NAKAGAT ni Paige ang pang-ibabang labi habang pinagmamasdan ang ipinipinta niya. Masusi niyang iniisip kung ano ang gagamiting kulay upang lalong ma-enhance ang painting na ginagawa. Mga batang babae at lalaki na naglalaro sa tabing-dagat ang naisip niyang subject.
Napapitlag siya nang may kumatok sa pinto buhat sa labas ng kanyang silid. “Sino 'yan?” tanong niya.
Hindi tumugon ang taong nasa labas. Napasulyap siya sa orasang nasa dingding ng kuwarto, pasado alas-diyes na. Hindi niya namalayan ang oras dahil nalibang siya sa ginagawa. Tumayo siya para buksan ang pinto. Naisip niyang si Manang Belen iyon at dala na ang gatas na ibinilin niya kanina bago siya nagtungo rito sa kanyang silid.
Binuksan niya ang pinto at ganoon na lang ang gimbal niya nang mabungaran ang mga hindi niya kilalang lalaki. Ang isa sa mga ito ay may b***l na nakatutok sa kanya. Ang isa naman ay nakahawak sa buhok ni Manang Belen na noon ay puno ng luha ang mukha at may plaster ang bibig.
“S-sino kayo?” kinakabahang tanong niya.
“Hindi na mahalaga kung sino kami, sumama ka sa amin,” ani ng lalaking may hawak ng b***l na nakatutok sa kanya.
Napailing siya kasabay ng pag-atras. Paanong nakapasok ang mga ito dito sa loob ng rest house? Ano’ng nangyari kina Thaddeus? Lalo siyang nilukob ng takot. “Thaddeus! Thaddeus! Tulungan n’yo kami! Aljon! Ricky!”
“Huwag ka ng magsayang ng panahon sa pagsigaw, Miss Colmenar. Tinapos na namin ang mga bantay mo,” ani ng isa pang lalaki.
Pakiramdam niya ay nagsisikip ang kanyang dibdib sa narinig. “Ano’ng ginawa ninyo sa kanila?”
“Iniligpit na namin kaya wala nang tutulong sa 'yo,” sagot ng mga ito.
Para iyong bombang sumabog sa mukha niya. Si Thaddeus? Hindi! Bakit hindi man lang niya namalayan na napasok na pala sila. Imposibleng hindi nanlaban ang mga bantay niya, wala siyang putukan na narinig. Nangilid ang luha niya.
“Maging mabait ka na lang at sumama ka sa amin,” ani pa ng lalaking may b***l.
Napailing siya. Hindi siya basta maisasama ng mga ito. Kung wala na sila Thaddeus wala nang iba pang puwedeng magligtas sa kanya kundi ang sarili. Humakbang palapit sa kanya ang isa sa mga lalaki pero bago pa makalapit ito ay mabilis niyang tinakbo ang bed side table. Nanginginig ang kamay na itinutok niya ang b***l sa mga ito.
“Magkakamatayan muna tayo bago ninyo ako maisasama!” malakas niyang sabi na pilit pinatapang ang tinig.
“Ibaba mo 'yan kung gusto mo pang mabuhay ang babaeng ito,” sabi ng lalaki na may hawak kay Manang Belen.
Napatingin siya sa matandang babae. Luhaan ang matanda pero nakita niya ang pag-iling nito. Pumatak ang luha niya. Hindi niya kaya na may madamay pang iba ng dahil sa kanya. Pero alam niya na sumunod man siya ay papatayin pa rin ng mga ito si Mang Belen… at ganoon din ang gagawin ng mga ito sa kanya. Puwes hindi siya papayag na mamatay ng walang kalaban-laban!
Bago pa siya makakilos ay isang putok ang narinig niya! Kasabay ng pagtili niya ay ang pagbagsak ng katawan ni Manang Belen.
“Mga hayop kayo!” aniya sabay kalabit sa gatilyo ng b***l. Tinamaan niya ang lalaking pinakamalapit sa kanya sa dibdib pero kasunod rin niyon ay ang pagtama ng ilang bala sa kanyang katawan.
“PAIGE!” narinig niyang sigaw na nakapagpamulat sa kanya.
Napabalikwas siya at iginala ang tingin sa paligid ng kanyang silid. Bakas ang takot sa kanyang mukha. Pakiramdam niya ay nanginginig pa ang buo niyang katawan.
“Paige?” nag-aalalang tawag ni Thaddeus sa pangalan niya. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at marahang niyugyog.
Tiningnan niya ang lalaki at doon na siya parang natauhan. Napahagulhol siya ng iyak at yumakap sa lalaki. Isinubsob niya ang luhaan at pawisan niyang mukha sa dibdib nito. “Buhay ka… Thank God, you’re alive,” aniya sa pagitan ng pag-iyak. “May mga lalaking pumasok dito, ang sabi nila patay ka na.”
“Shhhh… it was just a dream,” ani ng binata habang hinahaplos ang buhok niya. “Manang, ikuha ho ninyo si Paige ng tubig.”
Narinig niya ang paglabas ni Manang Belen sa loob ng silid niya.
“Ano ba’ng napanaginipan mo? Napatakbo ako dito nang marinig ko ang mga sigaw mo. Kumakatok ako pero hindi mo ako pinagbubuksan kaya ginising ko si Manang para hingin ang duplicate key dito,” ani ng binata.
Umiiyak na ikinuwento niya kay Thaddeus ang napanaginipan niya. Bahagya na ring humuhupa ang matinding takot na naramdaman niya. Ilang sandali pa ay bumalik na rin si Manang Belen dala ang tubig na iniutos ng binata rito. Sinabihan ni Thaddeus ang matanda na bumalik na sa pagtulog at ito na lang raw ang mag-aasikaso sa kanya. Sinunod naman ito ng matanda.
“Masyado ka yatang napagod maghapon kaya nanaginip ka ng masama,” ani Thaddeus na inalalayan siya sa pag-inom.
Pagkagaling nila sa palengke kahapon ay maghapon naman siyang tinuruan ni Thaddeus ng pagbaril at iba pa na pang-self-defense. Napatango na lang siya bilang pagsang-ayon sa sinabi nito, pero naroon pa rin ang takot. Parang totoong-totoo kasi ang panaginip niyang iyon.
“Okay ka na ba?” maya-maya ay tanong ng binata.
“Oo,” tipid niyang sagot.
Ngumiti ang binata at dinampian siya ng halik sa labi. “Sige na, magpahinga ka na ulit,” anito at tumayo na.
Mabilis niyang pinigilan ang kamay nito. “Saan ka pupunta?”
“Diyan lang ako magbabantay sa may terrace. May kailangan ka pa ba?”
“Huwag mo muna akong iwan,” aniya na sinabayan pa ng mahinang iling. Takot siyang mag-isa ulit. Paano kung maulit ang panaginip niya o kung totoong mangyari na nga iyon. “Dito ka na lang. Nagbabantay naman sa ibaba si Aljon, 'di ba?”
“Nasa labas lang naman ako, tawagin mo na lang ako kung may kailangan ka."
“Please,” pakiusap niya.
Napahinga nang malalim ang binata saka marahang tumango. Kumilos siya at umusog sa kama upang makatabi sa kanya ang lalaki. Nahiga na ito sa tabi niya. Naka-deretso ng higa ang binata at nakatitig sa kisame, habang siya naman ay nakatagilid paharap rito. Hawak nila ang kamay ng isa’t isa. Nang ipikit ng lalaki ang mga mata nito ay malaya niyang natitigan ang mukha nito. Kumilos ang kanyang kamay at hinaplos ng isa niyang daliri ang jaw line nito.
Natakot talaga siya sa panaginip niya. Lalo na noong sabihin ng lalaki na pinatay ng mga ito si Thaddeus.
“Matulog ka na,” mahinang sabi ng binata.
Itinigil niya ang ginagawa pero hindi niya inaalis ang tingin rito. Dama niya ang unti-unting pagbilis ng kabog ng kanyang dibdib. Dumako ang mga mata niya sa labi ng binata, pero agad din niya iyong inalis mula roon. Napahugot siya nang malalim na hininga bago kumilos at inilagay ang isang kamay sa dibdib ng lalaki kaya parang nakayakap siya rito. Ramdam niya ang malakas ding kabog ng dibdib ng binata, hindi nga lang niya sigurado kung alin ang mas malakas 'yong sa kanya ba o ang kay Thaddeus.
Inalis niya ang kamay mula sa dibdib ng binata at bumitaw rin siya mula sa pagkakahawak nito sa kanyang kamay. Hindi niya maintindihan pero parang bigla siyang napaso sa pagkakadikit ng balat nila. Umikot siya ng higa at pilit na kinalma ang dibdib niyang parang tambol na sa lakas ng pintig.
Maya-maya ay naramdaman niya ang pagkilos ni Thaddeus. Akala niya ay babangon na ito pero naramdaman niya ang pagyakap nito sa kanyang beywang. Marahan siyang kinabig nito palapit. Dama niya ang mainit na hininga ng binata sa kanyang batok at kakaibang sensasyon ang idinulot niyon sa kanya. Napapikit siya, ano ba’ng kagagahan ang naisip niya at pinatabi niya sa kanya ang lalaki? Pero aaminin niya gusto niya ang sensasyong ibinibigay ng pagkakalapit ng katawan nila.
Naramdaman niya ang paghalik ni Thaddeus sa kanyang ulo pati sa kanyang batok. Pakiramdam niya ay nagtayuan ang kanyang mga balahibo. That’s it! Kelangan na niyang kontrolin ito habang kaya pa niya.
“Thaddeus,” mahina niyang sabi.
“Hmmm?” sagot ng lalaki na hindi inaalis ang labi sa may batok niya.
“O-okay na ako. P-puwede mo na akong iwan,” aniya na bahagyang nanginginig ang tinig.
Hindi sumagot ang lalaki at hindi rin siya nito binitiwan. Lihim niyang nakagat ang pang-ibabang labi. Please lumayo ka na, habang nasa katinuan pa ako, tahimik niyang usal sa kanyang isip.
Naramdaman niya ang lalong paghapit nito sa kanyang katawan. Tila nanigas ang buo niyang katawan nang maramdaman niya ang marahang paghaplos nito sa kanyang dibdib. Napalunok siya.
“Thaddeus, please…”
“Please what, Sweetheart?”
Hindi siya sumagot. Para saan nga ba ang pakiusap na iyon? Isang bahagi ng utak niya ang tumututol sa ginagawa ng binata, pero mukhang unti-unting lumalakas ang bahagi na gustong magpaubaya at magpatangay sa sensasyong ipinapakilala sa kanya ni Thaddeus.
Naramdaman niya ang mga labi nito sa punong-tainga niya. Napapikit siya nang mariin kasabay ng pagsuko. Natalo na siya nang tuluyan ng pagnanasang nararamdaman. Kinabig siya ng binata paharap at masuyong hinagkan ang kanyang labi.
“Ano 'yong sinasabi mo kanina?” paanas nitong tanong nang pakawalan ang kanyang labi.
Marahang iling lang ang itinugon niya. Pilyong napangiti ang binata at saka siya muling hinagkan. Wala na ang pag-aalinlangan na tinugon niya iyon. Naramdaman niya ang pag-alis ni Thaddeus sa pagkaka-butones ng kanyang suot na pantulog. Unti-unting naging marahas ang pagdama nito sa kanyang dibdib habang lumalalim ang kanilang mga halik.
Hindi na niya namalayan kung paano naalis ni Thaddeus ang saplot nilang dalawa, naramdaman na lang niya ang h***d nitong katawan sa ibabaw niya habang pinapaliguan nito ng halik ang kanyang leeg.
“I love you, Paige,” ani ng binata bago nito tuluyang sakupin ang kanyang katawan.
Napapikit siya ng mariin sa magkahalong sakit at kaluwalhatian na dulot ng pag-iisa nila.