Ryder's PoV
NAGLALAKAD ako patungo sa tindahan ni Aling Maria nang tawagin ako ng mga tambay na nag-iinuman, kapitbahay at dating kaklase ko noong highschool. Hindi ako nagdalawang-isip na makisali sa kanila. Umupo ako sa tabi ni Rolly at kinuha ko ang limang daang piso na nasa bulsa ko.
“Ibili mo ng dagdag na alak, pare,” nakangiting sabi ko rito.
“Mabuti naman hindi mo na kami tinatanggihan, Ryder. Matagal ka na naming inaalok, e,” sabi ni Rolly bago ito tumayo at magtungo sa tindahan ni Aling Maria.
“Paano hindi tatanggi si Ryder, bali-balita dito sa atin na iyong girlfriend niya na mayaman na si Nomi Vicosta, ikinasal na sa tagapagmana ng Milano Corporation at Milano Hotel sa Tagaytay!” malakas na sabi ni Justine.
Sinalinan ko ang baso at pinuno iyon. Hindi ko malasahan ang matapang na gin, hindi mapait at wala ring init. Mas matinding sakit ang nararamdaman ko ngayon kaysa sa alak na iniinom ko.
Ibinaba ko ang baso at sinindihan ang sigarilyo. Hinithit ko iyon at saka ngumiti sa mga ito.
“Ganoon talaga ang buhay, pare. Hindi ko naman ipagpipilitan ang aking sarili sa taong hindi ako gusto,” malungkot na sabi ko sa mga ito.
Bumalik si Rolly sa aking tabi. “Hayaan mo na si Nomi, pare. Maraming nagkakagusto sa iyo dito sa atin, at alam ko na mabilis mo lang makakalimutan si No—”
“Huwag na natin siyang pag-usapan, pare. Ang gusto ko ngayon makasama kayo habang nandito pa ako.” Muli kong sinalinan ang baso at pinuno iyon. Sa isang bote ng gin, tatlong beses ko lang iyong isinalin sa baso at ininom. Walang pulutan at walang tubig.
“Ryder… malakas ka pala sa alak!” tumatawag sabi ni Rolly sa akin.
Nakaramdam na ako ng pagkahilo. Tumataas na rin ang aking boses kapag sinasagot ko ang mga ito.
“Oh, lasing ka yata, e,” ani Justine sa akin. “Kaya ka siguro ipinagpalit ni Nomi sa ibang lalaki dahil naisip niya na wala siyang mapapala sa iyo.” Tumawa pa ito ng malakas.
Nagdilim ang aking paningin. Marahas kong hinila ang damit nito at saka tumayo. Maliit lamang ang pangangatawan ni Justine kaya naman nasama ito sa aking pagtayo.
Malakas ko itong sinuntok at bumagsak ito sa lupa.
“Ryder… tama na baka map@tay mo si Justine,” pang-aawat sa akin ni Rolly. Niyakap niya ako sa bewang ko at iba naming kainuman ay sumaklolo kay Justine. Dumugo ang labi nito sa ginawa kong pagsuntok dito.
“Kanina pa siya! Eh, ano naman ngayon kung ipinagpalit ako ni Nomi sa ibang lalaki! Wala naman kayong ambag sa buhay ko!” Marahas kong inalis ang kamay ni Rolly sa bewang ko. Sinipa ko ang lamesa, at nabasag ang mga bote sa ibabaw no'n. Dumating ang mga nagrorondang Barangay Tanod at umawat sa akin.
“Ryder, tumigil ka na kung ayaw mong sa Barangay magpalipas ng gabi!” singhal nila sa akin.
“Kuya!” narinig ko ang boses ni Nestor. Kahit na nahihilo ako at medyo lumalabo ang aking paningin ay nakikita ko na patakbo sa aking tabi ang aking kapatid.
“Nes… Tor…”
Inalalayan ako nito at naramdaman ko ang kamay nitong nakahawak sa braso ko. “Kuya Wilson, pasensiya na kayo sa Kuya Ryder ko. Iuuwi ko na po siya,” ani Nestor sa mga ito.
“Ikaw na ang bahala sa kapatid mo, Nestor. Sige na,” sabi naman ni Kuya Wilson, ang kapitbahay naming Barangay Tanod.
INIHIGA ako ni Nestor sa papag na nasa labas ng aming bahay. Kahit nahihilo ako ay maliwanag kong nakikita ang maliwanag na kalangitan at ngayong gabi marami ang mga bituwin.
Nangilid ang aking luha sa mga mata habang nakatingin sa kalangitan.
“Hindi naman ako naging masamang kapatid… hindi ba, Nestor?” madamdamin kong tanong dito.
“Kuya…” humihikbing sabi nito.
“Hindi ako masamang anak… nagkamali ba ako? Bakit ako pinaparusahan ng ganito? Bakit ako nasasaktan ng ganito?” napahagulhol na lamang ako.
“Makakahanap ka rin ng babaeng mas higit pa kay Ate Nomi, Kuya,” umiiyak na sabi ni Nestor sa aking tabi.
Hindi ako umimik at nagpatuloy lamang sa pag-iyak. Sobrang sakit, durog na durog ang aking puso at inapakan nila ang aking pagkatao.
Pinahid ko ang aking luha sa mga mata. Dahan-dahan akong bumangon at inakbayan ang aking kapatid na nasa aking tabi.
“I-Ikaw na ang bahala kina Nanay at Tatay, Nestor. Ipapangako ko na gagawin ko ang lahat… itatayo ko ang karangalan ng ating pamilya.”
Niyakap ako ni Nestor nang mahigpit. Ginulo ko ang buhok nito at tumingala sa kalangitan. Hindi na ako muling mag-aaksaya ng luha sa mga taong nanakit sa akin at dumurog sa aking puso.
Simula sa araw na ito. Gagawin ko ang lahat upang baguhin ang takbo ng kapalaran ko.
KINABUKASAN kahit na may hang-over ako ay pinili ko pa ring lumuwas ng Maynila. Umiiyak si Nanay at malungkot naman si Tatay. Umalis ako sa amin at ibinilin sa aking matalik na kaibigan na si Shea ang aking pamilya.
Masakit sa akin na lumayo at iwan sila ngunit ito na ang panahon para gumawa ako ng paraan para makaahon kami sa hirap. Alam kong hindi madali ngunit gagawin ko pa rin ang lahat para umasenso sa buhay.
Bitbit ko ang aking bag. At hawak sa aking kamay ang folder na naglalaman ng CV ko. Nakahanda na ako sa interview sa akin ng Raxon Corporation. Nag-apply ako bilang isang IT Technician, naging trainee ako noon sa Raxon Corporation kaya hindi na ako kinakabahan.
Nakasuot ako ng puting long sleeves, black pants, at ang aking lumang black shoes. Sa Makati ang main building ng Raxon Corporation, at doon ako didiretso. Isang libo lamang ang perang hawak ko at kung hindi ako papalarin maghahanap na lang ako ng ibang trabaho.
Bumaba ako sa tapat ng isang mini grocery para sana bumili ng bottled water nang may napansin akong kakaiba sa isang babae na sakay ng itim na kotse. Dali-dali ko siyang nilapitan, tansya ko nasa middle forties ang babae at mag-isa lang ito sa loob ng sasakyan.
“Miss, okay lang po ba kayo?” nag-aalalang tanong ko rito.
Mabilis itong umiling at may itinuro sa sahig ng sasakyan. Mabilis akong nagtungo sa kabilang side ng pintuan at binuksan ko ang pinto ng kotse nito na hindi naka-lock.
Itinuro nito ang bag sa sahig at iniabot ko iyon dito. Mabilis ang kamay nitong hinanap sa loob ng bag ang inhaler at ang maliit na box ng gamot.
Naalala ko ang aking Nanay. May asthma din ito at kapag sinusumpong inaatake ito ng sakit at panay ang higop sa inhaler.
“Sa-Salamat,” anang babae sa akin.
Lalabas na dapat ako sa sasakyan nito ngunit hinawakan nito ang kamay ko.
“Marunong ka bang mag-drive ng kotse?” nagdalawang-isip na tanong nito sa akin.
“O-Opo,” mahina kong sagot dito. Natuto akong magpatakbo ng sasakyan dahil kay Nomi. Tinuturuan niya ako noon at kung saan-saan kami namamasyal na ako ang nagmamaneho.
“P'wede mo ba akong ihatid sa Raxon Corporation Building?” nakikiusap na tanong nito sa akin.
“Si-Sige po.” Umalis ako sa may tabi ng driver's seat at nagtungo sa kabilang side ng sasakyan. Kumilos naman ang babae at umupo ito sa tabi ng driver's seat.
Inayos ko ang aking gamit na dala. Lalo na ang folder ko na kinalalagyan ng mga documents na kailangan ko sa ina-apply-an kong trabaho.
Ini-start ko ang sasakyan. Malapit lang naman ang Raxon Corporation. Tatawid lang kami sa kabilang lane ng kalsada. Marahil patawid na ito kanina kaya lang sinumpong ng hika kaya hindi na ito nakapagmaneho.
Nasa harapan na kami ng Raxon Corporation at sinalubong kami ng guard na naroon.
Bumaba ako ng sasakyan at nagkunot-noo pa ang guard.
Bumaba ang babae at nginitian nito ang guard. “Good morning po, Miss Fiona.”
“Good morning din, Kuya Baste.” Tinignan ako ng babae. “Pakibigay mo na lang ang susi kay Kuya Baste at sumunod ka sa akin.”
Naguguluhang sinunod ko ang inutos nito sa akin. Pagpasok namin ng building binati ng mga empleyado si Miss Fiona.
“Good morning, ma’am. Welcome back!” masayang pasalubong ng mga ito.
Natigilan na lamang ako sa aking paglalakad.
“Good morning, everyone. Nasaan si Claire? Kailangan ko siya ngayon sa office ko,” sabi pa nito sa isang staff.
“Yes, ma’am. Sasabihin ko po kay Ma’am Claire,” anang babae sa may reception table.
Nilingon ako ni Miss Fiona ay sinenyasan na lumapit. Sumakay kami sa may elevator.
“Salamat sa ginawa mo kanina. Hayaan mong bigyan kita ng reward sa kabaitan mo. Ano nga pala ang pangalan mo?” seryosong tanong nito bago pinindot ang number sixteen sa elevator.
“Ry… Ryder Arandrea, Miss.”
Malapad niya akong nginitian. “Huwag kang kabahan, Ryder. Hindi naman ako nakakatakot na boss para kabahan ka.”
Pinagpapawisan ang aking mga palad at mabilis din ang pagtibok ng aking puso. Hindi ko akalain na ang babaeng tinulungan ko kanina ay ang may-ari ng Raxon Corporation.