TEN NAPAKUNOT ang noo ni Rasha nang mapansin na parang may pinagtataguan ang kaibigan niyang si Dana. Kuntodo yuko kasi ito sa front desk. Kababalik lang nito sa trabaho ngayong araw at sabik siyang makakuwentuhan ito tungkol sa mga ginawa nito habang naka-leave. Maliit lang ang kaibigan niya kaya naitago ang katawan nito ng maliit na pwesto na 'yon. Sa gilid siya dumaan kung saan kita niya ang daan patungo sa front desk kaya agad niya itong nakita. Hindi siya pansin ng kaibigan nang lumapit siya sa likuran nito kaya kinuhit niya ito. "Por diyos, por Santo!" Gulat na nasabi nito nang humarap sa kanya at napahawak pa ito sa dibdib. Hindi niya naiwasan na matawa sa nakitang hitsura nito. Pinagsalikop niya ang mga braso sa dibdib at tinaasan ito ng kilay. "Sinong pinagtataguan mo, aber?"

