Chapter Eight

1376 Words
“HEY!” NARINIG ni Paige ang tinig ni Thaddeus. Nilingon niya ito at tipid na nginitian. Naupo ang binata sa tabi niya at tiningnan din ang bon fire na kanina pa niya tinititigan. Narinig niya ang paghinga nito ng malalim pagkatapos ay tiningnan siya. “Bakit 'andito ka? Bakit hindi ka makisaya sa mga kaibigan mo?” tanong sa kanya ng lalaki na inginuso ang ilan niyang mga kaibigan na nagsi-swimming. “Pagod na akong mag-swimming, eh. Ayoko rin namang makihalo doon sa mga nag-iinom. I don’t drink much,” aniya na inayos ang pagkakapatong ng towel sa kanyang likod. Bahagya pa rin siyang nilalamig kahit nakapagpalit na siya ng damit at ngayon ay naka-t-shirt at shorts na siya. Napatango-tango lang ito. Namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Palagay niya ay tulad niya nakikiramdam din ang binata. Kahit hindi siya nakatingin kay Thaddeus ay nararamdaman niyang nakatuon ang tingin nito sa kanya. “Nasaan nga pala si Ron?” hindi nakatiis na basag niya sa katahimikan. Nang ibaling niya ang mga mata rito ay agad ding nagbawi ng tingin ang lalaki. “Kasama nila Akira," tipid nitong sagot. Napatango-tango siya. Tahimik niyang pinagmasdan si Thaddeus habang nakatingin ito sa malawak na karagatan. “Can I ask you something?” maya-maya ay untag niya rito. Sinulyapan siya nito. “Sure. Tungkol saan?” “Ang sabi kasi ni Ron, isa ka sa magagaling na investigator ng NBI. Madalas daw kayong magkasama sa mga kasong hawak at malaki raw ang nagagawa mo to solve those cases. Nagtataka lang ako, why did you accepted this assignment?" Sandaling hindi nakaimik ang lalaki, maya-maya ay marahas itong napabuga ng hangin. “Wala naman akong magagawa kundi sumunod sa orders ng superior ko, 'di ba? Lalo pa at ang Ninong ko ang nakiusap sa akin, so talagang hindi ako makakatanggi.” “Hindi mo ba nami-miss 'yong mga dati mong ginagawa?” tanong niya na inilapit sa may dibdib ang mga tuhod at niyakap iyon. Hindi pa rin niya inaalis ang pagkakatitig sa mukha nito. Hindi nakakasawang pagmasdan ang mukha ni Thaddeus, lalo na ang mga mata nito. Hindi nagsalita ang lalaki. “Nakaka-boring siguro na bantayan ako, 'noh?” Napapangiti na sinulyapan siya nito. “Medyo, lalo noong first week na halos hindi mo ako kinakausap.” “Sabagay,” kibit-balikat niyang sabi. “Pero mas boring pa rin siguro ang buhay ko.” “Nabo-bored ka? You have everything in life pero bored ka pa?” Malungkot siyang ngumiti. “Alam ko na alam mo ang ibig kong sabihin.” Hindi nakaimik ang binata. Naghugot ito nang malalim na hininga at saka marahang tumango. “All my life I have to keep up with their expectations. I can’t afford to make any mistake kasi makaka-apekto iyon hindi lang sa akin, kundi sa pamilya ko. Kaya kung nabo-bored ka sa pagbabantay sa akin, ano pa kaya ako, 'di ba?" Nanatiling tahimik ang binata at nakatingin sa malayo. “Gawin kaya nating medyo exciting ito,” maya-maya ay sabi niya. Kunot-noo siyang tiningnan ng lalaki. “What do you mean?” “Minsan tatakasan kita para naman mawala ang boredom natin pareho. Just like what happened noong nag-jogging ako sa circle,” pilya ang pagkakangiti na sabi niya. “Don’t even think about it,” naiiling na sabi ng binata. Napatawa siya ng malakas. “I’m just kidding. Siyempre ayoko namang magka-heart attack ang parents ko.” Hindi nagsalita ang lalaki pero ilang sandali rin siya nitong tinitigan pagkatapos ay napabuga ng hangin. MADALING araw na natapos ang kasiyahan at mabilis na nakatulog si Paige. Halos buong gabi ay nagkuwentuhan sila ni Thaddeus. Marami siyang nalaman tungkol sa buhay ng binata at lalo siyang humanga rito. Bumangon siya at nag-inat ng katawan. Maliwanag na ang paligid at nang tingnan niya ang oras sa kanyang cell phone ay nakita niyang pasado alas siyete na ng umaga. Tulog na tulog pa rin si Moira, ang babae ang kasama niyang natulog sa tent. Marahan niyang niyugyog ang balikat ng kaibigan upang magising ito. “Bumangon ka na,” aniya sa kaibigan. “Hindi ba sabi mo alas otso tayo bibiyahe pabalik ng Manila? Past seven na.” Pupungas-pungas na bumangon si Moira. “Let’s fix our things muna before natin gisingin sila Thaddeus,” aniya na sinimulan ng isilid sa bag ang mga gamit niya. Ilang sandali pa ay lumabas na sila ng tent para pumunta sa comfort room at makapagbihis. Ilan rin sa mga kasama nila ay gising na at naghahanda na sa pag-alis. “Mukhang tulog pa nga sila Thaddeus at Ron. Halika na, maligo muna tayo bago natin sila gisingin,” aniya na nagpatiuna na sa paglalakad. Hindi pa sila nakakalayo nang makita niya sa tabing-dagat si Thaddeus. Nakaupo ito sa buhangin at may hawak-hawak na inumin at may katabi itong babae, isa sa mga ka-klase nila noon. Hindi niya maintindihan ang pagkukutkot na naramdaman sa kanyang dibdib habang nakatingin siya sa mga ito. “Oh bakit ka natigilan?” nagtatakang tanong ni Moira. Hindi siya sumagot kaya sinundan ng babae ang kanyang tingin. “Napa—” Bago pa matapos ni Moira ang sasabihin ay mabibilis ang hakbang na iniwan niya ang kaibigan. Napasunod ito sa kanya. “Wait lang, ang bilis mo namang maglakad, eh,” reklamo ni Moira. Hindi niya ito pinansin tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad. Agad niyang tinungo ang shower area. Isinabit niya ang bag at tumapat na sa shower na naroon. Narinig niya ang pagbukas ng tubig sa kabilang cubicle, naisip niyang si Moira na iyon. Ilang sandali pa ay natapos na siyang maligo. Nang makapagbihis na siya ay lumabas na siya at humarap sa malaking salamin na nasa loob ng shower room at sinimulang suklayin ang basang buhok. Lumabas na rin si Moira at tinabihan siya. Pansin niya ang pagsulyap ng kaibigan sa kanya pero hindi niya iyon inintindi. “Hindi pa daw ba uuwi sila Scarlet?” tanong niya. “Mamaya pa yata silang hapon kasabay ng iba pa nating ka-bacthmate. Kailangan ko lang talagang makabalik ngayon kasi duty ko mamayang hapon, eh,” tugon ni Moira. Napatango lang siya. “Ikaw, ano’ng mayroon?” pagkuway ay tanong ng babae. Tiningnan niya ito. “May lunch nga kami kasama ang ibang kapartido ni Papa, 'di ba?” “Alam ko, pero hindi naman iyon ang tinutukoy ko, eh,” pakli ng babae. “Ano’ng meron at biglang umasim 'yang mukha mo kanina? Parang okay ka naman kanina nang magising ka.” Hindi siya sumagot. Nahalata pala ng babae ang pag-iiba ng timpla niya. Kahit siya ay hindi rin maintindihan kung bakit ganoon ang reaksiyon niya sa nakita kanina. Kagabi pa siya nagtataka kung bakit parang may kumukurot sa dibdib niya nang makita niya na nilapitan ni Akira si Thaddeus. Am I falling for him? patanong niyang tanong sa sarili. Iyon lang naman ang possible explanation doon, eh. Napailing siya. Imposible! Sa dami ng nanligaw sa kanya noon ng matagal ay hindi nahulog ang loob niya, 'tapos sa isang lalaki pa kaya na kailan lang naman niya nakasama? Pero bakit siya nagkakaganito? “Ano’ng iniiiling-iling mo diyan?” tanong ni Moira. “Wala. Ang dami mong tanong,” aniya at dinampot na ang bag at nag-martsa palabas ng pinto. “Huwag ka ngang masyadong nagsasasama kay Akira, nahahawa ka na, eh,” pakli ni Moira. Pagbalik nila sa kinaroroonan nina Thaddeus ay sinisimulan na nito at ni Ron ang pagliligpit ng tent. Sinikap niyang iiwas ang tingin sa mga mata ni Thaddeus. “Maghanap na lang tayong restaurant para doon tayo mag-breakfast. Magpapaalam na kami kina Scarlet,” aniya kay Thaddeus. “Akin na ang susi ng kotse, ako ang magda-drive.” Nagsalubong ang kilay ng lalaki. “Bakit?” “Puwede ko naman sigurong i-drive ang sarili kong kotse, 'di ba?” aniya bago pa niya napigilan ang sarili. Nakita niya ang pagtataka ni Thaddeus sa tono ng pagsasalita niya. Napansin din niya ang nagtatanong na tingin na ipinukol ni Ron kay Moira, pero hindi umimik ang babae. Tahimik na iniabot sa kanya ni Thaddeus ang susi at pagkakuha niyon ay agad rin niyang tinalikuran ang lalaki. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD