Nagkukulay dalandan at rosas na ang kalangitan, isang tanda na malapit nang magpaalam si Apolaki, ang diyos ng araw at patron ng mga mandirigma dahan-dahan itong bumaba sa malawak na kalangitan at unti-unti itong humalik sa kulay berdeng kabukiran. Malamig ang simoy ng hangin, nililipad nito ang kulay dilaw na dahon na siyang nahuhulog galing sa matitikas at malalaking punungkahoy na pumapalibot sa gubat na iyon, ang mga bulaklak ay magiliw na sumasayaw tila ba may kumpas at ritmo.
Napakurap ng ilang beses si Devoene, hindi siya makapaniwala sa narinig niya mula bibig ng binata na nasa kaniyang harapan. Nakalahad ang kamay nito sa kaniya at naka-ngiti, ngiti na tila ba’y sinasabing magiging ayos rin ang lahat at wala na siyang dapat na ipag-alala, na para bang sinasabi nitong wala na dapat siyang problemahin pa dahil andito na ito upang makapitan niya. Ramdam niya ang panindig ng kaniyang balahibo isang palatandaan na siya'y nakaramdam ng kilabot, napa-ngiwi niyang tinignan ang naka-ngiting mukha ng binatang si Euzeine. Kapagkuwan ay napaismid siya at winakli ang kamay ng binata sa kaniyang harapan.
“¿Estás bromeando mortal? (Are you kidding me, mortal?)” napabuga siya ng hangin at mapagmataas na tinignan si Euzeine. Nawala tuloy ang malamahikang tagpo at ang bigating pare, mahal mo raw ako bilang marubdob na background music sa sandaling iyon. Napakurap ng ilang beses si Euzeine, pinoproseso pa ng utak niya ang nangyari. Ang kanina’y naka-ngiting mukha niya ay unti-unting napalitan ng simangot. “Pastilan, ‘wag mo kong gamitan ng bampirang lenggwahe!” sigaw ni Euzeine at muling ngumiti na parang timang saka inilahad ulit ang kaniyang kamay kay Devoene na halos ikamatay na ang sobrang frustrasyon. “So, Devoene Ferry Edwards will you join Troop Endeavour?”magiliw niyang saad na para bang matagal na niyang kaibigan ang kaharap, na para bang walang naganap na p*****n kanina lang.
"Sino ba ang nagbigay sa'yo ng permiso na maari mong sambitin ang buo kong pangalan?!" pasigaw na giit ng binatang bampira at halos magsilabasan na ang usok sa kaniyang ilong. Isang malaking insulto sa kaniyang pagiging prinsipe ang pag-tawag sa kaniya ng buo niyang pangalan lalo na kung isang walang-alam na mortal ang magsasaad nito, dapat ay Prinsipe ng mga Bampira ang itatawag sa kaniya dahil iyon naman talaga ang dapat. Nag-kibit balikat lamang si Euzeine at hindi halos mabura ang ngiti sa labi nito na labis na ikinabwisit ng binatang bampira.
"Sige, Devoenyo na lang tawag ko sa'yo tutal nangangain ka naman ng mga mortal!" natatawang giit ng binatang si Euzeine, kaya nama'y napantig ang tenga ng binatang bampira at kaagad siyang binatukan nito. "Tontong mortal! Isa akong bampira na may dugong bughaw!" giit nito at saktong umihip ang malakas na hangin dahilan upang lumipad ang suot nitong kapa kay nagmumukha tuloy siyang bayani sa na kagagaling lamang sa pag-sagip ngunit kabaliktaran noon ang ugali ng binatang bampira.
"Wala akong pakialam! Sali ka sa tropa ko!" makulit na giit ng binatang si Euzeine at hinila pa ang manggas ng suot na polo ng binatang bampira, agad namang hinila ng binatang si Devoene ang kaniyang kamay at ipinagcross ang dalawa niyang kamay sa ibabaw ng kaniyang dibdib.
“Ni hablar!" (No way)
“Eh, Sali na yan.”
“Ayoko, sabi!” umusok na ang ilong ng binatang bampira ngunit hindi nagpatinag si Euzeine mas lalong umiral ang katigasan ng kaniyang ulo.
“Sali ka na bampira, Sali ka na bampira.” Paulit-ulit niyang giit at nagpaikot-ikot pa ito na para bang may isinasagawang ritwal.
“Tonto! Bakit mo ipapasali ang taong muntik ka nang patayin?” halos matanggal na ang ngipin ng binatang bampira sa sobrang frustrasyon, nag-ambonan tuloy ang kaniyang laway. Naka-ngiwing lumayo naman si Euzeine habang pinapahiran ang sariling mukha.
Napalunok si Devoene at tuluyan nang nanahimik dahil sa hiya, namumula na ang kaniyang pisngi samantalang si Euzeine nama’y nakatingin na sa kalangitan tuluyan nang binalewala ang namumulang mukha ng binatang bampira.
“Dahil mayroon ka din.” Naka-ngiting giit ni Euzeine at diretso na itong nakatingin sa kaniyang leeg, wala sa sariling hinawakan ni Devoene ang sariling leeg. Ilang beses siyang napakurap nang mapagtanto ang ibig iparating ng binata sa kaniyang harapan. Naikagat nya ang kaniyang ibabang labi nang maalalang may tatu siya roon, isang kulay pulang paniki na may dalang maliit na bulaklak na kailanma’y hindi pa niya nakita. Hindi lang ito basta-bastang tatu isa iyong palatandaan sa kaniyang kapanganakan. Napalunok si Devoene at agad na ibinaba ang kaniyang kamay at kinuyom iyon, mariing pinagtitigan ang binata sa kaniyang harapan. “Paano mo nalamang may tatu ako sa leeg?” seryoso niyang tanong.
Napa-ngiti lamang si Euzeine nang marinig ang tanong ng binatang bampira, walang pagdadalawang isip niyang hinubad ang suot niyang singsing na siyang tumatakip sa tatu na nakatago roon, napa-ngiti si Euzeine at ipinakita niya sa binatang bampira ang tatu sa kaniyang gitnang daliri.
Tuluyan nang napasinghap si Devoene nang makita ang tatu ng binata sa kaniyang harapan, nakaukit roon ang simbolo ng agila at may dala rin itong maliit na bulaklak gaya ng paniking nakaukit sa leeg niya at sa mga oras na yun tuluyan nang namutla at nakaramdam ng kilabot si Devoene. Isang kilabot na minsan na niyang nararamdaman tuwing bumabalik ang kaniyang kaluluwa sa patay niyang katawan.
“PRINSESA UNO, ipinatawag ka ng Amang Hari!” natarantang giit ng alipin at halos lumipad na ang lahat ng gamit na nadadaanan nito. Napairap na lamang si Aveone at agad na itinago ang hawak niyang aklat ng baybayin, inayos niya ang sarili niyang buhok at napahinga ng ilang beses. Nang makasigurong hindi na siya mababakasan ng pagdududa saka lang niya sinagot ang aliping nag-hihintay pa rin sa labas ng kaniyang silid. “Nakarating ang iyong mensahe.”
“Amang hari, ipinatawag niyo raw ako.” Lumuhod si Aveone sa harap ng ama at muling tumayo nang makitang sumenyas ito sa kaniya, nakaupo ang kaniyang ama sa trono nito at may hawak itong kopita na may lamang dugo. “Ano ho ang iyong sadya, Amang hari?” pakiramdam ni Aveone ay naumid ang kaniyang dila nang sambitin niya ang tanong na iyon. Kailanma’y hindi siya ipinapatawag ng kaniyang ama dahil ang kambal niya ang siyang pinapaboran nito lagi, kaya ganoon na lang rin ang kaniyang kaba nang malamang ipinatawag siya nito lalo na’t baka binabantayan nito ang bawat kilos na ginagawa niya. Itinago niya ang nanginginig niyang kamay sa ilalim ng suot niyang manggas at diretsang tinignan ang hari ng mga bampira, ang hari ng buong Edwarden.
“Mahal kong anak, ‘wag kang matakot.” Naka-ngising giit ng hari kaya nama’y nanindig ang balahibo ni Aveone, sa aminin man niya o hindi takot siya sa sariling Ama saksi siya sa kalupitang gawa nito at muntik na siyang patayin nito nang malamang nag-aaral siya ng mahika na siyang higit na ipinagbabawal sa bampirang kagaya niya. Ngunit may katigasan ang kaniyang ulo palihim niyang pinag-aralan ang mahika gamit ang librong iniwan sa kaniya ng kaibigan bago ito namatay.
“Kumusta ang iyong pag-aaral?” kaswal na tanong ng kaniyang Ama, napalunok si Aveone bago sumagot. “Mabuti po, Amang Hari.” Napatango ang Hari kaya nama’y nakahinga ng malalim si Aveone, mabuti na lang at hindi na siya nito inusisa pa.
Nakatungo lamang siya sa lupa at pinagmasdan ang sahig na yari sa bato na tinatawag na obsidian, wala sa sariling inilibot niya ang mata sa paligid. The walls and posts are painted with crimson red and black that gives an eerie feeling, kapansin-pansin rin ang nagkumpolang putol na daliri na nakasabit sa kisame nagsisilbi itong chandelyer na siyang nagbibigay ilaw sa buong kastilyo pero hindi sapat ang mga ito upang mabigyan nang liwanag ang buong kastilyo. Malamlam ang paligid kung kaya ay bukod sa ilaw ng kandila, may mga matang kulay pula rin na nagmamasid sa paligid na dahilan upang manindig ang balahibo ng dalaga. Hindi siya pwedeng makagawa ng mali sa harapan ng mga matang nagmamasid sa kaniya, isang mali ay pwede siyang atakehin ng mga ito.
Ang buong kastilyo ay siyang santuaryo ng mga bampira. Nagbibigay ito ng kapayapaan at kasiyahan sa kanila, ngunit hindi ito ang nararamdaman ni Aveone. Magmula noong makilala niya ang kaibigang matagal nang namayapa tuluyan nang nagiba ang pananaw niya sa kastilyong ito.
“Aveone, nakikinig ka ba?” napapitlag ang dalaga nang marinig ang sigaw ng Hari. Tuluyan nang naglayuan ang mga alipin nang makita ang kulay dugong mata ng Amang Hari, kahit walang naintindihan tumango si Aveone. “Opo, Amang Hari nakikinig ako.” Napa-ismid ang Hari at ipinatawag ang isang alipin, walang pag-atubili niya itong hinila at kinagatan sa leeg saka sinipsipan ng dugo tuluyan nang namutla si Aveone sa nakita, kitang-kita niya ang pagmamakaawa ng mortal na alipin.
Nag-iwas lamang siya ng tingin at kinagat ang ibabang labi, matagal nang ipinagbawal ang pagpatay sa mga mortal mula noong nang-yari ang phenomenang nagpagimbal sa buong lupain at dalawang libong taon na ang nakaraan mula noong mang-yari iyon pero hindi sinusunod nang kasalukuyang Hari ang batas na iyon. Palihim itong sumisipsip ng dugo at pumapatay ng mortal na alipin na siyang naninilbihan sa kanilang palasyo, maraming mata ang nakakakita sa walang pusong pag-atake, maraming tenga ang nakakarinig sa sigaw ng pagmamakaawa ngunit nanatili silang tahimik. Ayaw nilang madamay at mapagbuntunan nang galit.
Muling napatingin si Aveone sa sariling Ama, halos kumalam ang kaniyang sikmura nang makita ang nakatirik na mata ng alipin, tuyo na ang luha sa mata nito at diretsong nakatitig sa kaniya.
“Yun nga Aveone, mag-tungo ka sa Kaharian ng Sorealiz at siguraduhin mong nagawa ng iyong kambal ang kaniyang misyon.” Kampanteng giit ng kaniyang Ama at basta-basta lang itinapon ang patay na katawan ng alipin agad naman itong pinagpyestahan ng mga matang nakamasid sa kaniya kanina. Napa-buntong hininga na lamang si Aveone at nag-bigay galang sa kaniyang Amang Hari.
“Masusunod ang iyong kautusan, Ama.”
HALOS MAPUNIT na ang mukha ni Devoene sa pag-ngiwi nang makita si Euzeine na kanina pa namumulot ng kung anu-ano sa gitna ng gubat, nagniningning pa ang mga mata nito tuwing may napupulot itong butones at kung ano-ano pang pwedeng makita sa maberdeng lupain ng gubat. Ilang araw na silang naglalakad sa gubat na pinapangalagaan at pagmamay-ari ng diwatang si Maria Makiling. Napapalibutan ang gubat ng malalaking punung-kahoy kagaya ng nara at kapansin-pansin rin ang mga bulaklak na nagbibigay halimuyak sa paligid, makikita rin ang mga makukulay at maliliit na mariposa na siyang sumasayaw at humahagikhik sa ibabaw ng mga bulaklak.
Maingat na naglakad si Deveone sa gubat baka sakaling may maapakan siyang duwende o di kaya’y lamang lupa na naninirahan sa gubat at baka aatakehin sila ng mabangis na hayop mas mabuti na kung handa siya, hindi gaya kay Euzeine na basta-basta lang inapakan ang mga ugat ng kahoy at patawa-tawa pa tuwing nakakakita ng maliliit na bato at butones.
“Look, mortal hindi ako pwedeng sumali sa Troopa mo.” Seryosong giit niya at salubong pa ang kilay. Apat na araw na niyang pinilit si Euzeine na pakawalan siya ngunit ang gagong si Euzeine ay hindi man lang nakikinig, sa halip ay lumundag ito sa sanga ng kahoy na para bang isa siyang unggoy. Halos matanggal na ang buhok ni Devoene sa pang-hihila niya roon sa sobrang frustrasyon, mainit talaga ang dugo niya sa binata. Hindi niya maatim ang makita itong naka-ngiti o kahit huminga man lang paano na kaya kung sasali siya sa kultong binuo nito? Tiyak na siya’y mamatay ng maaga.
Nahilot na lang niya ang kaniyang sintido at nag-isip ulit ng paraan upang maiwan ang binata sa gitna ng gubat, ilang beses na niyang ninanais ang pagtakas ngunit hindi iyon natutuloy dahil nakatingin sa kaniya ang binata na para bang binabantayan siya nito. Nang makitang abala na naman ito sa ibang bagay dali-dali siyang kumaripas paalis. “Yes, finally!” at sa unang pagkataon masisilayan ang ngiting tagumpay ng binatang bampira, ngunit ganoon na lang kabilis ang pagdating ng kaniyang karma. Isang lobo ang sumalubong sa kaniyang pag-takbo at nagkabanggaan pa sila nito kung kaya tumilapon ang katawan ni Devoene sa ere at ganoon rin ang lobo, nag-anyong tao ito at inis na sinalubong ang kaniyang mata.
“Kampo ng kasamaan.” Natigilan si Devoene nang marinig ang giit ng lalaking lobo, naikagat niya ang ibabang labi at kinuha ang kaniyang espada mula sa bayna na nakapalibot sa kaniyang beywang. “Anong sinasabi mong kampo ng kasamaan lobo, galing ka rin sa Kaharian ng Edwarden ‘diba?” giit niya. “Ano ang ginagawa mo rito sa Kaharian ng Ilaw?” Pareho na silang naglalakad pabilog sa gitna ng gubat hinihintay ang pag-atake ng isa sa kanila, mahigpit na nakahawak si Devoene sa kaniyang espada habang ang lobo nama’y matalim na nakatitig sa kaniya. “Wala kang pakialam doon!” at agad siya nitong sinunggaban ngunit bago pa naman siya natamaan ng matatalim nitong kuko may humila na sa kaniya papalayo at nakaupo na sa kaniyang balikat ang binatang tinakbuhan niya kanina. Napasinghot na lang si Devoene sa sarili at ginalaw ang balikat upang malaglag si Euzeine na nakakapit roon. “Hoy bampira, tigil! Mafafall talaga ako sa’yo!” natatawa nitong giit at hinila pa ang buhok ni Devoene, mas lalong nag-init ang dugo ng binatang bampira inabot niya ang katawan ni Euzeine para ihahagis sana ito. Ngunit hindi iyon natuloy dahil kinausap nito ang lalaking lobo na kanina pa pala naka-tingin sa kanila.
“Sali ka sa troopa ko!” at sa pangungusap na iyon, tuluyan nang inihagis ni Devoene si Euzeine sa ere.