CHAPTER TWO

1182 Words
"O. Kararating mo pa lang ganyan na iyang itsura mo. Huhulaan ko. Nag-away na naman kayo ng asawa mo, noh?" Napabuntong-hininga si Andreu sa sinabi ng co-teacher niyang si Marlon. Nahulaan kasi agad nito ang kanyang problema. Sa katunayan, kaninang umaga ay hindi siya pinansin ni Sofia. Masama pa rin ang loob nito sa kanya. At sa totoo lang, natatakot siya na makipaghiwalay ito sa kanya. "Gusto kasi ni Sofia na bumukod kami. Lumipat malayo sa pamilya ko. Alam ko naman na nahihirapan na siya sa sitwasyon namin. Hindi niya kasundo lahat ng kamag-anak ko. Pero syimpre, hindi ko rin naman pwedeng pabayaan na lang si Nanay at mga kapatid ko. Bilang panganay, responsibilidad ko pa rin sila." "Naiintindihan kita, Andreu. Bata pa lang tayo, kaibigan na kita. Kaya alam ko kung gaano kahalaga sa iyo ang pamilya mo. Kaya lang, iba na kasi ang sitwasyon ngayon. May sarili ka na rin pamilya. Kapag ganyan, mas priority mo na dapat sila. Hindi naman ibig sabihin na lalayo kayo ay pababayan mo na sina Inang Selya. Pwede mo pa rin naman silang dalawin." Kaso, alam din niyang magtatampo ang kanyang Nanay kapag ginawa niya iyon. Minsan na rin siya nitong binalaan na kapag umalis siya at pinili si Sofia, magpapakamatay ito. At ngayon, si Sofia naman ang nagbanta na makikipaghiwalay kapag hindi pa sila umalis. Parehong mahalaga sa kanya ang ina at kanyang asawa. Kaya nga nasasaktan siya at naiipit sa sitwasyon ng pamilya nila. Kung magkasundo lang sana ang mga ito. Kaso kahit anong pakiusap niya sa ina na pakisamahan si Sofia, matigas rin ito at palagi pang pinupuna ang asawa. Mas madali pang i-solve ang mga Math equations kaysa sa problema niya. Muli siyang napabuntong-hininga. Paano nga ba niya maso-solusyunan ang problemang iyon? MADALAS ay umiiyak na si Sabhrina pag-alis pa lang ng Papa nito. Pero nang umagang iyon, mahimbing pa rin ang tulog nito. Para bang sinusuportahan nito ang binabalak niyang gawin. Hindi na napigilang mapaiyak ni Sofia. Hindi man siya perpektong ina, mahal niya ang kanyang anak. Pero kung hindi niya gagawin ang kanyang plano, baka pati pagiging mabuting ina ay hindi na niya magampanan. "Patawarin mo sana si Mama sa gagawin ko. Mahal na mahal kita, Sabhrina," aniya at hinalikan sa noo ang anak. Matapos noon ay kinuha niya ang bag na matagal na rin niyang naitago sa ilalim ng kama. Muli niyang hinalikan sa noo ang anak bago siya tuluyang lumabas ng bahay. At sa malas, nakasalubong pa niya si Linda, ang nakababatang kapatid ni Andreu. "Saan ka pupunta? Bakit may dala kang bag? Iiwan mo na ang kapatid ko? Sa wakas! Pero sandali. Bakit hindi mo kasama ang anak mo? Mag-iiwan ka pa talaga ng problema?" Tulad ng nasa isip niya dati pa man, walang pakialam ang mga tao doon maging sa anak niya. Huminto siya at tumingin kay Linda. "Baka magpa-party pa kayo kapag pati anak ko, mawala sa poder niyo. Ayoko din naman na masyado kayong magsaya," tinalikuran na niya ito Narinig niya ang pagmura sa kanya ni Linda pero hindi na siya lumingon. Baka kasi kapag ginawa niya iyon, magbago pa ang kanyang isip. Kung siya lang, isasama niya ang kanyang anak. Pero ano naman buhay ang maibibigay niya dito? Wala siyang trabaho. Wala siyang lugar na mapupuntahan. Sa katunayan, umalis siya na hindi alam kung saan patungo. Kinausap na niya si Andreu kagabi pero mukhang binaliwala lang nito ang mga sinabi niya. Kung mas importante dito ang magulang at mga kapatid, magsama-sama sila. Basta siya, aalis na siya sa impyernong iyon. At kapag gumanda na ang kanyang buhay, kukunin niya ang anak. Madalang lang dumaan ang mga bus sa kanila at may oras. Dahil pinansin pa niya si Linda, nahuli siya sa biyahe. Kapag naghintay siya sa terminal, baka maabutan pa siya doon ni Andreu. Dalawang oras pa kasi ang dapat niyang hintayin bago dumating ang sunod na bus. Kaya naman naisipan niya na maglakad na lang. Baka palarin siyang makasakay sa mga truck na patungong Maynila. Maaga-aga pa naman. Mabuti na lang at medyo makulimlim. Hindi gaanong nakakapagod maglakad. Nakatulong din ang magandang tanawin at sariwang simoy ng hangin. Mula nang mapunta siya sa probinsiya nila Andreu, ganoon na rin katagal na hindi siya nakatungtong ng Maynila. Wala din naman kasi siyang dadalawin doon. Wala na siyang mga magulang at walang kapatid. Hindi rin siya malapit sa mga kamag-anak. Sana lang talaga makahanap agad siya ng trabaho pagdating niya ng Maynila para hindi siya gaanong mahirapan. Sapat lang din kasi ang nadala niyang pera. Habang naglalakad, nagsimula na siyang mataranta nang wala pa rin dumadaan na sasakyan patungong Maynila. Huwag naman sana siyang abutin ng dilim sa daan. Wala pa naman gaanong kabahayan doon. Pawang mga palayan at taniman lang ang nasa paligid. Medyo malayo-layo pa ang lalakarin niya bago siya makarating sa bayan. Dapat kasi mas inagahan pa niya ang pag-alis. Natigilan siya nang matanaw ang isang magarang sasakyan. Masyadong mabilis at wala na sa tamang direksyon ang takbo niyon. Hanggang sa makita na lang niyang humiwalay na sa sasakyan ang isang gulong. Napasigaw siya nang bigla iyong lumiko patungo sa direksiyon niya. Mabuti na lang at mabilis siyang napaiwas. Nang lumingon siya, nakabaliktad na ang kotse at umuusok. Mabilis siyang napatakbo malapit sa sasakyan. At sa loob, nakakita siya ng isang babaeng walang malay at duguan. "Diyos ko." Tumingin siya sa paligid pero mukhang wala siyang mahihingan ng tulong doon. Hindi naman niya ito pwedeng pabayaan na lang. "Anong gagawin ko?" Una niyang naisip na ialis ito ng sasakyan at baka sumabog iyon. Nagsimula na kasing umusok ang sasakyan. Mabuti na lang at hindi siya nahirapan na mabuksan ang pinto sa may driver's seat. Hinila niya ito medyo malayo sa sasakyan. "Miss, gumising ka." Pero wala siyang natanggap na sagot o reaksiyon man lang mula dito. Lalo siyang kinabahan. Mukhang patay na yata ito. Kinapa niya ang bulsa nito pero wala man lang itong cellphone. Baka nasa sasakyan. Muli siyang sumilip sa umuusok na sasakyan. Baka may makuha siya doon kahit ID man lang nito. Napa-sign of the cross siya. Sana hindi pa iyon sumabog. Mabilis na siyang tumakbo doon at sumilip sa loob. Napansin niya ang bag na malapit lang sa driver's seat. Kinuha niya iyon. Habang papalayo sa sasakyan, kinuha niya ang wallet sa bag nito. Natigilan siya nang makita ang itsura ng babaeng nasa larawan. Kamukhang-kamukha niya ang babae. Maari nga silang pumasang kambal sa sobrang pagkakapareho ng itsura nila. "P-paanong-." Hindi na niya natapos ang sinasabi nang bigla siyang may marinig na pagsabog. Sumunod doon ay para bang may malakas at mainit na hangin na nagtulak sa kanya. Natumba siya sa daan at nagdilim na ang kanyang paningin. NASA kalagitnaan si Andreu ng kanyang klase nang biglang kumatok sa pinto si Andrei, ang nakababata niyang kapatid. Hingal na hingal ito. "Excuse me, class," mabilis na niya itong nilapitan. "Anong ginagawa mo dito? Dapat ay nasa-." "Lumayas si Ate Sofia, Kuya. Iniwan niya si Sabhrina nang mag-isa sa bahay." "Ano?!" Hindi na niya nagawang magpaalam sa mga estudyante niya. Nagmadali na siyang umalis kasama si Andrei.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD