MAY KAUNTING kirot pa ring nararamdaman si Fay sa kaniyang sugat kaya minabuti ni Storm na huwag na lamang siyang papasukin. Ang tanging inaalala nito ay baka bumuka pa ang kaniyang sugat, sumunod na lang siya rito dahil ayaw naman niyang mag-away na naman sila.
Palagi pa rin itong nakabantay sa dalaga. Kung hindi man ito nakasunod sa kaniya ay maya't maya naman siyang sinisilip nito kung saan man siyang parte ng mansyon naroon.
"Anong ginawa mo?" tanong ni Storm kay Fay ng makita nitong hirap na hirap siyang nakayuko sa nakabukas na pintuan ng bathroom ng silid niya. Lumingon naman siya sa binata.
"Ilang araw na kasing hindi naliliguan itong buhok ko, nahihirapan pa rin kasi akong iangat ang kamay ko ng dahil sa sugat ko," paliwanag naman niya rito habang nakayuko pa rin.
"Napakadelikado naman niyang ginagawa mo! Talaga bang naghahanap ka nang sakit ng katawan?" sermon na naman nito sa kaniya. "Halika nga rito!" aya nito sa kaniya at hinila siya at dahil nauna na niyang nabasa ang ulo niya, nababasa na rin ngayon ang kaniyang damit.
"Teka, Storm!” angil niya ngunit patuloy lang ito. “Uy, ano ba!" awat naman niya dahil nababasa na nga ang kaniyang damit. Ngunit sa halip na pakinggan siya ay nagulat siya ng bigla siyang pangkuin nito at ilagay sa loob ng bathtub. "Storm, ano ba? Ano ba kasing binabalak mong gawin?" patuloy na angal niya rito at sinubukang tumayo ngunit pinigil siya nito sa balikat kaya napaupo siya muli.
"Maupo ka lang diyan, kung ayaw mong samain ka na sa ‘kin, Fay!" mariing utos naman nito na may kasama pang pagbabanta. Naiiling na nasundan na lamang niya ito ng tingin, kumuha ito ng shampoo sa malaking cabinet na naroon pagtapos ay muling lumapit sa kaniya at naupo sa may ulunan niya.
Masuyo nitong isinandal ang ulo niya sa gilid ng bathtub at iniladlad ang buhok niya mula roon sa labas. Naramdaman na lamang niya na binabasa na nito ng maligamgam na tubing na nagmumula sa shower, ito na rin mismo ang naglagay ng shampoo sa ulo niya. Hindi niya maiwasang mapangiti sa mga simpleng bagay na ginagawa nito para sa kaniya.
Masarap sa pakiramdam niya ang ginagawa nitong pagmasahe sa ulo niya. Pakiwari niya ay natanggalan ng isang damakmak na dumi ang ulo niya kaya't ang gaan na kaniyang pakiramdam ng mga oras na iyon.
"Ayan! Siguro naman matatahimik ka na," wika nito pagtapos banlawan at kasalukuyan ng pinupunasan ang buhok niya.
"Salamat!" mahinang usal niya. Pagtapos ay inalalayan pa siyang tumayo nito hanggang sa makalabas sila ng bathroom ng silid niya.
"Magbihis ka na basa na 'yang damit mo nang dahil sa buhok mo!" mariing utos nito kaya napatingin siya sa suot niya. Ngunit bago pa man siya makapagsalita ay nakalabas na ito ng walk in closet niya at narinig na lang niya ang marahang pagsara ng pintuan ng kaniyang silid.
Nagpalit lang siya ng damit at nagpasyang sundan ang binata. Bagaman hindi niya alam saang parte ng mansyon ito hahanapin. Sinubukan muna niyang sa ibang bahagi ng mansyon ito hanapin.
Ngunit sa gulat niya'y pababa pa lang siya ng hagdan ng makita niya ito at si Genevieve na magkalapat ang mga labi. Sa tanawing iyon parang may kumukurot sa kaniyang dibdib.
"Ano bang ginagawa mo?" angil ng binata dito at marahan itong itinulak.
"Why? You are the one who kissed me first on the Island, don't you? I am just returning the favor," kinikilig na wika ni Genevieve sa binata at doon nito napansin ang madilim na mukha ni Fay. "Ow, nandito pala ang stepsister mo!"
Hindi napigilan ng dalawa na mapataas ang kilay sa tinuran nito.
"Ano bang ginagawa mo rito, Gen? At bakit napakarami mong dalang gamit?" naiinis na tanong dito ni Storm.
"Oh well! Nagpaalam kasi ako kay Tito Sandro that I just wanted to be with you before I return to California. That's why I am here!" masayang saad pa nito. Naiiling na lamang na tinalikuran ito ni Storm. "Wait! Saan ang kuwarto ko rito?" habol na tanong ng dalaga rito.
"Celia, pakisamahan nga 'yan sa guest room," utos naman ni Storm sa isang katulong na naroon. Mabilis namang sumunod ang katulong dito at tinulungan itong iakyat ang mga gamit ng dalaga.
At dahil hirap na hirap ang katulong sa rami ng gamit nito ay naibagsak nito ang isang maleta ni Genevieve.
"Oh God! Why are you so stupid!?" galit na bulyaw dito ng dalaga. "Alam mo bang mas mahal pa sa isang taong sahod mo ang mga laman niyan! Kaya pwede ba ingatan mo naman!" Napayuko na lang ang katulong sa sinabi nito.
Nakaramdam naman ng awa si Fay sa katulong kaya maagap niya itong tinulungan.
"Ako na rito," mahinang usal niya sa katulong sabay kuha ng isang maleta na hawak nito kaya ngumiti naman ito sa kaniya.
"And who told you that you could touch my things?" masungit na wika nito sa kaniya at nakatingin sa kamay niyang nakahawak sa maleta nito.
"Alam mo nagmamagandang loob lang naman ako dahil hirap na hirap na 'tong tao sa pagdadala ng mga gamit mo!" naiinis nang sabi niya rito kaya hindi inaasahan na mapagtaasan niya ito ng boses.
"At sino ka para pagtaasan ako ng boses? Baka nakakalimutan mo kung sino ako!? At tatandaan mo sampid ka lang sa mansyon na 'to! Hindi porke't nakatira ka sa bahay na 'to ang taas na ng tingin mo sa sarili mo!" galit na galit na sigaw nito sa kaniya.
"Huwag kang mag-alala hindi ko naman kinalilimutan yung kinalalagyan ko at yung pinanggalingan ko!" matapang ring saad niya rito. "Pero ikaw, hindi porke't mataas ang kinalalagyan mo sa buhay, gagawin at sasabihin mo na lang ang lahat ng gusto mo sa mga taong nasa paligid mo. Oo nga, siguro mayaman ka at kayang-kaya mong mabili lahat ng anomang gustuhin mo sa buhay at siya, di hamak na isang katulong lang dito pero hindi ibig sabihin noon nabili mo na ang buong pagkatao ng kahit sinong taong nasa paligid mo para magsalita ka ng ganiyan!"
"Anong sinabi mo?" hindi makapaniwalang tanong nito. "Ang lakas din naman talaga ng loob mo 'no! Ano bang ipinagmamalaki mo yung nanay mo na bagong babae lang naman ni Tito Sandro?" sarkastiko pang dagdag nito.
"Alam mo wala naman akong ipinagmamalaki, alam ko lang na wala sa hulog 'yang mga kayabangan at pinagsasabi mo!" mariing wika niya rito saka ito tiningnan mula ulo hanggang paa. "Saka huwag din masyadong mataas ang tingin mo sa sarili mo kasi baka nakakalimutan mong bilog ang mundo. Baka ngayon nga nasa ibabaw ka pero bukas hindi mo na alam kung nasaan ka," taas noong wika niya rito saka tumalikod at humakbang palayo rito.
Ngunit nakakadalawang hakbang pa lang siya ng maramdaman niya ang biglang paghablot nito sa buhok niya.
"Ano ba!?" hindi mapigilang angal niya dahil sa sakit ng pagkakahila nito sa bukok niya.
"Hindi pa tayo tapos kaya wala kang karapatan na talikuran ako!" gigil na gigil na saad nito.
"Ano ba? Bitiwan mo yung buhok ko!" angal niya pa rin dito.
"GENEVIEVE!" isang malakas na sigaw mula kay Storm ang nagpabitiw sa pagkakahawak nito sa buhok niya. "Ano bang ginagawa mo?" galit na galit na tanong ni Storm dito at hinila siya nito papalayo sa dalagang galit na galit sa kaniya.
"Siya yung nauna hindi ako!" ganting sigaw nito sa binata.
"You shut up!" mariing usal ng binata. "Kapag hindi mo binago 'yang ugali mo habang naririto ka sa bahay ko, ako mismo ang magpapalayas sa 'yo!" Pagtapos ay tuluyan na siyang hinila nito palayo kay Genevieve.
Dinala siya nito sa Patio na nasa labas lang ng mansyon.
"Ano ba?" naiinis na angil niya rito at padaskol na iwinaksi ang pagkakahawak nito sa kamay niya.
"Ano bang problema mo?" nagtatakang tanong naman nito sa kaniya.
"Wala," pagtapos ay nag-iwas lang siya ng tingin dito. Hindi pa rin kasi nawala sa isip niya yung panibagong halikan nito at ni Genevieve. Hindi rin niya malaman kung bakit ba siya nagagalit o nakakaramdam ng ganoong klaseng inis sa binata.
Humakbang naman ito palapit sa kaniya at hinawakan siya sa magkabilang balikat niya.
"Sabihin mo na kung anong problema mo, hindi ako manghuhula."
"Wala nga kasi!" Inalis niya rin ang dalawang kamay nito na nakahawak sa balikat niya at humakbang palayo. Ngunit sa gulat niya at niyakap siya nito mula sa likod niya.
"Alam kong may problema. Hindi ka magkakaganiyan kung wala kang problema!"
Naiinis naman siyang humarap dito.
"Alam mo tigilan mo na nga lang ako sa kakaganiyan mo! Nandoon si Genevieve, oh! Naghihintay na suyuin mo!" hindi napigilang sigaw niya rito. Ngunit sa halip na sagutin siya at ngiti lamang ang iginanto nito sa sinabi niya. "At nakuha mo pa talaga akong ngitian ng ganiyan! Bahala ka na nga riyan!" naiinis na usal niya at humakbang upang bumalik na sa loob ng mansyon ngunit nahila lang siyang muli nito at niyakap ng mahigpit.
"Alam mo kung nagseselos ka, madali lang naman 'yon sabihin hindi mo kailangan magtatatalak diyan," batid niyang nakangiti pa rin ito base sa tinig nito. Pilit naman niya itong itinulak ngunit mas mahigpit lang itong yumakap sa kaniya. "Ganito muna tayo, Fay, kahit sandali lang," sinserong wika nito kaya naman wala sa loob niyang napayakap din siya rito at inihilig ang ulo sa malapad na balikat nito.
Bakit ba kasi hindi kita kayang tiisin? Naiinis na usal niya sa sarili. Bakit ba habang tumatagal ay parang mas lumalalim ang nararamdaman ko para sa 'yo? Alam kong hindi ko pwedeng hayaan pero hindi ko rin naman magawang pigilan.
Sa isipin na iyon hindi niya namalayan ang unti-unting pagpatak ng luha niya.
"Bakit na naman ba, Fay?" nag-aalalang tanong na naman nito na marinig ang marahang pagsinghot niya habang nakayakap pa rin sa kaniya.
"Hindi ko alam, eh, gusto ko lang umiyak! Bakit ba kasi?" naiinis na namang wika niya rito. Humiwalay ito ng yakap sa kaniya at tiningnan siyang maigi at pinunasan ang mga luha niya.
Sa kabilang banda ay hindi nila alam na ng mga oras na iyon ay nasa hindi kalayuan si Genevieve at nakamasid lamang sa kanila.
Matapos ang tagpong iyon sa pagitan nila ni Storm at matapos nila kumain ng sabay ay nagpasiya na siyang bumalik sa kaniyang silid upang makapagpahinga. Habang naglalakad si Fay paakyat ng kaniyang silid ay nandoon si Genevieve at naghihintay sa kaniya at dahil ayaw niya nang gulo ay nilagpasan lamang niya ito.
"Is it normal to just hug your stepbrother like that?" wika ni Genevieve habang nakatingin sa mga kuko, napalingon naman si Fay dito. "Well, I don't think so!" Pagtapos ay lumakad itong papalapit sa kaniya.
"Ano bang gusto mong sabihin, Genevieve?" hindi makatiis na tanong niya rito.
"Ang gusto ko tigilan mo ang pakikipaglandian kay Storm. He is mine!" matigas na saad nito kaya hindi niya maiwasang matawa sa sinabi nito. "At ang lakas naman ng loob mong tawanan ako!"
"Alam mo hindi ko alam kung anong katayuan mo sa buhay pero isa lang ang alam ko, walang sinoman ang may karapatang mang-angkin kanino man."
"Aba't may lakas ka pa ng loob para sabihin sa 'kin 'yan! At tingin mo anong sasabihin ni Tito Sandro at ng Mama mo kapag nalaman nila 'yang mga ginagawa ninyo?" pananakot pa rin nito sa kaniya.
"As far as I know wala naman kaming ginagawang masama ni Storm. Kung may mali kang nakikita baka ganoon na lang talaga kadumi 'yang utak mo," ganting wika niya rito. Hindi siya pwedeng nagpadala sa pananakot nito dahil ayaw niyang gamitin nito laban sa kanila ang sitwasyon nilang iyon ni Storm.
"Ah, ganoon. Sige, tingnan na lang natin," usal nito saka siya tinalikuran.
Hindi niya alam kung anoman ang binabalik nito pero hindi siya natatakot para sa kaniyang sarili. Natatakot siya para kay Storm dahil alam niyang napakadali para sa ama nito ang maniwala na lang sa lahat ng sasabihin ng dalaga rito.
Kung mayroon man siyang ikinatatakot ay iyon ang totoong nararamdaman niya para rito. Natatakot siya dahil hindi niya alam kung hanggang saan siya dadalhin ng nararamdaman niyang iyon.