Nagising ako nang dahil sa matinding sikat ng araw na tumatama sa'king balat.
Marahan akong tumayo at nag-inat. Luminga-linga rin ako sa paligid upang pagmasdan ang ganda ng panibagong araw.
"Maraming thank you, Lord!" Napangiti ako pagkatapos kong sabihin ang mga salitang 'yon.
Haaaay. Panibagong araw. Panibagong pakiki-baka na naman sa buhay.
Tinapik-tapik ko ang sarili ko dahil sa totoo lang ay inaantok pa 'ko pero kailangan ko ng ayusin ang mga kartong tinulugan ko dahil baka mamaya lang ay may dumating ng mga pulis, mahirap na at baka mahuli pa 'ko!
"Bakit ka naka-busangot ate?" Ipinarada ko ang karitong tulak-tulak ko at walang hiyang nilapitan ang dalagitang nasa bakery. Mukhang naubusan na ata siya ng pandesal.
"Ha? Sino ka? Ew." Hindi lalo maipinta ang mukha niya nang tumingin siya sa'kin. Kaloka!
"Tabi!" Sigaw pa nito at bahagya pa akong tinulak. Nako talaga, wrong move pa ata. Gusto ko lang naman sanang gumaan 'yung loob niya.
Tsk! Parang naubusan lang ng pandesal, hahayaan na niyang masira ang araw niya. Ano 'yon?!
"Hija naman kasi. Hindi mo dapat nilalapitan ang mga taong 'di mo kilala lalo na 'yung mga gano'ng bad mood."
"Eh aling Zetty, gusto ko lang pong magspread ng positivity gano'n!" Energetic kong paliwanag. Natawa naman si aling Zetty sa inasal ko, para namang 'di pa siya sanay sa'kin.
"O ito na lang. Tatlong pandesal, para sumaya ka lalo." Nanlaki ang mata ko at kaagad na tinanggap 'yon. Aba, wala ng hiya-hiya sa panahon ngayon, mamamatay na 'ko sa gutom, pride pa rin ba paiiralin ko?
"Super thank you ho." Pasasalamat ko bago kumagat sa mainit na pandesal na binigay niya.
"Wala 'yan. Hayaan mong ako naman muna ang magbigay sa'yo ng positivity gano'n!" Ginaya niya pa ang pagkakasabi ko.
"Basta aling Zetty, babawi ako. Pag nakahanap ako ng kalakal mamaya, maambunan ka promise!"
Sana nga lang talaga ay makahanap ako ng kalakal mamaya.
*~*~*~*
"Basura mo. Blessing ko."
Ayan ang ganda ng bagong slogan na naisip ko. Ipapaskil ko 'to sa kariton, sana nga ay maging effective para naman sa'kin na nila ibenta ang mga kalakal nila.
"Bote! Diyaryo! Kalakal kayo riyan!" Hinihingal na ako kasisigaw pero wala pa ring pumapansin sa'kin. Ang mga tao talaga ngayon masyado ng busy kung tignan pero wala naman talagang pinagkakaabalahan.
"Tiri!" Matinis na sigaw ang nagpatigil sa'kin mula sa pagtutulak ng kariton.
Jusko! Blessing na ba 'to?
"Bumili ka ba ng mga lumang notebook?" Napangiti ako ng marinig ang bagay na 'yon. May panlaman na ako sa tiyan ko!
"Syempre naman po. Nasa'n po ba?" Dinala niya ako sa tapat ng bahay niya bago inilabas ang isang sako ng mga papel. Tinimbang ko 'yon kaso 'di gaanong kalakihan. Pwede na rin kahit hindi enough.
"25 pesos po." Gusto ko mang taasan, malulugi naman ako pag dating sa junk shop.
"Pasensya na po kayo ha? Ayun lang po talaga." Tinapik naman ng ale ang balikat ko atsaka ngumiti.
"Ayos lang. At least nga kahit papaano ay napera pa ang dapat basura na lang sa bahay." Napangiti ako dahil isang malaking tsek ang sinabi niya. Bonus pa na nakatulong siya sa'kin.
*~*~*~*
"Take it or leave it?"
"Aba naman kuya, ini-ingles-ingles mo pa 'ko. Syempre take it." Awkward ko pa siyang nginitian.
"Osige na. Makakaalis ka na."
"Thank you ho!"
Bente pesos para sa isang buong araw.
Madalas talaga, ayaw man natin mag-settle sa mga bagay na 'di natin deserve, wala pa rin tayong magawa kundi tanggapin na lang ng buong buo kaysa sa wala.
*~*~*~*
Napangiwi ako nang makitang may iba ng nakapwesto sa tinulugan ko kanina. Sayang, maayos pa naman ang pwesto ro'n at mukhang wala ng akong makikitang katulad pa no'n.
Gusto ko man paalisin ang pamilyang nakapwesto na ngayon do'n ay hindi ko naman magawa. Ang saya nilang tignan. Parang punong puno ng pagmamahal at kakuntentuhan sa buhay.
Sana lahat.
"Ay miss, ikaw ba 'yung naka-pwesto rito kanina?" Napalingon ako sa padre de pamilya nila na ngayon ay nakatingin sa'kin. Nahihiya naman akong umiling bago nagpaalam na aalis na.
Gutom.
Gutom ang nangingibabaw sa'kin ngayon, gusto ko mang bumili ng kahit tinapay kila Aling Zetty ay nakakahiya dahil nangako akong babawi ako sakaniya. Kaunti na lang ang mabubuti ngayon, at ayoko silang abusuhin.
Inabutan na 'ko ng antok dito sa ilalim ng tulay. Mukhang dito na talaga ako magpapalipas ng gabi.
Napabuntong hininga ako dahil sa mga hindi magandang nangyari pero hindi naman ibig sabihin non na masama na ang buhay di'ba? Sadyang pangit lang ang araw ngayon!
Hayaan mo na self, bukas babawi tayo.