyon ay ang pag-hupa ng digmaang nangyari sa dalawang kaharian dalawang libong taon na ang nakalipas.."
"Wag mong sabihing magagalit si Mayari sa paparating na ikalimang pagsikat ng araw!" tuluyan nang nanlaki ang mata ng prinsesang bampira nang mapagtanto ang nangyayari, mula sa mga balita tungkol sa mga batang mortal na nawawala noong mga nakaraang gabi, sa pag-atake ng mga halimaw sa iba’t-ibang nayon ng kaharian, unti-unti niyang ipinagtagpi ang mga pangyayari, sa lahat ng gabing iyon walang buwan na nagpakita sa kalangitan ibig sabihin ay wala ring pumrotekta sa lupain tuwing sasapit ang kadiliman at nagsimula ang lahat noong inutusan siya ng Amang Hari na hanapin ang kaniyang kambal na ilang dekada nang hindi umuuwi dahil sa misyon nito.
"Sa ikalimang pagsikat ng araw, sa gabi kung kailan dalawa ang gabi! Magtitipon ang mga bayani na kakalaban sa sangkatauhan." muling giit ng batang babae kaya tuluyan nang namutla si Aveone, hindi niya mapigilan ang mag-isip ng malalim. Paano kung may kinalaman ang ginawang misyon ng kaniyang kapatid tungkol sa mga pangyayari? Bakit wala siyang alam sa misyong ito? Bakit ito sekreto? Tumatakbo ang sari-saring tanong sa kaniyang utak, andoon ang kaba at takot sa kaniyang dibdib. Inis siyang napahila sa kaniyang buhok at mahinang bumulong sa sarili
“Mga inutil na mortal, bakit ba ang dami niyong satsat?!”
"Hindi ka pa rin talaga nagbabago Avery." napasinghap ang prinsesa nang marinig ang boses sa kaniyang tenga, sa mga oras na iyon sigurado siyang nasa paligid lamang ang pinagmulan ng boses. "Gail, magpakita ka! Nasaan ka Gail?" hindi na niya mapigilan ang sarili inilibot ang mata sa gubat, unti-unting bumaba sa kaniyang trono si Apolaki at mukhang papalitan na iyon ni Mayari ngunit sa imposible atang mangyari iyon, ilang gabi ng hindi nagpakita ang dyosa sa madilim na kalangitan.
"Sagipin mo ang babaeng iyon Avery." giit ng boses at saktong umihip ang malakas na hangin, napapikit si Aveone at sinundan ang ihip ng hangin, papunta iyon sa direksyon ng babaylan na namumutla na sa takot.
"AT SA gabing iyon ay gigising ang puso ng lupain, at ang paggising niya ay dahilan ng pagkamatay niyong mga salarin!" kaagad na namutla si Ursaillune sa kaniyang narinig, pakiramdam niyang unti-unti nang lumalayas ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang katawan at tanging katinuan na natitira sa kaniya ang humahawak roon, konting tulak na lang ay parang bibitaw na ang katinuang iyon.
"Salarin? Ano bang sinasabi mo?" hindi na rin niya mapigilan ang makyuryos, bilang isang babaylan hindi na bago sa kaniya ang makakita ng kaluluwa at espiritu, ilang beses na rin siyang nakipag-usap sa mga ito upang manghingi ng payo ngunit itong ang unang beses na nakakita siya ng masamang espirito at sobrang dilim ng klase ng titig na ibinigay ng batang babae-- hindi na pala ito batang babae, isa na itong halimaw na namamahay sa matagal ng patay na batang babae. Kapansin-pansin ang maitim na ugat na nagmumula sa leeg nito at tuluyan na itong sumakop sa katawan ng bata, umabot na iyon sa kaniyang maliliit na daliri at ang mas nakakakilabot roon ay ang tawa nitong umalingawngaw sa buong kagubatan.
"Kayo! Lahat ng namamahay sa lupaing ito! Dapat kayong parusahan ng kamatayan!" walang maintindihan si Ursaillune sa sinabi nito, ngunit kahit ganoon ay nararamdaman niya ang matinding kaba sa kaniyang dibdib. "Wala kaming kasalanan sa inyo, pakiusap pakawalan mo ang batang iyan." nanginginig na hiling ni Ursaillune pero imbes na makinig mas lalong lumakas ang nilalang at umihip ang malakas na hangin, ilang beses siyang napahinga ng malalim hindi niya aakalaing makakapasok sa kagubatan ni Maria Makiling ang isang masamang elemento kaya siguro ito nangy-yari dahil ilang araw ng wala ang diwata. Hindi tuloy mapigilan ni Ursaillune ang mag-alala para sa mga nilalang na nakatira rito.
"Walang kasalanan?" boses ng isang lalaki
"Walang kasalanan?" boses naman ng isang batang babae, magkasunod-sunod ang iba't-ibang boses at pareho lamang ang mga sinasabi nito at paulit-ulit pa. Nakasalampak na sa lupa si Ursaillune at nabangga pa niya ang isang punungkahoy sa kaniyang likuran, kaagad na nanlaki ang kaniyang mata nang makita ang baging na dahan-dahang gumagapang papunta sa kaniya unti-unti iyong gumagapos sa kaniyang katawan, sinubukan niyang gumalaw upang makawala ngunit hindi siya makagalaw na para bang may pumipigil sa kaniya.
Muli siyang napatingin sa batang babae, naka-abang ang kamay nito sa ere at nakaturo pa sa kaniya kumikislap ang itim nitong mga mata na nagsasabing handa itong wakasin ang kaniyang buhay. Unti-unting humigpit ang mga baging na pumapalibot sa kaniyang katawan para siyang pinipiga sa sobrang higpit non at pakiramdam niya ay hindi na siya makahinga ni pag-hingi ng tulong ay hindi niya magawa dahil parang naipit rin ng baging ang kaniyang leeg, sinubukan niyang huminga ulit ng malalim ngunit sa bawat pag-hinga ay ang pagsakit ng kaniyang kalamnan at dibdib. Ipinikit ni Ursaillune ang kaniyang mata at unti-unting tinanggap ang kaniyang kapalaran, tahimik siyang nagdasal at napa-ngiti sa masasayang ala-ala na dahilan rin ng kaniyang pagluha.
"Ang inutil niyo talaga mga mortal!" nakarinig si Ursaillune ng boses ngunit hindi na niya nakita pa ang mukha ng may-ari ng boses.
"NABUANG na ang Devoenyo!" pabulong na giit ni Euzeine nang makita si Devoene na sobrang sama na ng tingin sa kaniya, idagdag pa ang panginginig nito na para bang takot na takot na labis niyang ipinag-aalala.
"Maging ayos lang ba si Devoene, Otso?" hindi na rin mapigilan ni Euzeine ang mag-alala, dalawang araw na kasi ang lumipas mula noong lumisan sila sa sentro. Nais sana ni Euzeine na manatili roon upang makanakaw na naman siya, ngunit ayaw naman niyang mag-alala si Octavus kaya ay mas pinili nilang magtungo sa Bundok Lantoy na pagmamay-ari ng diwatang si Maria Cacao.
“’Wag kang mag-alala, Kapitan! Magiging ayos rin ang Devoenyo.” Kampanteng wika ng binatang lobo at tuluyan nang sumilay ang ngiti sa kaniyang mukha, isang bagay na minsan lamang nakikita ni Euzeine. Tuluyan na ring napalagay ang kaniyang loob ngunit andoon pa rin ang pag-alala sa kaniyang dibdib.
"Good bampira, woof woof!" panunukso pa ni Octavus at itinapik sa ulo ang binatang bampira na itinali niya sa isang kahoy, nangislap naman ang matang kulay pula ng binatang bampira. "Oh ayan, kainin mo yan ha." natatawang giit pa ni Octavus kaya hindi na paigilan ni Euzeine ang mapangiwi lalo na't sobrang nakakakilabot ng tawa ni Octavus para bang hinintay nito ang sandaling magkakaganoon ang binatang bampira upang siya'y makabawi sa lahat ng paninigaw na ginawa nito sa kaniya.
"Hoy Otso, wag mo namang ganyanin si Devoene!" pag-pigil pa ni Euzeine, ngunit itinaboy lamang siya ng binatang lobo gamit ang mga daliri nito. "Sssh, kapitan!" giit nito at tumawa ng napakalakas na para bang siya lang mag-isa sa gubat sa isip-isip ni Euzeine ay puro baliw ang kaniyang mga kasama, hindi niya aakalain na ang seryosong lobo ay ganito pala kaweirdo.
Ngayon lamang nagising si Devoene mula sa dalawang araw nitong pagkatulog, kahit pag-aaway at pagtaltalan ang ginagawa nila palagi ng binatang bampira, nagmamalasakit siya rito lalo na't nangako pa naman siyang pangangalagaan niya ito kahit na anong mangyari. Hindi niya mapigilan ang sarili na magsisi, dapat ay pinapahinga muna niya ang binata lalo na't isa itong prinsipe gaya ng lagi nitong sinasabi baka hindi ito sanay sa paglalakbay kung saan-saan kagaya niya na palipat-lipat sa iba-ibang lugar ng Sorealiz. Unti-unti na nga nyang nasaulo ang bawat sulok ng kaharian.
Mula sa kastilyong hindi pa niya napasok, sa capital de royal kung saan namamalagi ang mga maginoo at maharlika na may mataas na ranggo, sa sentro na siyang nasa harapan ng capital de royal kung saan kasalukuyang nagaganap ng mga bentahan at negosyo, sa mga probinsya at nayong pumapalibot at ang apat na kabukiran pagmamay-ari ng apat na diwata na siyang pumapalibot at pumoprotekta rin sa kaharian.