Chapter Seven

2011 Words
“THANK you po, Miss Colmenar,” malugod na sabi ni Mrs. Mendrez kay Paige at kinamayan pa siya pagkatapos niyang magbigay ng speech para sa 10th foundation day ng organization ng mga ito na Mother Theresa’s Helping Hands. “Walang anuman ho. Alam naman ho ninyong buo ang suporta ng pamilya namin sa mission ng organization ninyo. Sayang nga lang ho kasi hindi nakapunta rito sina Mama at Papa,” nakangiti niyang sabi. “Ayos lang ho iyon, nakarating naman ho kayo,” ani ng isa sa mga opisyal ng organization. Naupo na siya sa isang lamesa kasama ang iba pang mga guests. Iginala niya ang paningin sa paligid para hanapin si Thaddeus pero hindi niya makita ang binata. Napakunot ang noo niya, habang patuloy siya sa paglinga-linga. Mahigit dalawang linggo na silang nagkakasama ng lalaki at unti-unti na silang napapalapit sa isa’t-isa. Mabait ang binata, at para nga siyang nagkaroon ng bagong kaibigan sa katauhan nito. Unti-unti na rin siyang nasanay sa presensiya at sa pagsunod-sunod nito kung saan man siya pumunta. Katunayan, pakiramdam talaga niya ay ligtas siya kapag nasa tabi niya ang binata, at hindi na siya mapalagay kapag wala ito. “Looking for someone?” Napapitlag siya sa gulat nang may magsalita sa may tainga niya. Napatingin siya kay Thaddeus at pakiramdam niya ay nanigas ang buong katawan niya nang makita kung gaano kalapit ang nakangiting mukha ng binata sa kanya. Dama niya ang biglang pagbilis ng tahip ng dibdib niya. “Ano ka ba? Bigla ka na lang sumusulpot,” aniya na iniiwas ang tingin at bahagyang inilayo ang namumulang mukha mula rito. Naupo ang lalaki sa bakanteng upuan sa kanyang tabi at iniabot sa kanya ang cell phone niya. “Si Akira, tumatawag kanina pa. Mag-return call ka raw kapag hindi ka na busy.” Nagtatakang kinuha niya ang cell phone sa lalaki at tumayo siya. Lumayo siya at saka tinawagan si Akira. Napapakamot siya sa kilay habang pinakikinggan ang sinasabi ng kaibigan, pero bago niya putulin ang linya ay pumayag siya sa imbitasyon nito. Tahimik na bumalik siya sa lamesa. “Magpapaalam na ako kina Mrs. Mendez. Pumunta na tayo ng opisina. Mauna ka na sa kotse.” Tumalima naman si Thaddeus. Nilapitan niya si Mrs. Mendez at nagpaalam na rito pati na rin sa ibang mga kakilala niyang guests na naroon. Ilang sandali pa ay lumabas na siya ng restaurant at pumunta sa parking lot kung saan naghihintay si Thaddeus sa kotse. “May lakad ka ba this Saturday?” maya-maya ay tanong niya habang nasa daan sila. Sinulyapan siya ng lalaki. “Off ko iyon, 'di ba?” Hindi naman siya nakaimik. Iniiwas niya ang tingin sa lalaki at ibinaling iyon sa labas ng kotse. “May lakad ka ba?” tanong ni Thaddeus pagkaraan ng ilang sandali na pananahimik niya. “Sana. Nagyayaya kasi si Akira na mag-night swimming kasama 'yong ibang mga high school batchmates namin. Pero hindi naman ako puwedeng magpunta doon nang ako lang mag-isa,” tugon niya at napahinga ng malalim. “Pero puwede din naman siguro akong magpasama sa ibang bodyguard ni Papa.” Hindi nagsalita ang lalaki. Ilang sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Narinig niya ang pagbuga ng hangin ng binata. “Okay, sasamahan kita. Saan ba kayo pupunta?” Napatingin siya rito, bakas ang tuwa sa kanyang mga mata. Mas gusto kasi talaga niya na si Thaddeus ang kasama keysa sa ibang bodyguard ng ama niya, komportable na kasi siya sa lalaki. “Really?” “Hindi, nagbibiro lang ako… kasasabi ko lang, 'di ba? Gusto mo paulit-ulit?” pa-kengkoy na sabi ng lalaki. Napatawa siya ng malakas dahil sa itsura nito. “Thanks.” HINDI mapigilan ni Thaddeus ang sarili na mapangiti habang sinusundan ng tingin si Paige na mabilis na naglalakad palapit sa mga kaibigan nito. Kanina pa niya nakikita ang tuwa sa mukha ng dalaga, halatang excited ito na makasama ang mga kaibigan noong high school. Sa mga araw na nakasama niya ang babae ay unti-unti niya itong nakilala. Sa likod ng compose at strong personality nito na ipinapakita sa lahat ng mga nakakasalamuha, naroon ang isang simpleng babae na gustong-gustong maging malaya. Naiintindihan niya ito, gusto nitong maging simple lamang pero sa uri ng buhay at estado ng pamilya nito sa bansa ay malabo iyon. “Hoy! Baka gusto mo naman akong tulungan na ibaba ang mga gamit na bitbit ng amo mo,” untag sa kanya ni Ron na nasa may likod ng kotse at ibinababa na ang mga dala nila. Isinama niya si Ron sa lakad nila dito sa Pagbilao, Quezon para may makasama siya sa pagbabantay kay Paige. Isinara na niya ang pinto ng kotse at nilapitan ang kaibigan. “Mukhang nahanap mo na ang nanay ng mga magiging anak mo, ah” ngingisi-ngisi na tukso sa kanya ni Ron. Kunot-noong tiningnan niya ang kaibigan. “Ano’ng sinasabi mo?” “Hoy, Pare, ilang taon na rin tayong magkaibigan. Ilang babae na rin ang nakilala mo doon sa mga taon na iyon, pero wala kang tiningnan na katulad ng ginagawa mo kanina pa kay Miss Paige,” pakli nito. “Ano’ng akala mo sa akin, hindi marunong makiramdam?” Hindi siya nagsalita. “Tinamaan ka na ano?” kantiyaw pa nito. “Sira-ulo!” walang kangiti-ngiting sabi niya. “Ikaw ang sira-ulo! Ako pa ba ang lolokohin mo? Pareho tayong lalaki kaya alam ko na tama ako!” anito na binuhat palabas ang isang kahon na may lamang mga red wine bago isinara ang trunk ng kotse. Magkasama silang naglakad patungo sa kinaroroonan ng grupo nila Paige. Bitbit ni Ron ang kahon habang siya naman ay dala ang mga gamit para sa pagtatayo ng tent. Habang naglalakad sila ay tahimik niyang tinitingnan at pinakikiramdaman ang paligid. Nagsisimula nang dumilim ng oras na iyon at ilang sulo na rin sa paligid ng beach ang may sindi. Inihatid ni Ron ang dala nitong kahon sa malaking cottage na inuokopa ng grupo nila Paige. Sinimulan na niyang itayo ang dalawang tent, isa ay para sa kanila ni Ron at ang isa naman ay kay Paige. May mangilan-ngilan ring tent na naroon na para naman sa iba pang mga kaibigan ng dalaga. Agad rin namang sumunod si Ron para tulungan siya. “Noong una panay ang reklamo mo na ayaw mo sa assignment na ito,” ani Ron. “Pero ngayon mukhang nag-e-enjoy ka na, ano?” Hindi niya pinansin ang sinasabi ng lalaki, patuloy lang siya sa ginagawa. “Kung sabagay hindi naman kita masisisi. Maganda si Miss Paige,” dagdag pa nito na ayaw talagang paawat sa panunukso sa kanya. “Tumigil ka nga sa iniisip mo,” saway niya sa lalaki. “Bakit? Hindi ka ba attracted sa kanya?” anito na kinindatan pa siya. Nangingiting napailing siya. Tama ang kaibigan niya, kahit sino ay magugustuhan ang dalaga. Sino ba ang hindi ma-aattract kay Paige? Bukod sa pisikal nitong katangian ay mararamdaman mo rin ang kababaan at kabutihan ng kalooban nito. “Mukhang napapalapit ka na rin sa kanya,” komento pa ng kaibigan niya. “Oo. Sa araw-araw ba naman na magkasama kami, siyempre naging magkaibigan na rin kami,” aniya naman. Mahina siyang hinampas ng hawak na pole ni Ron. “Trenta anyos ka na may nalalaman ka pang ‘magkaibigan’. Huwag ka nang tumanggi.” “Bahala ka na nga sa gusto mong isipin. Kaibigan ang turing ko kay Paige,” aniya na idiniin pa ang mga katagang iyon. “Ikaw na ang nagsabi, trenta na ako… alam ko kung ano at saan ang lugar ko. Bodyguard niya ako, at ang dahilan kung bakit narito ako ay para bantayan siya.” Napakibit-balikat ang lalaki. “Pero puwede ka namang sumalakay paminsan-minsan.” “Gago!” naiiling na palatak niya. “BUWISIT!” palatak na sabi ni Akira pagkatapos ay bakas ang bugnot na isinilid sa bag nitong hawak na cell phone. Kunot-noong napatingin rito sina Paige at Moira. Nasa public comfort room sila ng Lukang Beach at nagpapalit na ng damit pang-swimming. Kanina pa nila napansing mainit ang ulo ni Akira. Ito ang nag-organize ng beach party at get together na iyon pero mukhang hindi ito nag-i-enjoy. “Ano ba’ng problema mo?” tanong ni Moira kay Akira habang isinisilid nito sa sariling bag ang mga hinubad na damit. “Wala!” busangot na sabi naman ni Akira. “Kanina pa hindi maipinta 'yang mukha mo tapos sasabihin mong wala?” pakli ni Paige sa kaibigan niya. “He’s not coming,” ani Akira na inalis sa pagkakapusod ang buhok. “Marami pa raw siyang kailangang asikasuhin kaya hindi siya makakasunod rito.” “Who?” kunot-noong tanong ni Moira. “My date,” sagot ni Akira na sa tono ay parang sinasabing napaka-obvious ng sagot sa tanong ng kaibigan nila. “Sino? Si Michael?” ani Moira na ang tinutukoy ay ang hunk model na huli nilang nabalitaang ka-date ni Akira noong nakaraang buwan. “Duh?! Dinispatsa ko na iyon last week pa!” ani Akira at nagpatiuna na ito sa paglabas ng comfort room. Sumunod naman agad rito si Moira. Bago siya sumunod sa dalawa ay mabilis niyang pinasadahan ng tingin ang sarili sa salamin. Itinali niya ang lampas-balikat na itim na itim niyang buhok at saka lumabas. “So you’re saying na may bago ka na namang play thing ngayon?” nakatikwas ang kilay na sabi ni Moira kay Akira. “Parang ginagawa mo na talagang hobby ang magpalit-palit ng lalaki.” “Excuse me,” mataray na sabi ni Akira. “It’s not my fault kung hinahabol nila ako. At saka ano bang problema mo? Basta ang usapan naman natin walang magpapa-under at iiyak ng dahil sa lalaki, 'di ba? At least ako stick pa rin ako sa usapan natin na iyon hanggang ngayon, eh, ikaw?” “Tama na nga iyan,” agad niyang singit bago pa makapagsalita si Moira. Lumapit siya kay Moira at ikinawit ang kamay sa braso nito saka pasimpleng pinandilatan si Akira. Napairap naman ang huli. "Sino na naman ba ang bago mong kinalolokohan?” tanong niya kay Akira habang mahinang hinila si Moira pabalik sa kinaroroonan ng mga kasama nila. “His name is Raizen Wayne,” ngiting-ngiting sagot ni Akira. “Foreigner?” sabay nilang tanong ni Moira. “Hindi,” mabilis na tugon ni Akira. “Filipino-chinese. Anak siya ng may-ari ng Hovert Construction Company." Tiningnan ito ni Moira. “Hindi ba’t iyon ang ikinuwento mo noon sa akin na imi-meet mo dahil may proposal ang company nila sa inyo?” “Exactly,” ani naman ni Akira. “Kapag natuwa ako sa kanya, baka nga maisip ko na i-persuade si Dad na makipag-partner sa kanila. But since binuwisit niya ako ngayon magdusa siya. Asa pa siya na tutulungan ko siya na makumbinse si Daddy.” Nagkatinginan sila ni Moira pero kapwa silang hindi nagsalita. Ilang metro ang layo nila sa kinaroroonan ng iba nang muling magsalita si Akira. “Well anyway, mukhang hindi naman masasayang ang sexy swimwear ko.” Napatingin siya kay Akira at nakita niya na nagniningning sa kapilyahan ang mga mata at ngiti nito. Sinundan niya ang direksiyon na tinitingnan ni Akira at nakita niya si Thaddeus na nakatayo sa 'di kalayuan kausap si Ron. Walang suot na pang-itaas ang binata kaya lantad na lantad ang matipuno nitong dibdib. “Andiyan naman si NBI inspector-s***h-bodyguard, 'di ba? Siya muna ang pagti-tripan ko,” ani Akira bago ito nagpatiuna sa paglakad patungo sa kinaroroonan ni Thaddeus. “Puwede bang sabihin mo sa akin na walang sira ang kaibigan nating iyon. Kasi konti na lang iisipin ko nang bipolar yan! Kanina ang init ng ulo, ngayon biglang nagbago ang mood,” naiiling na sabi ni Moira. Hindi siya sumagot. Nakasunod lang ang tingin niya kay Akira. Hindi niya maintindihan kung bakit parang nakakaramdam siya ng inis sa babae habang tinitingnan niya itong naglalakad palapit kay Thaddeus.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD