HINDI mapakali si Storm, kasalukuyan itong nakasakay sa ambulansiya kasama ni Fay.
"Masyadong mahina ang pulse rate niya at masyado ng maraming dugo ang nawala sa kaniya!" nagpa-panic na wika ng nurse na nakadiin sa sugat ni Fay at naka-monitor sa pulse rate nito.
Naramdaman naman ni Storm na mas lalong bumilis ang takbo ng ambulansiya. Ilang sandali lang ay nasa harapan na sila ng Juan Calixto Chavez General Hospital. May mga nakaabang na roon na emergency staff para kay Fay.
Mabilis itinakbo si Fay papasok ng emergency room at mabilis ding sumunod si Storm dito. Naabutan nitong inililipat sa Fay sa bakanteng kama sa loob ng emergency room.
"Sir, pasensiya na po! Bawal na po kayo rito!" awat ng nurse sa binata nang tinangka niyang lumapit kay Fay.
"Bakit bawal? Pinsan ko ang may-ari ng ospital na 'to!" pagmamatigas ni Storm habang pilit na hinahawi ang nurse na nakaharang sa kaniya.
“Kahit na po, sir, hindi po kayo pwede rito sa loob!”
“Papasukin niyo ‘ko kung ayaw niyang magwala ako rito!” pananakot pa niya.
"Anong kaguluhan 'to?" tanong ng isang pamilyar na tinig mula sa likuran ng binata.
"Doc!" bulalas ng nurse na pumipigil kay Storm.
"Zev, ayaw nila akong palapitin kay Fay!" galit na sigaw ni Storm sa pinsan.
"Storm, mahigpit na policy ng ospital na bawal ang companion sa loob ng emergency room lalo't hindi maganda ang lagay ng pasyente," paliwanag naman ni Zev sa pinsan.
"Anong ibig mong sabihin?" di maintindihang tanong ng binata.
"Wait. Anong lagay ng pasyente?" seryosong tanong ni Zev sa nurse.
"Medyo malalim po ang tinamo niyang saksak sa tagiliran, Doc, at marami na ring dugo ang nawala sa kaniya. We will just wait for the CT scan result, to make sure that there is no other damage to nerves or any other organs. If there are no damages, we can already stitch her stab wound and prepare for the blood transfusion," paliwanag ng nurse kay Zev.
"Okay, just follow that procedure," utos naman nito. “At ako na ang bahala rito.”
"Please excuse me, Doc," magalang na paalam ng nurse bahagya namang tumango si Zev dito.
"Tara muna sa labas, Storm," aya ni Zev sa pinsan.
"Pero paano si Fay?"
"You don't have to worry, narito siya sa ospital ko kaya walang mangyayaring masama sa kaniya," paniniguro naman ni Zev sa pinsan habang itinutulak itong palabas.
"Bakit ba kasi hindi na lang ikaw ang umasikaso sa kaniya?" naiinis na saad ni Storm.
"For God's sake, Storm! Pediatric Doctor ako hindi ko hawak yung case ni Fay," nauubusan ng pasensiya ng wika ni Zev sa pinsan. "Huminahon ka nga lang diyan!" bulyaw na niya rito nang makalabas na sila ng emergency room at naupo sila sa upuang naroon na nagsisilbing waiting area doon.
Bakas sa mukha ni Storm ang labis na pag-aalala sa kalagayan ng dalaga dahil hindi siya mapakali at halos maya't maya nitong inihihilamos ang kamay sa mukha.
"Ano ba kasing nangyari? Bakit ba siya nagkaganiyan?" kaswal na tanong ni Zev dito at ni walang bakas na pag-alala ang baritonong tinig nito.
"Paano mo nagagawang maging kampante nang ganiyan?" nagtatakang tanong ni Storm dito.
"Again, for God's sake, Storm. Aside from I'm a doctor, ako rin ang nagmamay-ari ng ospital na 'to! Isipin mo araw-araw akong nakakakita at nakaka-encounter ng ganiyang cases at minsan mas malala pa nga, kung matataranta ako baka mas mauna pa akong mamatay sa pasyente ko," naiiling na paliwanag ni Zev sa pinsan.
"Hindi ko talaga alam kung anong nangyari," simulang kuwento rito ng binata. "May kakaiba rin akong pakiramdam kaninang umaga pa lang kaya pinilit kong pumasok. Nakita ko siyang naglalakad kasama ng kaibigan niya, naisipan ko lang naman na sundan sila. Habang naglalakad sila, nakita ko na lang na nakasalubong niya yung put*nginang gumawa niyan, hindi ko pinansin kasi ganoon naman talaga ugali ni Fay, akala ko may ginawa lang na kung ano sa kaniya. Noong una natatawa pa ako kasi kayang-kaya niya yung g*gong 'yon, natigilan na lang ako no'ng nasaksak na siya," bakas ang pagsisisi sa tinig nito. Marahan namang tinapik ni Zev ang balikat ng pinsan.
"Hindi mo 'yon kasalanan, Storm, saka ang mahalaga naman hindi napuruhan si Fay," pagpapalakas ni Zev sa loob nito.
"Doc!" pukaw ng nurse na lumabas sa emergency room sa atensiyon ni Zev, mabilis naman itong sinalubong ng binata.
"Bakit?" nagtatakang tanong rito ni Zev ng makalapit.
"Nakita po naming hawak-hawak ng pasyente," at inabot nito ang bracelet ni Fay. "Pwede na rin po siyang ilipat ng private room pagtapos niyang salinan ng dugo. Pakisabi na lang po sa kasama ng pasyente na pumunta na po ng admitting area," dugtong pa nito.
"No need, ilipat niyo siya sa VIP room sa fifth floor," utos ni Zev sa nurse.
Nagtataka man ay mabilis na tumango ang nurse kay Zev. Ang mga VIP room kasi sa fifth floor ay designated lamang para sa kilala at prominenteng tao at higit sa lahat para sa mga Chavez.
Humakbang namang muli si Zev pabalik sa kinauupuan ng pinsan.
"Storm," tawag nito kaya nag-angat ng ulo ang isa at inabot naman kay Storm ang hawak nitong bracelet. Nagsalubong naman ang kilay ng binata. "Mukhang iyan ang dahilan kung bakit hinabol ni Fay yung lalaking 'yon at dahilan ng pagkakasaksak sa kaniya," wika ni Zev saka naupo sa tabi nito. Tiningnang maigi ni Storm yung bracelet na ibinigay niya kay Fay at may kaunting bahid pa iyon ng dugo. "Hindi ko alam na kumuha ka pala ng bracelet na 'yan kay Mama." Napatingin naman si Storm dito at seryosong tumingin sa kawalan si Zev. "Alam kong hindi isang kapatid lang ang tingin mo kay Fay."
"Ang dumi talaga ng utak mo!" gulat na singhal ni Storm sa pinsan.
"Huwag mo nang itanggi, mas matanda ako sa 'yo at mas marami na akong karanasan kaysa sa 'yo pagdating sa mga babae. Sa kilos mo, pag-aalala mo at mga tingin mo, ibang-ibang ang lahat ng 'yon sa sinasabi niyang bibig mo."
Natahimik si Storm sa tinuran ng pinsan at napatinging muli sa hawak niyang bracelet at sinusukat kung ano ba talaga ang totoong nararamdaman niya sa dalaga.
"Kung gusto mo minsan iinom natin 'yan," aya ni Zev dito at muling tinapik sa balikat ang pinsan. "Minsan ka na nga lang tatamaan sa taong hindi pa pwede," naiiling na saad pa nito. "Anyway, pinalipat ko na si Fay sa fifth floor, doon mo na lang siya hintayin. Pagtapos niyang salinan ng dugo ay iaakyat na siya," pagdaka'y tumayo ito.
"Teka, saan ka pupunta?" pigil naman ni Storm dito.
"Hay naku, may ipapakilala raw kasing babae si Mama, anak yata ng amiga niya, hindi ko naman siya pwedeng tanggihan dahil magtatampo 'yon sa 'kin," napapabuntong hiningang wika nito. "Sige na, mauna na ako sa 'yo. Ikaw na bahala kay Fay," pagtapos ay muli nitong tinapik sa balikat si Storm.
Si Storm naman ay napasunod na lang ang tingin sa pinsan. Nang mawala ito sa kaniyang paningin ay tumayo na rin siya mula sa pagkakaupo at nagpasyang umakyat sa kuwarto kung saan dadalhin si Fay.
NAGISING si Fay dahil sa sakit na kaniyang nararamdaman sa kaniyang tagiliran. Pagdilat niya ay pakiwari niya'y nasa loob siya ng isang hotel room, ang kaibahan nga lang ay may mga aparato ng ospital na nasa gilid ng kaniyang higaan. Iniikot niya ang paningin, mayroong maliit na sala at kusina roon na kita rin mula sa kaniyang kinahihigaan.
Sa maliit na sala ay mayroong 65" flat screen tv, kulay puting sala set at mayroon din doong coffee table. Sa maliit na kusina naman ay mayroong maliit na ref, gawa rin sa granite ang lababong naroon, microwave oven, coffe maker at mayroong dining table na pang-dalawang tao lamang. Sa tabi naman ng kaniyang higaan ay may dalawang puting lamp shade. May malaki ring bintana rin doon na natatabingan ng malaking kurtina na kulay puti at abo.
May nararamdaman siyang mabigat na bagay na nakadagan sa kaniyang kamay, pagtingin niya roon ay si Storm na mahimbing na natutulog. Nang makita niya ang binata ay naalala niya ang bracelet na ibinigay nito sa kaniya kaya muli siyang nabahala at marahang kumilos upang hanapin iyon sa mga gamit niyang naroon. Hindi niya alintana ang sakit na kaniyang nararamdaman ang tanging nasa isip lamang niya ay ang makita ang ibinigay nito sa kaniya. Ngunit kahit saan niya iyon hanapin ay hindi niya ito makita.
Sa kabila ng marahang paggalaw ni Fay ay naramdaman pa rin ni Storm ang pagkilos ng dalaga kaya naman nagising ito. At sa pagkakataong iyon ay muling nagtagpo ang kanilang mga mata.
"Nagpapakamatay ka ba talaga?" galit na tanong agad ni Storm sa kaniya nang mapansing kilos siya nang kilos, bahagya siyang napayuko sa sinabi nito dahil alam niyang nasa katuwiran ito para magalit sa kaniya. "'Yang katapangan mo lagi mong ilalagay sa lugar, dahil 'yan mismo ang magpapahamak sa 'yo!" patuloy na galit na pagsesermon nito sa kaniya.
"Inaalala ko lang kasi yung bracelet na bigay mo," malungkot na sagot niya rito.
"Mas inuna po pa yung bracelet kaysa sa kaligtasan mo!?" hindi makapaniwalang singhal sa kaniya ng binata.
"Mahalaga kasi sa 'kin 'yo—argh!" di napigil na sigaw niya rito kaya naman kumirot ang sugat niya at napahawak siya roon.
"Tingnan mo nga 'yan!" bulyaw pa nito ngunit mababakas ang pag-aalala sa tinig nito. Nahagip ng paningin niya ang bracelet nitong kapareho nang sa kaniya.
Kaya naman naramdaman ni Fay ang unti-unting pagpatak ng kaniyang luha hanggang sa hindi na niya iyon mapigil pa kaya napaiyak na siya ng malakas na ikinagulat naman ni Storm.
"Bakit? Ano bang masakit sa 'yo?" Nawala ang galit sa mukha ng binata at tuluyan ng napalitan nang nag-alala dahil sa malakas na pag-iyak na ginawa niya. Hindi niya ito sinagot sa halip ay umiyak lamang siya nang umiyak. "Hoy, Fay, ano ba?" tanong nito na hindi malaman kung anong gagawin at kung saan siya hahawakan. "Teka, tatawag lang ako ng nurse!" Pagtapos ay natataranta itong tumayo.
"H-Hindi! W-Wag na," humihikbing pigil naman niya rito at pilit pinipigil ang pag-iyak. "Hindi naman ako umiiyak kasi may masakit sa akin," pagtatapat niya rito kaya nagtataka naman itong tumingin sa kaniya. "Umiiyak ako kasi naiwala ko yung binigay mo!" malakas na bulalas niya kasabay ng muli niyang pag-iyak kaya wala siyang nagawa kundi ang itakip ang kamay sa kaniyang mukha. Iyak na halos naging hagulgol na dahil sa sama ng loob na nararamdaman sa sarili.
Naiiling na napabuntong hininga na lamang ang binata at kinuha ang isa niyang kamay na nakatakip pa rin sa kaniyang mukha at kasalukuyang basang-basa na ng luha.
"B-Bakit?" humihikbi pa ring tanong ni Fay sa binata.
"Huwag mo nang iwawala 'yan," saad nito saka inilagay sa palad niya bracelet na akala niya'y tuluyan na niyang naiwala. Hindi makapaniwalang napatingin siya roon at buong tuwang napatingin din kay Storm.
"Paano mo nakuha? Buti nakuha mo!" wala siyang pagsidlan ng tuwa dahil hindi naman pala niya naiwala ang bracelet na binigay nito.
"Saka pwede ba sa susunod, Fay, huwag mong uunahin yung mga ganiyang bagay kaysa sa sarili mong kaligtasan," sermon na naman nito sa kaniya, tumango naman siya habang malapad na nakangiti rito. "At kapag papasok ka o uuwi ka huwag ka nang maglalakad, napakadelikado ng panahon ngayon!" dagdag pa nito.
"Oo magpapahatid na ako," mabilis namang niyang pagsang-ayon sa sinabi nito. Isinusuot na niya yung bracelet na bigay nito nang maalala niya si Candice. "Teka, Storm, nasaan na pala si Candice?"
"Naiwan doon at siya ang nagpa-blotter ng nangyari at sumama sa mga pulis," wika naman nito.
"Nahuli ninyo yung snatcher?"
"Oo, nahuli na. Hawak na siya ng mga pulis ngayon kaya huwag ka ng mag-alala," wika nito saka naupo sa gilid ng kama niya. Kitang-kita niya sa mga mata nito ang pag-aalala sa kaniya.
"Ah, Storm, pwede bang huwag mo na lang 'to sabihin kila Mama?" nag-aalalang pakiusap niya sa binata.
"Okay, but you have to pay me."
Nagtataka naman siyang tumingin dito. "Magkano ba ang kailangan mo?" napaismid namang tanong niya rito. Ang yaman-yaman na gusto pang magpabayad! Di makapaniwalang wika niya sa sarili buong akala niya madali na lang itong pakiusapan.
"I'm not saying you have to pay money for it," makahulugang wika nito kaya nagsalubong ang kilay niya. "Simple lang naman, lahat ng gusto ko, ‘yon ang gagawin mo!”
"Ano?!" angal naman niya rito. "Mamaya kung ano pang ipagawa mo sa 'kin."
"Eh di, sige, madali lang naman akong kausap," wika naman ng binata saka inilabas ang cellphone nito at narinig niyang nagda-dial na ito.
"Oo na, oo na!" nauubusan ng pasensiyang saad ni Fay at mabilis na kinuha rito ang hawak na cellphone.
Ngunit lingid sa kaalaman ng Fay na inaasar lamang siya ng binata at wala itong balak na singilin ang dalaga sa nangyari dahil totoo namang nag-alala si Storm sa nangyari. Sapat na sa kaniyang alam niya na ligtas ito.