Ryder‘s PoV
“SA NAKALIPAS na limang taon unti-unting nababawasan ang mga clients ng company. Isa-isa ring nag-pull out ang mga contracts ng mga commercial buildings dito sa Dagupan, Tarlac, Pampanga at Pangasinan dahil nagkaroon tayo ng maliit na prob---”
“Malaking problema, Misis Milano. Hindi iyon small problem lang dahil involve dito ang pera nating lahat,” mariin na sabi ko rito. Ibinagsak ko ang papel na ibinigay ng secretary nito kanina. “Basura para sa akin ang proposal mo, Misis Milano. Hindi mo p’wedeng ligawan pabalik ang mga clients na binigo mo. Ang kailangan mo gumawa ng konkretong plano kung paano maibabalik ang libo-libong pera namin na nasayang lang dahil sa kapalpakan ng mga electricians at workers na kinuha nito. Katulad na lang iyong nangyari last months sa isang commercial building, gumamit kayo ng substandard na wires na kapag nag-over heat pumuputok at nasisira. Gumagastos na tayo sa labor, nagpalit pa tayo ng bagong wires at sinagot pa ng company ang pagpapagamot sa mga workers na nasugatan.” Nakatingin ako sa mga mata ni Nomi habang nagsasalita. Pinamulaan ito ng magkabilang pisngi at napahiya sa harapan naming lahat.
Binalingan ko si Lyndon. “Project mo ito hindi ba, Mister Milano?” pang-uuyam na tanong ko rito. “Ikaw ang nag-manage sa pumalpak na project na nasundan pa ng ilang beses. Nagsayang lang kayo ng maraming pera sa wala!” naiinis na sabi pa ko pa habang nakatingin dito.
“Ano ang gusto mong mangyari?!” matapang na tanong nito sa akin. Kung unasta ito parang wala itong pakialam sa kompanya ng asawa nito.
“Sa nakikita ko hindi magagawa ni Nomi ang pamamahala ng kompanya,” ani Mister Ferian na sinang-ayunan naman ng iba. “Hindi rin ako sang-ayon sa gusto niyang mangyari.”
“Tama si Ferian, Nomi. Kung buhay pa ang iyong ama hindi rin siya sasang-ayon sa iyong proposal. Si Mister Arandrea ang may pinakamataas na shares ngayon sa kompanya. Gusto ko siyang iboto upang maging CEO ng Vicosta Wirings,” sabi naman ni Mister Santos na sinang-ayunan din ng mga kasama naming businesman.
“Hindi iyon p’wede!” Kinalampag ni Lyndon ang lamesa. “Ang asawa ko ang anak ng may-ari ng kompanya at siya ang dapat na mamahala.” Masama akong tinignan ni Lyndon. “Hindi ng kung sino lang!”
“Lyndon, isang business tycoon si Mister Arandrea at marami na siyang napatunayan pagdating sa paghawak ng mga negosyo,” giit ni Mister Ferian na halata na ang pagkainis dahil kay Lyndon.
Napangisi ako habang nakatingin dito. “Ano ang masasabi mo, Misis Milano?”
Nag-angat ito ng tingin ngunit hindi tumingin sa aking mga mata. Iniwasan nito ang mapanuri kong tingin dito.
“Pagbotohan na lang natin ito,” pagalit na sabi ni Lyndon.
Itinaas ng limang share holder ang kamay nila para sa akin at si Nomi nakatanggap lamang ng dalawang boto.
“Malinaw na si Mister Arandrea na ngayon ang Chairman ng board at siya na rin ang namahala sa Vicosta Wirings. Sigurado ako na katulad ng Raxon Wiring Corporation magiging matagumpay din tayo.” Tumayo si Mister Ferian at kinamayan ako. “Congratulations, Mister Arandrea.”
Tumayo rin ako at tinanggap ang pakikipagkamay nito sa akin. Nakipagkuwentuhan pa ako sa mga ito habang nasa loob kami ng conference room. Nakita ko naman sina Nomi at Lyndon na lumabas sa conference room at mukhang nagtatalo. Sa huli nakita ko muling pumasok sa conference room si Nomi at wala na si Lyndon sa labas.
“Mister Arandrea, gusto ko pa sanang makipagkuwentuhan sa iyo kaya lang may iba pa akong appointment,” ani Mister Ferian sa akin.
“May iba pa namang pagkakataon, Mister Ferian.” Nakipagkamay muli ako rito at malapad itong nginitian.
Isa-isa nang nagpaalam ang mga ito sa amin ni Nomi. Hanggang sa dalawa na lamang kaming natira sa conference room kasama ng mga secretary namin.
“Yasmin, sa kotse mo na lang ako hintayin,” nakangiting sabi ko sa aking secretary.
“Okay, sir.” Dinala nito ang mga gamit at lumabas ng conference room. Ganoon din ang ginawa ng secretary ni Nomi na si Jingle.
“Kumusta ka na, Misis Nomie Marie Vicosta Milano?” malamig na tanong ko rito. Nakahalukipkip ako at nakasandal ang bandang p’wetan sa lamesa ng conference room.
Kumibot ang mga labi nito at iniwasan ang mga tingin ko. “Okay lang naman ako.”
“Hindi mo ba ako babatiin dahil ako ngayon ang major stock holder ng kompanya ninyo?”
Nag-angat ito ng tingin at pilit akong nginitian. “Congratulations, Mister Arandrea.”
Humakbang ako patungo rito ngunit umatras ito. Hanggang sa masagi nito ang upuan at matumba iyon.
“Natatakot ka ba sa akin, Misis Milano? Don’t worry. Wala naman akong gagawing masama sa iyo dahil wala akong balak na dampian man lang ang kamay mo.” Ipinamulsa ko ang aking magkabilang kamay sa suot kong suit. “Five years na rin noong huli tayong magkita, Misis Milano. Maraming nagbago sa iyo at ganoon din sa estado ng buhay ko. Nakakatuwa nga lang ang sitwasyon dahil hindi ko ito inaasahan. Anyway, gusto kong makita ang magiging office ko rito.” Pag-iiba ko ng aming usapan.
“Su-Sumunod ka na lang sa akin, Mister Arandrea. Sa fifteenth floor ang executive office mo.” Nauna na itong lumabas nag conference room at hindi nito binitawan ang pinto hanggang sa makalabas ako.
Nauna din ito sa may elevator at ito na mismo ang pumindot ng floor kung saan kami patungo.
Nasa likuran ko siya at malayo ang distansya naming dalawa. Bumukas ang elevator at nauna na akong lumabas.
Binuksan nito ang pinto ng office ng CEO at pumasok kaming dalawa sa loob. Bumungad kaagad sa akin ang family picture ni Nomi kasama ang pamilya nito. Maluwang ang office, may pantry room, at maluwang na recieving area na may mahahabang couches.
Umupo ako sa leather swivel chair at isinandal ang aking likod doon. Napatingin ako sa lamesa at bigla nitong itinaob ang maliit na picture frame na naroon.
Hindi ko naman iyon pinansin.
“Kung magiging CEO ako kailangan ko pa rin ng guide ng dating CEO, tama ba?” pang-iinis ko pa rito.
“Hindi mo na iyon kailangan dahil magaling kang businessman,” seryosong sagot nito sa akin bago damputin ang maliit na frame na itinaob nito kanina.
Napansin ko ang daliri ni Nomi wala itong suot na wedding ring.
Napansin nito na nakatingin ako sa daliri nito kaya inilagay nito ang magkabilang kamay sa likod.
“Misis Milano, curious lang ako. Malaking kompanya ang hawak ng pamilya ng asawa mo pero bakit pinabayaan nila ang kompanya ninyo?”
“Nagkaroon din ng problema ang Milano Corporation, hindi naging maganda ang takbo ng kompanya ni Tito--- ni Daddy.” Bumuga ito nang malalim at tumingin sa akin. “Kung wala ka nang ibang itatanong, aalis na ako.”
Natawa na lamang ako ng mahina sa inasal nito. “Ipapadala ko mamaya ang mga staffs ko para linisin ang buong office. Ayoko rin kasi ng mga nakikita ko rito.”
“Ikaw ang bahala. Gawin mo ang gusto mo, Mister Arandrea.” Humakbang palayo sa akin si Nomi.
“That’s good. Iniisip ko kasing ilagay ang magandang portrait ng aking asawa. Magiging inspired ako sa pagtratrabaho dito kapag palagi ko siyang nakikita.”
Nilingon ako ni Nomi at ngumiti siya sa akin. “Mabuti iyon, Mister Arandrea. Maraming salamat.” Mabilis din itong nagbawi ng tingin at ipinagpatuloy ang paglalakad patungo sa pinto. Nag-ring ang cellphone nito at sinagot nito iyon. “Excuse me, Mister Arandrea,” nakangiting sabi pa rin nito sa akin bago tuluyang lumabas ng pinto.
Bumuga ako nang malalim at napailing. Sayang nga lang at wala na si Sir Bing. Hindi nito nakita ang lalaking hinamak nito dati. Inaasahan kong sa mga susunod na araw ay si Donya Maristela na ang magiging bisita ko. Excited ako kung paano niya ako haharapin kapag nangyari iyon.
Nagsisimula pa lamang ako sa aking plano na pahirapan si Nomi. Hanggang sa ito na mismo ang kusang magmakaawa sa akin.
Ipaparamdam ko sa kanila ang bagsik ng aking paghihiganti.