“Destiny brings you closer to the right person.”
Dexter
2:30 PM
TUMINGIN AKO sa orasan na nakasabit sa clinic ko.
Hay, sa wakas natapos din ako sa apat na kliyente ko na dalawang nagpabunot at dalawang nagpapasta.
Lumabas muna ako ng clinic. Balak ko sanang pumunta sa isang fastfood chain para bumili ng makakain. Nagutom ako dahil tuloy-tuloy ang trabaho ko. Nakalimutan kong magtanghalian. Pero kakabukas ko pa lang ng pinto ng clinic ko, narinig ko na ang sigaw ng isang matandang babae.
"Miss!" sigaw nito.
Hawak-hawak nito ang isang babaeng sa palagay ko ay nahimatay.
"Gising, Miss,” paulit-ulit pang sabi nito habang tinatapik-tapik ang mukha ng babae. Halatang natataranta na siya. Tumingin siya sa gawi ko at tinawag ako. "Hijo! Tulungan mo naman ako." Pakiusap niya kaya agad akong lumapit at binuhat iyong babae.
Hmmm... parang nakita ko na ang babaeng ito?
Nilapag ko siya sa may sofa.
"Salamat, hijo, ha." Pagpapasalamat naman ang matanda habang nakatitig sa akin.
"Hijo, ikaw na bahala sa kanya, ha?" sabi niya pa. "May importante pa kasi akong pupuntahan. Hindi ko na siya maaasikaso."
Tumango lang ako kaya umalis na rin siya. Tiningnan ko ulit ang babae. Parang pamilyar talaga siya.
Ah naalala ko na! Napangiti ako. Siya iyong babaeng umiiyak sa park kahapon.
Bakit pinagtagpo na naman kami ng babaeng ito? Ganoon na ba kaliit ang mundo?
Tinitigan ko siya habang natutulog. Maganda pala siya pero napakasimple ng mukha. Wala man lang make-up. Sa tingin ko face powder at konting lipstick lang ang nakalagay doon pero mukhang nabura na rin ang lipstick nito.
Napagawi ang mga mata ko sa labi niya.
Ang cute ng labi niya. Kissable lips. Sarap halikan. Uy! Ano bang pinagsasasabi ko? Hindi ko kilala ang babaeng ito para pagnasaan ko.
Inalis ko ang tingin sa kanya saka nagpunta sa may lamesa ko. Kinuha ko ang cellphone ko at dinayal ang numero ng fast-food chain. Magpapa-deliver na lang ako ng pagkain. Hindi ko naman pwedeng iwan ang babaeng ito na mag-isa rito sa clinic ko.
Wala pang tatlumpung minuto dumating na ang in-order kong pagkain. Kaya't ipinasok ko muna iyon sa maliit kong kusina.
Geraldine
UNTI-UNTI kong idinilat ang aking mga mata. Ang puti ng buong paligid.
Nasa langit na ba ako? Pero paano ako namatay? Binangungot? Nag-suicide?
"N-nasa’n ako?" mahinang sambit ko. Nakahiga ako sa mahabang sofa.
"Oh, gising ka na pala." Isang tinig ng lalaki ang narinig kong nagsalita. Napalingon ako sa kanya. Palapit na siya sa akin kaya napabalikwas ako nang bangon. Nakasuot ito ng pang-doctor. Pamilyar din ang mukha niya sa akin. Parang nakita ko na siya dati. Bakas sa mukha ko ang pagtataka.
"Nandito ka sa clinic ko," sabi pa niya.
Tiningnan ko muli ang paligid. Wala nga ako sa hospital. Nakita ko ang higaan para sa mga binubunutan ng ngipin at ang mga gamit nito sa isang kwartong may salamin. Lalo akong nagtaka. Hindi ko matandaan kung ano ang nangyari sa akin.
Bakit wala akong matandaan? Nagka-amnesia ba ako?
"P-paano ko nakarating dito? B-bakit ako nandito?" tanong ko.
Ngumiti siya kaya't lumabas ang dimples niya sa pisngi.
Ang gwapo naman nito? Siya na kaya ang guardian angel ko?
"Dinala ka rito ng matandang babae. Taranta siya nang humingi siya ng tulong para buhatin ka. Nahimatay ka sa tapat ng clinic ko kanina."
Nahimatay?
Bigla kong naalala ang mga pangyayari. Nagbalik sa isip ko ang ginawa at sinabi ni Paolo pati na rin ang nakita kong pakikipaghalikan nila ng babae. Naalala ko rin ang pagtakbo at paglakad ko kanina pero pagkatapos noon hindi ko na alam ang sunod na nangyari. Mabilis na dumaloy ang mga luha sa aking mga mata. Agad kong tinakpan ang mukha ko at humagulgol.
"What's wrong?" Narinig ko ang tanong niya pero hindi ako sumagot. Patuloy pa rin ako sa pag-iyak. "Here. Take it,” sabi niya sabay abot ng panyo. Tinanggap ko naman iyon at nagpatuloy sa pag-iyak. "I see you again in the same situation." Nakaupo na siya sa tabi ko.
See you again? Kilala niya ba ako?
Nilingon ko siya na nakakunot ang noo. Tinitigan ko siya at tama ako pamilyar nga siya sa akin. "Ikaw!" bulalas ko nang maalala ko kung sino ang lalaking ito. Ito lang naman ang lalaking mayabang na na-encounter ko sa park kahapon.
Humfff... bakit ba ang liit ng mundo? Sa dami ng taong p’wedeng ma-encounter ko, bakit ito na namang lalaking ito?
Ngumiti ulit siya. Nakakaloko ito, ah.
"Natatandaan mo pa pala ako, Miss Iyakin." Pang-aasar pa niya.
Aba't... ang hilig talaga nitong mang-asar, `no?
Pinaningkitan ko siya ng mga mata. Sumosobra na siya. Kahapon pa siya nang-aasar, ha?
"Aalis na ako,” sabi ko sabay padabog na ibinigay sa kanya ang panyo at mabilis na tumayo. Pero nakaramdam ako ng pagkahilo kaya napahawak ako sa balikat niya. Inalalayan naman niya ako na muling makaupo. Gentleman pa rin kahit paano pero asar pa rin ako sa kanya.
"Hindi mo pa kaya. Sa tingin ko, nalipasan ka ng gutom. Saglit lang at kukunin ko ang pagkain mo,” sabi niya at tumungo sa maliit na kwarto. Sa palagay ko iyon ang kusina nito.
Tatanggi pa sana ako ngunit naramdaman ko ang pagkulo ng aking tiyan. Tama siya, gutom na gutom nga ko. Ngayon ko lang naaalala na kagabi pa pala ako hindi kumakain. Wala kasi akong tigil sa pag-iyak kaya't nakalimutan ko nang kumain.
Lumabas ito mula sa kusina na may dalang tray ng pagkain. Hamburger, pizza, fries at coke. Ang dami. Nakakatakam. Inabot niya sa akin ang tray. Ngunit hindi ko tinanggap. Inirapan ko lang siya. "Kumain ka na."
"Ayoko. Hindi ako nagugutom." Hindi ko maamin na nahihiya ako sa kanya. Alam ko namang tinulungan nya ako. Hindi lang isang beses kundi sa pangalawang pagkakataon. Pero naiinis pa rin ako sa kanya. Manlalait kasi.
Ganoon na lang ang pagkagulat ko nang tumunog ang aking tiyan at napakalakas noon. Kainis naman itong tiyan na ito kung bakit `di makisama. Bigla-bigla na lang tumutunog. Ang lakas pa naman. Buti sana kung hindi niya narinig.
Tumawa nang malakas ang lalaki sa harap ko.
Kung makatawa naman ito wagas. Parang walang bukas.
"Tatanggi ka pa, eh, sumisigaw na nga iyang bulate sa tiyan mo."
Bulate? Aba' t... naku talaga! Pigilan n'yo `ko! Masasapak ko talaga ito!
Tinaasan ko siya ng kilay. "Excuse me! Wala akong bulate, `no? Akin na nga!" sigaw ko sabay hablot sa tray.
Sa sobrang gutom ko ay nilantakan ko agad ang pagkain. Mabilis kong nginuya ang pagkain. Gusto ko na rin kasing umalis dito. Nakakairita na kasi ang lalaking ito. Kanina pa nakatingin sa akin. Naiilang na ako.
"Anong tinitingin-tingin mo riyan?" sita ko sa kanya habang ngumunguya.
Napatawa ito. "You're so funny and cute."
"Okay na `yong cute, eh, bakit may funny pa? Kaasar ka talaga," sabi ko sabay irap.
Nginitian lang niya ako.
Bakit ba ang gwapo nitong mokong na ito? Ay, ano bang pinagsasasabi ko?
Umiwas na lang ako ng tingin at nagpatuloy sa pagkain. Pagkatapos kong kumain ay ibinigay ko sa kanya ang tray. "Salamat sa pagkain. Alis na ako." Tumayo na ako at nagtungo na sa labas ng clinic na iyon. Ni hindi ko na siya nilingon. Baka asarin na naman ako.
Paglabas ko ng clinic na iyon, luminga ako sa paligid at napagtanto ko na malapit na pala rito ang subdivision na tinitirhan ko. Naglakad na lang ako pauwi. Mga ilang kilometro din ang nilakad ko mula sa clinic hanggang sa bahay.
Nakakunot ang noo ni Grachelle nang pagbuksan niya ako ng pinto. "Saan ka galing?" tanong niya sa akin matapos kong makapasok sa loob ng bahay.
Hindi ko siya sinagot sa halip ay dumiretso ako sa kusina at kumuha ng tubig. Nakasunod naman siya sa akin. Nilagok ko ang tubig. Nauhaw ako dahil sa paglalakad. Nakakapagod rin pa lang maglakad ng malayo. "S-sa b-bakeshop," nauutal na sabi ko.
Ang hirap talaga magsinungaling sa taong lubos na nakakakilala sa'yo. Hindi rin ako sanay magsinungaling. Madali niya akong mahuli. Tumaas ang kilay niya. Halatang hindi siya naniniwala.
"Tumawag sa akin si Dessa hinahanap ka n'ya sa akin. Hindi ka raw nagpunta roon."
Muli akong lumagok ng tubig sa baso para hindi halatang kinabahan ako. Ano bang lusot ang sasabihin ko? At bakit hindi ko naisip na tawagan si Dessa para sana may palusot ako. Hindi ko p’wedeng sabihin sa kanya na pinuntahan ko si Paolo at baka maghurumintado ito. May pagka-O.A pa naman ito. Lalo na kapag sinabi ko sa kanya ang nakita ko.
"Ah... eh..." napakagat labi na ako. Gosh, hindi naman ako pinalaking sinungaling ng mga magulang namin. Nag-iisip pa ako ng palusot nang biglang tumunog ang doorbell.
Agad na tinungo ni Grachelle ang pinto at binuksan. Bumungad ang nakangiting mukha ng lalaking kanina lang ay iniwan ko sa clinic.
Bakit nandito ang lalaking ito?
"Anong kailangan mo?" malambing na tanong ni Grachelle with matching pa-cute. Talaga naman, basta gwapo walang pinalalampas ang babaeng ito.
"Naiwan ni Geraldine itong bag niya sa clinic ko kani—” Hindi nito naituloy ang sinasabi niya dahil mabilis kong hinablot sa kamay nito ang aking bag. Baka sabihin pa nitong nahimatay ako, mahirap na.
"Nagpalinis ako ng ngipin. Nakalimutan ko pala ito sa clinic niya."
Halatang hindi naniniwala si Grachelle dahil napatingin pa ito sa aming dalawa ni Dexter na nakataas ang kilay.
"P-pero hin—” Magsasalita pa sana ulit ito ngunit pinandilatan ko ito ng mata habang nakangiti.
"Maki-ride on ka na lang," mahinang sabi ko na hindi bumubuka ang bibig.
"Ah oo," sang-ayon naman nito at napakamot pa sa ulo. "Nakita ko sa ID niya ang address ng bahay ninyo kaya sinadya kong ihatid dito."
"Ah gano’n ba?" Patango-tangong tugon ni Grachelle pero halata namang diskumpiyado pa rin.
"Thank you, ha? Sige makakaalis ka na." Pagtataboy ko rito. Bahagya ko itong tinutulak palabas ng pinto.
"Uy teka, Ate, bakit mo naman pinapaalis agad?" tanong ko pa ni Grachelle saka hinawakan ang kamay ng binata papasok sa loob ng bahay. "C'mon, take a sit,” sabi pa niya at pinaupo ito sa sofa. "Want some drinks?"
"No thanks."
"No. Don't be shy. Just wait here, okay? I will make fresh orange juice for you." Nginitian pa niya ng ubod tamis ang binata saka nagtungo sa kusina at nagtimpla ng juice.
"`Wag na `wag mong sasabihin sa kapatid ko ang tungkol sa nangyari lagot ka sa akin," bulong na pagbabanta ko bago pa man makabalik si Grachelle mula sa kusina.
Mabilis akong umupo sa sofa na nasa tapat ng lalaki ng ito. Inabot naman ni Grachelle ang juice rito at umupo sa tabi nito.
"Ano pa lang pangalan mo?"
"I'm John Dexter Torres."
"Ah ako naman si Grachelle. Nakababatang kapatid ni Ate Geraldine." Nakipagkamay naman ito sa aking kapatid habang nakatingin sa akin pero inirapan ko lang. Isa- isang tinanong ni Grachelle ang tungkol sa personal identity nito. Halatang nahihiya ang binata ngunit bahagyang natatawa kabaligtaran naman sa kapatid kong hindi na yata nahihiya. "So, kakabukas mo lang pala ng clinic at kakalipat lang diyan sa tapat ng bahay namin. Mapapadalas pala ang pagkikita natin."
"Mukhang ganon na nga," tugon nito kay Grachelle pero sa akin nakatuon ang tingin.
"Baka p’wedeng mahingi ang number mo? Alam mo na... in case maisip kong magpalinis ng ngipin or whatever. Madali akong makakapagpa-appointment."
Pinandilatan ko naman ng mata si Grachelle. Napakatindi talaga ng babaeng ito. Grabe!
"Sure." Ibinigay nito ang calling card sa aking kapatid na agad naman niyang tinanggap. Naiiling na lang ako sa kalokohan nitong kapatid ko.