Chapter 2: His Introduction
NAKANGITI si Wade habang tumitingin siya sa mamahalin na mga singsing. Sa ganda ng mga ito ay halos hindi na siya makapili pa dahil talaga namang magaganda ang mga ito pero kailangan na niyang pumili pa dahil excited siya sa mangyayari mamaya. Isa ito sa mga hinihintay niyang pagkakataon.
“Miss, ano ba ang pinakamaganda rito? Puwede mo ba akong tulungan? Sa sobrang ganda kasi ay nahihirapan akong pumili,” nahihiyang saad niya sa saleslady at ngumiti naman ito sa kanya ng matamis.
“Para po ba ito sa marriage proposal niyo sa girlfriend niyo, Sir?” magalang na tanong nito sa kanya. Tumango naman siya bilang tugon. “Ano’ng klase po bang babae ang girlfriend ninyo, Sir?” muling tanong nito habang tumitingin sa mga singsing na nakahilera na.
“Uhm... She’s a model,” sagot niya dahil iyon lang ang tanging masasabi niya para hindi na rin mahirapan pa ang babae.
Pero mabait naman talaga si Molly Allison, ang long-term girlfriend niya. Maalaga rin ito at maalalahanin, kaya isa iyon sa nagustuhan niya kay Molly. Hindi ito snob at napaka-approachable pa nito.
Highschool pa lamang sila ay kilala na niya ang dalaga hanggang sa naging magkaibigan sila pero nang tumunton sila pareho sa kolehiyo ay saka niya ito niligawan. Sinagot lang siya noong third year college pa lamang sila.
Kaya halos sampung taon na rin ang relasyon nilang dalawa. Ngayon niya lamang naisipan na mag-propose sa girlfriend niya. Hindi naman dahil hindi pa siya handa o nagdadalawang isip lamang siya.
Alam niya kasi na pangarap ni Molly ang maging model at mag-successful din ito, para na rin sa mga magulang nito. Ganoon naman siya, kaya in-enjoy na muna nila ang relasyon nila bilang magkasintahan. Mahal nila ang isa’t isa. Iyon ang alam niya na nararamdaman nila.
Ngayon nga ay alam niyang hindi tatanggihan ng girlfriend niya ang marriage proposal niya. Wala naman siyang nakikita na ibang babae na mamahalin niya at magiging asawa niya kaya kung para sa kanya ay alam niyang si Molly na ang babaeng makakasama niya habangbuhay.
“Heto po, Sir. Tiyak po ako na magugustuhan niya iyan at hindi po magdadalawang isip na tanggihan ang alok ninyong pagpapakasal sa kanya,” sabi nito. Naniniwala na talaga siya na may mabulaklakin na salita ang mga saleslady dahil alam nito kung paano makipag-salestalk sa mga customer nito pero malaking tulong naman ang ginawa nito para sa kanya.
Tiningnan niya ang singsing na may puting diamente, ’sakto lang ang laki nito pero hindi naman masyadong maliit.
“Thank you, Miss,” sabi niya at nagbayad din siya pagkatapos.
Sinuksok niya lamang ang velvet box sa bulsa ng pants niya saka siya lumabas mula sa jewelry shop. Nagtungo siya sa parking space kung saan din naka-park ang Bercedes-benz na kotse niya.
Wade Percival Esquivias, 30-year-old. Mabait, mapagkumbaba, may mabuting puso at seryoso sa trabaho niya. Isa siyang negosyante na nagmamay-ari ng Esquivias Car Rental na in-import pa nila from abroad. Limited edition ang lahat ng mga kotseng in-import nila at puro mga mayayaman na tao rin, politicians ang dumadayo sa kompanya niya para lamang bumili ng bagong sasakyan.
Hilig niya rin ang kumolekta ng sports car at hindi basta-basta ang presyo ng mga ito dahil aabot pa ng milyon. Dahil sa pagiging mabuting tao niya ay biniyayaan naman siya ng maganda at mabait na girlfriend, iyon na si Molly Allison. Bagamat isang sikreto lang ang kanilang relasyon.
Pero malaki naman ang tiwala niya. Kung aalukin na niya ito ng kasal ay alam niyang sasagutin na siya nito at doon na siya maipakilala na boyfriend nito.
Binuksan niya ang pintuan ng sasakyan niya saka siya sumakay. Kinabit ang seatbelt sa kanyang katawan at saka siya nagsimulang nagmaneho.
Kinuha niya ang cellphone niya at ikonekta ito sa speaker niya. Tinawagan niya ang kanyang girlfriend at ilang ring pa bago nito sinagot ang tawag niya.
“Babe, nasaan ka?” tanong niya.
“Bakit?” tipid na tanong nito sa kanya. Nagtaka siya noong una dahil parang wala sa mood ito na magsalita kasi walang buhay ang boses nito.
“Gusto kitang makita ngayon, eh. Hindi ka naman busy, ’di ba? Nagpa-reserve na ako ng table sa isang fancy restaurant. Kumain tayo sa labas, babe,” nakangiting sabi niya.
“Okay.”
“Susunduin na lamang kita,” aniya.
“No, ako na lang ang pupunta. Sabihin mo na lang sa akin kung saang restaurant tayo kakain ng dinner.”
“Okay. Bye, I love you,” sabi niya. Naghintay pa siya sa sasagutin nito at ang akala niya ay hindi na sasagot pa. Dahil naririnig niya ang pagbuntong-hininga nito.
“I love you too, babe,” sagot nito at lumapad ang ngiti niya. Sumasabay na nga ang mabilis na t***k ng puso niya. Mahal na mahal niya talaga si Molly at wala na talagang siyang mahihiling pa kundi ang kasagutan nito sa marriage proposal niya mamaya.
Huli niyang tinawagan ang matalik niyang kaibigan na si Railey Valeroso, isang chef at nagmamay-ari ng malaki at sikat na restaurant sa bansa at marami na rin itong naging branch sa ibang bansa.
“Basta ikaw, Wade,” sagot ng kaibigan niya nang sabihin niya na gusto niyang magpa-reserve sa restaurant nito.
“Thank you, bro.”
“May plano ka ng pakasalan ang long-term girlfriend mo? Dapat nga ngayon ay may mga anak na kayo. Mahigit sampung taon na ang relasyon ninyo. Pero magkasintahan pa rin kayo,” sabi nito sa kanya na tinanguan niya.
“Hindi naman kami nagmamadali, Railey. Mas nauna lang talaga kayong ikinasal ni Venice, bro,” aniya. Si Venice ay ang asawa nito at ang best friend din ni Molly.
“Bro, kung hindi mo lang talaga mahal si Molly ay irereto talaga kita sa ibang babae. Tingnan mo, isang sikreto pa ang relasyon ninyong dalawa at siya? Kung sino-sinong lalaki na ang kasama niya sa pagmomodelo. I wonder talaga kung mahal ka ba talaga niya at kayang-kaya ka niyang itago sa lahat ng tao. Successful ka rin naman, ah. Ikaw ang tipong lalaki na hindi ikinakahiya na makilala bilang boyfriend niya.”
“Alam ko naman iyon, Railey. Pero ang mahalaga roon ay mahal namin ang isa’t isa. Kahit na hanggang magkasintahan pa lamang ang relasyon naming dalawa,” sabi niya na ikinabuntong-hininga nito mula sa kabilang linya.
“Wade, kaibigan kita at concern lang talaga ako sa kanya. Aba, hindi ka na rin bumabata pa. Lalagpas ka na sa kalendaryo, bro,” paalala nito sa kanya na ikinatawa naman niya.
“Oo na. Salamat sa concern. But wish me luck,” he said.
“Goodluck then,” saad nito sa kanya saka niya ibinaba ang tawag.
Napaisip naman siya sa mga sinabi nito na kung sino-sinong lalaki na raw ang naging partner nito sa pagmomodelo ng kung ano-anong damit. Hindi naman iyon lingid sa kaalaman niya. Madalas naman ay nagpapaalam sa kanya ang dalaga at sinasabi nito na may bago na namang ka-partner kaya tiwalang-tiwala naman talaga siya sa girlfriends niya.
Hindi naman ito gagawa ng isang bagay na puwedeng ikasasakit ng damdamin niya. Nararamdaman din naman niya na mahal siya nito.
Bago ang lahat ay nagpasya si Wade na pumunta sa isang clothing lines para bumili ng magandang susuotin para mamaya. Dapat ay maghanda siya para sa sarili niya.
Napili niyang puntahan ang building na pagmamay-ari ng Garcia family, ang isa sa sikat na clothing lines dito sa Pinas. Nang makarating na nga siya ay saka siya bumaba at pumasok sa loob.
Binati siya ng mga saleslady at tanging pagngiti na lamang ang kanyang naitugon dito. Pumunta siya sa male section at nagsimula na siyang pumili.
Maraming suit and coat ang mga nakikita niya. Maganda rin naman ito pero talagang nahihirapan din siyang pumili. Dahil baka sa excitement lang kaya siya nagkakaganito.
Mabilis naman talaga siyang pumili sa mga bagay-bagay. Ngayon lang talaga siya nahirapan.
Kinuha naman niya ang maroon suit at sinuri niya nang mabuti ang tela nito. Makapal pero tiyak siya na hindi naman ito mainit. Naglakad siya palapit sa malaking salamin at itinapat ang suot sa katawan niya. Napatango-tango siya. Dahil bagay naman sa kutis niya ang kulay nito. Mestizo siya at matangkad din.
Minsan na siyang napagkamalan na isang modelo dahil sa tangkad niya, pero ni minsan ay hindi niya naisipan na pumasok sa industriyang iyon. Okay sa kanya ang maging isang CEO ng car rental company niya.
“Suotin po ninyo kung gusto ninyo, Sir. Para sigurado po kayo kung kasya sa inyo at kung bagay rin,” sabi sa kanya ng saleslady. Umiling siya.
“No, ayos na ito. Babayaran ko na lamang sa counter,” sabi niya nang nakangiti. Kinuha nito sa kanya ang suit at sumunod siya sa babae pero mabili niya itong pinigilan. “Pipili muna ako ng sapatos and necktie,” sabi niya. Sa dalawang bagay na bibilhin niya ay hindi na siya nahirapan pa dahil binase na rin niya iyon sa kulay ng damit niya saka sila nagtungo sa counter at doon niya binayaran ang bills niya.
“Here it is, Sir. Thank you and please come again,” sabi ng babae sa counter.
“Thank you.”
Isa rin sa pinakamayaman ang pamilya niya. Kung sa pagiging negosyante ay nasa dugo na talaga nila. Isang malaking kompanya rin ang negosyo ng pareng niya.
Esquivias Real Estate Company, sa kanya lang talaga ang naiiba dahil mga kotse ang in-import nila. Dalawa lang silang magkapatid at babae pa ang bunso nila. Mabait naman ang Mommy at Daddy niya, kaya suportado ito sa pinili niyang negosyo.
Kung wala naman ang tulong ng mga ito ay hindi rin naman talaga magiging successful ang business niya. Kaya alam niya na ang mga magulang mismo ang susi para sa maganda kinabukasan ng mga anak nila. Kaya mahal na mahal niya ang mga ito.