NAPAMULAT si Paige nang marinig ang pagtunog ng kanyang cell phone. Ini-stretch niya ang kamay habang kinakapa ang cell phone sa ibabaw ng bedside table niya. Hindi niya magawang ikilos ang buo niyang katawan dahil nakayakap pa sa kanya ang natutulog na si Thaddeus.
Pakiramdam niya ay nabuhay ang kanyang dugo nang makita kung sino ang tumatawag sa kanya. “Hello, 'Ma?” aniya na kinontrol ang tinig upang huwag magising ang katabi niya.
“Kumusta ka na d’yan, Hija?” tanong ng ginang.
“Okay naman ho ako. Kayo po ni Papa? Miss na miss ko na kayo, Mama,” mahihimigan ng lungkot ang tinig niya.
“Huwag kang mag-alala, Hija. Malapit ka nang bumalik rito,” bakas ang tuwa sa tinig na balita sa kanya ng ina.
Napakunot ang noo niya. “Bakit ho? May lead na ba kayo kung sino ang nag-utos na pagtangkaan ang buhay ko?”
“Ang sabi ng Papa mo mayroon na. Kailangan na lang nila ng sapat na ebidensiya para mapatunayang si Vice iyon,” tugon ng ina niya.
“Ang Vice President?” hindi makapaniwalang sabi niya na bahagya pang napalakas ang pagkakasabi. Naramdaman niya ang pagkilos ni Thaddeus. Nang makita niya itong nagmulat ay agad niyang sinenyasan ang lalaki na huwag maingay.
“Siya ang may pinakamalaking motibo para gawin iyon. Alam mo namang noon pa lang na senador siya magkalaban na sila ng Papa mo at ngayon balak rin niyang tumakbong presidente. Alam niyang malakas ang laban ni Ernesto sa kanya kaya gusto niyang pigilan ang pagtakbo ng Papa mo,” kuwento ng ina niya.
“Paano ho sila nakakuha ng lead?” tanong niya. Gising na si Thaddeus at nakatingin ito sa kanya.
“May nagtangka sa Papa mo noong isang gabi at nahuli ng mga tauhan ng Tito Victor mo ang hitman. Si Vice ang itinuturo niyang nag-utos sa kanya,” sagot ng ginang.
“Ano ho? Ma, bakit hindi ninyo sa akin sinabi ang nangyari? Kumusta si Papa?” nag-aalalang tanong niya. Hindi naman kasi niya ugaling manood ng tv at makinig ng balita kaya wala siyang kaalam-alam sa nangyayari sa Maynila.
“Ligtas siya, Hija, hindi siya nasaktan. Ang isa sa mga bodyguard niya ang tinamaan pero hindi naman delikado ang tama. Hindi namin sinabi sa 'yo kaagad dahil mag-aalala ka lang,” ani Mrs. Colmenar. “Anyway, pupunta riyan ang Tito Victor mo para tingnan ang kalagayan mo.”
“Kayo ho ni Papa?” agad niyang sabi.
“Hindi muna, Hija. Gusto naming alamin ang lagay mo riyan pero delikado pa kaya nag-prisinta na lang ang Tito mo. Uuwi naman daw siya sa Subic kaya dadaan na rin siya diyan,” sabi naman nito. “Mamayang hapon siya pupunta.”
Ilang sandali pa ay nagpaalam na rin ang kanyang ina muli niyang ibinalik ang cell phone sa bedside table.
“Ano’ng sabi ng Mama mo?” tanong ni Thaddeus.
“May nagtangka raw kay Papa pero nahuli nila. May lead na rin daw kung sino ang mastermind ng pagtatangka sa amin, si Vice."
Hindi umimik ang binata.
“May alam ka? Alam mo na ang tungkol doon?” kunot-noong tanong niya.
“Itinawag na iyon sa akin ni Ninong,” anito na dinampian siya ng halik sa pisngi.
Tinabig niya ito. “At hindi mo sinabi sa akin?” mahihimigan ng galit ang tinig niya.
Hindi sumagot ang lalaki pero mukhang apologetic ito.
“Papa ko 'yon, Thaddeus! I have every right to know kung ano ang nangyayari sa kanya!” galit na sabi niya at tinangkang bumangon pero niyakap siya nito ng mahigpit.
“Don’t get mad at me, okay?” ani ng lalaki. “Ginawa ko lang ang bilin sa akin ni Ninong at dahil iyon din ang gusto ng mga magulang mo.”
Hindi siya nagsalita pero gusot na gusot pa rin ang mukha niya.
“I’m sorry, Sweetheart. Please, huwag ka ng magalit,” ani ng binata na pinaliguan ng halik ang mukha niya.
Napahinga siya nang malalim. “Oo na. Umalis ka na diyan at magpapaluto na ako ng almusal kay Manang. Darating rin daw si Tito Victor mamaya.”
Sa halip na pakawalan siya ay ipinatong nito ang h***d na katawan sa kanya. “Mamaya na, makakapaghintay naman iyon, eh,” anito na pilyo ang pagkakangiti.
“Thaddeus,” pasaway niyang sabi pero hindi na niya nasabi ang susunod pa niyang sasabihin dahil pinatahimik na siya ng mga halik nito.
NAKANGITING sinalubong ni Paige ang kanyang Tito Victor. May kasama pang dalawang lalaki ang matanda.
“Kumusta ka, Hija?” tanong nito nang hagkan niya ito sa pisngi.
“Okay naman ho ako, Tito. Kayo ho? Ano ho ba talagang nangyari sa Manila? Ang sabi ni Mama nakakuha na kayo ng lead?” agad niyang usisa sa matandang lalaki. Hindi na siya makapag-hintay na malaman ang buong detalye nang nangyari sa kanyang ama.
“Nasabi na pala sa'yo nina Andrea,” anito bago binalingan si Thaddeus. “Wala ba naman kayong naging problema rito?”
Umiling ang binata. “Wala naman ho.”
“Mabuti kung ganoon,” ani Victor.
Habang nagme-meryenda sila ay ikinuwento sa kanila ng bisita ang mga nangyari sa Maynila. Umamin na raw ang nahuling hitman na si Vice ang nag-utos rito pero hindi pa inilalabas ng NBI ang balita tungkol doon habang nag-iipon pa ito ng ebidensiya laban sa bise presidente. Para daw iyon mapangalagaan ang kaligtasan ng witness at upang hindi muna makagawa ng panibagong hakbang ang bise.
“Kung ganoon ho, puwede na akong bumalik ng Manila?” tanong niya pagkatapos mag-kuwento ni Victor.
“Hindi pa sa ngayon, Hija. Hindi pa nagde-desisyon ang Papa mo, hintayin na lang natin ang utos niya,” anito na tinapik pa ang kamay niya. “Alam kong naiinip ka na rito, pero konting tiis pa. Para rin naman sa kaligtasan mo ito, Paige.”
Napatango na lang siya.
Magsasalita pa sana si Victor nang tumunog ang cellphone nito. Bahagyang nangunot ang noo nito habang binabasa ang mensaheng natanggap. “Excuse me may tatawagan lang ako,” anito na tumayo at naglakad patungo sa lanai.
“See,” nakangiting sabi ni Thaddeus sa kanya at mahina nitong pinisil ang kamay niya. “Wala kang dapat ipag-alala. Konti na lang makakasama na natin ang mga pamilya natin.”
Napangiti din siya. “At maipapakilala na kita kina Papa as my boyfriend,” ani naman niya.
Lalong lumawak ang ngiti ng binata. Dinala nito sa labi ang kanyang kamay at masuyo iyong hinagkan.
Napaayos siya ng upo nang may maamoy mula sa kusina, doon lang niya naalala ang ibinilin ni Manang Belen sa kanya na pinalalambot nitong lamang loob ng baka para sa papaitan. Iniwan iyon ng matanda dahil sumaglit ito sa palengke upang bumili ng prutas kasama ni Ricky. “Sandali titingnan ko 'yong ibinilin ni Manang na niluluto niya."
Tumayo siya at tinungo ang kusina. Tiningnan niya kung tama na ang lambot ng mga lamang loob bago niya hininaan ang apoy niyon. Pabalik na siya sa salas nang marinig niya ang tinig ng Tito Victor niya.
“Huwag kang mag-alala, hanggat naniniwala sila na si Vice ang utak niyon wala tayong dapat alalahanin,” seryosong sabi ni Victor sa kausap nito sa telepono. Mahina lamang ang tinig nito.
Napakunot ang noo niya sa narinig. Maingat siyang lumapit sa may pinto ng lanai para mas marinig ang sinasabi ni Victor.
“Wala pang sinasabi si Ernesto kung ano ang desisyon niya. Pero huwag kang mag-alala sisiguraduhin ko sa'yo na bago dumating ang schedule ng filing ng candidacy, i-aannounce na ni Ernesto sa lahat na hindi na siya tutuloy sa paglaban sa presidential election,” ani pa ng lalaki.
Dama niya ang pagbilis ng tahip ng kanyang dibdib habang pinakikinggan niya ang nakatalikod na lalaki.
“Hindi puwedeng si Paige,” maya-maya ay sabi nito na matigas ang tinig. “Kasama niya si Thaddeus. Ayokong madamay ang inaanak ko! Alam mong walang alam si Thaddeus sa mga ginagawa natin, ayoko na siyang madamay. Iyon na lang ang tangi kong magagawa para makabawi sa nangyari sa ama niya.”
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Hindi siya makapaniwala sa mga naririnig.
“Ako na ang bahala sa bagay na iyon, ipaubaya mo na iyon sa akin. Ang darating na shipment sa susunod na linggo, naayos na ba? Nabayaran na ba ang contact natin sa custom?... Mabuti kung ganoon. Sige na, hintayin mo na lang ang tawag ko,” ani ng lalaki sa kausap.
Mabilis siyang lumayo sa pinto. Lukob ng takot ang kanyang dibdib. Nakakailang hakbang pa lamang siya mula sa pinagkukublihan niya kanina nang marinig niya ang tinig ni Victor.
“Paige,” tawag nito sa kanya.
Napatigil siya at humarap rito. “T-tito?”
“Saan ka galing?” tanong nito sa kanya.
Nakabibingi ang lakas ng kabog ng dibdib niya pero alam niyang hindi siya dapat magpadala sa takot. “Tiningnan ko po 'yong niluluto ni Manang Belen sa kusina,” aniya na pilit pinakaswal ang tinig. “Bakit ho?”
Ilang sandali siyang tinitigan ng matandang lalaki. Nakikita niya ang paghihinala sa mga mata nito. “Wala naman,” pagkuwa’y sabi nito.
Pilit siyang ngumiti at saka tinalikuran ang lalaki. Muli siyang bumalik sa salas at naupo sa tabi ni Thaddeus.
Nangunot ang noo ng binata nang tingnan siya nito. “Okay ka lang? Bakit namumutla ka?”
Napalunok siya. Paano ba niya sasagutin ang tanong nito ganitong nakasunod na sa kanya si Victor.
“Medyo nahilo lang ako, wala akong maayos na tulog kagabi, 'di ba?”
Halata sa mukha ni Thaddeus ang pagtataka pero hindi na ito nag-usisa pa. Naupo sa tapat nila si Victor. Pinilit niyang gawing kaswal ang kilos sa takot na baka mahalata nitong may alam na siya. Muling nag-usap ang dalawang lalaki, hinayaan na lamang niya ang mga ito. Dama niyang pinagmamasdan ni Victor ang kilos niya.
Oh God! Alam niyang narinig ko ang pakikipag-usap niya. Ano’ng dapat kong gawin? Kailangang malaman ito nila Papa, ani ng isip niya. Tiningnan niya si Thaddeus, ano ang alam nito sa nangyayari? Pero naalala niya ang narinig kanina na sinabi ni Victor. Walang kinalaman ang binata sa ginagawa ng Ninong nito. Kailangan niya itong makausap, kailangan niyang masabi rito ang mga nalaman niya.