“MUKHANG malalim ang iniisip mo, ah,” untag ni Paige kay Thaddeus. Nasa terrace ang lalaki, nakaupo ito sa sahig at nakatanaw sa kalangitan.
Tiningnan siya ng binata.
“Iginawa kita ng kape, I know you need this kasi magdamag mo na naman akong babantayan,” nakangiti niyang sabi rito at maingat na ibinitang ang isang tasa ng kape na dala niya sa sahig.
Naupo siya sa tabi ni Thaddeus. Hindi nagsasalita ang binata. Napahinga siya nang malalim. Kanina pa siya hindi matahimik at gusto niyang kausapin ang binata. Hindi na kasi sila nito nagkaroon ng pagkakataon na mag-usap kanina pagkatapos nilang mananghalian. Tinulungan ni Thaddeus si Aljon sa pagkakabit ng surveillance camera sa paligid ng resthouse habang si Ricky naman ang nagbantay sa kanya.
“Ano ba’ng iniisip mo?” tanong niya sa lalaki.
“Ang nangyari kanina,” mahinang sagot nito.
Lihim siyang napangiti. Kung ganoon pareho sila ng iniisip ng lalaki. Iyon mismo ang gusto niyang pag-usapan.
“I’m sorry,” ani ng binata bago pa siya makapagsalita.
“Sorry saan?”
“Hindi ko dapat ginawa 'yon,” anito at napahinga ng malalim.
“Ang alin?” naguguluhan niyang tanong. “'Yong paghalik mo sa akin o iyong sinabi mong mahal mo ako?”
“Both,” mahinang sabi nito.
Hindi siya nakaimik.
“Wala akong intention na sabihin iyon, masyado akong nadala ng nararamdaman ko kanina,” ani pa ng binata.
“H-hindi kita maintindihan,” nasabi niya. Pakiramdam niya ay nagsisikip ang dibdib niya. Ang gusto sana niya ay linawin ang namamagitan sa kanila pero sa sinasabi ng binata ay parang lumabo pa ang lahat.
Tiningnan siya ng binata. “Ayokong isipin mo na dala lang ito ng sitwasyon mo… natin. We’ve been together for quite some time at imposibleng hindi tayo ma-attract sa isa’t-isa, 'di ba?”
Napatango siya.
“Alam kong hindi ako puwedeng ma-involve sa 'yo,” ani ng lalaki at muli itong tumingin sa kawalan.
Napatitig siya rito. “So, ano’ng ibig mong sabihin? Kalimutan na lang natin ang nangyari kanina?”
Hindi ito kumibo.
“After you kissed me and told me that you love me, gusto mong kalimutan ko na lang 'yon?” she pressed on.
“Alam ko kung saan ang lugar ko,” mahinang sabi nito na hindi siya tinitingnan.
Hindi niya inaalis ang tingin dito habang pinag-iisipan mabuti ang ibig sabihin ng huli nitong sinabi. Maya-maya ay marahan siyang napailing. “Is it about my social status?”
Hindi nagsalita ang binata.
“Love knows no boundaries, Thaddeus. At kung ang iniisip mo naman ay ang sasabihin nina Papa at Mama, hindi sila katulad ng iniisip mo,” aniya pagkaraan ng ilang sandali na hindi nagsalita ang lalaki.
Muli siyang tiningnan nito. “Hindi lang iyon. Paige, hindi ko kayang ibigay sa'yo ang buhay na nakasanayan mo. Hindi rin madali na magkaroon ng ka-relasyon na katulad ko, alam mo kung ano’ng klase ng buhay mayroon ang mga tulad ko, 'di ba?”
Hindi siya umimik.
“At isa pa, alam kong—”
“Ang dami mong alam,” putol niya sa sinasabi ng lalaki. “What if I tell you that I really don’t care sa mga negative na sinasabi mo?”
Hindi nakapagsalita ang binata.
“Thaddeus, I also feel the same way for you… Mahal din kita. Puwede bang huwag na lang nating isipin ang mga inhibitions na iyon. It doesn’t really matters naman, 'di ba? Ang importante 'yong nararamdaman natin para sa isa’t-isa,” dagdag niya.
Kumilos ang kamay ng binata at hinaplos nito ang pisngi niya. Napahinga ito ng malalim at marahang tumango. Napangiti naman siya. Kinabig siya ni Thaddeus palapit dito. Isinandal niya ang ulo sa dibdib nito habang iniyakap naman nito ang isang braso sa kanya.
Muling nanahimik ang binata, tanging ang payapang kabog ng dibdib lamang nito ang kanyang naririnig. Iniangat niya ang mukha para tingnan si Thaddeus, nakatingin rin ito sa kanya. Ngumiti ito at hinagkan ang noo niya.
“I love you,” paanas na sabi nito.
“I love you, too,” napapikit niyang sabi.
Naramdaman niya ang paglapat ng mga labi nito sa kanya. Masuyo ang halik ng binata na hindi lang sa puso niya tumatagos kundi pati sa kanyang kaluluwa. Ngayon alam na niya ang pakiramdam ng tunay na nagmamahal. Buong puso niyang tinugon ang halik nito.
“HINDI ka ba talaga nagbibiro?” tanong ni Paige sa kanya.
Napangiti lang si Thaddeus habang hinihintay na makababa si Paige sa hagdanan. Natutuwa siyang pagmasdan ang excitement sa mukha ng babae. Kanina habang nag-aalmusal sila ay sinabihan niya itong magbihis dahil lalabas sila at sasamahan si Manang Belen sa pamamalengke. Limang araw na sila dito sa Bataan at alam niyang naiinip na si Paige kaya naisip niyang ilabas naman ito kahit sandali.
“Paalis na nga tayo, 'di ba?” ani naman niya. “Itali mo 'yang buhok mo at isuot mo itong sumbrero.”
Mabilis siyang sinunod ng dalaga. Hindi maalis ang ngiti sa mukha nito. Iniayos niya ang pagkaka-suot nito ng sombrero bago sila magkasamang lumabas patungo sa naghihintay na sasakyan. Kasama rin nila si Ricky, si Aljon naman ang maiiwan sa resthouse para siguruhing walang makakalapit o makakapasok na ibang tao roon. Magkasama sa backseat sina Paige at Manang Belen at siya naman ay nasa unahan katabi ni Ricky.
“May dala ka bang sunglasses?” tanong niya sa dalaga habang nasa daan sila.
“Yes,” masiglang tugon ni Paige na itinaas pa ang tangan na salamin at saka iyon isinuot.
Sandali niyang pinagmasdan ang dalaga. Mukha namang hindi na mahahalata ng mga tao kung sino ito. Simpleng itim na t-shirt na maluwag sa katawan ang suot ng babae at maong na shorts, naka-tsinelas lang rin ito.
“Manang Belen, kayo na ang bahala kay Paige ha,” baling niya sa matandang babae na katabi ni Paige. “Aalalay naman kami ni Ricky sa inyo.”
Tumango lang ang matanda at tipid na ngumiti.
“Tandaan ninyo kapag may nagtanong kung kaano-ano ka ni Manang Belen, pamangkin ka niya okay?” aniya na nakatuon ang mata kay Paige. “Huwag mo ring masyadong itataas ang mukha mo para hindi ka nila mapagmasdan mabuti. Kumilos ka lang ng natural.”
“Relax,” natatawang sabi ni Paige. “Alam ko kung ano ang gagawin ko kaya don’t worry, okay?"
Sandali siyang natahimik pagkatapos ay napangiti din siya. Nangako si Paige sa kanya na hindi ito gagawa ng bagay na alam nitong ikapapahamak ng sarili.
Ilang sandali pa ay narating na nila ang pamilihan ng Morong, Bataan. Halos sabay-sabay silang bumaba. Matalas ang mga mata na inilibot nila ni Ricky ang tingin sa paligid. Tinanguan siya ni Ricky bago ito naunang naglakad papasok ng palengke, sumunod naman dito sina Manang Belen at Paige. Muli niyang inilibot ang tingin bago siya sumunod sa mga ito.
Tulad ng napag-usapan ay may konting distansiya sila ni Ricky kina Paige. Hinayaan niyang mamili ang dalaga kasama si Manang Belen. Hindi niya inaalis ang tingin sa mga ito. Kita niya ang kakaibang sigla ni Paige habang itinuturo ni Manang Belen rito ang iba’t-ibang klase ng isda.
“Ano ba ang gusto mong kainin mamaya, Hija?” narinig niyang tanong ni Manang Belen kay Paige.
“Kayo na ho ang bahala, Manang. Pero mamili po tayo ng pang-tinola, ipagluluto ko po kayo no’n,” tugon ni Paige rito.
Pasimple siyang lumapit kay Paige. “Marunong ka bang magluto no’n?” pabulong niyang tanong. Pigil niya ang mapangiti dahil kahit na nakasalamin ang dalaga at hindi niya nakikita ang mata nito alam niyang naniningkit ang mga iyon dahil nanghahaba na nga ang nguso nito.
“Hindi ba ipinagluto na kita. Nagustuhan mo naman, 'di ba?” bulong rin nito.
“May sinabi ba ako na nagustuhan ko? Napilitan lang kaya akong ubusin 'yon,” pabiro niyang sabi.
Hindi umimik ang babae.
Hanggang sa matapos silang mamili ay hindi umiimik ang dalaga. Palabas na sila ng palengke nang sabayan niya sa paglalakad si Paige.
“Galit ka ba?” tanong niya.
Hindi sumagot ang babae.
“Hindi ko naman alam na mabilis ka palang mapikon,” hindi niya mapigilan ang mapangiti.
“Sabihan ka ba naman ng boyfriend mo na pinagtiyagaan lang niya ang pinaghirapan mong lutuin para sa kanya, hindi ka ba mapipikon?” mahihimigan ang pagtatampo na sabi ni Paige.
Bago pa siya makapagsalita ay mabilis nang naglakad si Paige palayo sa kanya. Naiiling na napasunod siya rito pabalik sa sasakyan nila.